Napapailing si Kit nang makapasok sa loob ng kuwarto at pabagsak na humiga sa kama matapos na ilapag ang bag sa ibabaw ng study table. Hindi na niya nagawang buksan ang ilaw dahil sobrang pagod na siya sa pakikipagdebate lalo na kay Mika. Pakiramdam niya naubos nan ang buong lakas niya.
Mga siraulo!
Dinukot niya ang cellphone sa bulsa pero wala iyon sa magkabilaan. Nakakunot ang noong bumangon siya at naghagilap sa paligid, hanggang mapatingin sa bag. Tinatamad na tumayo at pahablot na inabot ang bag, binuksan at basta na lang ipinasok ang kamay sa loob. Nanatiling nakakunot ang noo dahil halos naikot na niya ang kamay sa loob pero wala pa rin siyang cellphone na nakakapa.
Pabuntong-hiningang iniabot ang study lamp para buksan bago binitbit ang bag at ibinuhos sa kama ang laman. May mga lumagpak sa sahig pero binalewala niya iyon nang makita ang cellphone na nasa ibabaw ng nakabukas na libro. Pumaloob siguro roon kaya hindi niya makapa kanina.
Inis na dinampot at bubuksan na sana pero may nakadikit sa likod ng cellphone niya na maliit na papel. Kinuha niya ito at kulay papel iyon na may nakasulat na Don’t tell your ending sa gitna. Nagkibit-balikat na lang si Kit at hindi sinasadyang napatingin sa bukas na libro. Napakunot-noo siya dahil parang may drawing doon kaya iniabot niya ito para mabistahan maigi sa tapat ng study lamp. Para lang mapatda sa nakita. Muntik na niyang mahulog ang libro dahil sa di kanais-nais na larawan.
Ang weird at morbid naman nito.
Hindi siya fan ng alinman sa mga horror, mystery/thriller at gore movies or anumang babasahin. At kaya ang simpleng mga nakakadiri ay ayaw niyang makita. Mas lalo na ito. Nangaligkig siya sa sobrang pagkasuya.
Agad niyang dinampot ang aklat at tiningnan kung anong klaseng libro ba iyon. Lalong napakunot ang kaniyang noo nang makitang tanging itim na balot lang iyon at wala pamagat. Hard bound pa ang ginamit na cover.
Kanino naman ito?
Inikot-ikot niya iyon pero wala siyang makitang kahit anong pangalan ng may-ari o pagkakakilanlan niyon. Hanggang mapaupo siya at napamura sa isip. Oo nga pala, naalala na niya, may librong ipinakita si Mika pero hindi niya binigyan ng pansin. Nailagay niya pala iyon sa bag? Itim nga iyon at parang itong hawak niya nga.
“Nakakainis. Mabibigyan pa ako ng pagkakataon para kausapin ang babaeng iyon, e, ayoko na nga kahit makita pa siya. Bukas ka na makakabalik.” At basta na lang niyang ibinagsak ang libro sa tabi at pabagsak na muling nahiga, binuksan ang cellphone at nag-internet. Nagba-browse siya sa f*******: nang magpa-pop ang GC o group chat nila nang mga co-basketball player niya. Napapalatak siya nang mabasang reminder iyon na alas singko nga pala ng umaga ang call time nila para sa practice. Malapit na kasi ang Game 1 na kung saan ibang school ang makakalaban nila kaya puspusan ang praktis nila para manalo.
Napasulyap siya sa orasan ng kaniyang cellphone. Lalong naragdagan ang inis niya dahil ilang oras na lang pala ang itutulog niya. Kasalanan ito ni Mika. Tulog na siya kanina ng tawag ito nang tawag sa cellphone niya. Akala pa naman niya ay importante, ‘yun pala ay mga walang kuwenta lang ang sasabihin sa kaniya. Kasama pa ang dalawang pareho din nitong walang kuwenta. Bukas na bukas, official na siyang makikipagkalas dito. Hindi na siya sigurado sa nararamdaman niya para sa dalaga. Hindi niya alam kung bakit nakatagal siya kay Mika ng apat na taon. Sabagay, on and off naman ang relationships nila.
Dala ng sobrang antok, hindi namalayan ni Kit na nagpalipat-lipat ang pahina ng aklat. Kahit pa wala namang hangin sa paligid. Muling tumambad ang larawang nakita niya kanina.
Nakakapangilabot.
***
Pabiling-biling sa higaan si Mika, namamahay siya kaya siguro hindi siya makatulog. Nakaragdag pang bukas ang ilaw, hindi siya sanay. Nasa bandang kanan siya at nakadikit sa dingding ang maliit na kama ni Princess, at doon nman ito nakapuwesto, nakatalikod sa kaniya. Masiyadong masikip sa kanila ang higaan nito pero mapagtitiisan na niya iyon kesa ang umuwi sa kanila. Mamamatay siya sa takot doon.
Marahan naman ang ginawa niyang pag-ikot paharap naman sa pintuan. Gising na gising ang kaniyang diwa at pilit na nagsusumiksik ang mga pangyayari kaugnay ni Madelyn. Hindi niya lubos na maisip kung bakit kailangan pang maghiganti nito gayong hindi naman nila kagustuhan ang mga nangyari…
“Lahat ng group 1, tumayo,” saad ni Mrs. Peralta, ang kanilang guro sa MAPEH. Araw ng Music and Arts nila at by group ang gagawing project. May katamarang inilibot ni Mika ang paningin. Medyo napangiti na rin siya nang makitang halos ang mga kabarkda rin pala niya ang mga iyon. Pero napairap nang makitang kasama rin pala si Madelyn sa grupo.
Ang chakang si Madelyn.
Apat na grupo ang nabuo at tanging sina Princess, Kit at Jess ang hindi kasama sa grupo nila. Nasa group 2 ang mga ito pero ayos na rin kay Mika at halos ang iba naman ay kabarkada nga nila, panira lang talaga itong si Madelyn. Wala naman siyang paki kina Princess at Jess. Pero si Kit, matagal na siyang may gusto rito.
“So, anong gagawin natin?” Bumuo ng pabilog ang bawat grupo para sa gagawing project. Arts ang nabunot nila at tungkol iyon sa fear ng bawat miyembro. Si Mika ang tumayong leader, at nasa nakatayo siya sa gitna. At kahit minsan ay hindi niya isinasama si Madelyn na tahimik lang naman nakayuko at hindi sumasali sa grupo. Hindi pa rin makakalimutan ni Mika ang suspension nila sa pagsusumbong ng babaeng ito. Kahit pa sinabi ng principal na cctv ang dahilan hindi sila naniniwala. Itong Madelyn ang nagsumbong.
“Si Madelyn, ‘di ba magaling mag-drawing? Siya na lang gumawa ng journal about fear.” Si Maisy, isa sa kaklase nilang medyo madaldal. Halos lahat sila ay napalingon kay Madelyn na biglang umangat ang mukha mula sa pagtitig sa hawak na ballpen. Sunod-sunod ang ginawa niyang pag-iling habang inililibot ang paningin sa kanilang lahat bago nagyukong muli. Halos dumikit na ang mukha ni Madelyn sa desk dahil sa sobrang pagkakayuko.
Tumaas ang kilay ni Mika habang nakahalukipkip. Oo nga, bibigyan niya nang mahirap na trabaho si Madelyn bilang ganti. Tama! Sa kaniya na lang niya ibibigay ang project. Nang sa gayon, ito ang sisihin kung sakali mang bumagsak sila.
“Yah, why not, Madelyn? Sige, tutal nagmamagaling ka, ikaw ang gagawa ng lahat. Kapag mali at bumagsak tayo, kasalanan mo.” At nakangisi nang mapanuya si Mika bago dumiretso sa sariling upuan at balewalang kinuha ang mga gamit. Eksakto kasing tumunog na ang bell para sa uwian. “And, don’t be a baby. Bawal magsumbong. Gets? Shhh…”Itinapat pa Mika ang hintuturo sa gitnang labi sabay ngisi. Hindi na niya hinintay na sumagot si Madelyn at walang lingon likod na lumabas ng silid.
Nakataas na rin ang mga kilay nina Jenny, Kaye, Yam, Jenica, at Hazel. Tumayo at sumunod kay Mika bago inirapan si Madelyn na nakayuko pa rin. Naiwan naman si Maisy na takang-taka.
“Huwag kang pumayag. Sumbong natin sa tita mo. Itsura ng mga iyon, kagigil!” Inusog pa nito ang upuan palapit kay Madelyn. Mayamaya pa ay narinig niyang humagikgik ito nang mahina. Napatuwid nang upo si Maisy mula sa bahagyang paglapit dito. Inilibot niya ang paningin at tanging sila na lang pala ang naroon sa silid.
Wala ng iba pa.
“Madelyn…” alanganing tawag niya nang saglit lang ay tumigil ito sa pagtawa nang mahina.
“Okay lang ‘yun. Sige, ako ang gagawa ng journal.” At hindi inasahan ni Maisy ang biglang paglingon sa gawi niya ni Madelyn, nakangisi. Nakakatakot na pagngiti.
Napalunok si Maisy at agad na tumayo at nagmamadaling hinagilap ang mga gamit at halos madapa sa pagmamadaling makalabas.
Weird.
***
Napaigtad si Mika nang may maramdamang may humawak sa kanang binti niya. Mainit na bagay, kaya naigalaw niya iyon dahil parang napaso siya. Napaangat pa ang ulo niya para silipin kung ano ‘yun.
At isang malakas na sigaw ang namutawi sa kaniya nang makita kung sino ang may gawa niyon!
Shhh...
Don't tell your ending
jhavril