"Ate, sa 'yo ba ito?"
Mula sa pinaplantsang damit, itinaas ni Princess ang paningin. Hawak ng bunso nilang si Elvie ang isang librong itim.
"Hindi ko alam. Anong pamagat ng libro?" Umiling ito habang iniaabot ang libro sa kaniya at siya naman ay iniabot dito ang unipormeng naplantsa na.
"Walang nakalagay, e."
Napakunot-noo si Princess dahil wala naman siyang matandaan na hiniram na walang pamagat. At halos kasing laki lang ito ng notebook na di gaya sa sandamakmak na librong hiniram niya kahapon.
"Ang weird nga ate, e. Kasi may nahulog na pulang papel diyan. Tapos binasa ko, Don't tell your ending ang nakalagay? Parang ganoon, ata. Tapos noong binuklat ko 'yong libro para ipitin doon 'yong papel may naka-drawing. Babaeng nakadapa ata iyon at mukhang estudyante. Kamukha pa ng uniform namin." Suot na nito ang uniform at nagsusuklay na si Elvie ng iaangat ulit ni Princess ang paningin.
"Ganoon?" Binitiwan ni Princess ang plantsa at binuklat ang libro. Walang laman; drawing o sulat kaya. Pinagpag niya pa pero kahit ang pulang papel na sinasabi nito ay wala naman.
"E, wala naman nakalagay rito, a. Ikaw talaga, kung ano-anong sinasabi mo." Tumayo na si Princess at niligpit ang kumot na ginamit at pinatayo ang plantsa sa isang gilid.
"Meron, ate. Akina na nga, kakakita ko pa lang, e." Kinuha nito ang librong inilapag ni Princess sa katre at binuklat-buklat. "Asaan na 'yon? Bakit nawala?" nakakunot-noong tanong nito na halos inisa-isa na nito ang paghahanap.
"Mga anak, male-late na kayo daldalan pa. Kumain na." Sumungaw ang kanilang ina sa kuwarto at pagkatapos sabihin iyon ay umalis din kaagad.
"Halika na. Hayaan mo na kung wala. Ibabalik ko na lang 'yan sa library baka nasama lang sa mga librong hiniram ko at hindi ko napansin." Inakbayan niya pa ang kapatid na hanggang paglabas ay pinagpipilitan talagang mayroon daw siyang nakitang ganoon.
***
"Princess! Princess!" Nalingunan ni Princess na hinihingal pa si Jess habang nakangiting lumapit sa kaniya.
"Huminga ka nga muna nang malalim. Tubig ba gusto mo?" Umiling naman ang binata bago sabay na silang naglakad paakyat ng second floor.
"Ang bilis mo naman maglakad. Akina na 'yang paper bag mabigat ang libro." Hinayaan naman ni Princess na kuhain sa kaniya ni Jess ang dala. Kanina pa nga siya nangangalay.
"Kailangan ko na kasi isauli 'yan. Dadaan pa kasi akong faculty, iaabot ko kay Mam Santos ang project ko," saad ni Princess habang papasok na sila ng library.
"Hindi ito rito." Napakunot-noong iniabot muli ni Princess ang librong itim na pinagtatalunan nilang magkapatid.
"E, ma'm sigurado po ba kayo? Kasi baka naisama lang sa mga librong hiniram ko kahapon. Hindi rin po kasi sa kapatid ko."
"Sigurado ako. Sa tagal ko ba namang librarian hindi ko pa kabisado ang mga libro rito?" Kinuha na lang ni Jess ang libro at baka magalit pa ang masungit na librarian na sa tantiya nga ay matagal na roon dahil mukhang napag-iwanan na nga ng panahon.
Matapos magpasalamat ay dumiretso na ang dalawa sa faculty para ipasa ang project ni Princess.
Naghintay na lang sa labas si Jess. Napansin niya ang hawak na libro. Sinipat ito at wala man lang pamagat. Bubuklatin na sana niya ito nang biglang lumabas si Princess.
"Tara?" Nakangiting tumango si Princess sa yaya ni Jess. At least wala na siyang poproblemahin sa subject na iyon.
***
"Elvie! Elvie!"
Napakunot-noo si Princess ng hindi man lang lumingon ang kapatid. Dire-diretso ito sa paglalakad. Hindi naman siya makatakbo dahil mataas ang takong ng kaniyang suot na sapatos.
Matapos ayusin ang medyo may kabigatang bag, binilisan niya ang paglalakad. Ngayon niya napatunayan na may pagkabingi nga siguro ang kapatid. Na kahit anong lakas ng sigaw niya ay hindi nito marinig.
Patawid na si Elvie nang mapamulagat ang mata ni Princess. Kitang-kita niya ang rumaragasang truck patumbok sa kaniyang kapatid. Hindi naman ito napansin ng kapatid at tumawid pa rin ito ng kalsada.
Hindi na alintana ni Princess kung madapa-dapa siya o masubsob sa bilis nang takbong kaniyang ginawa papunta sa kapatid. Kasabay nang pagsigaw sa pangalan nito. Basta na lang din niya inihagis ang mga hawak.
Subalit huli na. Kitang-kita niya kung paanong binangga ng truck ang katawan ng kapatid at tumalsik ito kung saan.
Sumabay sa sigawan ng mga tao ang malakas na tinig ni Princess.
Shhh...
Don't tell your ending
jhavril