NAPANGANGA si Jheann nang magtanggal ng salamin ang kaniyang "pinsan", at ibang mukha ang sumalubong sa kaniya. Sa sobrang kaguwapuhan nito ay parang gusto na lang niyang mapatanga dito. Daig pa niya ang nakakakita ng isang artista. At sa tingin niya ay mas lalo pa itong gumuguwapo habang tinitingnan niya.
Guwapo rin naman ang Kuya Alex niya. Katunayan, halos kahawig nito ang lalaki. Sa mga mata lang nagkaiba.
Pero teka... Kung hindi ito ang pinsan niya, bakit nasa ibabaw siya nito at hinalikan pa niya?
"Bastos!" hiyaw ni Jheann nang matauhan siya, sabay suntok sa mukha ng estranghero.
Pagkatapos ay dali-dali siyang umalis sa ibabaw nito. Sa kamamadali ng dalaga, muntik pa niyang maitukod ang kamay sa harapan nitong naghuhumiyaw yata sa laki at ganoon na lang kung bumukol ang scrotch ng pantalon nito.
Ano kaya ang size niya?
"Sh*t! Bakit ka ba nanununtok? Ikaw na nga itong bumunggo sa'kin, eh," galit na reklamo ng lalaki. Hawak-hawak nito ang parte ng mukhang tinamaan ng suntok niya. Kulang na lang ay kainin siya ng buhay.
Inayos muna ng dalaga ang nagulong damit bago binalingan ang lalaki. Nahuli niya itong nakatitig sa kaniya na para bang hindi makapaniwala sa nangyayari. At hindi naman nagpatalo si Jheann. Nakipagtitigan din siya rito. Lalo pa at hindi naman siya lugi. Dahil talagang guwapo ito at ang sarap tingnan.
Ito iyong tipo ng guwapo na napaka-neat and clean. Mula ulo hanggang paa ay nangingintab sa kalinisan. Parang gusto nga niyang pisilin ang pisngi nitong natural na namumula-mula. Dinaig pa ang kaniya. May cheek tint pa siya sa lagay na iyon, ha?
O baka naman namumula lang dahil sa suntok niya?
"Ano?" iritadong tanong ng lalaki. "Hindi ka man lang ba magso-sorry sa pagsuntok mo sa'kin?"
Kahit papaano ay marunong din namang mag-analyze ng sitwasyon si Jheann. Binalikan niya sa kaniyang isip ang totoong nangyari. Nabunggo nga pala niya ito dahil sa kamamadali niya kanina. Kaya siya bumagsak sa ibabaw nito.
Wala naman talagang ginawang masama ang lalaking ito. In fact, siya pa ang puwedeng ireklamo nito dahil sa basta-basta na lang niyang paghalik dito.
"Okay. Sorry na." Itinaas ni Jheann ang dalawang kamay bilang tanda ng pagsuko. Marunong din naman siyang tumanggap ng pagkakamali. "Akala ko kasi ikaw ang pinsan ko."
Kumunot lalo ang kilay ng lalaki. Pero in fairness, ang guwapo pa rin! "Ikaw si Jheann Estopa? Ang pinsan ni Alex Palma?"
"K-kilala mo ako? At ang Kuya Alex ko?" Bakit hindi ako na-inform na may kakilala pala ang pinsan ko na ganito kaguwapo?
"Kaibigan ako ng Kuya Alex mo. Pinakiusapan niya ako na sunduin ka. May importante kasi siyang lakad," kaswal na sagot nito. Hindi na ito mukhang mangangain.
Tinitigan ni Jheann ang lalaki. Pilit niyang kinalkal sa kaniyang isip kung nagkita na ba sila nito noon. Isang taon din siyang tumira noon sa pamilya ng Kuya Alex niya habang nag-aaral ng grade six. At lahat ng mga naging kaibigan nito ay nakilala at nakaharap na niya.
Maliban sa kaharap niya ngayon. Sa guwapo nito, imposibleng hindi niya matandaan.
"Kaibigan?" May pagdududang tiningnan niya ito. Uso pa naman ngayon ang nagpapanggap na kakilala kuno pero scammer pala. "Gaano na kayo katagal magkakilala ng pinsan ko?"
Ang akala niya ay susungitan na naman siya ng lalaki. Pero matiyaga nitong sinagot ang lahat ng pag-iimbestiga niya.
"High school pa lang ay mag-best friend na kami."
"Ano ang middle name niya at saan siya nakatira?"
"Estopa. At taga-Oton siya."
Kapatid ng nanay ni Kuya Alex ang ina-inahan ni Jheann. "Ilang taon na siya at pang-ilan siya sa magkapatid?" patuloy na tanong ng dalaga. Hindi pa rin siya kumbinsidong kaibigan ito ng pinsan niya.
"Twenty-nine. Solong anak siya."
Napataas ang isang kilay ni Jheann. Mukhang kilalang-kilala nga nito ang pinsan niya. Tingnan natin sa susunod niyang tanong. "Kung totoong best friend mo siya, anong parte ng manok ang mas gusto niyang kainin? Puwet o paa?"
Napailing ang lalaki. Mukhang nagsisimula nang umigsi ang pasensiya nito. "Look... Bakit kaya hindi mo na lang tawagan ang pinsan mo para i-confirm na talagang mag-best friend kami at inutusan niya akong sunduin ka?"
She crossed her arms. "At bakit ako ang tatawag? Eh, ikaw itong may kailangang patunayan?"
Tinitigan lang siya nito nang matagal. Sa sobrang tagal, pati yata mga nunal sa mukha niya ay nabilang na nito. Kapagkuwan ay huminga ito nang malalim na para bang nagpipigil ng inis. Napailing na lang ito bago dinukot sa bulsa ng body bag ang cellphone.
"Pambihirang buhay naman, o. Nautusan ka na, nautusan ka pa." Narinig niyang reklamo nito bago tumalikod sa kaniya at may tinawagan sa cellphone.
Hindi naman maiwasan ni Jheann na panoorin ang lalaki. Napakalaking tao pala nito. Pang-modelo ang tangkad at katawan. Likod pa lang, ang kisig na.
Pero mas malakas pa rin ang karisma ng future husband ko.
Napakurap ang dalaga nang bigla na lang humarap sa kaniya ang lalaki at lumapit. Matangkad na siya sa height niyang five feet and seven inches. Pero nagmistula pa rin siyang bonsai tree nang tumayo ito sa harapan niya.
Ang bango-bango pa, ha? Lalaking-lalaki ang amoy.
"Hindi ko siya makontak," seryoso ang mukhang imporma nito sa kaniya.
Nagdududa pa rin ang tingin na ipinukol niya rito. Sa katulad ni Jheann na lumaki sa mundong maraming manloloko, natural na sa kaniya ang hindi basta-basta nagtitiwala. "Kung gano'n, magko-commute na lang ako. Kaysa ang sumama sa taong hindi ko naman kilala."
Sa huling pagkakataon ay tinitigan niya ang lalaking hindi naman mukhang delikado.
Kahit na, iba pa rin ang sigurado! Nagmartsa na si Jheann pabalik sa kinaroroonan ng travelling bag niya nang habulin siya ng lalaki at pinigilan sa braso.
"Hindi ako puwedeng umalis na hindi ka kasama. Dahil sagutin kita sa Kuya Alex mo kapag may nangyaring masama sa'yo."
"Kung gano'n, patunayan mo nga sa'kin na totoong mag-best friend kayo," pakikipagmatigasan ng dalaga. Pumiksi siya at ipinagpatuloy ang paglalakad.
Sinundan pa rin siya ng lalaki. Naririnig na niya ang malalim nitong paghinga at tila nagtitimpi lang. "Okay. Puwet. Puwet ang parte ng manok na paboritong kainin ni Alex."
Biglang natawa si Jheann nang maalala niya ang kabataan nila ng pinsan niya. Sa tuwing nagkakatay noon ng manok ang tatay nito, solong-solo niya ang atay dahil mas gusto ni Kuya Alex ang puwet. Kakaiba rin talaga ang trip ng pinsan niyang iyon!
Tumigil sa paglalakad ang dalaga at humarap sa lalaki. Malapit na siyang makumbinse. "Last question. Saang side ng puwet ni Kuya Alex makikita ang nunal niyang malaki?"
Pinandilatan siya nito. "Pati ba naman 'yon?"
"Last question at sasama na ako sa'yo." Humalukipkip pa siya sa harapan nito at walang balak na magpatinag.
"Sigurado kang last na?"
"Oo. Huling tanong na."
Napatingin ang lalaki sa suot nitong orasan. Mukhang may importante pa itong lakad at nagmadali sa pagsagot. "Sa right side."
Napahagalpak ng tawa si Jheann. "Sinilip mo?"
Halatang naputulan na ng pasensiya ang lalaki. "Last question mo na iyon kaya hindi ko na iyan sasagutin. Now, it's my turn."
Bago pa man niya mahulaan ang ibig nitong sabihin ay nahuli na nito ang kamay niya at mahigpit iyong hinawakan. Daig pa nito ang isang pulis na nakahuli ng isang criminal at takot na makawala.
Napasinghap si Jheann nang maramdaman niya ang mainit na palad ng lalaki. Ramdam niya ang tila kuryenteng dumaloy sa kamay niya patungo sa kaniyang puso.
Natatanaw na niya ang kaniyang travelling bag nang bigla siyang may maalala. "Wait! 'Yung 'milyones' ko nga pala. Hindi ko pa nababawi!"
Natataranta niyang hinila ang kamay. At nang magtagumpay ay patakbo niyang sinundan ang direksiyon na tinungo ng babaeng dumampot sa bag niya.
Kasalananan 'to ng lalaking iyon, eh!
Takbo-lakad ang ginawa ni Jheann. Nabuhayan siya ng loob nang makita ang hinahanap na nasa labas at mukhang nag-aabang ng taxi. Hahabulin na sana niya ito nang biglang may malabakal na kamay ang pumigil sa kaniya. Nagtitimping mukha ng lalaki ang sumalubong sa kaniya nang lingunin niya ang nagmamay-ari niyon.
"Dito ka lang. Ako na ang kukuha. Just tell me what happened."
Para siyang napapaso sa pagkakahugpong ng mga kamay nila kaya bumitaw si Jheann. Itinuro niya ang hinahabol. "Kinuha ng babaeng 'yon ang bag ko na naglalaman ng 'milyones' ko."
"Milyones?" natatawang wika nito. Halatang hindi naniniwala sa kaniya.
Sino naman kasi ang maniniwalang may milyones siya kung puro fancy naman ang suot niya?
"Wala ka nang pakialam do'n! Basta kunin mo sa babaeng 'yon ang bag ko."
"May patunay ka ba na sa'yo nga ang bag na 'yon?" ito naman ngayon ang nag-iimbestiga sa kaniya at talo pa ang isang tunay na pulis.
Nataranta si Jheann nang makitang may paparating ng taxi. "May keychain na nakasabit sa bag na 'yon at may picture ko sa loob."
Parang duda pa ito nang tumingin sa kaniya. "Iyon lang--"
"Bilisan mo na at aalis na siya!" Sa sobrang takot ni Jheann na makawala ang milyones niya ay itinulak na niya nang malakas ang lalaki na muntik na nitong ikinasubsob. "Dali! Dali!"
Narinig pa niya ang pagmumura nito bago tumakbo palayo sa kaniya.
Abot-langit naman ang kaba ng dalaga habang tinatanaw ang babaeng nakadampot sa bag niya. Mabuti na lang at may ibang sumakay sa bagong dating na taxi. Tiwala siyang maaabutan ito ng lalaki. Sumunod siya rito at parang sira na ipinag-cheer ito. Takang napapatigil at napapatingin sa kaniya ang mga nakakarinig.
"Go, go! Kaya mo 'yan! Takbo pa more!" Tuwang-tuwa si Jheann sa galing nitong umiwas sa bawat taong nakakasalubong para lang hindi mabunggo.
Naglaho ang kasiyahan ng dalaga nang makitang sumakay na ng taxi ang target nila. Pero hind niya inaasahan ang sunod na ginawa ng lalaki. Kinausap nito ang isang mama na nakasakay sa motorsiklo. Mayamaya ay sumampa ito doon at hinabol ang taxi.
Bigla siyang nag-alala at tumakbo para humabol. Pero sinalubong siya ng dalawang guwardiya. Naglilikha na raw siya ng takot sa ibang naroon.
Takot talaga?
"Ma'am, may problema po ba?"
Gusto sanang sabihin ni Jheann na hindi naman iyon mangyayari kung mahigpit ang security ng mga ito. Pero kumalma siya.
"Nakuha lang naman ho ng ibang pasahero ang bag ko na nasa conveyor n'yo," puno ng sarkasmo na sabi niya.
Kung tingnan kasi siya ng dalawang guwardiya ay daig pa niya ang isang scammer. Porke ba't pekeng ginto ang mga alahas niya? At imitation ang mga gamit niya?
Nagpapaliwanag ang dalaga sa mga guwardiya nang bumalik ang lalaki. Hinihingal ito at pawisan.
Kung lahat ng lalaking pawisan ay guwapo at mabango pa rin, baka hindi na nauso ang ligo.