Shhh... 9

2201 Words
Mama… Napalingon ang ina ni Jenica na si Mek sa likuran mula sa mga binabasang reports. Subalit, walang tao. Inilibot niya pa ang paningin sa maliit na opisina, pero nanatili siyang nag-iisa roon. Ang mga panggabing pulis ay nasa labas at may tinatapos lang siya kaya siya nag-oovertime sa opisina. Kahit pa kinilabutan, hindi na lang pinansin iyon ng ina ni Jenica at pinagpatuloy ang ginagawa. Mama… tulong… Napatayo na si Mek nang marinig muli ang boses ng anak. Sa pagkakataong iyon, sigurado siyang malinaw niyang narinig ang boses ng anak. Tinungo niya pa ang nakapinid na pinto at binuksan. Subalit, wala naman ang anak sa labas. O kahit na sinong manloloko sa kaniya para gayahin ang boses ng anak. Walang gumagawa noon para sa kaniya. Pagkasara ng pinto ay siyang pagkamatay ng ilaw. Muntik pa siyang mapasigaw buti na lang at napigilan niya ang sarili. Ang nakapagtataka lang mukhang sa kuwarto niya lang nawalan ng ilaw dahil sa siwang ng pinto ay kita niya ang liwanag mula sa labas. Pinihit niya ang doorknob para sana lumabas subalit nakailang pihit na siya pabukas ay mukhang naka-lock iyon sa labas. Napakunot-noo siya dahil ang pagkakalaam niya ay nasa loob ang lock niyon. Mama… Natigilan si Mek mula sa pagtatangkang buksan ang pinto. Hindi siya makagalaw dahil pakiramdam niya ay napakalapit ng boses ng sinumang tumawag sa kaniya ng mama. Nakailang lunok muna siya ng laway bago lakas loob na marahang lumingon upang sinuhin ang taong ilang beses nang tumawag sa kaniya ng mama. Madilim na paligid ang sumalubong sa kaniya. Subalit, sa ilang pikit at pagmulat na kaniyang ginawa ay mukhang nasanay na rin ang mga mata sa karimlan kaya nanindig ang lahat ng balahibo niya sa katawan nang makita ang isang bulto na sa bandang kinauupuan niya kanina. Isang babae… Nanginginig na hindi makagalaw mula sa pagkakatayo si Mek at mas lalong hinigpitan ang paghawak sa doorknob nang unti-unting tumayo ang kung sinumang tao na iyon na wala naman kanina. Palapit nang palapit ang ginagawa nitong marahang paglalakad patungo sa kaniya. Hindi maaaring si Jenica ito dahil una, wala ito roon kanina at makikita niya kung sakali dahil ang pintuang nasa likuran ang siya lang tanging daan papasok. Pangalawa, takot iyon sa dilim kaya hindi iyon basta gagalaw ng gaya ng ginagawa ng babaeng ilang dipa na lang ang layo sa kaniya. Mama… ako ito… tulong… Doon na nawala ang lahat ng tapang na mayroon si Mek at isang malakas na sigaw ang kaniyang pinakawalan kasabay nang pagkalampag sa pintuan at paggalaw ng doorknob. “Tulong! Tulungan ninyo ako! Buksan ang pinto!” Paulit-ulit si Mek sa mga sinasabi at halos lumabas na ang lahat ng litid niya sa leeg subalit parang walang nakakarinig sa kaniya sa labas kahit pa rinig naman niya ang anasan ng mga ito. Isang malamig na bagay ang naramdaman niyang dumampi sa kaniyang braso. Kahit natatakot ay binalak niyang palisin iyon subalit, mahigpit siyang hinawakan ng babaeng hindi niya kilala kung sino. Pabigla siya nitong iniharap at kasabay niyon ay ang pagbaha ng liwanag sa paligid. At doon kitang-kita niya ang mukha ng anak; namumutla at malungkot ang mga mata. “Jenica…” Agad hinawakan ni Mek ang magkabilang mukha ng anak. Nagulat pa siya dahil napakalamig niyon na parang isang yelo. “Anong… anong ginagawa mo rito? Paano kang…” Hindi natapos ni Mek ang sasabihin dahil bigla itong lumuha kasabay nang pagsasabi ng patawad, ma. Umiling-iling si Mek at binalak na punasan ang luha nito subalit biglang bumukas ang pinto. Napalingon doon si Mek. “Mek, ‘yung reports. Kailangan na ASAP.” Tumango si Mek at sinabing sandali lang. Agad namang umalis ang superior niya at isinara ang pinto. Nakangiting binalingan ni Mek ang anak subalit wala na ito roon. Napakunot-noo siyang tinawag ang pangalan nito subalit walang Jenica na lumabas o sumagot kaya. Nalilitong hinagilap ni Mek ang cellphone at idinayal ang numero ng anak. Nakaiilang tawag na siya subalit paulit-ulit lang ang sumasagot sa kaniya; cannot be reach ang numero nito. Nasilip pa niya ang oras sa sariling aparato at ala una ng madaling-araw. Iniabot niya ang teleponong nasa lamesa at idinayal ang numero sa bahay. Ilang ring na subalit wala pa ring sumasagot. Binaha man ng kaba at takot ang dibdib para sa nag-iisang anak, ipinanalangin na lang niya na sana ay walang masamang nangyari. Mabuti na lang at tapos na rin niya ang reports na kailangan at matapos na iabot iyon sa superior, agad na nagpaalam si Mek na uuwi na. Kailangan niyang hanapin ang anak. Dahil iba na ang kutob niya. *** Hindi makapaniwala ang mga kaibigan, kaeskuwela at nakakikilala kay Jenica na sasapitin nito ang brutal na kalagayang iyon. May mabibiktima na naman sana ang lalaking pumatay kay Jenica nang makatakas ang babae. Nakita nito ang bangkay ni Jenica at ipinagbigay-alam agad sa kapulisan. Nakita ang bag nito at naroon pa naman ang pagkakakilanlan ng biktima. At nang makita ng kaniyang ina ang damit nito bagamat hindi na masiyadong makilala ang kaniyang itsura dahil sa agnas. Ilang araw hinanap ni Mek ang anak ng hindi madatnan sa bahay. Halos lahat ng kaibigan at kaklase nito ang tinawagan niya subalit iisa lang ang sagot; wala, hindi nila nakasama si Jenica. At ang huling nakasama ng anak ay mag-isa raw itong umuwi pagkatapos nilang mag-mall. Hindi pa rin nawalan ng pag-asa si Mek at kung saan-saan niya pa rin hinanap ang anak at umaasang buhay at walang nangyaring masama rito. Subalit, nawala lahat ng iyon ng isang araw nga ay may isang babaeng nag-iiyak na dumulog sa kanilang tanggapan. Gumuho ang katiting na pag-asang mayroon ang ina ng makita ang kaawa-awang kalagayan ng anak. Halos mawalan siya ng ulirat dahil sa sinapit nito. Matapos na mapa-autopsy ang bangkay, pina-cremate na lang iyon ni Mek. Kalunos-lunos ang kalagayan ng dalaga kaya hindi na niya nais na masilayan pa ito sa ganoong ayos sa loob ng kabaong. Nahuli naman ang salarin at napatawan na ng karampatang parusa. Kahit pa nais ni Mek na pagbayarin din ito ng sariling buhay, habang-buhay na pagkakulong naman ang sinapit nito. Makalipas ang isang linggo, natigil sa pagtatapon ng basura si Princess nang makita sa tapat ng bahay ang ina ni Jenica. Halos dalawang taon na mula ng lumipat ang mga ito sa tapat ng kanilang tahanan. Subalit, walang nagbago sa pakikitungo nila sa isa’t isa ni Jenica. Hindi sila nagpapansinan kahit pa halos