NAGISING si Jheann nang bahagya siyang masilaw sa liwanag na nagmumula sa de-salaming bintana ng kuwarto. Hindi pala niya naibaba ang window blinds kagabi. Pagkamulat ng mga mata ay hindi muna tumayo si Jheann. Inilibot muna niya ang kaniyang paningin sa loob ng di-kalakihang kuwarto. Hanggang ngayon ay parang hindi pa rin siya makapaniwalang sementado na iyon. Dati, noong hindi pa nakilala ni Ate Melai si Aldrin, plywood at tagpi-tagping yero pa lang ang dingding niyon na may mga tapal ng Vulcaseal para lang hindi sila masilipan ng mga manyakis nilang kapitbahay. At iyong bintana na ngayon ay de-salamin at may mamahaling blinds, dati ay kahoy lang iyon na may lumang kurtina. Wala na rin iyong mga pictures na idinikit lang sa matigas na karton at binalot ng plastic cover. Ang naroon na