Naiiyak na si Mika habang pinipilit ng mga magulang ni Hazel kung saan ba nagpunta ang dalaga. Alas singko ng umaga nang kalampagin ng mga ito ang kanilang tahanan. Kanina pa raw nila tinatawagan ang cellphone ng dalaga, pero hindi makontak. Hindi niya nais na sabihin kung nasaan dahil tiyak na magagalit ang kaibigan kapag nalamang sa kaniya galing ang impormasyon.
“E, tita, tito. Basta ang sabi niya po, pupunta siya ng resorts.” Nakagat ni Mika ang ibabang labi sa pag-amin sa mga ito. Patay siya kay Hazel kapag nagkataon. Buti na lang at wala ang mga magulang dahil tiyak na pagagalitan siya ng mga ito kapag nalamang pinupuntahan pa siya ng magulang ni Hazel para lang alamin kung nasaan ang dalaga.
“Sino ngang kasama?! Mika naman, saan ba ‘yang resorts na ‘yan?” Gigil na gigil ang mommy ni Hazel dahil ayaw magsalita ng kaibigan ng kaniyang anak. Alalang-alala na siya lalo pa at hindi na nga ito makontak. Bago kasi sila matulog kagabi, itong si Mika ang kasama ng anak. Pero, kaninang umaga, wala nga ito sa kuwarto at mukhang hindi naman nagalaw ang higaan. Baka lang kina Mika nakitulog na dati pa naman ginagawa ni Hazel.
“Si…” Hindi na natapos ni Mika ang sasabihin nang biglang mag-ring ang cellphone niya. Nagkaroon siya ng excuse para umalis saglit sa mga magulang ni Hazel lalo pa at nakita niyang si Kit ang tumatawag. Ka-team kasi nito si Renz sa basketball. Baka alam nito kung saang resorts nagpunta ang dalawa. “Saglit lang po.”
Lumayo siya sa mga ito at dumiretso ng kusina, kung saan hindi maririnig ng mga ito ang kaniyang sasabihin. “Kit! God, buti na lang at tumawag ka! Saan ba ang resorts ni Renz at…”
“Mika, si Renz. Natagpuang patay sa sarili niyang kotse.”
Natutop ni Mika ang sariling bibig nang marinig ang sinabi ni Kit. Pinaulit niya pa para masigurong tama ba ang pagkakasabi nito.
“Hindi! Si Hazel? Nasaan si Hazel? Kasama niya si Hazel, Kit!” Sumasabay sa hagulgol niya ang kaniyang malakas na boses kaya napasugod ang mag-asawa nang marinig ang pangalan ng kanilang anak.
“Mika! Anong balita kay Hazel?” Kinakabahan na ang ina ni Hazel lalo na nang makita niyang umiiyak si Mika habang may kausap sa cellphone.
“Narito kami kasama ng parents ni Renz. Pero, wala si Hazel. Sigurado ka bang magkasama ang dalawa?” Rinig pa ni Mika sa background ni Kit ang tunog ng ambulansiya at sirena ng pulis.
“Oo, sinabi niya kagabi. Please, Renz hanapin ninyo si Hazel.” Halos hindi na maintindihan ang sinasabi ni Mika dahil sumasabay ang hagulgol niya at pagsinghot-singhot dala ng malalang pag-iyak para sa kalagayan ng kaibigan.
“No, pupunta tayo roon. Saan ba ‘yan?” Hindi na nakatiis ang daddy ni Hazel at biglang inagaw ang cellphone kay Mika. “Hello, daddy ito ni Hazel, send me the address at pupuntahan namin ang lugar na iyan. Kami mismo ang maghahanap sa aming anak!”
***
Natutop ni Mika ang sariling bibig. Hindi siya makapaniwala na matatagpuan ang kaibigan sa di-kaaya-ayang sitwasyon. At ang mas matindi pa nito, parang nakita na niya ang ganoong senaryo.
Saan nga ba?
Kasabay nang pagpalahaw ng magulang ni Hazel ay ang pagyakap niya kay Kit at ang pagbuhos din ng maraming luha sa kaniyang mata. Mugtong-mugto na iyon papunta palang nila roon at parang hindi siya nauubusan ng luha kapag naiisip na wala na ang kaibigan.
Maingat na inialis ang katawan ni Hazel sa putikan. Hindi magawang tingnan ni Mika ang kaibigan kaya nanatili siyang nakasubsob sa dibdib ni Kit. Halos nagkagulo ang ilan dahil hindi kinaya ng ina ni Hazel ang nakitang nangyari sa anak at hinimatay ito. Maraming tao at media sa paligid dahil kilalang lawyer ang ama ni Hazel at sa gobyerno naman nagtatrabaho ang ina. Nagkalat din ang mga medics at pulis sa paligid. Nang dumating sila ay natagpuan na ang bangkay ni Hazel subalit hindi pa nga natatanggal sa pagkakabaon nito.
Ipinanalangin nga rin ni Mika na sana ay hindi ang kaibigan ang nakabaon kahit pa napakaimposible niyon dahil kita pa ang tattoo ni Hazel sa bandang hita nito.
Isinailalim sa autopsy ang dalaga, pati na rin si Renz. Tulala naman si Mika dahil si Hazel ang tinuturing niyang bestfriend. At ngayon, parang naubos na ang buong barkada. Natatakot man siya sa isiping baka isa sa kanila ni Kit ang sunod na may mangyaring masama, kahit pa, sa paningin ng ilan ay aksidente o krimen talaga ang nangyayari, hindi niya maiwasang kabahan.
Para kasing may mali.
***
Mika…
Mula sa tina-type sa harap ng laptop ay natigilan si Mika. May tinatapos siyang written project para sa isang subject. This week ang pasahan niyon at dahil sa dami nang nangyari sa mga kaibigan na sunod-sunod pa, hindi niya naasikaso ang kaniyang mga academics.
Sa gilid siya ng pool dahil mahangin doon at alas kuwatro pa lang ng hapon kaya maliwanag pa.
Napalingon si Mika sa likuran na kung saan ang pintuan papasok ng kusina ang kaniyang nakita. Ang asong shitzu niya ang naroon na pilit na lumalabas kita niya sa de-salaming pinto. Nagkibit-balikat si Mika at ibinalik ang pansin para sa pagpapatuloy ng ginagawa. Ilang araw rin siyang hindi papasok dahil nagpaalam siya para sa burol ni Hazel. Pumayag naman ang ibang guro nila pero ang written project niyang ito ay dapat ng ipasa sa guro. At nais na niyang matapos iyon ngayong araw para makapunta na siya sa burol ni Hazel na pangalawang gabi na mamaya sa isang sikat na chapel sa lugar nila.
Mika!
At isang malakas na paghila sa kaniyang buhok ang naging dahilan para siya matumba kasama ng inuupuang may sandalan. Rinig niya ang sunud-sunod na tahol ng alagang shitzu na parang galit na galit ito sa gumawa niyon sa kaniya.
Hindi malaman ni Mika kung paano tatayo dahil sobrang nasaktan ang likuran niya na tumama sa sandalang bakal ng kinauupuan niya at may kabigatan iyon. Buti na lang at naagapan niya ang ulo na maiangat kung hindi siguradong bagok ang ulo niya. Medyo masakit din ang anit dahil may kalakasan ang kung sinumang humila niyon.
Kahit nakabaligtad hinanap niya ang salarin. Subalit, wala siyang makitang tao sa paligid. Inis na pinilit ni Mika na tumayo. Inilibot niya pa rin ang paningin at nagsisigaw sa pangalan ng kanilang mga katulong. Tatlong katulong at isang driver ang dali-daling pumunta sa kinaroroonan ni Mika.
“Mga buwisit kayo! Sinong humila sa akin at basta na lang hinulog?” Nanlilisik ang mga mata ni Mika habang iniisa-isa ang mga kasamabahay. Subalit, iisa lang ang tugon ng mga ito sa kaniya; hindi sila ang may gawa niyon. “At sino? So, may nakapasok ng hindi ninyo nalalaman? And where the hell is that person?!” Halos maglabasan ang litid sa leeg ni Mika sa pagsisigaw. Agad namang nagpulasan ang mga kasambahay para hanapin kung sino man ang may gawa ng sinasabi niya.
Isa pa ulit na paghagod ng paningin sa paligid subalit kahit anong mang kakaiba na puwedeng makita ay wala naman. Walang pa ring patid na pagtahol ang alaga niyang aso na para bang may nakikita ito na hindi niya nakikita.
“Cielo! Stop!” Naririndi na si Mika kaya nasigawan na niya ang alaga. Subalit, patuloy lang ito sa pagtahol at pagpipilit na makalabas. Hindi na lang ito pinansin ni Mika at itinayo na lang ang upuan at bago maupo ay hinagod pa ang nagulong buhok.
Pinindot ni Mika ang laptop dahil namatay iyon. Subalit, kahit anong pindot niya ay hindi iyon nabubuksan. Sinubukan niyang pindutin ng madiin ang power on at nakahinga siya nang maluwag ng umilaw ang laptop.
Sumandal si Mika habang hinihintay na tuluyang mag-on ang gadget. Agad niyang itinayp ang password na hinihingi. Umayos siya ng upo ng makitang nag-loading na ang laptop.
Subalit, natumbang muli ang kinauupuan niya dahil sa biglaan ang ginawa niyang pagtayo. Titig na titig siya sa monitor ng laptop. Hindi siya makapaniwala sa nakikita!
Isang pamilyar na mukha ng babae ang titig na titig din sa kaniya. Una, galit ang itsura nito. Tapos, unti-unti itong ngumiti. Nakakatakot na ngiti…
Ni hindi makagalaw si Mika sa kinatatayuan. Ultimo pagsigaw dala nang takot ay hindi niya rin magawa. Lalo na ng itaas ng babae ang kanang hintuturo at ilagay sa gitnang labi sabay sabi ng:
Shhh…
Doon na kumawala ang natitirang tapang ni Mika. Isang malakas na sigaw ang kaniyang pinakawalan at pamaya-maya pa ay bumagsak siya sa semento.
Nawalan ng ulirat si Mika sa nasaksihan.
***
Sa ikatlong gabi ng burol ni Hazel, dumating sina Princess at Jess. Nakiramay sila sa mga magulang ng dalaga. Nakahawak si Princess sa braso ni Jess nang marahan silang lumapit sa kabaong ni Hazel. Nasunod ang gusto ng pamilya nito na maging maayos pa rin ang itsura nito kahit pa puro sugat iyon ay parang natutulog lang ito. Maganada naman talaga si Hazel, kamukha nito ang ina na Spanish. May sisiw sa ibabaw niyon dahil hindi pa rin nahuhuli ang salarin. Tinanggal ni Princess ang pagkakakapit sa braso ni Jess at sabay silang nagdasal para sa katahimikan ng kaluluwa nito.
Nakapikit sila at ilang segundong nagdasal. Naunang magmulat si Princess at saktong sa mukha ni Hazel lumanding ang paningin niya. At muntik nang mapasigaw si Princess nang makitang nakamulat si Hazel nakatingin sa kaniya at nakangiti. At sa isang iglap, nakalagay na sa gitnang labi nito ang kanang hintuturo na parang narinig niya pang nagsabi ng shhh…
Napamulat bigla si Jess nang pabiglang hinawakan ni Princess ang braso niya ng dalawang kamay at mahigpit na halos bumaon na ang mga kuko nito.
“A-aray, Princess.” Nakakunot-noong tumingin si Jess kay Princess na takot na takot habang nakatingin sa kabaong ni Hazel. Sinundan niya ng tingin kung ano ang kinatatakutan nito, pero nakapikit na Hazel lang at sisiw nasa ibabaw nito na patuloy sa pagtuka ng pagkain ang kaniyang nasilayan.
Paatras pang humahakbang si Princess at dahil nakakapit ito sa kay Jess, nasasama siya nito. “Princess, hoy!” Hindi na nakatiis si Jess at hinawakan ang kamay ni Princess at pilit na tinatanggal ang kamay nito sa braso niya dahil lalong bumabaon ang pagkakakapit nito.
Parang nagising naman si Princess at napalingon sa gawi ni Jess na nahihintakutan pa rin.
“Jess… si…” At ibinalik ni Princess ang paningin kay Hazel, subalit normal na ulit ang itsura nito; nakapikit at parang hindi naman nangyari ang nakita niya kanina.
“Ano iyon, Princess?” Hinawakan ni Jess ang dalawang kamay ni Princess at iginiya parang umupo sa kanang harapang upuan.
“Wa-wala… wala.” Umiling-iling pa si Princess at pilit na ngumiti. Umayos siya ng upo at napalingon sa bandang kanan niya. Katabi niya pala roon si Mika na walang imik at titig na titig sa kabaong ni Hazel sa unahan.
Tumikhim si Princess at inihanda ang ngiti para kay Mika. Naging magkaibigan naman sila kaya sa mga panahong gaya nito, nasi niyang magdamayan muna sila.
“Hindi ko alam kung bakit nangyayari ang lahat ng ito…” panimula ni Princess.
“Ako, alam ko. At kasalanan n’yo!” Mahina man ang pagkakasabi ni Mika, madiin naman iyon. Hindi ito lumilingon sa katabing si Princess at Jess at nanatiling nakatingin lang sa kulay puting kabaong ni Hazel. Gulat naman ang namutawi sa mukha ng dalawa sa dalagang galit na ang ekspresyon ng mukha.
“Ano bang sinasabi mo, Mika? Paanong naging kasalanan namin?” Tumingin pa muna sa paligid si Jess bago sinabi iyon. Buti na lang at wala pang masiyadong tao. Kahit naman wala silang kasalanan talaga, iba pa rin siyempre ang iisipin nang makakarinig.
“Bakit, hindi ba?” Pabiglang lumingon si Mika sa dalawa habang nakakuyom ang mga palad. “Nagsisimula na siyang maghiganti dahil sa ginawa ninyo!” Napasinghap ang dalawa at napatingin naman ang ilan ng biglang lumakas ang boses ni Mika. Tinangkang hawakan naman siya sa kamay ni Princess, pero agad nitong iniiwas iyon. “Kayo ang dahilan kung bakit isa-isang namamatay ang mga kaibigan ko! Kayo ang dapat niyang gantihan, hindi kami! Kayo!” Tumayo ito at naghi-hysterical na kaya lumapit na ang magulang ni Hazel pati na rin ang Mommy ni Mika na naroon lang. Pilit nilang pinapakalma ang dalaga, habang nilapitan si Jess at Princess ng daddy ni Mika at iginiyang umalis na muna sa lugar na iyon.
Patuloy sa pagsigaw at pag-iyak si Mika kahit pa dinala na siya sa isang kuwarto sa loob din ng memorial na iyon.
Sila ang dapat na magbayad!
Shhh...
Don't tell your ending
jhavril