Ngayong gabi gaganapin ang ball party sa bulwagan ng palasyo. Iyon ang pagdaraos sa pagpili ni Prinsipe Alexeus ng kanyang mapapangasawa. Nakakaramdam ako ng kaba, konti lang naman. Magmimistulan kasi siyang parang malaking palabas namin ng prinsipe para lang sa sarili naming mga kagustuhan.
Handa na 'ko. Suot ko na ang mga nasa kahon na ibinigay sa'kin ni Alexeus tatlong araw nang nakakaraan. Nasa isang silid ako ngayon sa kabilang bahagi ng palasyo upang dumating ako sa bulwagan sakay ng karwahe para magmukhang kapani-paniwala. Mayamaya lang ay may kumatok sa pinto.
"Tuloy," sambit ko. Pumasok ang isang dama.
"Aalis na po tayo, Kamahalan," sambit niya. Tumayo na ako mula sa upuan ko sa harap ng salaminan. Huminga ako ng malalim. Heto na 'yon.
Lumabas na ako at sumakay sa isang magarbong karwahe na naghihintay sa'kin. Kulay ivory white ito at pagpasok sa loob ay nangibabaw ang kulay beige at peach. May kasama akong dalawang dama at isang kutsero, driver 'yon ng karwahe. Sa totoo lang, pinahiram lang sa'kin ni Alexeus ang lahat ng ito para sa aming plano.
'Di maawat ang kaba sa akin habang papalapit kami sa lugar ng pagdadaos.
Pagdating namin sa palasyo, namangha ako sa dami ng iba't ibang magagarbong karwahe na naka-park dito. Nang naiparada na ang karwahe ko, naunang bumaba ang dalawang dama na kasama ko at inalalayan nila akong bumaba.
Bago naman ako pumasok sa may bulwagan, hinarang ako ng isang guwardiya sa pintuan. Pinapasok naman niya 'ko nang ipakita ko sa kanya 'yong puting envelope na may gintong seal. Invitation siguro 'to. Kasama ito sa kahon na binigay niya.
Hindi ganoon karami ang tao. Siguro dahil limitado at pili lamang ang mga imbitado. May musikong tumutugtog naman doon sa bandang itaas. Nakasisilaw ngunit hindi naman masakit sa mata ang maliliwanag at naglalakihang mga chandelier na nakabitin mula sa napakataas na kisame ng bulwagan ng palasyo.
Ang gaganda rin ng mga dalagang imbitado dito. Ang gagarbo ng mga suot nilang mga damit samahan pa ng makikinang nilang mga alahas na gawa sa mga ginto't pilak, na may mga makikinang na mga bato't brilyante kaya halatang lahat sila galing sa mayayamang pamilya.
May mga iilang kalalakihan din dito. Mga guardian siguro sila ng mga babaeng invited dito. Ramdam na ramdam ko ang sopistikadong kapaligiran, na hindi talaga basta-basta ang mga taong imbitado dito.
"Ang maharlikang pamilya ng Imperyo ng Stavron ay naririto na!" pag-anunsyo noong isang kawal sa unahan. Mukhang nasabik ang lahat ng kababaihan dito.
At ayon nga. Dumating na ang pamilya ng Emperador kaya't natuon ang atensyon ng lahat sa may entablado kung saan nandoon din ang kanilang mga trono.
"Tunay nga ang usap-usapang napakakisig ng Prinsipe ng Stavron!"
"Oo nga. Ayun siya! At tunay ngang kaakit-akit ang kanyang bughaw na mga mata!"
Usap-usapan ng mga babae dito. Kahit pala sa mundong ito na sinauna ang panahon ay may mga ganitong klaseng babae. Napailing na lang ako.
"Maligayang pagdating sa aking palasyo dito sa Imperyo ng Stavron. Ako si Emperador Acanthus, at heto ang aking pamilya. Ngayong gabi mamimili ng kanyang mapapangasawa ang aking tagapagmana ng trono, ang aking anak na si Prinsipe Alexeus. Alam kong lahat ng kadalagahan na naririto ay karapat-dapat na mapili ng aking anak na Prinsipe, subalit iisa lamang ang kanyang maaaring piliin sa inyong lahat. Ngunit sana'y masiyahan kayo sa pagtitipon ngayong gabi. Magandang gabi sa inyong lahat."
Pagkatapos ng pambungad na iyon ng Emperador, umupo na silang apat sa kani-kanilang trono. Magkakatabi lang ang mga trono nila sa entablado na 'yon.
Habang ang lahat ay abala sa pakikipagusap at tawanan sa iba habang kumakain, umiinom sa kani-kanilang round table, at sumasayaw ng minuet sa dancefloor, ako naman ay nag-iisang nakatayo dito sa sulok habang nakatingin sa kopita na hawak ko. Nakakainip naman kasi dito. Sa bagay, 'di naman talaga ako mahilig sa kahit anong party.
Napatingin ako kay Alexeus. Nakatagilid siya mula sa puwesto ko, pero kita ko pa rin sa mukha niya ang pagkainip habang nakapalumbaba na nakaupo sa trono niya. Tahimik lang siya at seryoso ang mukha.
Nanlaki ang mga mata ko nang biglang dumaan sa harap ko 'yong pulang paru-paro. Iyong kagaya ng nakita ko sa library na sinundan ko kaya natagpuan ko iyong mahiwagang salamin. Pakiramdam ko'y nabuhayan ako ng pag-asa.
Walang anu-ano ay sinundan ko iyon. Baka sakaling dalhin niya 'ko ulit sa salamin na nagdala sa'kin dito at umaasang makakauwi na 'ko sa amin. Nakita kong lumabas iyong paruparo sa isang pintuan. At lumabas din ako sa pintuang 'yon. Isang veranda pala ang nandoon. Nilibot ko ang buong veranda pero wala na iyong paru-paro. Bigla tuloy akong nalungkot. Iyong pakiramdam na pinaasa ka sa wala? Gano'n ang nararamdaman ko ngayon.
Wala na akong nagawa kaya bumalik na 'ko sa loob, sa sulok kung saan ako nakatambay kanina. Pakiramdam ko naglaho ang lahat ng pag-asa ko na makauwi pa sa'min.
"Binibini?" Napatingala ako sa tumawag sa'kin at nakatayo sa harapan ko. Isang matangkad, makisig, at guwapo ring binata. Na ayon sa nakikita kong suot niya, isa siyang maharlika.
"Tila malungkot ka yata? Sayang naman ang iyong ganda," nakangiti niyang sabi sa'kin. Nakatingin lang ako sa kanya habang nag-iisip kung kakausapin ko ba siya o hindi.
"Huwag ka sanang matakot sa akin. Wala akong binabalak na masama sa iyo. Ako nga pala si Prinsipe Calisto, mula sa Imperyo ng Baltsaros, ang Silangang Aglaea," magiliw niyang pagpapakilala sa'kin sa kanyang sarili.
Aba, isa rin pala siyang prinsipe. Kaya naman pala. "Baltsaros? Silangang Aglaia?" usisa ko naman.
"Oo. Itong bansang Aglaia ay binubuo ng apat na rehiyon o imperyo. Baltsaros sa silangan, Cascadia sa hilaga, Deucalion sa kanluran, at itong Stavron sa timog," paliwanag niya.
Nakaawang lang ang bibig ko sa mga pinagsasabi niya. Hindi naman kasi ako taga-rito eh. Kaya wala akong alam sa mga sinasabi niya.
"Hmm, ayon sa aking hinala, ikaw ay hindi taga-rito sa Aglaea, tama ba?" tanong niya sa akin.
"Ah, oo. T-taga-ibang bansa ako. Napadalhan lamang ako ng imbitasyon kaya ako naririto ngayon. Ikaw? Anong ginagawa mo dito?" pinipilit kong nilihis ang usapan para 'di na niya usisain pa ang pinagmulan ko. Mapipilitan na naman kasi akong magsinungaling.
"Nandito ako dahil sinamahan ko ang nakababata kong kapatid na si Prinsesa Adara. Ikaw? Maaari ko bang malaman ang ngalan ng magandang binibini na nasa harapan ko ngayon?" nakangiti niyang sambit sa'kin.
"Ako po si Charlotte, Kamahalan," sambit ko sabay bigay-galang.
"Charlotte. Maganda ang iyong pangalan na tulad mo. Kinagagalak kitang makilala," magiliw niyang sabi.
"Paumanhin. Ngunit, maiwan ko na muna kayo, Prinsipe Calisto. Kinagagalak ko rin po kayong makilala," sambit ko sabay ngiti. Tapos ay iniwan ko na siya. Wala kasi ako sa huwisyo para makipag-usap ngayon.
"Makinig ang lahat!" sambit ng Emperador pagkatayo niya. Kaya naman natahimik kaming lahat at napatingin sa kanya.
"Lahat ng dalagang naririto na nais mapangasawa ang aking anak, mangyari lamang na magtipon kayong lahat dito sa gitna. Sisimulan na ng aking anak ang pagpili mula sa inyo."
Nasabik ang lahat sa sinabing iyon ng Emperador. Lahat ng ibang bisita ay nagsitabi muna sa gilid, habang kami naman ay mga nakatayo sa gitna ng bulwagan. Marami-rami rin ang mga babaeng naimbitahan. Lampas yata sa isang daan ang mga babaeng nandito.
Tumayo na si Alexeus sa kanyang trono at may dinukot sa gilid ng kanyang kapa. Isang pulang rosas.
"Ibibigay ko ito sa dalagang aking mapipili," sambit niya. Nilapitan na niya kami isa-isa. Syempre, kikilatisin niya muna kami isa-isa, kunwari. Habang ginagawa iyon ni Alexeus, napatingin naman ako sa gawing kaliwa. Sa isang sulok, may nakita akong batang babae na nakatayo doon.
Mga nasa labindalawang taong gulang na siguro siya. Maganda, medyo payat, maputi, at mahaba ang buhok na halos hanggang alak-alakan na niya. Mukhang hindi naman siya bisita dito dahil iba ang suot niya. Hindi siya naka ball gown na gaya naming lahat na babae dito. Naka mahaba siyang pulang robe na halos sayad na sa lupa na may mga print na kulay ginto. Napakunot ang noo ko dahil sa pagtataka.
Isa pa, may nararamdaman akong kung anong hiwaga sa kanya. Hindi ko maipaliwanag.
Mayamaya, itinaas niya ang isa niyang kamay. Tapos may dumapo sa hintuturo niya. Iyong...pulang paru-paro! Nanlaki ang mga mata at napalaglag ang panga ko. Anong ibig sabihin nito? Kanya kaya ang paru-paro na 'yon? Ibinaba na niya ang kamay niyang may paruparong nakadapo katapat ng kanyang mukha, tapos ningitian niya ito.
Hindi ko maalis ang tingin ko sa kanya. Para bang napako na ang mga mata ko sa misteryosang batang babae na 'yon. Biglang nagtama ang mga tingin namin, tinitigan niya muna ako sandali, tapos ngumiti siya. Napalunok ako, ngunit nakakagaan ng pakiramdam ang ngiti niya. Ang cute at inosente kasi.
Bukod kaya sa'kin, may iba pa bang nakakakita sa kanya?
May naramdaman naman akong nakatayo sa unahan ko kaya naman tumingin ako. Si Alexeus pala. Ibinibigay niya sa akin 'yong pulang rosas.
"Tanggapin mo," sambit niya. Tinitigan ko muna ang rosas, tapos ay tumingin muna ako sa kanya bago kinuha ko ang rosas mula sa kanya. Pakiramdam ko tuloy ako si Cinderella na piniling mapangasawa ni Prince Charming.
Ang pinagkaiba nga lang, hindi ko kailangang tumakas pagsapit ng alas dose ng hatinggabi dahil scripted naman ang ginawa naming ito ng Prinsipe.
Pero nakakamangha pa rin sa pakiramdam. Hinawakan niya ang kamay ko at dinala niya ko sa harapan ng lahat.
"Siya ang aking napili upang aking maging asawa," pag-anunsyo niya.
Nagpalakpakan naman ang lahat. Iyong ibang babae nga lang mga nakasimangot. Nadismaya siguro. Ang iba naman nakangiti na parang ayos lang.
Nagbigay-galang siya sa'kin sabay lahad ng kanyang kamay.
"Maaari ko bang maisayaw ang aking mapapangasawa?" alok niya.
Hindi ko alam kung bakit pero bigla na lang tumibok ng mabilis ang puso ko at pakiramdam ko'y nag-init ang pisngi ko. Tapos ay nagbigay-galang din ako sa kanya at tinanggap ang kanyang kamay. Tapos ay nagngitian kami sa isa't isa.
Parang may kung anong kuryente ang dumadaloy sa katawan ko nang ilagay ni Alexeus ang kanyang isang kamay sa aking baywang. At doon na niya 'ko sinayaw ng minuet. Nakatingin na naman ako sa mga bughaw niyang mata na talaga namang kaakit-akit kung pagmasdan.
Habang nagsasayaw kami ay unti-unting nawala ang aking kaba at naging komportable na ako sa kanya. Pakiramdam ko parang kaming dalawa na lamang ang tao sa lugar na 'to.
Napatingin ulit ako sa sulok na 'yon. Pero wala na siya. Sino kaya ang isang 'yon?
Misteryoso talaga ang mundong ito.