Shhh... 3

814 Words
Matapos ang libing ni Elvie, hindi pa rin makausap si Princess. Hindi siya makapaniwala na sa isang iglap ay nawala ng ganoon ito. Malapit sila sa isa't isa kaya lubhang napakasakit sa kaniya ang nangyari. Lalo pa at nag-iisa niyang kapatid ito. Nagkukulong lang siya sa kuwarto nila at iiyak lang naman. Hinayaan na lang siya ng kaniyang ina dahil naiintindihan nito ang damdamin ng anak. Kahit siya ay nasasaktan sa biglaang pagkamatay ng kanilang bunso. Isang gabi, naalimpungatan siya dahil nakaramdam siya nang tawag ng kalikasan. Nakapikit ang isang mata na bumaba siya ng kama. Inaantok-antok pa siya nang lumabas ng pinto. Papunta na siya ng banyo nang may marinig na kumalabog. Nagulat si Princess, kaya bumalik siya para silipin kung ano iyon, parang galing sa sala. Napakunot-noo siya at kinusut-kusot pa ang mga mata. Baka kasi namamalik-mata lang siya. Subalit hindi man lang natinag ang pigurang nakikita niyang nakatayo sa gitna ng kanilang sala. Halos hindi na siya makagalaw sa kinatatayuan nang makitang may babaeng nanlilisik ang mga matang nakatingin sa kaniya. Nakakulay itim itong damit na umaabot sa talampakan nito. Papalapit ito sa kinatatayuan niya at napansin niyang nakaangat ang mga paa nito sa sahig. At sa isang iglap ay nasa harapan na niya ang duguang mukha nito at nakangisi. Isang malakas na sigaw ang kumawala sa kaniya bago niya naramdaman ang malalamig na kamay nito sa kaniyang leeg. *** "Princess! Princess!" Marahang niyugyog ni Jess si Princess, dahil umuungol ito habang nakaidlip sa library. Buti na lang at hindi masiyadong matao sa lugar na kung saan ito tumatambay. Ang librarian naman ay hindi umiikot kaya hindi rin naman nito mapapansin si Princess. Hinanap niya ito kanina nang sumapit ang break time. Alam niyang nasasaktan ito nang sobra sa pagkawala ng kapatid. Kailangan nito nang karamay. Isang malakas na singhap ang narinig kay Princess bago nalilitong napatingin sa kaniya. "Okay ka lang?" Mataman itong tinitigan ni Jess. Namumutla ito kaya inalalayan niya itong tumayo sa isa sa lamesang naroon. Matapos maiupo ito, hinanap niya sa bag nito ang bote ng tubig na lagi nitong dala. Hindi pa rin ito umiimik kahit pa medyo nagkakakulay na ang mukha nito. Umupo sa tabi ni Princess si Jess matapos niyang uminom at mailapag ang bote ng tubig sa lamesa. "May... may napanaginipan lang akong... masama." Pilit na ngiti ang ibinigay ni Princess kay Jess ng ulitin nito ang tanong kanina. Tumango lang si Jess at hindi na nagkomento pa. Naiintindihan naman niya si Princess dahil kamamatay nga lang ng kapatid, isang buwan na ang nakakalipas. Marahil ay nasasaktan pa ito sa mga nangyari. "Okay ka na ba? Halika ka na. May fifteen minutes ka pa para mag-break." Tumango si Princess bago inayos ang mga dalahing libro at sumunod kay Jess na nauna na sa labas. Subalit, nasa isip pa rin niya ang babaeng nasa panaginip. Para kasing pamilyar ito. Hindi nga lang niya maalala kung sino dahil niya gaanong nakita ang buong mukha niyon. Pero sigurado siyang kilala niya ito. *** Kanina pa naiinis si Vin dahil hindi niya mahanap ang bagong T-shirt ng kuyang si Jess. Hindi siya pumasok dahil nga magba-bar sila mamaya. At itinaon niyang pumasok na ang kapatid para nga makuha ang nakita niyang bagong damit na binili nito. Nahalungkat na niya ang buong kabinet nito pero hindi pa rin niya makita ang hinahanap. Hindi kaya suot niya? Umiling si Vin dahil kahit civilian day ngayon ay iba ang suot ng kapatid. Sinubukan niya ang mga drawer sa bedside table at napangiti siya nang makita ito sa isa sa mga iyon. Nangingiting kinuha ito at pinagpag. May nahulog na parang pulang papel. Napansin niya iyon at agad na kinuha sa lapag, malapit sa kaniyang paanan. Balewalang binasa ang nakasulat: "Don't tell your ending?" Nagkibit-balikat na ibinalik na muli iyon sa drawer. Isasarado na sana niya ito ng may mapansing librong itim doon. Kinuha ito at napansing wala naman iyong pamagat. Binuklat at binalak na iipit ang pulang papel sa pagitan ng libro dahil baka importante iyon sa kapatid. Subalit, nang buklatin niya ang gitnang bahagi nito, isang larawan ang kaniyang nakita. Isang lalaki, base sa pangangatawan nito, na walang ulo ang nakadipang nakahandusay. Puno ng dugo ang paligid ng nasabing lalaki. Napasulyap siya sa hawak na damit at sa larawan, parehong-pareho ang style at pati ang kulay na ginamit. Medyo, kinilabutan siya dahil masiyadong morbid naman ang ginawa ng kapatid. Mahilig kasing mag-drawing si Jess at baka drawing book niya ito kaya walang title. Nagkibit-balikat na lang siya dahil baka hindi nito natapos ang iginuguhit. Inipit niya ang pulang papel at basta na lang ipinasok ang libro sa loob ng drawer at isinara ito. Matapos maibalik sa ayos ang lahat ng gulong ginawa niya sa kuwarto ng kapatid ay mabilis na siyang lumabas at nakangiting isinara ang pinto. May damit na siyang panggimik mamaya. Shhh... Don't tell your ending jhavril
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD