Prologo
"Jen, ano 'yan?" nakakunot-noong tanong ni Kaye sa kaibigan. Hinawakan pa nito ang braso ng kaibigan. May pasa kasi ito at parang kulay talong na ang kulay. May kalakihan kaya agad mapapansin.
Agad namang tinabig ni Jenny ang kamay niya. Lalong nagtaka si Kaye dahil hindi naman ito ganito. Napakahaba ng pasensiya nito, lalo na sa kaniya. Pinipilit nitong hinihila pababa ang sleeves ng uniform at tiningnan siya nang masama. Nais mang magtanong pa ni Kaye ay pinili na lang niyang bumalik sa kinauupuan.
Eksakto namang dumating ang kanilang guro. Pinakuha nito ang librong gagamitin para sa math.
Subalit, natigilan ang lahat at napalingon kay Jenny nang bigla itong nagsisigaw. Lumapit na ang guro dahil bumagsak na ito sa sahig.
Kitang-kitang ni Kaye nang tumirik ang mga mata nito at maging puti na lang habang hawak ang brasong nakitaan niya ng pasa. Nanginginig na rin ito kaya pinagtulungan na ng mga kaklase na dalhin sa clinic. Napatakbo na ring sumunod si Kaye. Nag-aalala siya sa kalagayan ng kaibigan.
Subalit, kalalabas pa lang nila ng pinto nang patuloy na magkakawag si Jenny. Napilitang ibaba muna ito ng mga kaklaseng bumubuhat dito.
At hindi nila inasahan ang ginawa ni Jenny. Bigla itong tumayo at tumakbo sa may railing at bago pa man ito mapigilan, tumalon na ito rito. Napasigaw ang lahat nang nakasaksi at ang ilan ay sinilip pa si Jenny mula sa 5th floor na kanilang kinaroroonan.
Napatakbo naman ang kanilang guro pababa habang si Kaye ay nanginginig na ring sumunod dito.
At doon, kitang-kita niya ang baling katawan ng kaibigan habang nakamulat ang mga mata. Nanatiling hawak nito ang braso.
Nang dumating ang medics para buhatin ito, nagulat sila dahil nang bumagsak ang kamay nitong nakakapit sa braso ay nakitaan ng mga maliliit na uod sa malaking sugat na naroon. Napatakip ang lahat ng ilong dahil ibang amoy ang lumabas mula rito. Ang ilan nga na di kinaya ay napaduwal pa.
Agad na umakyat si Kaye para hanapin ang cellphone ng kaibigan. Kailangan niyang masabihan ang magulang nito. Ibinuhos na niya ang laman ng bag para makita kaagad ang hinahanap. Agad na dinayal ang numero ng mommy nito nang makuha ang cellphone ng kaibigan. Pati siya ay napaluha na nang sabihin dito ang nangyari sa anak.
Nang matapos na si Kaye agad na niyang niligpit ang mga gamit nitong naikalat niya. Isa-isa niyang ibinalik sa bag nang may mapansin siyang isang libro. Kulay itim lang ito at kasing laki lang ng notebook. Agad niya itong dinampot at inikot-ikot. Walang pamagat?
Hindi na sana niya pakikialaman pa pero may nahulog mula sa loob. Agad na dinampot ito ni Kaye at sinipat. Isang pulang papel. Napakunot-noo siya nang mabasa ang nasa gitna nito:
"Don't tell your ending!"
Nagkibit-balikat lang si Kaye at agad na binuklat ang libro at iipit sana dito ang pulang papel. Pero naagaw nang atensiyon niya ang drawing sa libro.
Isang babaeng tumalon mula sa itaas ng eskuwelahan. Bigla niyang nabitawan ang librong hawak. Napatingin pa siya sa may pinto na tanaw ang railing na pinagtalunan lang kanina ni Jenny at sa librong nanatiling nakabukas. Parehong-pareho ang naka-drawing na railing at ang nangyari kanina lang. Pati ang kulot na buhok na babaeng nasa libro ay parang si Jenny.
Nalilitong dadamputin na sana ni Kaye ang libro nang biglang humangin. Nalipat ang pahina at nanlaki ang kaniyang mga mata ng ibang drawing ang kaniya namang nakita. Isang babae ang nakabitin sa isang ceiling fan.
Ang mas nakakatakot, kilala niya ang kuwartong kinaroroonan nito. Ang sarili niyang kuwarto. At bagamat walang mukha ang babae, kinilabutan pa rin siya dahil ang suot nitong pangtulog ay gaya ng meron siya!