“Ano ‘yan?” Nakataas ang isang kilay na saad ni Mika sa iniaabot ni Madelyn. Nakayuko ito at nakatakip ang ilang hibla ng kulot nitong buhok sa mukha habang hawak ang isang librong hindi na niya makilala ang kulay; kung brown ba o iba pang kulay dahil sa luma na niyon at bakbak na rin. May kakapalan subalit di gaya ng kanilang textbook, medyo maliit lang iyon ng kaunti.
Noong nakaraan, ipinasulat sila nito sa isang papel kung ano ang mga kinatatakutan nila sa buhay. Medyo tinatamad nga siyang sumagot pero kailangan daw nito ang mga iyon para sa project nga nila. Sabagay, inako nga nito ang lahat ng gawain. Tanging pag-alam lang ng kanilang mga kinatatakutan sa buhay ang tinanong nito at ito na ang bahala sa lahat.
“Pirmahan n’yo ang mga nasa pangalan n’yo at…” hindi na natapos ni Madelyn ang sasabihin dahil biglang hinablot ni Mika ang libro at sinenyasan siya na umalis na sa harap niya. “Pirmahan n’yo, ha?” Puro oo na, oo na ang sagot ni Mika na basta na lang inilagay sa bag ang librong iniabot ni Madelyn. Bagama’t matalim ang tingin ni Madelyn nang tumalikod, may ngiti sa labi niya. Nakikini-kinita na niya na makakaganti na siya sa lahat ng mga pinaggagawa ng mga ito sa kaniya.
Lalo na kay Mika.
***
“Uy, in fairness, kahit medyo creepy, maganda ang pagkaka-drawing ni crazy girl. Kamukha natin ang mga ito, tho mas maganda ako of course.” At nakangiting itinabi pa ni Kaye ang nakabukas na libro, na kung saan, nakasabit siya sa gitna ng kaniyang kuwarto habang nakasuot ng kaniyang paboritong pajama. Maliwanag ang itsura ng patay na mukha niya kaya alam na alam niyang siya iyon.
“Ano namang fear mo riyan?” Nakangiwing tanong ni Jenny. Ayaw niya kasing nakakakita ng mga creepy pictures. Parang ayaw niya ngang pirmahan ang larawan niya. Siguro, pipikit na lang siya habang pumipirma. Kung hindi lang talaga kailangan sa project nila.
“Hmmm ang inilagay ko kasi roon ay takot akong mag-isa. Ewan ko ba kung bakit ito ang naka-drawing? Mag-isa akong mamamatay?” At malakas pang tumawa si Kaye, habang ang iba ay ngumiwi lang. Hindi sila natutuwa sa drawings.
“Wait lang, sure bang puwede ‘yang mga ganiyan?” Nakangiwi si Yam habang nagsusuklay. Ayaw niya rin ng mga drawing ni Madelyn. Matatakot siyempre ang sino mang makakakita sa posibleng maging sarili mong kamatayan. Kahit pa hindi pa niya nakikita lahat, sa larawang binabandera ni Kaye ay parang ayaw na talaga niyang makita ang iba pa.
Nakakatakot, sobrang nakakatakot. Gusto man nilang tanungin si Madelyn kung ano ang ibig sabihin ng mga drawing sa mga dapat ay fear nila, hindi na nila gusto pang malaman. Parang nababaliw na kasi ito, na mas lalong lumalala sa tingin nila. Hindi nila makausap kahit pa galit-galitan ang pinapakita nito. Parang wala ng takot sa kanila.
Kasalukuyan silang nasa loob ng kanilang classroom. At habang naghihintay ng kanilang subject teacher, nagsimula na silang pumirma ng kani-kanilang pangalan sa mga larawang nasa libro. Halos lahat sila ay tinatakpan ang mga gawang larawan ng isang intermediate pad at hahanapin lang ang pangalan at pipirmahan tapos, ipapasa sa isa. Ganoon at ganoon kaya hindi nila nakikita kung ano ang mga larawang iginuhit ni Madelyn. Pakiramdam kasi nila baka hindi sila makatulog kapag tumatak iyon sa kanilang isipan.
“Hmm, we have no choice kasi malapit na ang pasahan and you know naman na napakasungit ni Mam Peralta. Kaya, okay na ‘yan ‘wag na tayong choosy. And bahala na siya kung ibabalik niya.” Ani Hazel na siya nang pumipirma sa libro.
“I mean kasi, ‘di ba dapat is our fear talaga? Not that we are going to die in our fear ang ginawa ng bruha. Gusto na ata niya tayong ma-deads. Hay naku, kaya ayokong makita ang drawing. Baka mamaya magkatotoo.” Si Jenica na habang nakasandal ay kinakagat-kagat ang dulo ng ballpen. Nag-iisip.
