PROLOGUE
HALOS tatlong oras na naghintay si Jheann sa reception bago siya tinawag para pumasok sa CEO's office. Nasa meeting pa raw kasi ang sadya niya.
Ilang beses na siyang nagpa-set ng appointment pero ngayon lang siya napagbigyan. And she knew why.
Pagdating ni Jheann sa loob ay sinalubong siya ng isang sopistikadang babae na matangkad at parang labanos sa puti ang kulay ng balat. Maigsi ang maitim nitong buhok at hazel ang kulay ng mga mata.
"Please have a seat," nakangiti na sabi nito sa kaniya sa British accent, pagkatapos na magpakilalang secretary. "Pakihintay na lang dito si Mr. Salvador. May tinatapos lang siya sa loob."
"Thank you," nakangiting tugon ni Jheann. Sa pitong taon na paninirahan niya sa London, kahit papaano, tunog-British na rin ang accent niya.
Isang palakaibigang ngiti ang iniwan sa kaniya ng sekretarya bago ito bumalik sa puwesto.
Habang naghihintay ay iginala muna ni Jheann ang tingin niya sa loob ng silid. Halos lahat ng nakikita niya sa paligid ay puro wood-trimmed na may gilded elements at carvings. Mayroon ding mga heavy wooden cabinets, large tables, at iba pang furniture na may leather upholstery na nagpapatunay kung gaano karangya ang opisinang iyon.
Hanggang ngayon pala ay maka-classic pa rin siya. bulong ni Jheann sa sarili na ang tinutukoy ay ang may-ari ng luxurious office suite na iyon.
Pagkatapos busugin ang kaniyang mga mata, ginamit naman ng dalaga ang natitira pa niyang oras para pakalmahin ang sarili. Simula pa lang kasi kanina nang dumating siya rito ay ninenerbiyos na siya.
Ilang sandali pa ay bumukas na ang inner door ng silid na iyon. Lalong bumilis ang pintig ng kaniyang puso nang lumabas doon ang taong kanina pa niya hinihintay. Sa kabila ng nanginginig na mga tuhod ay pinilit ni Jheann ang tumayo. Ngunit nawalan ng silbi ang pagsisikap niyang iyon nang makita niya agad sa mukha nito ang pagkaayaw sa presensiya niya. Bumalik siya sa pagkakaupo nang maramdaman niyang hindi na siya kayang suportahan ng mga binti niya.
"What are you doing here?" deretsahang tanong ni Jared. Tiyak ang mga hakbang nito papunta sa executive table habang nakatitig sa kaniya ang mga mata nitong wala man lang reaksiyon sa muli nilang pagkikita.
Habang sinasalubong ang malamig na tingin ni Jared, pilit na hinanap ni Jheann sa mukha nito ang dating nobyo na madalas magsabi sa kaniya ng, "You can always feel safe in my arms, mahal."
At ganoon nga ang nararamdaman niya noon sa tuwing magkasama silang dalawa. Pero nakakatawang kabaligtaran niyon ang nararamdaman niya ngayon. Dahil sa isang tingin pa lang ni Jared ay para na siyang mamamatay sa takot.
And she can't blame him for making her feel that way.
"I-I'm sorry to bother you. I just need to talk to you," mahinang sagot ni Jheann pagkalipas ng mahabang sandali. Nanghihina pa rin ang mga tuhod na napasandal siya sa couch. Pagkatapos ay kumapit siya sa magkabilang armrest para pakalmahin ang nanginginig ding mga kamay. Sa sobrang kaba ay hindi na niya nasabi ang totoong pakay. "K-kumusta ka na?" Pinilit niyang ngumiti. "Hindi ko akalaing after seven years, dito pa tayo magkikita uli sa London."
"Small world ba?" Tumaas ang isang sulok ng mga labi ni Jared. At saka ito tumingin sa wristwatch na para bang nababagot. "I have another meeting in ten minutes. Marami pa akong kailangang i-prepare. Kung pumunta ka lang dito para kumustahin ako, salamat na lang. Masiyado nang late ang seven years."
"Jared--"
"Mr. Salvador," maagap na sansala ng binata sa sasabihin sana ni Jheann. "Iyan ang tawag sa'kin ng mga taong walang personal na connection sa'kin."
Napakagat-labi ang dalaga nang maramdaman niya ang paghapdi ng kaniyang lalamunan habang paulit-ulit na nagre-replay sa utak niya ang sinabi nito.
Iyan ang tawag sa'kin ng mga taong walang personal na connection sa'kin.
Nakakatawang nagawa iyong sabihin ni Jared samantalang seven years ago lang ay para na silang mag-asawa.
Mas kumirot ang puso ni Jheann nang mapagtantong hindi pala kahapon lang ang pitong taon. Marami na ang nagbago. Kagaya na lang ni Jared na hindi na police uniform ng Pilipinas ang suot-suot. He was now wearing a dark grey striped three-piece suit with an Oxford shirt that oozed his class and sophistication.
"A conversation with a blast from the past is not on my top priority list right now. So kung may iba ka pang pakay sa pagpunta rito, bukod sa pangungumusta, sabihin mo na," walang ligoy na sabi pa ni Jared. "I told you, I have another meeting in ten minutes. H'wag mong sayangin ang oras ko."
"I'm sorry, Jared." Binalewala niya ang pagtataboy nito sa kaniya. Pagkatapos ay nag-ipon siya ng lakas para makalapit dito. Itinukod niya ang dalawang kamay sa ibabaw ng executive table nito habang nakatunghay dito. "I was wrong. Maling-mali ako nang--" Naputol ang pagsasalita ni Jheann nang hampasin nito nang malakas ang lamesa.
"Enough of this meaningless conversation and just leave. Because I know what this is about." Madilim ang anyo na tinitigan siya ni Jared sa kulay-asul niyang mga mata. "Nandito ka para sa pera ko." Natatawang napailing si Jared. "Nakakaawa ka. Hindi ka pa rin nagbabago."
Bagaman at nasasaktan na ay pinilit pa rin ni Jheann na ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa binata. Oo, dangal na niya ang kinukuwestiyon nito. Pero mas mahalaga pa rin ang ipinunta niya rito.
"Parang awa mo na, Mr. Salvador. H'wag mo nang ituloy ang demanda sa a... asawa ko. He's sixty-three years old. Hindi na niya kakayanin ang twenty years imprisonment." Naramdaman ni Jheann ang pag-iinit ng sulok ng kaniyang mga mata. "K-kung galit ka pa rin sa'kin, ako na lang... ako na lang ang parusahan mo. H'wag mo na siyang idamay."
"At sino ang nagsabing ginagawa ko ito nang dahil sa'yo? I'd lost concern in you the moment you turned your back on me, Jheann. So stop assuming." Nang-uuyam na ngumisi ito. "Wala rin akong pakialam sa asawa mo kung mamatay man siya sa kulungan. May kasalanan siya kaya dapat niyang pagbayaran."
Naramdaman ng dalaga ang tuluyang pagpatak ng kaniyang mga luha habang dahan-dahang lumuluhod sa harapan ni Jared. Ibang-iba na talaga ito sa dating nobyo niya. "Please, I'm begging you, Mr. Salvador. Iurong mo lang ang demanda. And I will do whatever you want." Napapikit nang mariin si Jheann para alisin ang mga luhang bumabalong sa kaniyang mga mata. "Anything, Mr. Salvador. Just don't let my husband go to jail."
Lalong umitim sa galit ang mga mata ni Jared. Ngunit bago iyon, sigurado ang dalaga na nahuli niya ang pagsungaw ng kakaibang emosyon sa mga mata nito. "Tumayo ka diyan. Hindi mo ako madadala sa paluhod-luhod mo." Pinukol nito ng matalim na tingin si Jheann bago tumalikod.
"Minsan na akong naging tanga dahil minahal kita, Jheann. Nasaktan ako dahil nagpauto ako sa'yo, nagpakagago. Muntik nang masira ang buhay ko nang dahil sa'yo. Papayag pa ba ako na maulit iyon?"
Nang humarap sa kaniya si Jared ay muli niyang nakita ang lalaking sinaktan niya nang husto, pitong taon na ang nakalilipas. Sunod-sunod na nangilid ang mga luha ng dalaga sa kabila ng pagpipigil niya. "I'm sorry, Jared... I'm so--"
"Enough!" Nahinto sa pagpapaliwanag si Jheann nang pagalit na ikinumpas ng binata ang isa nitong kamay. "Seven years, Jheann. Pitong taon bago ka nagpakita uli sa'kin at sinabi ang mga salitang 'yan. Tapos, aasa ka na patatawarin kita?" Napalunok siya nang makita ang pagtatagis ng bagang ni Jared. "You're a waste of time."
Sa nakikita ni Jheann na reaksiyon ng binata, mukhang wala na nga talaga pag-asang makuha niya ang sadya.
"One of the biggest mistakes of my life was leaving you, Jared. And now I know that I can't have you back again. I am just living with a hope na sana... balang araw ay mapatawad mo ako." Dahan-dahang tumayo ang dalaga. Tinawid niya ang distansiya nila ng binata at habang may luha ang mga mata ay sinapo niya ang mukha nito. "At kung hindi mo man ako mapatawad, ipagdasal mo na lang na sana ay magawa kong patawarin ang sarili ko. Dahil minsan sa buhay ko ay may lalaking nagmahal sa'kin nang sobra-sobra pero iniwan ko..."
Hindi nakakibo ang binata. Matiim lang itong nakatitig kay Jheann habang patuloy na umaagos ang malalaking luha sa pisngi niya.
Mayamaya ay umiwas ito ng tingin. "I think you should leave. Magsisimula na ang panibagong meeting ko."
Nanlalambot na ibinaba ni Jheann ang mga kamay na nakasapo sa mukha ni Jared. Pagkatapos ay laglag ang balikat na tumalikod siya rito. Ngunit hindi pa man siya nakakalayo ay narinig na niyang nagsalita uli ito.
"I will drop the lawsuit if you leave your husband and marry me."
Awang ang bibig na nilingon ni Jheann ang binata. Blangko na ang ekspresyon nito nang magtagpo ang mga mata nila. Kaya hindi niya alam kung tama ba ang narinig niya. "W-what did you say?"
"Kailangan mo akong pakasalan kung ayaw mong makulong ang asawa mo," walang ligoy na ulit ni Jared sa sinabi nito.
Nangatal ang mga labi ni Jheann at saglit na nawalan siya ng sasabihin. Pero mayamaya ay namalayan na lang niya ang sarili na tumatango. "Deal. Then what's next?" Batid na niyang may kapalit iyon. At ngayon pa lang ay kinakabahan na siya.
Humakbang si Jared palapit sa kaniya habang matiim na nakatingin sa mukha niya. Nararamdaman ni Jheann ang mga titig nito sa buong pagkatao niya. He looked ruthless and dangerous.
Ibang-iba na ito sa mabait at mahinahon na binata noon.
She shivered. May lamig na gumapang hanggang sa kailaliman ng mga buto niya nang padaskol na hinawakan siya nito sa braso. "Be my slave as long as I want. And don't try to run away from me again." Humigpit ang pagkakahawak ng malabakal nitong kamay sa braso niya. "Because if you did, this time, I will kill you."
Natatakot si Jheann sa matinding galit na nakikita niya ngayon sa mga mata ni Jared. Pero nang mapatitig siya sa namumulang mga labi nito, unti-unting kumalma ang pagtibok ng puso niya.
Isa-isang bumalik sa isip niya ang mga alaalang walang kapaguran na tinatawag siya ng mga labi na iyon na, "Mahal..."