lagi silang nagkakasalubong at nagkakasabay sa pagpasok. Lagi siya nitong tinataasan ng kilay, sinusungitan o dili kaya ay iniisnab. Subalit, ang ina nito ay kaniya namang nakakausap o minsan pa nga ay dumadayo sa kanila para makakuwentuhan ang ina. Malungkot nga itong nakatingin ngayon sa loob ng drum at matapos na magpahid ng luha, agad na dinampot ang isang galong kulay puti sa tabi nito. “Tita Mek, ano pong gagawin ninyo?” matapos na makatawid sa kabilang kalsada ay tanong ni Princess sa ina ni Jenica.  Napasulyap naman sa kaniya ang mugtong mga mata nito. “Susunugin ko ang mga gamit ni Jen. Alam mo namang maaalala ko lang siya kung sakaling makikita ko ang mga ito.” At malungkot na binuksan ang galon at binalak na ibuhos sa loob ng drum. Hapon pa lang kaya kita ni Princess ang mga nasa loob ng drum. At bigla, nanlaki ang mga mata niya nang makilala ang isang penmanship na nakasulat sa isang pahina nito. Isang libro ang nakabukas mula sa huling pahina iyon. “Sandali lang po!” Agad na dinampot ni Princess ang libro bago pa man tuluyang naibuhos ni Mek ang gaas. “Kay Jenica po ba ito?” Itinaas niya ang libro na may itim na pabalat. Umiling si Mek. “Hindi ko alam. Kasi noong tinanong ko naman siya, hindi naman daw sa kaniya. Nakita ko sa loob ng kaniyang kuwarto kaya napagpasyahan ko ng isabay. Bakit, sa ‘yo ba ‘yan?” “Hindi po. Pero, maaari po bang sa akin na lang?” Mahigpit na niyakap ni Princess ang libro at kinakabahang sana ay hindi tama ang kaniyang kutob sa bagay na iyon. Sana mali ang kaniyang hinala. *** Nanginginig na sinigurado ni Princess na naka-lock ang pinto bago maupo sa gilid ng kama. Inilapag sa harap ang libro at lumunok ng ilang ulit. Ito ‘yung librong walang pamagat na nakitaan ng kapatid na si Elvie ng drawing, nawala at kay Jenica niya natagpuan. Huminga muna siya nang malalim bago binaligtad ang libro. Sa likuran siya bumuklat ng pahina. At halos mapatakip siya nang bibig nang mapagtantong ito nga ‘yun. Napailing-iling si Princess at hindi malaman ang gagawin. Nanlalabo na ang kaniyang paningin dulot ng luha pero nanatili siyang nakatingin sa libro, partikular sa pangalang nakapirma sa ibaba niyon. Bakit hindi niya iyon nakilala? *** “Jess, kailangan nating mag--” Biglang napatingin si Princess sa pinto nang may kumalabog mula sa labas. Napakalakas na parang bumagsak na kabinet. “Hello, Princess? Chappy ka, hindi kita maintindihan.” “Jess, tawagan kita ulit.” At mabilis na ibinaba ni Princess ang cellphone mula sa kanang tainga at in-off ang tawag. “Ma, ikaw ba ‘yan?” may kalakasang tawag ni Princess sa ina. Sumulyap siya sa orasang nasa gitna ng mga stuff toys, alas singko pa lang, alas siyete ang uwi ng ina. Pero, baka napaaga lang ito. Pinakiramdaman ni Princess kung may maririnig pang kakaiba mula sa labas ng pinto ng kaniyang kuwarto, pero wala na. Ipinasya niyang silipin kung ano ba ‘yung narinig niyang bumagsak. Mahigpit na hinawakan ang seradura bago pinihit pabukas, iniawang nang kaunti at sumilip. Nang wala namang makita, nilakihan na niya ang pagbukas at para lang mabigla sa nakita. Parang sinadyang itumba ang mga gamit nila sa sala, inipon ang mga upuan sa gitna, kasama ang maliit nilang tv at lamesita, mga nakatambak sa gitna. Natigalgal siya ng mapatingin sa gitnang dingding nila. Tinanggal niya pa ang salamin sa mata bago pinunasan gamit ang dulong damit bago muling isinuot. At hindi na niya napigilan ang pagsigaw nang mabasang maigi kung ano ang nakasulat sa puting-puti nilang dingding. Ang salitang ayaw na niyang marinig o mabasa pa. “Paano mo gustong mamatay?” *** “Sigurado ka ba?” Marahang hinahagod ni Jess ang likuran ni Princess habang patuloy ito sa pag-iyak. Hindi na siya nakapag-isip pa at nagtatakbo siya palabas ng bahay. Buti na lang at bitbit niya ang cellphone kaya agad niyang tinawagan si Jess. Ni wala siyang sapin sa paa nang sunduin siya nito sa kanto ng kanilang lugar, dinala siya nito sa kanilang bahay. Buti na lang at hindi pa rin dumarating ang mga magulang ni Jess mula sa probinsiya ng ina. Dahil hindi niya alam kung saan siya pupunta o kung sino ang hihingan nang tulong. “Jess, hindi ako sinungaling na tao. At --” nagpahid at suminga pa muna si Princess sa tissue, “kitang-kita ko, nabasa ko!” Nanginginig na napahagulgol sa palad si Princess. Mabilis naman siyang niyakap ni Jess at inalo. Isinabit na muna ni Princess ang salamin sa mata sa damit na suot dahil kanina pa siya iyak nang iyak at singa nang singa. Ganoon din naman, nanlalabo ang paningin dulot ng luha niya. “Shhh… I’m here. Magpahinga ka na muna sa taas. Doon ka na sa kuwarto ko at dito na ako sa salas.” Ang kuwarto kasi ni Vin ay ginawang chapel ng abo nito. Nagpunas muna ng luha si Princess bago umiling. “Hahanapin ako ni mama. Uuwi na rin ako maya-maya.” “Pero Princess…” “I’m okay, Jess. Tatawag naman ako kung…” Sabay silang napalingon nang biglang tumunog ang cellphone ni Princess. Mama ang nakarehistrong tumatawag. Tumikhim-tikhim si Princess para medyo maayos ang kaniyang boses. Uminom din siya ng tubig at pilit na tinatanggal ang kung anumang nakabara sa kaniyang lalamunan. Isinuot muna ang salamin sa mata bago sinagot ang tawag ng ina. “Nasaan ka bang bata ka at iniwan mong bukas ang pinto? Aba’y buti hindi tayo pinasok ng magnanakaw.” “May… kinuha lang po ako… para sa project,” mahinang saad ni Princess. “Wala po ba kayong napansin na kakaiba sa bahay?” Ang mga gamit na naipon sa gitna ng salas ang kaniyang tinutukoy. “Umiiyak ka ba? Wala naman. Mukhang wala namang nawala. Itong librong itim sa ‘yo ba ito? Nakita ko sa lapag pagkapasok ko.” Napalunok si Princess pagkarinig sa libro. At bigla, natigilan siya nang maalala ang kaugnayan niyon sa kanila. Agad siyang napalingon kay Jess na matamang nakatingin lang sa kaniya. “Hello, Princess. Ano, ‘di ka pa ba uuwi? Gabi na.” “Pauwi na po, ma.” At agad na niyang pinatay ang tawag habang matamang nakatingin kay Jess. “Bakit?” ani Jess. Agad hinawakan ni Jess ang braso ni Princess dahil kita niya  pa rin sa mga mukha nito ang pag-aalala. “Hindi, may naalala lang ako. Sa tingin mo ba, posibleng… bumalik ang isang… namatay na?” halos hindi lumalabas sa bibig niya ang mga katanungang iyon. Saglit na hindi nakahuma si Jess. “Para saan ang pagbabalik?” “Sa… paghihiganti?”   Shhh... Don't tell your ending jhavril
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD