Shhh... 13

2172 Words
“Ano bang pinagsasabi niya? At bakit niya sinasabing tayo ang dahilan? God, namatay rin naman ang kapatid ko at kapatid mo? Gugustuhin ba nating mamatay rin sila kung may kinalaman tayo rito!” Inis na hinampas pa ni Princess ang dashboard at pabagsak na sumandal sa passenger’s seat ng kotse ni Jess. Hinawakan naman ni Jess ang balikat ni Princess at pilit itong pinapakalma. “Hayaan mo na, alam mo namang malapit sa isa’t isa ang dalawa kaya masakit kay Mika ang lahat. Unawain na lang muna natin siya.” Pinisil pa nang bahagya ni Jess ang balikat ni Mika bago ngumiti ng tipid. Napabuga naman ng hangin si Princess bago tumango-tango kay Jess. “Halika na. Hatid pa kita.” Muling tumango si Princess pagkatapos na sabihin ang sige sa binata. Napasulyap si Princess sa labas gamit ang salaming bintana ng kotse sa kanan. Pero, bumakas sa maganda niyang mukha ang takot nang makita ang isang bulto sa may pinto mismo ng chapel. Nakaputi ito at matalim ang tingin sa kanila. Hindi siya maaaring magkamali! Ang buhok nito, ang itsura! Siyang-siya! Inayos niya pa ang salamin sa mata para makita itong maigi. Nakatitig lamang siya rito at ganoon din ito sa kaniya, kahit pa nagsimula nang umandar ang kanilang sasakyan. Napapalunok si Princess at hindi inaalisan ng tingin ang babae. Pero, nang may dumaan sa harapan nito, nawalang bigla ang babaing nakaputi. Lumingon siya kay Jess at nais sanang sabihin ang nakita. Subalit, hindi niya man lang maibuka ang bibig sa sobrang takot. Nilingon niya ang side mirror ng kotse at tanaw pa nito ang pinto ng chapel. At wala na roon ang bulto ni Madelyn. *** “E, saan mo ba nailagay ‘yung libro? ‘Di ba, na sa ‘yo lang ‘yun? Isipin mo kung saan mo nailapag.” Lumingon pa muna si Jess kay Princess na naghahalughog sa sarili nitong kabinet habang siya ay sa ilalim ng kama nito. Halos dalawang oras na silang naghahanap sa nawawalang librong itim. Nagkalat din ang gamit sa loob ng kuwartong iyon at kahit nga ang labahin ng dalaga ay kanila ring kinalkal. Pero, ni anino ng libro ay hindi nila makita. “Hindi ko nga alam. Basta sa pagkakaalala ko, dinala ko iyon sa school at…” Natigilan si Princess at parang nag-iisip. Kumunot ang kaniyang noo at napatayo nang tuwid, habang patuloy na may inaalala… Nagulat si Princess nang muntik pa siyang mabangga nang pababang sina Hazel at Mika. Pawang nakataas ang mga kilay nito at may tinitimping ngiti sa labi habang nakatingin sa kaniya. Wala namang sinabi ang mga ito kahit pa nakalampas na sa kaniya. Pero, pansin niyang parang may itinatago sa kanang kamay si Mika, dahil biglang inilagay nito ang kamay sa unahan nang makitang nakatingin pa siya sa mga ito. Humuling sulyap pa sa kaniya si Mika at tuluyang ngumisi bago nawala sa kaniyang paningin. Nagkibit-balikat na lang si Princess at pinagwalang-bahala ang mga ito. “Tama! Baka na kina Mika at Hazel ang libro. Noong time kasi ng P.E. namin, nakasalubong ko silang pababa na.” Napasulyap pa si Princess sa tumayo ng si Jess. “Princess, nasa Fourth Floor ang room nila. Daraan at daraan talaga sila roon.” Nagkibit-balikat pa si Jess bago naupo sa dulo ng kama at nagkibit-balikat. “Oo nga. Pero, malakas ang pakiramdam ko na sila ang kumuha noon. Hindi ko lang alam kung bakit nila ginawa. Kailangan nating puntahan si Mika.” Itinali lang ni Princess ang buhok at kinuha ang cellphone at wallet sa maliit na kabinet na nasa gilid. Nanatiling hindi naman gumagalaw si Jess. Tinitingnan lang nito ang ginagawa ni Princess. “At paano mo naman gagawin iyon? Nakita mo naman ang nangyari kay Mika kanina, ‘di ba? Sa tingin mo, haharapin pa tayo noon?” Nanatiling hindi tumitinag si Jess at tinitingnan ang reaksiyon ni Princess. “Bahala na. Kailangan nating mabawi ang libro. Dahil… baka may sumunod pa. At sa ayaw natin at sa gusto, kailangan nating malaman kung sino iyon.” Naging malikot ang mata ni Princess at hindi makatingin ng diretso kay Jess. Napakunot-noo naman ang binata at tumayo. Lumapit sa dalagang nanatiling hindi makatingin sa kaniya. “Anong… ibig mong sabihin?” Hinawakan pa nito ang braso ni Princess at pilit na hinaharap sa kaniya. “May alam ka ba, Princess?” “Ayoko na sanang sabihin muna sa ‘yo, dahil kailangan ko pa ng sapat na ebidensiya. Pero, kasi…” Inalis ni Princess ang kamay ni Jess sa kaniya at lumapit sa kulumpon ng mga kaniyang mga notebook at libro. Kinuha niya sa pagitan niyon ang isang diyaryo. Bumalik sa nalilito pa ring si Jess habang iniaabot dito ang pahayagan. “Nakita ko mismo ang larawang iyan kasama ng iba pang ipinakita ko sa ‘yo. Sa libro mismo. Ganiyang-ganiyan!” Litong kinuha ni Jess ang diyaryo, nasa front page ang larawan ni Hazel nang matagpuan ito sa putikan. Tanging kalahati lang ng katawan ang nakalitaw. ***  “Princess naman, malay mong nagkataon lang ang lahat. Don’t tell me na dahil lang sa larawang ito, na kapareho ng nasa libro, ay nagkatotoo ang lahat? Pinatay sila Hazel at Renz.” Bakas na sa mukha ni Jess ang pagkainis dahil sa ginagawi ng babae. Ayaw niyang paniwalaan ang mga nangyayari, kahit pa takang-taka sila kung bakit sunud-sunod na namamatay ang kanilang mga kaibigan at kapamilya. “Hindi lang ‘yun. Nakita ko rin si Madelyn kanina. Sa labas ng chapel ni Hazel. Tanda mo ba si Madelyn?” Namumuo na ang luha sa mata ni Princess pagkabanggit sa pangalan. “Oo. At nakuwento mo sa akin na napanaginipan mo siya kaya baka nagha-hallucinate ka lang at parang nakita mo ang mukha niya sa kung sino. Princess, magpahinga ka na. Mukhang kailangan mo na at ako naman uuwi na rin at…” “Jess, ano ba?! Bakit ba hindi mo ako pinakikinggan? Kailangan nating makuha ang libro para malaman at maiwasan natin ang kung sino man ang susunod. Ayoko na ng ganito.” Napatakip na sa sariling mukha si Princess at doon humagulgol. Halos malaglag na ang salamin nito sa mata pero wala na siyang pakialam. “Sige, pero kumalma ka na muna. Gabi natin pupuntahan si Mika.” Niyakap ni Jess ang umiiyak pa ring si Princess. Bahala na kung paano nila gagawin iyon. *** Tinitigan lang ni Mika ang cellphone na nasa gilid niya at hindi man lang ito sinagot. Kahit pa pang sampung ring na ata iyon. Si Princess ang tumatawag. Sinagot niya ng isang beses kaya nalaman niyang numero iyon ng dating kaibigan. Hindi niya alam kung paano nito nakuha ang kaniyang numero, pero wala na siyang pakialam doon. Basta, ayaw niya na munang makausap ito. At kahit ang sino man. Niyakap niya ang tuhod at doon umiyak nang umiyak. Sumasabay sa hikbi niya ang walang tigil na pag-ring ng cellphone. Mayamaya pa, tumigil iyon. Nanatili siya sa posisyon hanggang maramdaman niyang may humahaplos sa kaniyang buhok. Agad na napaangat ang mukha ni Mika, kasabay nang pagpatay ng ilaw sa kaniyang kuwarto. Tanging liwanag mula sa bukas niyang pinto patungong terasa ang kahit paano’y nagpapaaninag sa kaniya. Galing sa lamp post sa tapat ng kanilang bahay ang liwanag. Tanaw niyang may kuryente sa kabilang bahay, baka nasira na naman ang fuse nila gaya noong nakaraang araw. Napaigtad siya nang muling mag-ring ang cellphone niya, numero na naman ni Princess iyon. Pero sa pagkatataong ito, kinuha niya ang nakalapag na aparato at sinagot, habang nanatiling nakatingin sa gumagalaw na kurtinang puti ng pinto patungong terasa, yakap ng kaliwang braso ang magkasalikop na mga tuhod. “Hello…” suminghot pa siya bago garalgal ang boses na nagsalita. “Salamat naman Mika at sinagot mo. Itatanong ko lang sana kung na sa’yo ‘yung librong itim? Wala siyang pamagat…” “Bakit mo naitanong?” Napapasandal na siya sa headboard dahil parang may naaninag siyang aninong nakatayo sa may pinto ng terasa sa likod ng kulay puti niyang kurtina. Naaaninag niya dahil sa tumatagos na liwanag mula sa labas. Pero, noong pumikit siya nang mariin at imulat niyang muli, wala na iyon. Hindi kasi siya naniniwala sa mga kababalaghan na ‘yan. Kahit pa noong nakita niya sa monitor noong isang araw. Para sa kaniya, guni-guni niya lang iyon. “Kailangan kasing maibalik sa akin iyon. May titingnan lang sana ako. Na sa ‘yo ba?” “Wala.” At isang paghinga sa kaliwang bahagi ng kaniyang pisngi ang kaniyang naramdaman. Napaigtad siya at dagling nabitawan ang cellphone bago napatayo sa ibabaw ng kama. Tumayo ang lahat ng balahibo niya sa katawan dahil ramdam niya ang hininga ng kung sino mang iyon. May mabahong amoy pa ngang kasama iyon, na siyang kumakalat sa palibot ng kaniyang kuwarto. “Hello, Mika…” Binalak ni Mika na bumaba ng kama, subalit isang kamay ang humawak sa kaniyang kaliwang braso. Doon na napatid ang natitirang tapang niya. Ubod lakas siyang sumigaw at rinig mismo ni Mika sa kabilang cellphone. *** “Mika!” Nahindik si Princess nang marinig ang malakas na sigaw ni Mika sa kabilang linya. Napalingon pa siya kay Jess na nag-aalalang nakatingin din sa kaniya. “Bakit, anong nangyayari?” Imbis na sumagot, bumaba si Princess ng sasakyan ni Jess at tinakbo ang gate nila Mika. Nasa di-kalayuan lang sila ng bahay nito dahil kung sakali ngang kausapin sila, madali na lang nilang mapuntahan. Sumunod naman si Jess kay Princess na nanatiling nakadikit sa kanang tainga ang cellphone. Tumitingkayad na ito na parang nilalagpasan ng tingin ang may kababaang gate. “Princess, ano?” Nakikisilip na rin si Jess at napakadilim ng buong kabahayan nila Mika. Sabay pa silang napalapit sa gate nang isang malakas na pagsigaw muli ang kanilang narinig sa loob. Bukas ang naturang gate at walang pagdadalawang-isip na pumasok si Princess at tinakbo ang pinto nila Mika. Malaki ang bahay nila Mika na nasa isang sikat na subdibisyon. Buti na lang at pinapasok sila ng guard na nasa pinakabungad na gate dahil walang sumasagot ng tumatawag ito. Sinabi niyang may iaabot lang siyang project kunwari kaya pumayag na rin. Subalit, nagtataka siya kung bakit walang sumalubong na kahit isang katulong sa dami niyon nang makapasok sila sa loob ng bahay dahil bukas din ang pintuan niyon. Napaigtad pa sila nang kumahol ang shitzu na alaga ni Princess. Hindi na lang nila ito pinansin dahil mukhang harmless naman ito. May ibang aso silang naririnig na nagkakahulan at buti na lang at puro mga nasa kulungan ang mga ito ng oras na iyon. “Mika! Mika!” Sumisigaw na si Princess at nangapa-ngapa na rin siya dahil sobrang dilim sa loob. Sinubukan ni Jess na hanapin ang switch ng ilaw sa dingding malapit sa pinto, pero makailang ulit na niyang pinindot ay wala talagang kuryente. Kahit kita naman sa labas ng bintana ang tumatagos na liwanag galing sa mga poste ng ilaw at ilang kapitbahay. Binuksan naman ni Princess ang flashlight ng kaniyang cellphone at siya niyang ginawang gabay sa paglalakad. Nakarating sila ng hagdan at kahit madapa-dapa sila, nagmamadali nilang tinakbo iyon paakyat. Inilibot nila ang paningin sa madilim na paligid habang nakatutok ang liwanag na nagmumula sa cellphone. Limang pinto naman ang naroon. May pagmamadali sila na inisa-isa ang bawat pinto. Pare-parehong naka-lock at idinidikit nila ang tainga sa pinto kasabay nang pagtawag sa pangalan ng dalaga. “Tulong!” Sabay na napatingin sina Jess at Princess sa katabing pinto na bubuksan pa lang sana ni Princess. Halos sabay rin silang napatungo roon at pilit na pinipihit ni Princess ang doorknob habang si Jess naman at kinakatok iyon ng sunud-sunod. Pinatabi ni Jess si Princess at sinubukang balyahin na lang iyon gamit ang buong puwersa ng katawan at kanang braso. Nakakadalawang pagsubok pa at isang mahabang tili ni Mika ang kanilang narinig sa loob. Nagkatinginan sila ni Jess kaya mas lalong binalya nang binalya ng binata ang pinto. Mas lalong pinalayo ni Jess si Princess at isang malakas na sipa ng kanang paa ang ginawa niya. At sa wakas, bumigay rin ang pinto. Kasabay nang pagbubukas nito ay ang pagliwanag ng paligid, indikasyon na may kuryente na. At sa gitna ng kama, kita nila si Mika, habang nakatakip ang dalawang kamay sa tainga at nakaupo nang nanginginig, umiiyak. Nilapitan ito kaagad ni Princess at hinawakan sa balikat, habang nanatili sa may pinto si Jess at pinagmamasdan lang ang dalawa. “Mika…” “Ayoko na! Ayoko na!” Nagsisigaw si Mika kahit pa niyuyugyog na ni Princess. “Mika! Ako ito, si Princess.” Tsaka lang parang tumigil ito sa pag-iyak at pagsigaw. Bigla ang ginawa nitong paglingon sa dalagang nasa kanan. At parang nakakita nang kakamping niyakap ang nagulat na si Princess. “Umalis na tayo rito. Narito siya,” impit nitong saad habang mahigpit na yakap si Princess at nakapikit. “Sino?” Kahit pa may ideya na siya kung sino ang tinutukoy nito, nais pa rin niyang makasiguro. “Si… Madelyn!”   Shhh... Don't tell your ending jhavril
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD