"Ikaw at ang kosmima ng apoy ay iisa na ngayon, Magissa."
"Salamat, Kokkinos."
Biglang may lumitaw na pana sa aking kamay. Gawa sa ginto ang kabuuan nito. Mayroon din itong mga detalye ng kulay pulang mga bato.
"Siguradong magiging masaya ito, Magissa!" nakangising sambit ni Despoina.
Blangko lamang ang ekspresyon ng aking mukha habang nakatingin sa kanya. Ramdam ko ang lakas na nananalaytay sa aking buong katawan dulot ng pakikipag-isa ko sa kosmima ng apoy.
"At dahil diyan, hahayaan kita na unang umatake," nang-aasar niyang sambit.
Bigla namang may lumitaw na palaso sa kabila kong kamay. Nababalutan ito ng kulay pulang liwanag. Inihanda ko na ito at itinapat sa bahaging aasintahin ko.
Nakangisi lamang sa'kin si Despoina habang hinihintay ang atake ko. Mayamaya'y, pinakawalan ko na ang palaso.
Tumawa ng malakas si Despoina. "Sala ang atake mo, Magissa. Sigurado ka bang marunong kang gumamit--"
Napahinto siya nang maramdaman niya sigurong may umagos sa kanyang mukha. Halatang nagulat siya kaya't napahawak siya rito. May daplis ng palaso ko sa kanyang pisngi.
Hindi ko alam ngunit napangiti ako nang makita ko ang madilim na ekspresyon sa kanyang mukha nang makita niya ang kaniyang dugo sa kanyang kamay.
Bigla na lamang siyang naglaho sa kanyang kinatatayuan, at nabigla ako nang bigla siyang lumitaw sa aking harapan.
Sa gulat ko, 'di ako nakaporma agad kaya't inatake niya 'ko ng bola ng kidlat sa aking sikmura dahilan upang tumalsik ako sa pader ng templo.
Sa aking pagbagsak ay agad akong nakabangon dahil malakas pa ako. Kaya naman 'di na 'ko nag-aksaya pa ng pagkakataon at inatake ko siya gamit ang aking pulang palaso nang sunod-sunod.
Ang ilan ay naiilagan niya. Mabilis talaga siyang kumilos na parang kidlat. Ngunit ang ilan ay dumadaplis sa kanya. May mga galos na siyang natamo sa kanyang mga braso at binti.
"Iyan lang ba ang kaya mo, Magissa? Panay daplis lamang," nanunuya niyang sambit.
"Ako naman ngayon!" sambit niya sabay taas ng kanyang isang kamay sa ere. At mayamaya'y naglabas ito ng kulay lilang kidlat at at tumatama ang mga ito sa lupa at nabibiyak ang parte ng lupang natatamaan ng mga ito.
Tapos ang kidlat ay mistulang naglalakad papunta sa'kin, ngunit nakailag ako kaagad na para bang may sariling isip ang aking katawan.
Nailagan ko na sana ang lahat ngunit natamaan pa rin ako ng isa. Tinamaan ako sa aking binti kaya't natumba ako bigla.
Nang makita niyang natumba ako ay humalakhak na naman siya ng malakas at inatake na naman niya ako ng mga bola ng kidlat ng sunod-sunod.
Dahil 'di pa ako nakakatayo, bigla kong naitaas ang mga braso ko nang pa-ekis kaya't nakagawa ako ng pulang harang na pumrotekta sa'kin mula sa mga atake ni Despoina.
Matapos nang sunod-sunod na atake niyang 'yon sa'kin ay agad na akong tumayo at tiniis ang sakit ng tama ng atake niya sa binti ko.
"Magissa, kaya mo rin 'yan."
"Kaya ko rin 'yan," bulong ko sa aking sarili. Itinaas ko ang isa kong kamay sa ere. At mayamaya'y may mga bola ng kulay pulang liwanag ang lumitaw sa buong paligid. Tapos ay nagtipon ang mga ito kay Despoina.
Nang masiguro kong natakluban na ang kanyang buong katawan ay inikom ko ang aking nakataas na palad sabay sumabog ang mga ito, kasama si Despoina.
Sa lakas ng pagsabog na iyon, halos mawasak na ang paligid at natakluban na rin ng usok. At nang tuluyan nang mawala ang usok sa paligid, hindi ko na nakita pa si Despoina.
Natalo ko na ba siya? Hindi ko na siya makita pa sa paligid, kahit saan. Ni kahit bakas niya ay walang naiwan. Nanalo na yata ako.
Panatag na sana ako. Nang biglang may narinig akong humahalakhak. Kaya't nagpalinga-linga ako sa paligid upang hanapin ang pinagmumulan ng halakhak na iyon.
May nakita akong itim na usok sa harapan. Naging paikot ito at biglang lumitaw mula dito si Despoina pagkawala ng usok.
"'Yon lang ba ang kaya mo? Ha, Magissa?!" nanunuya niyang sigaw sabay taas na naman niya ng kanyang isang kamay sa ere.
Tapos ay biglang lumakas ang hangin sa paligid na parang may bagyo. Halos lahat ng bagay sa paligid ay nililipad na.
Biglang may nagtipon na paikot na kulay lilang kidlat sa harapan namin. Palaki ito nang palaki habang pabilis nang pabilis din ang ikot nito.
Halos nakatulala lamang ako sa nakikita ko. Ano nang gagawin ko ngayon?
"Kaya mo rin 'yan, Magissa."
Si Kokkinos. Tama. Kaya ko rin 'yan. Ganap ko nang taglay ang kapangyarihan ng kosmima ng apoy pagkat kami'y iisa na ngayon.
Itinaas ko ring muli ang isa kong kamay. Lalong lumakas ang ihip ng hangin sa paligid. Tapos ay bigla na lang may paikot na apoy na lumitaw sa paligid at nagtipon ito papunta sa aking harap at unti-unti itong nabuo bilang isang buhawi ng apoy.
Halos magkasing-laki na sila ng buhawing gawa ni Despoina na gawa naman sa kulay lilang kidlat. Tapos ay nag-umpugan na ang dalawang buhawi.
Nakakapagdulot ito ng malakas na banggaan sa isa't isa kaya't nakagagawa ito ng malalakas na pagsabog, makakapal na usok at liwanag kada magbabanggaan ang dalawa.
Matira ang matibay. Hindi ako magpapatalo sa kanya. Sa banggaan ng dalawang higanteng buhawi, mayamaya'y sabay silang nawasak at naglaho. At naging dahilan ito ng paglitaw ng isang nakasisilaw na liwanag dulot ng malakas nitong pagsabog. Tapos ay nabalutan din ang paligid ng isang makapal na usok matapos no'ng liwanag na halos wala ka nang makita pa.
At dahil din sa lakas ng pagsabog, tumalsik ako bigla sa pader ng templo. Napasalampak ako sa sahig sabay sandal sa pader.
Napayuko ang aking ulo sabay hingal. Napapagod na nga ba'ko? Si Despoina? Ano nang nangyari sa kanya?
Pag-angat ko nang aking ulo, nabigla ako nang makita kong may papalapit sa aking tali na gawa sa kulay itim na kidlat. Walang anu-ano'y pumulupot na lamang ito sa aking katawan. Napaiktad ako dahil sa higpit.
Nakita ko sa kabilang dulo nitong tali si Despoina na nakangisi sa akin. Tapos ay hinila niya ang tali at pinagbalibagan ako sa paligid ng templo.
Napapdaing at iktad ako sa bawat paghampas ng katawan ko sa mga pader ng templo.
Nang ihagis naman niya ako paitaas ay napapikit na lamang ako sabay tanggal niya no'ng tali.
Humalakhak na naman siya ng ubod ng lakas. Bago pa ako tuluyang dumeretso ng bangga sa kisame ay pinigilan ko na ito gamit ang aking kamay.
"Ngayon na," bulong ko sa sarili ko.
"Teka. A-ano ito?" taranta niyang tanong. May mga kulay pulang liwanang na nakakabit sa mga pulso, binti, bewang, at leeg niya.
"Hindi ako makagalaw! Anong--" Taranta't galit na siya at nagpupumilit na pumiglas.
Habang dahan-dahan akong nahuhulog pababa na una ang ulo ay nagtagpong muli ang aming paningin.
"Iyan ang bunga ng pagkawasak mo sa aking buhawi ng apoy, Despoina," sambit ko.
Tiningnan niya 'ko nang may labis na galit na para bang pinapatay na 'ko ng mga matatalim niyang mga titig at mistulang 'di makapaniwala sa nagawa ko sa kanya.
Tapos ay inilabas kong muli ang aking pana. "Tapos na 'to, Despoina."
Pinakawalan ko ang aking palaso asintado sa kanyang dibdib. Walang mintis kong tinamaan ang parteng nais kong tamaan bago ako tuluyang makababa sa lupa nang nakatayo.
Lumabas ang kulay itim niyang dugo sa parteng tinamaan ko ng palaso, at may tumulo din mula sa kanyang bibig.
Nakikita ko ang panghihina niya. Unti-unti na siyang nanghina at nanlambot. Kaya naman napaluhod siya. Tapos ay bumagsak na rin siya padapa sa lupa.
Ilang sandali lamang ay biglang naging usok ang katawan ni Despoina at unti-unting naglaho ang itim na usok sa hangin.
"Natalo ko na ba siya sa pagkakataong ito?" tanong ko sa aking sarili.
"Binabati kita, Magissa."
"Kokkinos!"
"Binabati kita sa matagumpay mong paggamit ng kapangyarihan ng kosmima ng apoy. Ikaw ngayon ay ang Magissa ng Fotia."
"Magissa ng...Fotia?"
"Oo. Ang pangalan ng kosmima ng apoy ay Fotia. Kung nais mong makipag-isang muli dito, banggitin mo lamang ang kanyang pangalang, Fotia. At kayo'y magiging isa muli."
"Maraming salamat, Kokkinos."
"Aking karangalan, Magissa. Hanggang sa muli."
Siya nga pala. Si Alexeus!
Agad kong nilapitan ang kanyang bangkay na nakahimlay sa may altar. Pagkalapit ko'y lumuhod ako sa kanyang tabi at hinawakan ang kanyang kamay. Malamig na ito at wala nang pulso. Muli na namang umagos ang mga luha sa aking mga mata.
Paano naman maibabalik ang buhay ni Alexeus? Kayang manggamot ng kosmima ng tubig ngunit hindi ang bumuhay ng namayapa na.
Tuloy lang ako sa pagluha habang hawak-hawak nang mahigpit ang kanyang kamay. Sa isang iglap naman ay bigla nang bumalik sa dati ang aking anyo.
Nakaramdam ako ng paghihina kaya't bumagsak na lamang ako bigla sa tabi ng kanyang walang buhay na katawan.