Shhh... 14

2096 Words
Tahimik silang tatlo sa loob ng kotse ni Jess; katabi niya si Princess habang mag-isa namang umiiyak sa likuran si Mika. Pasulyap-sulyap si Jess sa rear mirror para tingnan si Mika at mayamaya sa katabing si Princess naman siya mapapatingin. “Anong… gagawin natin?” Sa daan na siya nakatingin dahil panigurado namang narinig ng dalawang kasama ang kaniyang tinanong. Kanina, paalis na sila nang maalala ni Princess na tanungin muli kay Mika ang tungkol sa librong itim. Itinuro nito iyon sa loob mismo ng kaniyang bag. Binitbit na lang ni Princess ang bag ni Mika at tsaka sila umalis. At kahit wala pa ang mga magulang ni Mika, ite-text na lang daw niya ang mga ito. Napag-alaman din nilang nasigawan ni Mika ang lahat ng katulong at pilit pinaalis lahat dala ng depresyon. At ang driver naman ay kasama ng mga magulang sa importanteng lakad tungkol sa business. Ikinulong naman muna ni Princess ang alagang aso ni Mika dahil mukhang tuliro pa ang dalaga bago sila umalis. “Kailangan nating puntahan si Madelyn sa kanila.” Mula sa labas ng bintana, lumingon si Princess kay Jess habang sinasabi iyon. Biglang itinigil ng binata ang sasakyan sa isang gilid. Akala pa naman niya, uuwi na muna sila kina Princess. “Ano, nababaliw ka na ba? Matagal ng panahon na wala na si Madelyn. Pupuntahan natin ang puntod niya?” May inis na sa boses ni Jess pero nagtitimpi pa rin siya. Hindi kasi siya naniniwalang nagmumulto ang dating kaibigan. Napakabait nito. At alam niya na hindi nito magagawa ang bagay na sinasabi nito lalo pa at wala na nga ito. Matagal na. “Kung kinakailangang makiusap tayo sa puntod niya, gagawin natin, matigil lang ang lahat ng ito!” Sinapo ni Princess ang noo dahil sobrang sumasakit na iyon sa kaiisi ng puwede nilang gawin para matigil na ang pagmumulto ni Madelyn. “Puwede rin… kung saan siya namatay,” mahinang saad ni Mika na nahihintakutan pa rin ang itsura. Hindi siya makapaniwala na nangyayari ang lahat ng ito at kung kailan kinalimutan na nila ang mga nangyari, apat na taon na ang nakakalipas. “Akala ko ba…” Napabuntong-hininga pa muna si Jess at sumandal bago napatingin kay Princess. “Kalilimutan na natin ang lahat at…” “Si Kit.” Hindi natapos ni Jess ang sasabihin dahil napabalikwas si Mika mula sa pagkakasandal nang maalala ang kasintahan. “Kailangang maisama natin si Kit. Damay rin siya rito.” Natatarantang dinayal ni Mika ang numero ni Kit at napapailing na lang si Jess sa mga nakikita. Pakiramdam niya, nagiging paranoid na sila sa pag-iisip ng kung ano-ano. Bakit hindi, e wala naman siyang nararamdamang kakaiba? Gayong kilala naman niya ang babaeng tinutukoy nilang may kagagawan daw ng mga ito. *** “Anong kalokohan ito?” Patamad na sumandal si Kit sa gilid ng sasakyan ni Jess, habang nakahalukipkip. Naka-park ang single motor niya sa unahan lang niyon, sa tapat mismo ng bahay nila Princess. Nasa loob ang ina kaya ninais nilang sa labas na lang mag-uusap-usap para hindi nito marinig kung ano man ang kanilang mapagkasunduang gagawin kung sakali. Maliwanag naman ang daan kahit pa alas onse na ng gabi. Tahimik nga lang dahil mangilan-ngilan lang ang dumaraan sa one way na kalsada. “Kit, babe, totoo. Ako mismo ang nakakita at nakaramdam kay Madelyn. Tandang-tanda ko ang boses niya.” Hinawakan nito sa kanang braso ang kasintahan at nagsimula na namang mamuo ang luha sa kaniyang mga mata pagkakaalala sa nangyari. Halos mapaso rin siya nang hawakan nito. “Ito. Tingnan mo.” At ipinakita nito ang kaliwang braso na bakas pa ng kamay. Kulay sunog iyon. “Hinawakan niya at…” Patamad lang na tinignan ni Kit ang pinapakita ni Mika at pinalis lang ito. “Mika, alam nating mahilig kang gumawa ng mga bagay na papabor sa ‘yo.” Ngumisi pa si Kit sa napamulagat sa gulat na si Mika. Hindi niya akalain na sasabihin iyon ng halos apat na taon niyang katipan. “At kung sakali mang totoo ang mga pinagsasabi ninyo, anong kinalaman ni Madelyn sa mga patayang nangyayari? Pumapatay ang nauna ng namatay?” Pagak