“OMG! Anong klaseng larawan ‘yan?”
Napalingon si Hazel kay Mika na hindi niya napansin na nakatingin na pala sa larawan. Nagkibit-balikat si Hazel at kahit siya ay kinikilabutan habang nakatingin sa taong nakalubog ang kalahati ng katawan sa putikan at mula beywang hanggang paang walang sapin ang nakalitaw. Naka-shorts lang ito at base sa hugis ng hita at paa, maaaring pag-aari iyon ng isang babae.
“Grabe, ang pangit ng kamatayan niya. Ano ba ‘yan, putikan? As in, ew, kadiri.” Umismid pa si Hazel at hindi na binalak na tingnan pang muli ang larawan. Kaso, nakaisip siya ng kalokohan, kaya hinawi niya si Mika na bumalik sa pagkakaupo sa gitna ng kama at binalak na kunin ang libro.
“Pahiram muna, pipiktyuran ko tapos ipo-post ko sa sss ko and IG. Hashtag princess is dead.” Sinabayan niya pa iyon nang malakas na pagtawa nang maisip ang nais gawin.
“Ang weird mo talaga! Puwede ba, akin na ‘yan.” Inagaw na muli ni Mika ang libro kahit hindi pa iyon nakukunan ng larawan ni Hazel. “Malalaman pa ni Princess na nasa atin ang libro kapag pinost mo, baliw ka.” At inilipat niya sa kabilang pahina, pero naging blangko na muli iyon. Wala ng sumunod na larawan.
“Wala na? In fairness, maganda ang pagkaka-drawing pati ang kulay na ginamit buhay na buhay, pero ‘di ba wala namang talent ‘yang si Princess sa mga ganito? ‘Di gaya ni…”
“Shhh… quiet. Ayokong makarinig nang mabahong pangalan. At baka makasira ng magandang mood natin.” Umismid pa si Mika at isinara na nito ang libro matapos na ipitin ang pulang papel sa pagitan ng pahina. Nagkibit-balikat naman si Hazel at hindi na nagkomento pa.
“Okay. Dito ka ba matutulog? Hindi puwede, tatakas ako mamayang eleven, kaya umuwi ka na.” Tumayo si Hazel at nameywang sa harap nang natatawang si Mika.
“Sino na naman ang sasamahan mo, this time? Ikaw, alam ba ‘yan nila tita?” saad ni Mika habang nililigpit ang mga gamit niya. Inilalagay niya sa bag ang ilang notebook, nang parang kinikilig na naupo sa tabi niya si Hazel.
“It’s Renz. Pupunta kami sa resort nila dahil it’s our daysarry.”
Hinampas naman siya nang libro ni Mika, nakaiwas naman ang huli habang kumakanta ng I think I’m In Love “Luka-luka ka! Babaero ‘yang si Renz at huwag kang iiyak-iyak kapag iniwan ka niyan. Daysarry mong mukha mo!”
Yumuko si Mika para kunin sa ilalim ng kama ang sapatos na hinubad kanina. Ibinaling niya ang ulo sa kaliwa habang kinakapa ang sapatos gamit ang kanang kamay. Pero, pabiglang nahigit niya ito dahil may parang humawak dito; mainit, sobrang nakakapaso.
Napaupong pabigla pa sa sahig si Mika habang nakatingin sa kanang kamay at pabalik sa ibabang bahagi ng kama. Tumigil naman sa pagkanta si Hazel at nagtatakang nilapitan ang dalagang mukhang namumutla.
“Bakit?” Lumuhod si Hazel at hinawakan sa balikat si Mika na nanatiling nakasalampak sa sahig.
“Parang… parang may humawak kasi sa akin,” mahinang saad niya habang nakakunot ang noo kay Hazel.
Napakunot-noo na rin si Hazel bago yumuko at sumilip sa ilalim ng kama. Madilim ang ilalim kaya kinuha niya ang cellphone at binuksan ang flashlight niyon bago muling sumilip. Nanatili namang hindi umaalis sa puwesto si Mika. Ramdam niyang hinawakan siya ng isa ring kamay.
Sinuyod ni Hazel ang bawat sulok ng ilalim ng kama, pero wala namang siyang nakita. Hinigit na lang niya ang sapatos ni Mika at nagkibit-balikat. “Baka ‘yung mababait kong alaga ‘yun, nadaanan ka. Papalinis ko bukas kay Manang,” saad ni Hazel na ang mga daga ang tinutukoy. Tumayo na siya at inalalayan ang kaibigan para tumayo na rin.
Hindi umiimik si Mika pero nagsimula nang mag-ayos ng sarili. Pasado alas-otso na ng gabi at malamang na hinahanap na siya sa kanila.
Bago lumabas, humuling sulyap pa si Mika sa ibabang bahagi ng kama ni Hazel. Alam niyang hindi iyon gawa ng daga. Hinawakan kasi ang kamay niya. Mahigpit kaya napaso siya dahil sobrang init niyon.
Parang mainit na apoy.
***
Hindi maipaliwanag ang saya ni Hazel habang palipat-lipat ang tingin kay Renz na nagda-drive at sa madilim na daan. Papunta sila ng resorts ng lalaki na tanging sila lang dalawa. Hindi man niya mahal si Renz, guwapo naman ito at mayaman, kaya puwede na. Minsan kasi, naiingit siya kay Mika lalo pa at kasama nila lagi si Kit. Nagmumukha siyang third wheel sa dalawa. At ngayong may nobyo na siya, hindi na siya gaanong ma-out of place sa dalawa. Lalo pa ngayong tatlo na lang silang natira sa barkada. Maaari na rin silang mag-double date kung sakali.
“Malayo pa ba tayo?” Mula sa pagtingin sa kanang bintana ay dumako ang paningin ni Hazel sa sumulyap lang na si Renz at ibinalik na rin ang paningin sa daan.
“Medyo malapit na. Naiinip ka na ba kung gusto mo… Putcha!” Kasabay nang pagkabig pakaliwa ni Renz ng manibela ang pagsigaw naman ni Hazel. Muntik pang mahulog sa bangin ang kotse, buti na lang at naikabig pabalik ni Renz sa kanan.
Rinig pa nila ang malakas na musikang nanggagaling sa sasakyang nag-overtake sa kanila. Kita rin ang mga nagkakagulong tao sa loob. Agad na inaapakan ni Renz ang silinyador, sanhi para mas mapabilis ang pagtakbo niyon. Tinapatan niya ang kotseng muntik nang makaaksidente sa kanila.
“Puwede ba, Renz, slow down! Huwag mo na silang patulan!” Halos lumabas na ang litid ni Hazel sa pagsigaw kay Renz, pero lubhang bingi na ito. May panggigigil sa mahigpit na paghawak nito sa manibela at nais na lampasan ang kotseng kulay pula.
Lumingon naman ang driver sa kabila at nang makitang uungusan sila ng kotseng naunahan na nila, gumanti rin ito nang pagpapatakbo nang mabilis. Naghihiyawan ang mga taong nasa loob ng sasakyan, kasabay ang maingay na tugtog. Hindi tinted ang sasakyan kaya kita ni Renz na puro lalaki ang sakay niyon. Hinawakan naman ni Hazel ang kanang braso ng binata para patigilin na ito dahil lubhang natatakot na siya dahil sobrang bilis na ng sasakyan sa makipot na daan. Maling pagkabig lang ay bangin ang kanilang kababagsakan.
Pero, hindi pinansin ni Renz ang katabing dalaga, mas lalo niyang binilisan ang pagpapatakbo ng sasakyan at napangiti siya nang maungusan na niya ito. Ilang metro na ang layo sa kanila. “See?! Kaya ko silang daigin. Magaling kaya ako sa…”
Hindi na naituloy ni Renz ang sasabihin dahil biglang may bumangga sa likuran ng kanilang sasakyan. Hindi na nakontrol ni Renz ang manibela dahil bigla iyong gumewang at pinilit niyang kinakabig iyon pakaliwa.
Sa isang malaking puno sila bumangga.
