Nilibot ko pa ang tingin ko sa paligid. At ngayon ko lang napagtanto na, nasa loob pala ako ng kulungang may rehas.
"Ah...may itatanong lang ako," sambit ko.
"Ano iyon, Charlotte?" tanong sa'kin ng isa.
"Maaari ko bang malaman kung bakit ako nakakulong?" pagtataka ko.
Nagtinginan muna sila sa isa't isa tapos ay tumingin na sila sa'kin.
"Ah...ano kasi..."
Mukhang 'di sila makasagot, at panay din ang iwas ng tingin sa'kin.
"Ipinag-utos kasi ito sa amin ng aming pinuno," sagot ng isa.
"Bakit naman? Hindi naman ako isang masamang tao," kunot-noo kong usisa.
"May galit kasi ang aming pinuno sa mga gaya mong mortal," sagot sa'kin ng isa.
Ganoon pala. Napansin ko bigla na wala na sa'kin ang pana't palaso ko. Paano na'to? Kailangan kong makaalis dito para makita ko na si Alexeus.
"Maiwan ka na namin," sambit ng isa.
Akma na nila akong iiwanan pero nailabas ko kaagad ang isa kong braso mula sa pagitan ng mga rehas at nahablot ko ang damit ng isa.
"Sandali lang!" sambit ko.
Parang nataranta ang lalaking nahablot ko at agad siyang lumayo sa pagkakahawak ko.
Mukha silang takot o nandidiri. Bakit naman kaya? Nakakunot-noo lang akong nakatingin sa kanila.
"Pasensya na kung bigla kitang hinawakan. Itatanong ko lang naman sana kung nakuha ba ninyo ang pana't palaso ko?" sambit ko.
"S-sinamsam iyon ng aming pinuno," sagot no'ng isa.
Kita ko na parang takot o pandidiri nila sa akin. Na para ding nag-aalinlangan na 'di ko maintindihan.
"Sandali, natatakot ba kayo sa'kin? Hindi naman ako masama eh," sambit ko.
"R-ramdam naman namin 'yon. Kaso nga lang..." naiilang na sagot ng isa.
"Ngayon lang kami nakakita ng isang mortal. Lalo na at isa pang babae," pagpapatuloy ng isa.
Nanlaki ang mga mata ko't napaawang naman ang aking bibig sa kanyang sinabi.
"Alam mo kasi, hindi pa kami nakakalabas ng kagubatan ng Hagnós," katwiran ng isa.
"Ah, ganoon ba. Kaya pala," sambit ko.
"Isa pa, panay kalalakihan lamang kami rito. Walang babae dito sa aming tribo kahit isa."
Napataas ang kilay ko sa narinig ko. Seryoso ba 'yon? Walang babae sa tribo nila? Paano naman 'yon?
"Ibig sabihin, ngayon lang kayo nakakita ng babae?" usisa ko.
Sabay- sabay lang silang tumango sa'kin bilang sagot.
--
Kumagat na ang dilim at tanging ilaw lamang mula sa sulo na nakasabit sa posteng kaharap ko ang nagsisilbi kong liwanag.
Nilalamig na 'ko kaya't napagkiskis ko tuloy ang mga palad ko. Ano kayang puwede kong gawin para makatakas? Hindi naman sa takot ako sa mga taong ibon na 'yon. Gusto ko lang makaalis para magbaka-sakaling makita ko si Alexeus. Baka hinahanap din naman niya kasi ako.
Napatingin ako sa aking stefani. Gamitin ko kaya ang kapangyarihan ng kosmima ng apoy? Pero paano naman? Isip, Charlotte.
Alam ko na. Tutunawin ko gamit ang apoy ang kandado ng kulungan ko. Kaya naman agad kong hinawakan ang kandado at nag-isip ng malaim. Sana'y magawa ko ito ng ayos.
Mayamaya'y naramdaman ko nang may init na lumalabas mula sa aking mga kamay. Konti pa. Dapat 'yong makakatunaw ng bakal. Sa pag-iisip ko ng malalim, lalo ding umiinit ang mga palad ko at ganoon din ang aking pakiramdam. Kaya't nagbubutil-butil na ang aking pawis.
Konti na lang. Mukhang natutunaw na ang bakal. At mayamaya lang ay ayan! Natunaw ko na! Nahulog na ang natunaw na kandado at dahan-dahan akong pumuslit palabas.
Tumitingi-tingin ako, kaliwa't kanan, harap at likod. Mahirap na. Baka mahuli ako. Maingat at tahimik ngunit mabilis ang ginagawa kong paglalakad. Medyo maliwanag naman sa dinadaanan ko dahil sa liwanag ng bilog na buwan.
Sana lamang ay walang makahuli sa'kin. Mahirap na. Habang tumatakas ako ay 'di rin mapigil ang kaba sa aking dibdib.
Sa paglalakad ko'y Bigla na lamang akong may nakasalubong pagkaharap ko sa daan. Pinaghalong takot at gulat ang nararamdaman ko kaya naman ang bilis ng pintig ng puso ko na para bang sasabog na'to.
Nagkatitigan na lamang kami na mistulang nagulat sa isa't isa. Habang ako nama'y kabado at mistulan nang napako sa kinatatayuan ko at 'di ko na malaman ang aking gagawin.
"Paano ka nakatakas?" tanong niya. Medyo nahimasmasan naman ako dahil mahinahon ang pagkakatanong niya.
Hindi ako makasagot kaya't umiwas na lamang ako sa kanya ng tingin. Nag-aalala pati ako. Baka kung anong gawin niya sa'kin dahil nahuli niya akong tumatakas.
"'Wag kang matakot sa'kin, binibini. Sapagkat hindi kita sasaktan." Pagkasambit niya noon, tiningala ko siya at nakita kong nakangiti siya sa'kin. Isang matamis na ngiti mula sa isang maamong mukha ng lalaking Poulían.
Mukhang matanda lang siya sa'kin ng konti. Matangkad at matikas ang pangangatawan. Mapusyaw ang kanyang balat at mapungay ang kanyang mga mata. At kulay itim ang kanyang mga pakpak.
"Ah, ganoon ba," sambit ko.
"Paumanhin kung ikaw ay aking natakot. Hindi ko iyon sadya. Maaari ko bang malaman ang ngalan ng magandang babaeng mortal na nasa harapan ko ngayon?" nakangiti niyang tanong.
"A-ako si Charlotte," naiilang kong sagot.
"Hmm, ako naman si Kuro. Kinagagalak kitang makiala, Charlotte. Nais sana kitang puntahan upang makita kung totoo nga ang mga sinasabi ng aking mga ka-tribo. At hindi ko inaasahang makakasalubong kita ngayon," sambit niya.
Sandali nga lang. "Hindi ka ba takot o nandidiri sa'kin na gaya ng mga ka-tribo mo?" pagtataka ko.
Natawa siya ng konti, "Hindi. Sapagkat hindi naman ako takot sa mga mortal. Siya nga pala, nais ko sanang dalhin ito sa'yo," sambit niya sabay pakita sa'kin ng kanyang dalang basket.
"Dadalhan sana kita ng makakain. Hapunan na din kasi. Baka nagugutom ka na," sambit niya.
Tumingin akong muli sa kanya sabay ningitian niya 'ko.
Tapos no'n, dinala niya 'ko sa isang tahimik na parte ng kanilang tribo.
"Salamat nga pala sa dinala mong pagkain para sa'kin kanina. Tamang-tama gutom na gutom na 'ko," sambit ko.
"Walang anuman iyon, Charlotte," sambit ko.
Nandito kami ngayon sa isang malaking sanga ng isang malaki at mataas na puno. Tanaw namin dito ang buong tribo ng Poulí. Ang ganda ng tanawin dahil sa mga nakikita naming mga naglalaguan at nagtataasang mga iba't ibang klase ng mga puno at ang sarap pa ng simoy ng hangin mula dito sa taas.
"Siya nga pala, bakit ka napadpad dito?" tanong niya bigla.
"Hindi ko rin alam. Ang huling naaalala ko, nahulog ako mula sa isang mataas na bangin. Pagbagsak ko, nawalan ako ng malay. At paggising ko, heto. Narito na 'ko," sagot ko.
"Saan ka nagmula?" usisa niya.
"Nagmula ako sa Imperyo ng Stavron," sagot ko naman.
"Hmm, may kalayuan ang iyong pinanggalingan. Paano ka napadpad dito?" usisa pa niya.
"Isa akong manlalakbay, Kuro," sagot ko na lang
"Ganoon ba," sambit naman niya.
"Ah, siya nga pala. Nasambit mo sa akin kanina na hindi ka natatakot sa'kin na gaya ng mga ka-tribo mo. Maaari ko ba'ng malaman kung bakit?" usisa ko naman.
Huminga muna siya ng malalim, "Dahil nakakalabas ako ng Hagnós at nakakasalamuha ko ang mga mortal sa labas," sagot niya.
Namilog ang mga mata ko, "Talaga? Ngunit paano?" pagtataka ko. Hindi kaya natatakot sa kanya ang mga tao dahil isa siyang taong ibon?
"Mayroon akong isang bagay na tinataglay upang maging isang mortal. Nang dahil sa bagay na iyon, naglalaho ang aking mga pakpak at matatalas na mga kuko," sagot niya.
Namangha ako sa sinabi niya, "Meron palang ganoong bagay?" tanong ko.
"Oo. Ngunit..." Napatingin ako sa kanya.
"Maaari bang isikreto lamang natin ito? Walang nakakaalam ng tungkol sa bagay na ito na kahit sino," pakiusap niya.
Tumango ako. "Oo. Sige. Makakaasa ka. Pero sandali, pinagbabawal ba sa inyo ang paglabas ng Hagnos?" usisa ko naman.
"Oo. Mahigpit iyong pinagbabawal ng aming pinunong galit sa mga mortal."
Ganoon pala. Bakit kaya galit ang pinuno nila sa mga mortal? At mukhang malaki ang galit nito dahil kahit ang mga nasasakupan niya ay mahigpit niyang pinagbabawalang lumabas ng Hagnos.
"Nabanggit din sa akin ng iyong mga ka-tribo na walang babaeng Poulian. Bakit?" usisa ko pa. Nakakapagtaka lang kasi kung paano sila dumadami.
"Tama. Lahat ng sinisilang na Poulian ay lalaki. At kaya kami dumadami ay dahil-" sambit niya ngunit naputol ang kanyang pagsasalita nang makarinig kami ng isang pagsabog.
"Ano 'yon?" taranta kong tanong.
"Tsk. Mukhang sinasalakay na naman ang aming tribo!" pag-aalala niya.
Agad niya akong binuhat at inilipad pababa ng puno.
"Dito ka lamang," bilin niya.
"Ano? Hindi! Sasama ako!" pagpilit ko. Ngunit nakalipad na siya papalayo sa'kin ng isigaw ko iyon. Hindi ko alam kung narinig pa niya ako.
Hindi ko alam kung anong meron. Kahit natataranta na rin ako ay mas lamang ang kagustuhan kong tulungan sila. Titinginan ko kung anong nangyayari. At kung mayroon akong maitutulong ay gagawin ko!