pa itong tumawa at nang-aasar na sinalit-salitan sila ng tingin. “At kanina, anong librong itim ang sinasabi n’yo?” Inis na huminga pa ito ng malalim na parang bored na bored na sa mga sinasabi nila. Ipinatong pa ang isang braso sa kotse ni Jess. “Dahil… binabalikan niya tayo! Alam nating lahat na kasalanan natin kung bakit siya namatay! Lahat tayo ay magbabayad! ‘Yung libro, siya ang gumawa niyon. ‘Yung mga drawing… siya lahat iyon. Uubusin niya tayo!” Mahina saad ni Princess subalit may diin ang bawat salita niya. Nasa loob lang ang kaniyang ina at ayaw niyang bigyan ito ng isipin sa mga nangyayari. At sa malamang din, hindi ito maniwala gaya ng nangyayari kay Kit. Hinawi ni Princess ang buhok na tumabing sa mukha dahil sa biglaang paglakas ng hangin. Nayakap din nito ang sarili at tiim na tumingin sa hindi pa ring naniniwalang si Kit. Halos magkasing-taas lang sila Kit at Jess, pero ni minsan, hindi niya nakitang nagkasama ang dalawang binata. Kahit sa larong basketball na pareho nilang gusto. “It’s been, what? Four years? Or five? Grade ten pa lang tayo noon and ni hindi ko na nga tanda ang itsura ng babaeng iyon. I don’t even remember the name of that girl. Sabagay, paano ko malalaman ang itsura noon e, sunog nga pala iyon. ‘Yun naalala ko ‘yun.” Tumawa pa ito nang malakas sa naisip. “Sunog ang kulay niya ng mabuhay, sunog din pala siyang namatay. What a pity life she had.” Naningkit ang mga mata ni Mika sa sinabing iyon ni Kit. “How dare you! You are saying that to a dead girl?” “Hoy, Mika. Huwag tayong magmalinis dito. Kung mayroon man na dapat parusahan talaga, ikaw iyon. Ikaw ang nag-umpisa ng lahat ng ito.” Dinuro pa nito si Mika sa inis. Hindi na nakatiis si Mika at pinagsusuntok nito si Kit sa dibdib. Paulit-ulit niyang sinasabi ang how dare you. Inawat naman nila Princess at Jess si Mika at si Kit naman ay hinahawakan ang mga kamay ng dalaga para pagilin ito. “Tumigil ka na!” At isinalya ni Kit nang pabigla niyang binitawan si Mika. Buti na lang at nasalo siya nila Jess at Princess bago pa siya matumba sa baldosa. “At how come na ngayon niya naisipang maghiganti sa ‘tin. Think guys!” Nagmura pa ito bago tumalikod. Nagsisigaw naman si Mika habang sinasabihan na umalis na si Kit at bahala na ito sa buhay niya. Hindi na nila ito pinigilan at hinayaan na lang nilang sumakay sa sariling motor at naghuling sabi pa na bobo lang nagpapaniwala sa multo bago pasibad na umalis. Nag-middle finger pa ito sa ere. Naiwang nagkakatinginan ang tatlo. Nagpunas naman ng luha si Mika at sabay sabing bahala siya. “O, ano na? Titigilan na rin ba natin?” Si Jess na hindi na napigilang humikab sabay tingin sa relong nasa bisig; alas onse y medya na. Kanina pa siya inaantok. Sasagot pa lang sana si Princess nang marinig ang tawag ng ina. Pinapapasok na siya sa loob at hating-gabi na. Pinauuwi na rin nito ang dalawa niya pang kaibigan. Buti na lang at hindi narinig ang sigawan nila Mika at Kit kanina. Madalas kasi ay naka-earphone ito habang nanonood sa youtube ng mga palabas, pampaantok niya. “Ayokong umuwi. Puwede bang dito na muna ako makitulog. Hindi naman siyempre puwede kina Jess.” Alanganing salitan pang tumingin si Mika sa dalawang nagkatinginan sa sinabi nito. “Maliit lang ‘yung kuwarto ko at electricfan lang ang gamit…” “Ayos lang ‘yun. Tumawag sina mommy at hindi sila makakauwi dahil may majong session kina tita. Ayokong matulog mag-isa sa bahay.” Napapalunok pa si Mika habang sinasabi iyon. At sa nangyari kanina, malamang na pabendisyunan muna niya ang buong bahay bago pa siya muling makatulog doon. Alanganing tumango si Princess. Masiyado na kasing awkward silang dalawa sa isa’t isa. Lalo pa ang mga nangyari dati kaya hindi niya alam kung paano pakikitungahan si Mika. Itinuturing nilang saradong chapter ang kanilang mga pinagsamahan kung mayroon man. At simula iyon nang mamatay si Madelyn… *** “Ano? May nakakita sa inyo? At sino?!” Gigil na gigil si Mika habang mahigpit na hawak ang pinakuha niyang answer key kina Jenny at Kaye, halos malukot na iyon sa dahil inis niya. Nais sumali ng mga ito sa kanilang grupo. Pero may initiation na kailangang ipasa. At ang napili niya nga ang pagkuha ng answer key para sa final exam nila. Hindi naman siya bobo at masasagot naman niya ang mga tanong doon. Ang nais niya lang ay kung kaya bang gawin ng dalawang ito ang lahat kahit pa ang ma-suspend ng dahil sa pagkuha ng pangunahing bagay sa loob ng premises ng eskuwelahan. “E, nagulat nga kami. Akala namin, walang tao sa loob ng faculty room, dahil sabi mo nga may meeting ang lahat ng teachers. Pero biglang lumabas si Madelyn galing pantry, pinaghugas pala ni Ma’m ng mga pinaggamitan nung lunch. Basta, nakita niya ng isilid namin sa bag ‘yung answer key,” pahina nang pahina ang pagkakasaad ni Kaye. Alam niya kasing magagalit si Mika kapag nalaman nitong mukhang sasablay sila sa ipinagawa nito. Dahil may nakakita nga sa kanila ni Jenny na isang transferee pa. Pamangkin ito ng isang subject teacher nila at galing sa isang malayong probinsiya. Halos hindi nila ito pinapansin dahil bukod sa sobrang itim nito, maliit na parang sa isang grade six ang taas ni Madelyn. Kapag nasa mood sila, pinagkakatuwaan nila ito at hindi naman gumaganti. “Si Madelyn…” halos pabulong na saad ni Mika. Kahit medyo nabawasan ang kaba niya dahil kaunting takot lang niya rito malamang ay hindi naman ito magsusumbong, iba pa rin ang sigurado sila. Hindi sila kailangang ma-suspend lalo pa ngayong mag-grade eleven na sila. Ngayong final week malalaman kung makakapag-grade eleven sila o balik grade 10. At alam niyang maaaring magsumbong ito, maaari din namang hindi, kung mauunahan nila. “Ako ng bahala kay Madelyn. Sige, pasok na kayo sa grupo.” Nakangiting nag-apiran si Jenny at Kaye. Sabay rin silang sumambit ng ‘ayos’. Sa wakas, nasa grupo na rin sila. *** Nabigla si Madelyn nang may humila sa kaniya papasok ng CR. Hawak siya sa braso at nagkandahulog na ang mga libro niyang hawak ay wala itong pakialam at basta na lang siyang isinalya ni Mika sa loob. Muntik na siyang sumubsob sa lababo, buti na lang at naitukod niya ang mga kamay rito. Agad namang isinara ni Yam ang pinto at ini-lock. Buti na ‘yung siguradong walang makakapasok at makakita sa kanila. Kahit pa, alas sais na ng hapon at wala ng masiyadong estudyante at guro sa paligid. Mabuti na iyong nag-iingat. Nakangising nakahalukipkip naman sa magkabilang gilid ni Mika si Jenica at Hazel. Nasasabik sila sa kung ano ang gagawin ni Mika sa ulikbang ito. Agad na hinawakan ni Mika ang tutok na buhok sagad hanggang anit ni Madelyn pagkatapos ay pabagsak niya itong hinila, dahilan para mapatingala ito sa kaniya. Balikgtad ang tingin ni Madelyn subalit kita niya pa rin ang panlilisik ng mga mata ni Mika patungkol sa kaniya. Gigil na gigil din ito base na lang sa paghigpit nang pagkakahawak sa kaniyang anit. Mahahaba pa ang kuko ni Mika kaya ramdam niya ang mga kuko nitong bumabaon sa anit niya. “Punyeta kang babae ka! Nagsumbong ka ‘no?!” Iwinasiwas pa ni Mika ang ulo ni Madelyn habang mahigpit na hawak niya ang buhok nito na may kakulutan. Napangiwi si Madelyn sa sakit at kahit hirap ay umiling siya ng sunud-sunod. “Hindi ko alam … ang sinasabi …mo.” Paputol-putol ang pagkakasambit niya dahil sumasakit ang leeg niya sa ginagawa ni Mika na halos ikabali na ng kaniyang leeg. Hindi na rin siya makalunok ng maayos. “Ganoon?! E, bakit kami pinatatatawag sa principal’s office?! Hayop ka! Kapag kami na-suspend, idadamay kita!” At pabiglang binitawan ni Mika ang ulo ni Madelyn. Sumubsob itong tuluyan sa lababo na siyang ikinatawa ng apat na kasama nito. Hindi naman gumalaw si Madelyn sa pagkakasubsob kaya isa-isa siyang binatukan ng apat bago tuluyang lumabas ng CR. Napakuyom ang kaniyang kamay bago unti-unting umayos ng tayo. Pabiglang pinahid ang luha sa pisngi at tinitigan ang sarili sa salamin. “Makikita n’yo!”   Shhh... Don't tell your ending jhavril
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD