Minulat ko ang aking mga mata at nakita kong nakahiga ako sa kawalan. Wala akong makita sa paligid kundi puro puti. Ano bang ginagawa ko dito?
Bumangon ako mula sa aking pagkakahiga. Sa 'di kalayuan, may natanaw ako.
Tinititigan kong mabuti kung sino 'yon. Oo, sino. Dahil nakikita kong tao naman ang nakatayong 'yon.
Nakatalikod siya. Pero, nagiging pamilyar na sa akin unti-unti ang hilatsa niya.
Oo, tama. Kilala ko siya. Mayamaya'y humakbang siya. Naglalakad siya papalayo. Kaya't humakbang na rin ako. Pakiramdam ko nais ko siyang sundan.
Pero, bakit gano'n? Unti-unti siyang naglalaho. Binilisan ko tuloy ang lakad ko. Hindi maaari. Walang anu-ano'y, may pumatak na luha mula sa aking mata.
'Wag kang maglaho! 'Wag mo kong iwan!
Sandali lang!
Biglang dumilat ang mga mata ko. Nakita kong nakahiga ako sa tabi ng katawan ni Alexeus. Nandito pa rin kami sa templo. Napaisip tuloy ako. Anong ibig sabihin ng panaginip na 'yon? Kung panaginip nga bang matatawag 'yon.
Napansin ko ring hawak-hawak ko pa rin ang kamay niya. Malamig at walang pulso. Naramdaman kong medyo may lakas na 'ko kaya't umangat ako at itinapat ang tenga ko sa kanyang dibdib. Hawak ang kaunting pag-asang titibok itong muli.
Ngunit sino bang niloloko ko? May pag-asa nga bang maibalik pa ang buhay ni Alexeus? Umagos na namang muli ang mga luha sa aking mga mata habang nakapatong pa ang aking ulo sa kanyang dibdib.
Sabi sa'kin ni Kokkinos, maaari ko raw na maibalik ang buhay niya kapag natalo ko si Despoina. 'Di naman siguro ako lolokohin ng isang diyos, 'di ba?
Ngunit paano nga? Sana kausapin akong muli ni Kokkinos. Para naman mabigyan niya 'ko ng ideya sa bagay na 'to. Hindi ako makapapayag na ganito lamang ang sitwasyon ngayon.
Ang pag-asa kong mabuhay muli si Alexeus ay isa sa mga pinanghahawakan ko nang makipaglaban ako kay Despoina.
"Alexeus...pakiusap. Gumising ka," mahina kong hagulgol.
Hindi pa tapos ang misyon natin. Gusto pa kitang makasama sa paghahanap ng mga kosmima. Ikaw ang aking kabalyero, hindi ba?
Babalik pa tayo ng Stavron. Hinihintay ka ng pamilya mo. Pati na rin ng mga kababayan mo. Hihirangin ka pang emperador.
Ayaw kong isiping dito ka na mawawala. Ayaw kong mawala ka sa'kin sa ganitong paraan. Isa pa, may nais pa 'kong sabihin sa'yo.
Umangat ako mula sa pagkakasubsob ko sa dibdib niya. Pinahid ko ang mga luha ko sabay tumingin sa kanyang mukha.
"Alexeus. Naririnig mo man ako o hindi. Nais kong malaman mo na..." Hindi ko masabi. Naninikip ang dibdib ko. Pinangungunahan ako ng pag-iyak.
Natigilan ako nang maramdaman kong parang may paparating. Ano kaya 'yon? Parang isang nilalang na may malakas na presensya. Bigla akong kinabahan.
Ano na naman kaya ang paparating na 'yon? O sino?
Dahan-dahan akong lumingon sa aking likuran dahil doon ko nararamdaman ang papalapit na nilalang na may malakas na presensya.
Habang hinihintay ko ang paparating na 'yon, 'di mapigil ang mabilis na pagpintig ng puso ko. Baka kasi kalaban na naman 'yong paparating. Ayaw ko muna. Wala pa akong sapat na lakas!
