Chapter 4

1576 Words
TUWANG-TUWA si Jheann nang sa pagbukas niya ng bag ay nakita niya roon ang kaniyang "milyones". Ayon sa lalaki, humingi raw ng pasensiya ang babaeng nakadampot sa bag niya. Totoong nagkamali lang daw ito. Sa sobrang tuwa ng dalaga ay napayakap siya kaibigan ng Kuya Alex niya. "Thank you! Thank you talaga!" Muntik na niya itong mapupog ng halik kung hindi lang siya napaso sa pagkakadaiti ng balat nila. "Kung hindi dahil sa'yo, baka nawala na ito sa'kin," aniya at inilabas sa bag ang kapirasong notebook. "Notebook?" bulalas ng lalaki. "Pinagod mo ako mo ako para lang diyan? Akala ko ba milyones ang laman ng bag mong 'yan?!" Nagtalsikan yata ang lahat ng tutuli ni Jheann sa lakas ng sigaw nito. "Milyones nga!" giit ng dalaga. "Siguro nga, isang simpleng notebook lang 'to. Pero convertible to cash ito, 'no? Dahil dito nakalista ang lahat ng mga nagastos ko at ng pamilya ko simula pa noong ipinanganak ako dito sa mundong ito, na sisingilin ko sa mapapangasawa ko. Kaya dapat, milyonaryo ang mapapangasawa ko. Dahil kung hindi, mawawalan ito ng silbi." Iwinasiwas niya ang notebook at muntik nang matamaan ang lalaki kung hindi nakailag. Napamata ito kay Jheann na para bang isang bombang sumabog sa harapan nito ang sinabi niyang iyon. "Seryoso ka?" "Mukha ba akong nagbibiro?" "Bakit kailangan mo pang singilin ang mapapangasawa mo?" "Aba, wala nang libre sa panahon ngayon, mister. Ultimo pag-CR nga ay may bayad pa." Napailing ang lalaki. "I can't believe this." At saka tumingin sa kaniya na para bang isa siyang pambihirang nilalang. Nagkibit-balikat lang si Jheann at hindi pinansin ang reaksiyon nito habang nakatingin sa kaniya. Kapagkuwan ay kumuha siya ng ballpen at nagsimulang magsulat sa kaniyang mahiwagang notebook. Inilagay niya ang petsa, oras, at lugar bago isinulat ang, "May lalaking tumulong sa'kin para mabawi ang bag ko mula sa mandurukot". Pagkatapos ay inilahad iyon sa harapan ng lalaki. "Ilagay mo ang presyo, pangalan mo at saka pirma." Napatanga na naman ito sa kaniya. "Presyo ng...?" "Ng pagligtas mo sa'kin. Dapat iyong bayaran ng mapapangasawa ko. Kasi kung hindi dahil sa'yo, wala na sana itong 'milyones' ko." Agad na namang nagsalubong ang mga kilay ng lalaki. "Seryoso ka talaga?" Tumawa si Jheann sabay tampal ng notebook sa noo nito. "Buklatin mo at basahin para maniwala kang seryoso nga ako." Halatang napipikon na pinalis nito ang notebook sa noo. "Wala akong panahon para patulan ang mga kalokohan mo." Dinampot nito ang travelling bag niya. "Bilisan mo na at nagugutom na ako." "Wala rin akong pakialam kung maniwala ka o hindi. Basta mag-fill up ka dito," ani Jheann sabay abot uli ng notebook dito. "Hindi ako nagpapabayad kapag tumutulong sa kapwa." Tumingin siya rito at mukha naman itong seryoso kaya hindi na niya pinilit pa. "Ang bait mo pala, plus one point ka sa'kin." Kinindatan ito ni Jheann at saka nagsulat sa notebook ng "Free of Charge", sabay abot uli sa lalaki. "Pirmahan mo na lang. At 'wag ka nang umangal kung gusto mong makaalis na tayo dito." Iiling-iling na lang ang lalaki at hinablot sa kamay niya ang notebook at ballpen. Daig pa nito ang isang doktor sa bilis pumirma. Pero nang tingnan niya iyon, hindi naman mukhang kinahig lang ng manok. "Pangalan mo?" hirit ni Jheann nang makitang pirma at date lang ang inilagay nito. Pero nang tingnan siya nito nang masama ay itinikom na lang niya ang bibig. Okay lang naman sa kaniya kahit walang pangalan basta may pirma. "Bernard, pasalamat ka sa taong ito at nakalibre ka ngayon," bubulong-bulong na sabi ni Jheann habang ibinabalik sa loob ng bag ang notebook. "Ano ang sabi mo?" baling nito sa kaniya na nakakunot na naman ang noo. Mabuti na lang talaga at guwapo ito. Kaya keri lang. "Wala. Ang sabi ko, tara na at gutom na ako." Inunahan niya ito sa paglalakad at hinayaang dalhin lahat ng mga gamit niya, maliban sa bag na naglalaman ng 'milyones' niya. "ANO nga pala ang pangalan mo?" tanong ni Jheann sa lalaki habang lulan sila ng owner-type jeep nito na panahon pa yata ni kupong-kupong. Mas lalo sana itong gumuwapo kung Mercedez Benz o kahit Ford Mustang na lang ang gamit nito. "Bakit?" "Anong bakit? Kanina pa tayo magkasama pero ni hindi ko alam ang pangalan mo." Bahagya siya nitong nilingon bago iniliko ang sasakyan sa isang kanto. "Jared." "Lang?" reklamo ng dalaga. "Salvador." "Kaano-ano mo si Philip Salvador?" biro niya. Pero nang tingnan siya nito nang masama ay nag-peace sign siya sabay ngisi. "Joke!" Hindi na siya nito kinibo pa kaya tumahimik na lang din si Jheann. Bagaman at hindi niya maiwasang hindi ito sulyapan. Paulit-ulit niyang binabanggit sa isip ang pangalan nito. Jared Salvador. Pangalan pa lang, action star na. Bagay na bagay sa kaguwapuhan at kakisigan niya. Napangiti si Jheann nang mapatingin siya sa lalaki. Eksakto namang lumingon ito sa kaniya kaya nahuli siya. "Ano ang problema?" sita nito sa kaniya. "Problema na pala ngayon ang ngumiti." "Hindi. Pero ikaw ang problema dahil ngumingiti ka nang mag-isa," pamimilosopo nito. "Ayaw mo naman akong kausapin kaya pinapangiti ko na lang ang sarili ko." Natawa nang pagak si Jared. "Mas gusto ko pa ang mabaliw na mag-isa kaysa ang mabaliw sa pakikipag-usap sa'yo." "Ikaw ang bahala," sabi na lang ni Jheann. Imbes na patulan ang kasungitan ni Jared ay hinarap na lang niya ang pagre-retouch ng makeup. Eksaktong nagpapahid siya ng lipstick nang biglang huminto ang sasakyan. Bahagya siyang na-out-of-balance. At wala siyang kamalay-malay na kumalat pala ang lipstick niya. Nagtaka na lang siya nang makita si Jared na nakatingin sa mga labi niya. Sandaling nailang si Jheann. Napa-pout tuloy siya nang wala sa oras. "Ang lipstick mo, makalat," anito. Nang mapatingin si Jheann sa rearvie mirror ay noon lang niya nakita ang sarili. Kumalat sa bibig ang lipstick niya. Hindi niya alam kung ano ang unang maramdaman. Ang mahiya kay Jared o ang manigas nang bigla na lang itong dumukwang at walang ano-anong pinunasan ng daliri nito ang itaas ng kaniyang labi. Damang-dama niya ang mainit nitong kamay na dumikit sa balat niya. "S-salamat," nauutal na sabi ng dalaga pagkatapos. Hindi umimik si Jared. Nawala marahil sa isip nito na may lipstick ang daliri at napakamot sa pisngi. Nalipat tuloy doon ang kulay-pulang tinta. Si Jheann naman ngayon ang dumukwang dito para sana punasan iyon. Pero biglang bumaling si Jared. Muntik nang magdikit ang mga labi nila. They were just one inch away from each other. Sabay pa silang napalunok nang magtama ang mga paningin nila. Ang dalaga ang unang hindi nakatagal sa malagkit na tingin ni Jared sa kaniya kaya umiwas siya at lumayo rito. "'Yong ano mo..." natatarantang itinuro niya ang pisngi ni Jared. "M-may lipstick." Para namang nahimasmasan na napakisap ito at humarap sa salamin. Saglit lang siya nitong sinulyapan at dali-daling kinuskos ng panyo ang pisngi. "Baba na. Kakain muna tayo at mahaba-haba pa ang biyahe natin." Nauna itong bumaba ng sasakyan. Pero pagkatapos nitong ituro ang karinderya ay pinauna siya nito sa paglalakad. Nakasunod ito sa kaniya. At pakiramdam ni Jheann, pinapanood nito ang bawat pag-sway ng balakang niya. Nailang tuloy siya at natapilok sa takong na suot. Mabuti na lang at maagap ito sa pagsalo sa kaniya. Sa pagmamadali ay sa baywang at puwet niya ito napahawak. Napapisil pa. Kaagad naman itong bumitaw nang tingnan niya nang masama. "Ipapapulis kita sa pananantsing mo," irap niya rito. Hindi siya pinansin ni Jared at dinala na papasok sa mas maliit pang karinderya. "Maayong hapon, Kapitan!" Magandang hapon, Kapitan! sabay-sabay na bati rito ng mga taong naroon. Nag-salute pa ang isang customer. Napanganga si Jheann nang ma-realize ang nangyayari. Oo nga pala. Police ang Kuya Alex niya. Bakit ba hindi niya agad naisip na posibleng police din ang kaibigan nito? Napatingin siya kay Jared. Nginisihan lang siya nito na para bang sinasabing, "Ipapapulis pala, ha?" Nagba-blush na inirapan lang niya ito. "KANINA, 'yong pagbawi ko sa bag mo. Ngayon naman, pati itong kinain at ininom mo ay sisingilin mo rin sa mapapangasawa mo?" hindi makapaniwalang reklamo na naman ni Jared nang makita si Jheann na nagsusulat na naman sa mahiwaga niyang notebook. "Ano ang mali doon?" patay-malisya na tanong din ng dalaga. "Paano pa niya ako mapapangasawa kung hindi ako kakain at namatay na sa gutom?" "Kung kada kilos mo ay isisingil mo sa mapapangasawa mo, baka kahit habambuhay siyang magtrabaho ay hindi ka niya mababayaran." "Kaya nga milyonaryo ang gusto kong mapangasawa, eh," mabilis at proud pang sagot ni Jheann. "Sayang naman ang beauty ko kung mapupunta lang sa hindi kayang bilhin kahit ang lipstick ko, ' di ba?" Napansin niya ang pagdilim ng anyo ni Jared bago ito umiling. "Isa ka nga talagang ordinaryong nilalang. Wala kang katulad." "Wala talaga. Kaya sige na, pirma na. Patunay na kasama kitang gumastos niyan." "Iyong sa'yo na lang ang ilista mo. Ako na ang bahalang magbayad ng mga kinain ko." Pagkatapos araruhin ng ballpen ang notebook ni Jheann ay pabagsak iyong inilapag ni Jared sa harapan niya. At saka siya nito inabutan ng isandaang piso. "Keep the change." "Anong keep the change ka diyan?" Tumaas ang isang kilay ni Jheann. "Kulang ka pa ng ten pesos dahil ako ang nagbayad ng dalawang extra rice mo. Pero dahil tinulungan at sinundo mo ako ngayong araw kaya ililibre ka ng future husband ko." Ngumisi siya sabay sulat sa notebook. Napailing na lang si Jared at sinipsip ang natitirang softdrinks nito. Parang hindi pa ito tapos mahiwagaan sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD