"Princess! Hoy, Princess!" Napabalikwas nang bangon si Princess nang kalabitin siya ni Jess. Nakatulog na naman pala siya sa library. Mabilis niyang inayos ang salamin sa mata at tumayo. Doon siya tumatambay sa di-gaanong daanan ng mga estudyante. Kaya malaya siyang nakakatulog kahit paano.
Itong si Jess lang ang nakakaalam nito. Tinulungan na siya nitong magbitbit ng mga librong hiniram niya sa library. Kailangan niya kasing mag-research para sa isang project niya. Wala kasi siyang pambayad para sa subject na iyon kaya pina-research na lang siya. At bukas na iyon ipapasa.
"Nakapag-review ka ba?" habang palabas ng library ay tanong nito. Tumango lang siya. Kaya nga siya puyat dahil hindi siya natulog hangga't hindi niya napag-aralan lahat.
"Jess, salamat ha? Sige, okay na ako rito. Pasok ka na sa room mo." Kinuha na ni Princess ang mga gamit. Medyo mabigat pala ang mga iyon.
"Sige. Hintayin mo na lang ako mamaya para may magbubuhat ng mga iyan." Labas ang dimple pang ngumiti ito sa kaniya. Tango lang ang naisagot ni Princess dahil nais na niyang ilapag ang maraming libro.
Hindi sila magkaklase ni Jess. Engineering ang kinuha nitong kurso samantalang siya ay guro. Nasa third year na sila at kahit medyo mahirap ang mga lessons, pinaghahandaan na rin nila dahil nais niyang makatapos.
Hindi sila mayaman. Simula nang mamatay ang kaniyang ama nahirapan na sila ng ina at ng bunsong kapatid na magsimula muli. Kaya kinuha na lang niya ang madaling kurso. Nasa grade eleven pa lang kasi ang kapatid at tanging pagbebenta ng rtw na damit sa ukay at pagma-manicure ang alam ng ina. Maliit lang ang sahod na sapat lang para sa pang-araw-araw nila at madalas nga ay kinukulang sila, lalo na sa bayarin ng kuryente at tubig. Kung kaya siya naman ay tumatanggap na ng labada kapag walang pasok, pandagdag sa baon at ibang bayarin.
May pension naman ang ama na siyang ibinibayad niya sa tuition. Hindi siya gaanong matalino kaya hindi siya iskolar.
Buti na lang at nakapagpundar ng bahay ang magulang kaya kuryente at tubig na lang ang problema nila. At iyon nga pagkain na kahit sa tatlong beses sa isang araw.
Kaya hirap na hirap sila, pero kailangan nilang magtiis. Kaya pilit na kinakaya lahat ito ni Princess.
Matagal na silang magkakilala ni Jess. Grade seven pa lang ay classmate na sila. Dito rin sa eskuwelahang ito. May kaya naman sila Jess at hindi siya manhid para hindi malaman na may gusto ito sa kaniya. Pero, kahit may nararamdaman siya para rito, hindi niya priority ang pagbo-boyfriend sa ngayon.
***
"Princess, wait lang." Hindi niya nilingon si Jess. Naramdaman na lang niya na kinukuha na nito ang mga librong hawak niya. Nakangiting nagpasalamat siya rito.
Subalit, napalis ang ngitian nila nang mapadaan sila sa grupo nila Mika. Ang lalakas nang tawanan ng mga ito at ume-echo sa hallway na iyon. Ka-batchmate nila ang mga ito. At grade seven pa lang ganito na ang mga ito, mga walang pakialam at bully. Nagtataka nga sila kung paano nakapasa ang mga iyon. Malamang impluwensiya ng mayayamang magulang.
Lalagpasan na sana nila ito nang sitsitan sila ni Mika. Napipilitang tumigil sila Jess at Princess. Subalit, hindi sila lumingon. Nakangisi namang lumapit ang lima sa kanila; Yam, Jenica, Hazel at ang nag-iisang lalaki na si Kit na nakaakbay kay Mika.
"Well, Princess. Kamusta ka naman? Aba, kayo pa rin pala ng hashtag loser na ito?" nakaismid na tiningnan nito si Jess.
Naiinis na binalingan ni Princess si Mika.
"Puwede ba, Mika? Kailangan na naming umuwi. Marami pa akong gagawin..."
"Woah, the busy girl. Tsk... tsk... tsk... okay, go! We can catch up anytime naman, e." Tumabi pa ito para bigyan sila ng space na daraanan.
"Whatever..." patamad na saad ni Princess bago nauna nang maglakad kay Jess.
"Makakapag-usap din tayo, soon! And unblock mo na kami." Narinig niya pang sigaw ni Mika, kasunod nang tawanan ng mga ito. Hindi na lang lumingon o pinansin ni Princess ang mga ito. Hindi naman na nagkomento si Jess. Kilala nila ang grupo ni Mika, mga walang sinasanto ang mga ito.
"Buti naman at..." Hindi na naituloy ni Jess ang sasabihin dahil pumara na ng jeep si Princess. Coding siya kaya hindi niya gamit ang sasakyan. Pabuntung-hiningang sumunod na lang siya sa babae. Ihahatid na lang niya ito kahit pa nakabusangot na ito gawa ng grupo nila Mika.
Shhh...
Don't tell your ending
jhavril