Napakunot ang noo ko sa aking nakitang dumating. Isang babae. Nababalutan siya ng liwanag na parang isang anghel na bumaba sa lupa. Hindi maalis ang tingin ko sa kanya habang papalapit siya sa kinaroroonan ko.
Nakalugay ang light brown niyang maalon at mahabang buhok nito na parang alon ng dagat. Bumagay ito sa mapusyaw nitong kutis. Balingkinitan naman ang kanyang katawan. Suot ang kanyang puti at gintong bestida
Papalapit siya nang papalapit.
At ang nakakamangha dito, lahat ng dinadaanan niya ay lumiliwanag at nabibigyang buhay at kulay. Kung hindi ako nagkakamali, siya ay...
Isang diyosa.
Nakatulala lamang ako sa diyosang nasa harapan ko ngayon. Hindi ko maipaliwanag ang nadarama ko ngayon.
Talaga namang napakanda niya. Sapat para matawag siyang diyosa. Nakatingin ako sa mga magaganda't berde niyang mata. Matapos ay ngumiti siya sa'kin. Nakagagaan ng pakiramdam ang presensya niya.
"Kamusta? Ikaw marahil ang Magissa ng Stavron, hindi ba?" sambit niya. Maging ang mahinahon niyang tinig ay nakakapagpalubag ng kalooban.
Tumango ako. "O-oo. Ako nga." Hindi ko alam ang sasabihin ko. Bumaling ang kanyang paningin sa bangkay ni Alexeus.
"Siya marahil ang iyong kabalyero," sambit niya. Tumango lamang ako bilang sagot.
Nakita kong hinawakan ng 'diyosa' ang kamay ni Alexeus. Ilang sandali lamang ay binitiwan na niya rin ito.
"Ligtas na siya, Magissa," Nakangiting sambit sa'kin ng diyosa.
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. "T-talaga?" Nabigla talaga ako sa sinabi niya.
Ngumiti siya at tumango. "Ikaw mismo ang tumingin kung nais mo."
Kahit gulantang pa ako sa narinig ko, agad kong hinawakan ang kamay ni Alexeus. May pulso na ito! At mainit na rin.
Hindi ako makapaniwala. Ibinalik niya ang buhay ni Alexeus! Itinapat ko rin ang aking tenga sa kanyang dibdib. Walang mapagsidlan ang tuwang nararamdaman ko nang marinig kong tumitibok ang kanyang puso.
Napaluha na naman ako. Ngunit sa pagkakataong ito, dahil na ito sa galak. Sobrang galak ang nadarama ng aking puso ngayon. Buhay nang muli si Alexeus. Buhay na siya.
"Maaari ko bang malaman kung sino ka?" tanong ko sa butihing diyosa.
"Ako si Maia, ang diyosa ng Goiteia." Nabigla ako sa sinabi niya.
"Ngunit akala ko..."
"Hindi naman ako tuluyang natapos ni Despoina. Kahit labag sa aking kalooban ay minabuti kong lumisan muna ng Goiteia upang palabasin na napaslang na niya 'ko ng tuluyan," sambit niya.
"Ano bang kailangan sa'yo ni Despoina? Bakit niya ginulo ang Goiteia?" tanong ko.
"Ang aking kapangyarihan. Nais niyang makuha ito. At ang makapangyarihang bagay na iniingatan ko ng matagal nang panahon," sagot niya.
"At ngayong nagtagpo na ang ating landas, panahon na upang ipagkatiwala ko na ang bagay na iyon sa'yo," dagdag pa niya.
Kinuha niya ang kamay ko na kung saan nakasuot ang Stefani. Hinawakan niya mismo ang aking stefani at mayamaya'y lumiwanag ito ng kulay kayumanggi.
Pagkatapos no'ng liwanag ay binitiwan na niya 'ko. Namilog ang mga mata ko sa nakita kong nasa stefani.
"Isang kosmima!"
"Oo. Ipinagkakatiwala ko na sa'yo ang kosmima ng lupa, Magissa." Nakangiti niyang sambit sa'kin.
Doble na ngayon ang tuwang nararamdaman ko. Kaya naman napangiti na ako nang malapad.
"Salamat sa pagtulong mo sa aking baryo, Magissa," sambit niya.
"Walang anuman 'yon, Maia. Salamat din sa'yo. Sa pagbalik ng buhay ni Alexeus, at dito sa kosmima," nakangiti kong sambit.
"Sandali. Bakit hindi pa nagigising si Alexeus?" pagtataka ko.
Ngumiti si Maia. "Bawat nakasarang pintuan ay may susi upang ito ay magbukas."
Napakunot ang noo ko sa kanyang sinabi. 'Di ko maintindihan ang kanyang ibig sabihin.
Inilapit niya ang kanyang labi sa aking tenga. Ibinulong niya ito sa akin. Na siya namang ikinagulat ko.
"Ha-ha-halik?! Kailangan kong halikan si Alexeus para g-gumising siya, tama ba?" Sobrang gulat ko. Parang sa Sleeping Beauty, gano'n?
"Seryoso po ba kayo?" paninigurado ko.
Tumango siya. "Oo naman, Magissa. Iyon ang susi upang tuluyan siyang magising."
Nakatingin pa rin ako kay Maia na para bang ayaw kong maniwala sa sinabi niya sa'kin. Ngunit ningitian niya lang ako at tumango siya.
Ibinaling ko ang tingin ko kay Alexeus. Iginala ko ang tingin ko sa buong mukha niya. At nang mapatingin ako sa labi niya, bigla na lang akong nakaramdam ng kaba. Napalunok ako. Napahawak ako sa dibdib ko dahil sa 'di mapigil na pagtibok nito ng mabilis.
'Di ko maintindihan ang nararamdaman ko ngayon. Kinakabahan ako, na nag-iinit ang pisngi ko at parang may kung ano sa sikmura ko. Iniisip ko pa lang kasi...
Napailing ako. 'Wag kang mag-isip ng kung ano-ano, Charlotte. Gagawin mo 'to para kay Alexeus. Para tuluyan na siyang magising.
Napalunok akong muli. Dahan-dahan ko nang nilalapit ang mukha ko sa kanya. At habang papalapit ako ay 'di rin maawat ang puso ko sa pagpintig nito ng mabilis. Pakiramdam ko lalabas na ang puso ko mula sa dibdib ko.
Nang sobrang lapit ko na, ipinikit ko ang mga mata ko. Bahala na. Basta ang mahalaga...
At tuluyan na ngang naglapat ang mga labi namin. Lalong bumilis ang pintig ng puso ko na para bang sasabog na ito. May kung ano ding kiliti akong nararamdaman sa sikmura ko.
Ang weird sa pakiramdam, pero aaminin kong nagustuhan ko.
Ang aking unang halik...
Mabilis ko nang iwinalay ang labi ko sa kanya. Tinititigan ko siya at hinihintay ang susunod na mangyayari.
Mayamaya'y, kumunot ang mga mata niya. At dahan-dahan itong dumilat. Nasilayan ko na namang muli ang magagandang asul niyang mga mata.
Nagmistulan akong napako sa kinatatayuan ko. Sa sobrang saya ko, hindi ko na alam ang gagawin ko.
"Alexeus..." sambit ko habang naluluha-luha pa. 'Di ako makapaniwala. Sobrang saya ko talaga. Napatakip na lang ako sa bibig ko gamit ang mga palad ko.
Bumangon si Alexeus at ibinaling ang kanyang tingin sa'kin. Nakatingin siya ngayon sa mga mata ko.
"Charlotte." Lalo akong naluha nang sambitin niya ang pangalan ko. Hindi nga 'to isang panaginip.
"Alexeus!" sambit ko sabay yakap sa kanya. Isang mahigpit na yakap ang naibigay ko sa kanya.
"Akala ko hindi ka na magigising pa. Akala ko tuluyan ka nang mawawala. Akala ko..." sambit ko habang patuloy sa pagluha dahil sa sobrang tuwa.
Naramdaman ko na lang ang mga bisig niya paikot sa aking bewang.
"Pasensya ka na, Charlotte. Patawarin mo 'ko dahil napag-alala kita. Patawarin mo rin sana ako dahil...nasaktan kita. Hindi ko iyon ginusto. Sana'y mapatawad mo 'ko. Hindi ko talaga gusto ang nasasaktan ka. At hindi ko iyon gugustuhin kailan man," malumanay niyang sambit.
"Hindi mo kailangang humingi ng tawad. Alam kong hindi mo 'yon sinasadya. Kalimutan na natin 'yon. Ang mahalaga, ligtas ka na. At magkakasama pa tayo," sambit ko.
Tapos ay naglayo na kami. Tiningnan na naman niya 'ko sa mga mata ko. Pinahid niya ang mga luha ko sabay binigyan niya 'ko ng isang matamis na ngiti.
Isang ngiti na talagang nakapagpagaan lalo ng kalooban ko. Kaya't sinuklian ko rin iyon ng isang maaliwalas na ngiti, na nagmula sa kaibutura ng aking puso.
Hinawakan niya 'ko sa mga balikat ko at pinasadahan ng tingin mula paa hanggang ulo.
"Mabuti nama't mukhang maayos na ang lagay mo. Wala ka nang mga galos, at 'yong saksak. Anong nangyari?" usisa niya.
Ningitian ko siya. "Mamaya ko na lang sa'yo ikukuwento."
Pagkatapos ay tuluyan na kaming umalis ni Alexeus sa Templo ni Maia. Bigla na lamang naglaho ang diyosa matapos kong halikan si Alexeus. At mukhang hindi rin alam ni Alexeus na 'yon ang ginawa ko upang tuluyan siyang magising.
At wala akong balak ipaalam sa kanya. Nakakahiya naman kasi kahit pa sabihing para 'yon sa tuluyan niyang paggising.
Nang makarating kami sa Goiteia, sinalubong kami ng mga mamamayan nito nang may galak, at ngiti sa kanilang mga labi.
Labis silang nagpasalamat sa'min dahil tuluyan nang nanahimik ang kanilang baryo. Sa katunayan, tinutulungan sila ngayon ng Fidian upang mapabilis ang pagbabalik sa ayos ng kanilang baryo.
O 'di ba? Mababait naman pala ang mga taong ahas na 'yon. Nagpasalamat din kami sa mga Poulian dahil tumulong din sila sa'min. Nanatili pa kami ni Alexeus sa baryo ng isang gabi.
Nakatingala ako ngayon sa langit na puno ng mga bituin. Ang ganda talaga ng ganitong klaseng tanawin. Sabayan pa ng paghampas ng sariwa at malamig na ihip ng hangin sa aking balat. Ang sarap lang sa pakiramdam.
"Charlotte." Lumingon ako sa tumawag sa'kin.
"Oh, Alexeus."
"Nakakapagod ang mga nangyari sa atin ngayon. Hindi ka pa ba matutulog upang makapagpahinga?" tanong niya sa'kin.
"Oo. Mayamaya lang papasok na rin ako para matulog," sambit ko nang may ngiti.
"Siya nga pala. Nasabi mo sa'kin kanina na may tumulong sa'yong gumamit ng kapangyarihan ng kosmima upang tuluyang talunin si Despoina. Kokkinos, tama?" sambit niya.
"Oo, si Kokkinos. Siya raw ang tagapangalaga ng mga kosmima at mensahero ng mga diyos."
Napansin kong napaisip siya sa sinabi ko. "Bakit?"
"Wala naman. Parang pamilyar lamang iyon sa'kin. Sa tingin ko'y nabasa ko na ito kung saan. Hindi ko lamang lubos na matandaan." Napaisip na rin tuloy ako sa sinabi niyang 'yon. Para rin kasing pamilyar ang boses sa'kin ni Kokkinos.
Kinabukasan, maaga kaming nagpaalam sa mga taga-Goiteia, tapos ay umalis na kami pagsikat pa lang ng araw. Magiliw silang nagpaalam sa amin ng may buong pusong pasasalamat.
Paglabas namin ni Alexeus ng Goiteia ay may nadadaanan na kaming isang mahawan na pathway. Napagdesisyunan naming dalawa na sundan na lamang ang daan na 'yon.
Patuloy lang kami sa paglalakad nang biglang huminto si Alexeus.
"Bakit?" tanong ko sa kanya sabay hinto.
"May paparating," sambit niya sabay lingon sa likuran namin. Mayamaya pa'y may natanaw kaming isang kalesang paparating.
Hindi kami natitinag sa kinatatayuan namin. Hinihintay ko si Alexeus. Ano ba kasing iniisip niya?
Sinusundan lamang ng tingin ni Alexeus ang kalesang paparating. Nang malapit na ito sa'min ay nakita naming kalesa ito na maraming dayami.
"Sumakay kaya tayo do'n?" sambit bigla ni Alexeus.
Nabigla ako sa sinabi niya. "Seryoso? Paano naman? Isa pa, hindi natin alam kung saan 'yan papunta," sambit ko.
"Sa palagay ko'y dadalhin niya ang mga dayaming 'yon sa siyudad. Mas mainam kung makakarating tayo sa isang siyudad," sambit niya.
"May naisip ako." Napakunot ang noo ko sa sinabi niya.
May ibinigay siya sa'king lubid. "Teka, saan galing 'to?" pagtataka ko.
"Napulot ko lamang 'yan sa tabi-tabi," sagot naman niya.
"Itali mo 'yan sa palaso mo at asintahin mo 'yong kalesa. Bilisan mo habang 'di pa 'yon nakakalayo," utos niya.
Ako naman, agad kong ginawa ang utos niya. At sa kabutihang palad, nagawa ko ito ng maayos.
Humawak kaming dalawa ng mahigpit sa lubid habang sinasabayan ang takbo ng kalesa. Medyo mabagal lang naman ang takbo nito kaya 'di gaanong mahirap sundan.
Nang malapit na kami sa kalesa ay bumuwelo si Alexeus ng takbo sabay talon. Nakasakay na siya sa likod ng kalesa na puno ng dayami.
Tapos, ako naman ang bumuwelo ng takbo. Hinawakan niya ang mga braso ko at hinila niya 'ko paakyat.
Nakasakay na kami sa likod ng kalesang puno ng dayami na wala kaming ideya kung saan kami dadalhin nito.
---
Mayamaya lang, may naramdaman akong yumuyugyog sa balikat ko.
"Mga bata. Gumising na kayo diyan," Napadilat ako sa narinig kong 'yon na boses ng isang matandang lalaki. Nakatulog pala kami habang nasa biyahe. Ang aga kasi naming gumising kanina, eh.
"Anong ginagawa niyo diyan? Paano kayo nakarating diyan? Mga batang 'to oh," sambit no'ng matanda. Hindi naman siya galit.
Pagbangon namin ni Alexeus ay agad na kaming bumaba ng kalesa.
"Pasensya na sa ginawa namin, Ginoo," sambit ni Alexeus do'n sa matanda.
Pinagmasdan namin ang paligid at mukhang nasa siyudad na nga kami.
"Puwede po ba naming malaman kung nasaan kami ngayon?" tanong ko sa matanda.
"Narito kayo ngayon sa Imperyo ng Stavron, siyudad ng Ceyx." Nanlaki ang mga mata ko sa gulat sa sagot na iyon ng matanda.
"Talaga po?" tanong ko.
"Charlotte." Nilingon ko si Alexeus. Tapos ay tiningnan ko ang tinuturo niya.
"Ang palasyo ng imperyo!" sambit ko. May kalayuan pa mula sa amin ang palasyo ngunit tanaw na ito mula rito.
"Nakauwi na tayo ng Stavron!" masayang sambit namin ng sabay.