“Duh! Hindi mo nga nakita paano mong nasabi na magkakatotoo. Magkatotoo man ‘di mo rin knows kung anong itsura mo kapag namatay ka,” ani Mika.
“But, I know my fear and doon ako mag-be-base kung ano ang kamatayan ko.” Bumelat pa si Jenica kay Mika na nagtaas ng kilay sabay sabi ng whatever. “Bakit ikaw tiningnan mo?” balik tanong ni Jenica kay Mika na nanatili namang nakataas ang kilay sa kaniya. “Nah, wala akong balak sa mga chakang drawing na ganiyan. For me, grade lang ang gusto ko. Not her and not her dump drawing.” Nag-apiran pa si Mika at Jenica na nagsabi pa ng yeah sabay malalakas na tumawa. “And… and I don’t want to die na pangit. Kita mo ‘yung kay Kaye, ampangit!” At malakas na tumawa pa si Mika. Binato naman siya ni Kaye ng nilamukos na papel pero nakikitawa na rin.
“For sure, lahat tayo pangit doon. Malamang gusto niya tayong lumabas na pangit. Kung hindi lang talaga sa grade.” Napapalatak pa si Jenny.
“Or she’s going to kill us like in the book?” Nanlaki pa ang mata ni Yam at parang takot na takot. Malakas naman humagalpak nang tawa si Kit sa narinig. Hindi siya marunong sumayaw na gaya nila Princess at Jess kaya nakipagpalit siya kay Maisy na agad namang sumangyon. Lalo pa at sinabi ni Mika na wala silang gagawin dahil si Madelyn ang gagawa ng lahat. Pinuntahan pa nga niya si Madelyn sa bahay nito para makasama siya na umayon naman kaagad.
Walang pagod na, may grade pa.
“Tingin mo, kaya niyang gawin ‘yun? E, pumatay nga ata ng ipis hindi nun magawa. Drawing lang ‘yun masiyado naman kayong OA.” At impit pa rin itong tumatawa kasabay nang paghablot ng libro mula kay Yam. “Sa liit niyang iyon? Kotongan ko lang iyon, e.”
Hindi rin binigyang pansin ni Kit ang larawan. Grado lang ang mahalaga sa kaniya kahit pa anong drawing mayroon iyon. Balewala lang naman iyon kay Kit at basta na lang pumirma sa ibabaw ng kaniyang pangalan.
Mahirap nang walang project.
***
Nakangiting iniabot ni Madelyn ang libro sa kaniyang pinagkakatiwalaang kaibigan. Ito ang nakaisip ng dapat na pagganti sa pang-aapi sa kaniya ng grupo ni Mika.
“Mabuti at napapayag mo sila.” Nakangiting tinanggap nito ang libro at isinilid sa loob ng bag. Patango –tango ito at parang nakikini-kinita na nito ang maaring mangyari. Masayang-masaya rin si Madelyn. Sa wakas at makakaganti na rin siya.
“Oo nga. Salamat din sa magiging tulong mo.” Sabay na silang naglakad pauwi.
“Asahan mong mapagtatagumpayan natin ito,” nakangiting saad ng kaniyang kaibigan. Maya-maya pa, tumahimik ito. Mula sa harapan, napasulyap si Madelyn sa matalik na kaibigan mula pa noong mga bata sila.
“O, bakit natahimik ka?” Tumigil sila saglit at alanganing ngumiti ang kaibigan niya sa kaniya.
“Kasi… ‘yung usapan natin. Na kaya kita tutulungan dahil tutulungan mo rin ako…”
Tipid na ngumiti si Madelyn. Oo nga pala may usapan sila. Tinapik ni Madelyn ang balikat ng kaibigan at maluwang na ngumiti kahit na malungkot ang mga mata niya. “O-oo naman. Hindi ko nakakalimutan. Tayo pa ba? Sabay tayong magtatagumpay.”
At sabay na nag-apir pa ang dalawa bago sumakay ng jeep na dumaan.
***
“Hindi puwede ‘to. Masiyadong brutal ang pagkaka-drawing. Baliw ba kayo? Sino ang tatanggap nito kahit pa maganda ang pagkakaguhit. Ulitin n’yo ‘yan. Pero may minus na kayo sa grade. Baka nga ibagsak ko pa kayo. Simple instruction mga hindi marunong sumunod.” At inis na inilapag ng guro sa teachers table ang librong binigay ni Mika at agad nang umalis. Nagsimula ng mag-ingay ang klase. Buwisit namang tumayo si Mika at nakakuyom ang kamaong tinungo ang kinauupuan nang nakayukong si Madelyn. Agad niyang sinabunutan ang buhok nito pataas para mapatapat sa kaniya ang mukha nito.
“How dare you! Babagsak kami ng dahil sa ‘yo?! Buwisit ka! Kung gusto mong bumagsak, gaga solohin mo! Gawan mo nang paraan ‘yan!” At pabiglang binitawan ni Mika ang buhok nito na siyang ikinaumpog nito sa sariling desk. Agad namang lumapit si Hazel at binalak na tulungan si Madelyn pero pinandilatan siya ng mata ni Mika. Mayayaman man sila, hindi nagpapabayad si Mrs. Peralta. Kaya siguro ito laging masungit sa kanila dahil pakiramdam nito lahat na lang ay nababayaran nila.
Napaigik man sa sakit ng noo, agad na umupo nang tuwid si Madelyn. Hinawi ang ilang hibla ng buhok na tumabing sa kaniyang mukha at hinawakan ang nasaktang noo. Buti na lang at hindi naman ganoon kalakas. Pakiramdam niya, namula lang iyon at hindi naman nagkabukol.
“O, ayan. Ayusin mo. Kapag bumagsak tayong lahat, alam mo na ang mangyayari.” Inilapag ni Kaye ang libro sa desk ni Madelyn at pabulong na may diin ang pagkakasabi niya.
Kuyom ang kanang kamay na pinukpok nang marahan ni Madelyn ang ibabaw ng libro. Nanlilisik din ang kaniyang mga mata.
Ang ibang kaklase naman nila ay mga walang pakialam sa mga nangyayari. Takot din sila sa grupo ni Mika kaya ang kawawang Madelyn ay titingnan lang nila at magkikibit-balikat na parang walang nangyari.
***
“Ganoon? Hayaan mo na, at least napapirmahan mo na sila riyan. At malapit na naman matapos ang grade ten natin, sa ibang school ka naman mag-grade eleven, ‘di ba? Hindi mo na sila makikita pa. Isang subject lang naman ‘yan, kaya mo nang pakiusapan para sa special project.” Pilit na inaalo ng kaniyang matalik na kaibigan si Madelyn. Napapahikbi naman si Madelyn dahil bukas na ang deadline ng project na ‘yun at hindi na niya kayang mag-isip ng ibang larawan. Magsisimula ulit siya sa umpisa.
“Kailangan ko pa ring tapusin iyon. Kasi nga nagagalit na sila. Baka bukas abangan na nila ako at hindi na ako makapasok. Ayaw ko namang malaman ni mama. Ayaw ko siyang mag-alala. Kung ako lang kaya ko sila. Pero alam mong maysakit sa puso si mama…” Pinunasan niya pa ang luha gamit ang panyo ng kaibigan at suminga pa roon dahil sa sobrang pag-iyak.
“Sige, ako na magdo-drawing. Sa likod na ako guguhit. Gagawan ko na lang ng paraan ang mga pirma nila, kayang-kaya ko nang gawin iyon. Huwag ka ng mag-alala.” At inakbayan nito ang kababata. Gabi na rin at ginawa nga lang nila ang style niyon na parang sa libro. Lumang cover nga ang nailagay nila. At kasama iyon sa plano nila.
Bata palang sila ay magkaibigan na sila sa parehong probinsiya. Napagpasiyahan man nilang lumuwas ng Maynila, hindi naputol ang kanilang komunikasyon. Mabuti na lang at kung saan siya nag-aaral ay doon din nakapag-aral si Madelyn.
Para sa kaniya, matalik silang magkaibigan. Gagawin niya ang lahat para rito. Kaya nang malaman niyang inaapi ito ng kanilang mga kaklase ay nagprisinta siyang gantihan ang mga iyon. Tutal naman, matagal na rin siyang naiinis sa grupo nito. Akala mo kung sinong mayayaman.
Puwera lang sa gusto niya…
***
“Princess! Princess!”
Imbis na lumingon at hintayin si Jess, nagmamadaling nagpatuloy sa paglalakad ang dalagita. At bago pa man makalapit sa kaniya ang binatilyo, sumabay na si Princess sa paglalakad nina Mika. Kahit pa, hindi naman siya pinapansin ng mga ito ay sumunod pa rin siya sa likuran ng mga ito makaiwas lang kay Jess. Sinulyapan lang siya ni Mika at nagtaas ng kilay bago patuloy na nakipagkuwentuhan kina Kaye at Jenny.
Napatigil naman si Jess sa nakita. Tatanungin palang sana niya kung totoong kaibigan na nito ang grupong dati ay umaapi rito. At base sa nakita niya, mukhang totoo nga iyon.
Mula nang makilala niya si Princess, nagkaroon na siya ng pagtingin dito ng higit pa sa kaibigan. Subalit, ang dalagita ay kaibigan lang ang kayang ibigay sa kaniya dahil mas priority nito ang makasali sa grupo nila Mika.
At mukhang mas lalo siyang maiitsupuwera sa buhay ni Princess dahil nagkatotoo na ang pinakananais nito, ang mapabilang sa grupo ng dating nambu-bully sa kaniya.
***
“Princess…”
Mula sa paghuhugas ng kamay ay napatingin si Princess sa nasa harapang salamin ng banyo, si Madelyn ang nakita niya. Alanganing ngumiti si Princess sabay sabi ng bakit. Nakangiting tumabi si Madelyn sa kanan ni Princess at may iniabot na parang libro. Tinapos muna ni Princess ang paghuhugas at nag hand dryer ng kamay habang nakakunot ang noong tiningnan ang iniaabot ni Madelyn.
“Ano ‘yan?” Parang ito ‘yung libro na ipapasa sa Arts ng subject nila na kung saan ay grupo nila Mika. Nakita niya itong ibinalik ng kanilang guro pero hindi niya maintindihan kung bakit dahil maiingay ang kaklase niya.
Matapos na matuyo ang kamay, inabot ni Princess ang libro mula kay Madelyn. Inayos muna niya ang salamin para sipatin niyang maigi at napansin niyang iba ang kulay nito sa inilapag ng guro nila. Baka iba ito roon.
“Gusto ko sana na… humingi ng pirma mo.” Hindi nawawalang ang ngiting saad ni Madelyn. Titig na titig din siya sa mukha ni Princess.
Mula sa pinakatitigang libro, nalipat ang tingin ni Princess kay Madelyn. Parang nakita niyang matalim ang tingin sa kaniya ni Madelyn dahil sa biglaang tingin niya, pero napalitan iyon nang malawak na ngiti.
“Para saan?” Nanatiling hawak niya lang ang libro at hindi pinagkaabalahang buklatin man lang.
“A, para sa…”
Hindi natuloy ang sasabihin ni Madelyn dahil biglang bumukas ang pinto ng banyo. At doon, isa-isang pumasok ang isang grupo na pinangungunahan ni Mika. Agad na ibinalik ni Princess ang libro kay Madelyn at isa-isang binati ang mga dumating lalo na si Mika. Subalit, ni isa ay walang pumansin sa kaniya. Mas tiningnan pa ng masamang mga ito ang nakayukong si Madelyn. Binatukan pa ni Mika ito sabay sabing loser, habang ang iba ay nagtawanan. Nagkaniya-kaniya silang pasok ng cubicle habang nagkukuwentuhan nang malakas at parang pinariringgan pa si Madelyn.
“Grabe, may ulikbang pangit sa labas. Buti hindi tayo nahawa.” Si Yam na sinabayan pa ng sabi ni Jenica hindi ba no pet allowed sa school? Anyare? At malalakas na nagtawanan ang mga ito at walang pakialam kahit pa nasa labas lang ang pinag-uusapan nila.
Balewala naman iyon kay Madelyn at mas pinagtuunan niya ng pansina ang misyon kay Princess.
“A, Princess…” Binuklat ni Madelyn ang pahina ng libro at pilit na iniaabot kay Princess iyon kasama ng isang ballpen na itim. “’Yung pirma.”
Inaabangan naman ni Princess ang paglabas ng kung sino mang mauuna sa cubicle ng grupo ni Mika. Inihanda niya ang ngiti at muling pagbati sa mga ito para tuluyan na siyang makapasok sa grupo nila. Inuutusan na siya ng mga ito minsan at alam niya na may ganoong rule para maging bahagi ka ng grupo. Kaya alam niyang malapit nang mangyari iyon.
Kaya parang wala sa sariling kinuha ni Princess ang librong iniaabot ni Madelyn at ballpen at basta na lang pumirma sa sinasabi nitong pirmahan niya habang nakatingin sa mga cubicle. Nang marinig ni Princess ang pag-click ng lock ng isang cubicle, pabigla niyang ibinalik kay Madelyn ang libro at ballpen. Pilit na niyang pinaalis si Madelyn dahil alam niyang madaramay siya lalo pa at galit ang grupo nito sa dalagita. Baka mapurnada pa ang pagsali niya kina Mika.
Imbis na magalit dahil halos sa dibdib na niya tumama ang libro at ballpen ng basta na lang ibalik ni Princess at pagtabuyan siya palabas ay nakangiti pa ring tumalikod si Madelyn.
Tagumpay kasi ang plano niya.
Shhh...
Don't tell your ending
jhavril