KINUHA ni Eros ang kaniyang briefcase pagkatapos ay lumabas ng kaniyang opisina. Dumiretso siya sa kaniyang condo unit upang magpalit ng damit. Ngayong gabi kasi ay inanyayahan siya ng mga kaibigan na lumabas upang magkasama-samang muli. Matagal na panahon na rin kasi silang hindi nagkikita-kita lalo na at pare-parehong naging abala sa kaniya-kaniyang trabaho; ngayon lamang muli kaya naman pinagbigyan niya na ang mga ito. Kaarawan din naman kasi ng isa nilang barkada na si Yuri. Classmate at kaibigan niya ito simula pa ng ikatlong taon nila sa kolehiyo, hanggang ngayon ay nananatili silang magkakaibigan.
Pinagmasdan niya ang sarili sa harap ng salamin. Nakasuot lamang siya ng fitted na blue jeans at black na long sleeve polo. Hinawi niya ang buhok sa unahan. Hindi naman sa masiyado siyang gwapong-gwapo sa sarili, alam niya lang talaga na mayroon naman siyang ibubuga kung kagandahang lalaki lamang ang pag-uusapan. Pagkatapos manalamin ay sinigurong kumpleto na ang kaniyang mga gamit bago tuluyang umalis sa silid.
Nakatanggap siya ng tawag mula sa isang barkada habang nasa byahe at nagmamaneho. Sinagot niya iyon at inilagay sa speaker mode. “Malapit na ako, medyo traffic lang nang kaunti dahil rush hour.”
“Eros, can you buy us some cigarettes?” wika ni Yuri, “Nakalimutan ko kasi eh, siya nga pala may mga inimbita rin akong high school friends. Malay mo may matipuhan ka, para naman hindi na palaging mainit ‘yang ulo mo.” Tumawa ang kaibigan. Nag-iisa si Yuri na babae sa kanilang magkakaibigan. Magaling kasi itong makisama at palakaibigan. Ito lamang din ang nag-iisang babae na kaya siyang asarin nang ganito.
“What cigarrette?” Hindi niya pinansin ang pang-aasar nito.
“Marlboro green.” Hindi naman na siya kinulit ni Yuri abala rin ito sap ag-aasikaso ng mga bisita. “Apat na kaha, narito kami sa penthouse. Bilisan mo ha. Thank you, Mr. Sungit.”
Malalim siyang napabuntong hininga at hinintay na lamang mamatay ang tawag. Hindi niya na lamang pinapansin ang mga biro ng kaibigan kapag tungkol sa ganoong bagay. Napapagod na siyang sabihin sa mga ito nang paulit-ulit na masiyado siyang abala sa opisina at sa goal niya kaya naman wala sa isip ang pagkakaroon man lamang ng nobya, para sa kaniya ay makasisira lamang ang pagkakaroon ng relasyon upang matupad ang mga gusto niya. Siguro nga ay lumaki siyang mayaman ngunit hindi natatapos doon ang lahat. Iba siya sa mga anak ng bilyunaryo na wala nang ibang hinangad dahil nasa kanila na ang lahat. He wanted to work for himself and achieve all his goals. Tulad na lamang ng kinatatayuan niya ngayon sa kumpanya, pinaghirapan niya ang posisyon bilang president bago na-promote ng kaniyang ama. Hindi iyon naging madali dahil maging ang ama ay walang balak na ipasa nang ipasa ang lahat ng mayroon kung hindi nila paghihirapan. Mas gusto niya naman na ganoon ang ama dahil lumaki silang walang luho at pinaghihirapan ang lahat.
Pagkaraan lamang ng ilang minuto sa pagmamaneho ay mayroon siyang nadaanan na mini store. Sandali siyang pumarada roon, bumaba at bumili ng ipinabibili ni Yuri saka byumahe muli patungo sa penthouse nito. Nang malapit na siya sa lugar ay nawala na ang matinding traffic, saglit lamang ay nakarating na siya. Pagkatapos pumarada sa underground parking ay dumiretso na siya sa itaas o siyang pinakatuktok ng gusali. Pagbukas ng pintuan ay narinig niya kaagad ang ingay ng tugtog na nagmumula sa pool site ng penthouse.
“Hey! Hey! Hey! Narito na si Eros!” Lumapit sa kaniya si Phoenix. Isa sa mga barkada niya sa kolehiya. Nakipagkamay at nag-untugan sila ng balikat. Ganoon din ang iba pa nilang mga kaibigan nang maglakad siya papasok. Sinalubong siya ng mga ito nang may sigla. Tuwang-tuwa silang muling nagkita-kita.
“Where’s Yuri?” he asked hindi pa man siya tuluyang nakauupo sa sofa. Inilapag niya sa center table ang mga kaha ng sigarilyo na binili.
“Nasa pool site kasama ang mga girl friends niya. Hindi na nga kami pinansin,” wika ni Phoenix na ikinatawa ng mga kaibigan nila.
“Ang gaganda naman kasi ng bisita niya ngayong gabi. Namimili na nga ako ng iuuwi,” Pabiro ni Jeel. Isa sa pinakababaero niyang kaibigan at nagsisimula nanaman nga ito ngayong gabi.
“Shut the fvck, Jeel. Asa ka.” Pumasok sa loob si Yuri na nakasuot lamang ng two-piece at bahagya pang basa. Nanggaling ito sa pool site at bahagya nang namumula ang magkabilang pisngi. Maganda ito, maganda rin ang hubog ng pangangatawan at higit sa lahat ay edokada. Ngunit sa lahat-lahat ng babae ay ito lamang ang hindi nila kayang bastusin magkakaibigan. Bunsong kapatid na kasi ang turing nila rito. “Kung si Eros ay papayagan ko pa.”
“Favoritism,” biro ni Phoenix. Tumawa at tinungga ang hawak na inumin.
“Nah, ibigay mo na lahat sila kay Jeel.” Pabagsak siyang naupo sa sofa. “Mas magiging masaya ako kung karangalan ng kumpanya ang maiuuwi ko. I’m good here, okay?” Tinanggap niya ang inumin na iniabot ni Jeel at nakikampay siya rito.
“Balak mo bang magpakasal sa kumpanya n’yo? Masiyado kang loyal sa pagiging presedente mo.” Yuri rolled her eyes. “Marami akong magagandang kaibigan. Irereto ko sa ‘yo ang isa kung gusto mo, kaya nga lang ay napakahirap mong pilitin. Sumasakit ang ulo ko sa ‘yo.” Tumawa ito nang mahina. “But I know bibigay ka rin.” Tumingin ito sa mga kaibigang lalaki, mayroong kalokohang binabalak ngunti hindi pa natutunugan ni Eros. Ano kaya iyon? Tumayo si Yuri sa kinauupuan at lumapit sa kaniya. Mahigpit na yumakap sa kaniyang braso. “Bumangon ka d’yan at ipakikilala kita sa mga kaibigan ko.”
“No, I’m good here, Yuri—” Hindi siya nakapalag pa nang hawakan din siya ni Zachary sa kabilang braso (isa pa sa kaniyang mga matatagal niyang barkada)
“Nakilala na nila ang mga kasama natin, ikaw na lang ang hindi dahil late ka. Huwag ka nang maarte. It’s my birthday.”
“Alright, wait!” Hinatak niya ang magkabilang braso sa mga ito at diretsong tumayo. “Kaya kong maglakad, hindi n’yo na ako kailangang kaladkarin. For God’s sake!”
“Sabi mo ‘yan ha? Magtatampo talaga ako kapag ipinilit mo ‘yang pag-iinarte mo.”
“Hindi ako nag-iinarte.” Eros sighed so deep.
Naglakad na si Yuri papasok sa pool site, sumunod naman ang mga kaibigan nila at walang nagawa si Eros kundi ang sumunod na lamang din. Isa pa lang pool party ang inihanda ni Yuri para sa sarili at malalapit na kaibigan lamang ang inimbita. Napakalakas ng tugtog at umaalingawngaw ito sa katahimikan ng gabi. Maigi na lamang at solo nila ang penthouse. Walang kapit-kuwarto, walang probloema.
Nagsasayawang mga kababaihan sa gilid ng pool ang naabutan nina Eros. Nagkaniya-kaniya nang lapit ang mga kaibigan nilang lalaki sa mga kababaihang kaibigan ni Yuri na nakilala lamang din ng mga ito kanina.
“May ipapakilala ako sa inyo,” wika ni Yuri at hininaan ang sound ng speaker. “This is my brother, Eros. Ang pinakaguwapo sa ‘ming lahat—”
“Ehem! Hindi ata ako papayag d’yan,” biro ni Zachary.
Nagtawanan ang mga tao sa kanilang paligid, ngunit si Eros ay tahimik lamang at magkaekis ang braso sa dibdib. Hindi niya naman akalaing may mga kasamang babae si Yuri. Sana ay hindi na lamang siya tumuloy. Tila ata may allergy siya sa mga babae, ngunit hindi sa kaibigan at mga kapatid.