***
Nanghihinang tinanggal ni Hazel ang seatbelt. Sa lakas nang impact ng kanilang pagkakabangga, tumama pa rin ang ulo niya sa dashboard. May mga maliliit na bubog ding tumalsik sa kaniyang mukha dahil sa nabasag na salamin sa harapan. Ramdam niya ang umaagos na dugo sa mukha niyang may mga tama at sugat. Nahihilo rin siya at medyo malabo na rin ang kaniyang paningin. Marahang nilingon niya si Renz at napasinghap siya sa nasaksihan. Nakamulat ang mga mata nitong wala ng buhay habang isang tipak ng salamin ang nasa lalamunan nito. Umaagos pa ang masaganang dugo mula roon.
Umuusok ang harapan ng yuping bumper ng sasakyan, kaya kahit hinang-hina si Hazel, pinilit niya pa ring buksan ang pintong nasa kanan. Hinawakan na niya ang handle nang magulat dahil sa biglang bumukas iyon at isang bulto ang naaninag niyang naroon. Pumikit-pikit siya para mawala kahit paano ang panlalabo niyon at makahingi ng tulong mula sa taong nasa kaniyang tabi.
Subalit, bigla na lang siyang hinila nito sa buhok palabas na halos maging sanhi na nang pagkatanggal ng kaniyang anit. Nasulyapan niya ang dalawa pa nitong kasama na tsinek pa si Renz kung patay na. Tanaw niya rin sa malapit ang sasakyang pula, na siyang bumangga sa kanila. Itong tatlo malamang ang mga sakay niyon.
“Seksi mga p’re. Maiba taya ang mauuna,” saad ng lalaking nanatiling nakasabunot sa dalaga. Napapaluhod si Hazel dahil hindi niya talaga kaya ang kaniyang sarili. Nanlalabo ng tuluyan ang kaniyang paningin sanhi ng mga dugong dumadaloy sa kilay at dumaraan sa kaniyang mata. Kasama na rin ang luhang nagsisimula nang mamuo rito.
“Parang… parang awa n’yo na.” Halos wala na rin siyang boses, subalit nagbabakasali pa rin siyang magmakaawa at lubayan na siya ng mga lalaking ito na mukhang high sa pinagbabawal na gamot.
“Ayoko. Boring ‘yun. Mas maganda, kung patakbuhin natin tapos kung sino ang unang makakahuli, siya ang mauuna.” Sinabayan pa iyon nang tawa ng lalaking may hawak na maliit na baril, habang nakatutok sa kaniya. Semi-kalbo ito at medyo payat kumpara sa dalawa. Halos matangkad lang sa kaniya ito ng mga ilang pulgada. Pare-parehong namumungay ang mga mata ng mga ito habang nakatingin kay Hazel.
Nailing na nagmakaawa na naman si Hazel, lalo na nang bitawan na siya ng lalaki sa pagkakasabunot. Sumubsob siya sa lupa at patuloy na humahagulgol. Naghahalo na ang dugo, luha at sipon niya kasabay nang pagkahilo at malabong paningin.
“Okay. Ready? At the count of three, babe. One…” Sinipa pa si Hazel ng lalaking katabi at pilit na pinapatayo at pinapatakbo. Puro puno ang nasa likuran niya pero hindi niya nais na gawin ang gusto nilang mangyari. Mukhang magubat pa at ang hi-way ay madalang ang mga sasakyan. Nais man niyang humingi ng tulong ay malabong may magbigay niyon sa kaniya.
“Hindi… please… pakawalan na… ninyo…” Nawawalan na si Hazel ng pag-asang may daraan para tumulong sa kaniya kaya sa mga ito na lang siya nakiusap.
“Two!”
Patuloy siyang umiiyak nang lumingon sa likuran at pinilit na tumayo, paika-ikang tinungo iyon na halos mabingi siya sa sigawan ng mga lalaking lubhang nasisiyahan sa kaniyang ginawa.
“Three! Nariyan na kami, babe!” Bumalik ang mga lalaki sa kanilang sasakyan at kinuha ang kaniya-kaniyang cellphone at sabay-sabay na binuksan ang flashlight, bago tumatakbong sumunod kay Hazel.
Kahit halos matusok-tusok na si Hazel sa dinaraanan dahil wala siyang sapin sa paa, at madapa-dapa dahil sa napakadilim na kakayuhan, pinilit niya pa ring iligtas ang sarili. Ramdam na rin niya ang panghihina subalit mabilis na pinunasan ang mukha upang kahit paano ay makita ang dinaraanan. Nadapa siya sa hindi niya makitang bagay at napakagat labi upang pigilan ang sarili sa paghiyaw sa sakit. Parang nabali ang kaliwang paa niya kaya hindi niya maigalaw sa sobrang sakit. Pinilit na lang ni Hazel na gumapang at nanginginig na nagtago sa likuran ng isang puno at impit na umiiyak habang sinisikap na umupo. Tinitiis niya angs sakit upang maitago ang sarili. Napapaigtad siya kapag nakakarinig nang kaluskos sa paligid.
Mayamaya pa, mabining hangin na lang ang kaniyang naririnig at panggabing insekto. Kinalma niya ang sarili at inilibot ang paningin sa paligid. Huminga siya nang malalim at habang nanatiling nakaupo ay sinubukan niyang sumilip sa gilid ng puno.
“Huli ka!”
Naitakip ni Hazel ang kamay sa mukha nang masilaw sa itinapat na liwanag sa kaniyang mukha. Napaigik rin siya sa sakit nang pabiglang daklutin siya sa ibabaw ng ulo habang isinilid sa likuran ng pantalon ang cellphone at dinukot naman ang baril sa gilid na bulsa. Sapilitang itinatayo si Hazel habang nakatutok sa babae ang baril at nakangising kinaladkad ito. “Paano ba ‘yan, nauna ako!”
Napapalatak naman ang dalawa at nag-aasaran pang tirhan sila at huwag ubusin. Inilawan nila ang dalawa dahil nais nilang masaksihan kung paano babuyin ng kaibigan ang kawawang babae. Basta na lang inihagis ng lalaki si Hazel na pasubsob na tumama sa isang may kalakihang bato. Lalong nanghina si Hazel at gasino na lang ang naririnig niyang ingay sa paligid. Mula ulo hanggang paa ang masakit sa kaniya na kahit kaunting galaw ay hindi na ata niya kaya.
“Gago ka! Titirahin muna natin bago mo patayin!” Pinulsuhan ng isang lalaki si Hazel nang makitang tumama ang kaniyang noo at umaagos na ang napakaraming dugo roon. Halos nakapikit na rin si Hazel at hindi gumagalaw. Pero, ramdam pa namang humihinga ito at may pulso kahit mahina na. Pina-flashlight-tan nila ito at inaalam kung buhay pa ba ang dalaga. Pinilit pa nilang imulat ang mga mata nito na halos pikit na.
“Huwag na. Nawalan na ako ng gana.” Ikiniling ng lalaki ang ulo sa kanan at itinutok kay Hazel ang baril. Hindi na naawat ng dalawa pa nang paputukan niya ito ng sunud-sunod. Walang buhay na ito ng kaniyang tigilan.
Paalis na sila nang hilahin ng isa ang bangkay ni Hazel at pinilit na ilubog sa nakitang putikan. Malambot iyon at may tubig pang nasa paligid. Subalit, nakaangat ang katawan nito habang nakadapa. Kumuha ng isang kahoy ang isa at pinukpok sa ulo si Hazel at pilit na binabaon sa putik, tumulong na rin ang isa pa. Halos kahalati na ng katawan nito ang nakabaon sa putik ng pawisang tigilan nila iyon. Mula bewang hanggang sa paa nitong walang sapin na lang ang tanging nakalitaw.
“Kainis ka naman! Sana pinatira mo na muna sa amin. Ang seksi at ang puti pa naman.” Hinayang na hinayang ang isa habang nakatutok ang flashlight sa hita nitong napakaraming dugo at putik na ang nababalot.
“E, ‘di tirahin mo. Pinipigilan ka ba?” Ngumisi pa ang lalaking bumaril kay Hazel bago nauna nang umalis sa lugar na iyon.
Ni hindi na nila nilingon ang bangkay ng dalaga na tiyak ng hindi makikilala dahil sa sinapit nito.
Shhh...
Don't tell your ending
jhavril