ARAW ng kasal ni Kuya Alex at nagkakasiyahan sa bakuran ng mga Palma. Walang tigil ang sayawan, kantahan, kainan at inuman hanggang gabi. Pero dahil tumulong sina Jheann at Jared sa pag-aasikaso kaya halos gabi na sila sumali sa inuman. At dala marahil ng pagod kaya mabilis na nalasing ang dalaga. Ayaw niyang magsuka sa harap ng mga kainuman kaya agad na siyang tumigil at nagpaalam. "Pass na ako," tanggi ni Jheann nang iabot sa kaniya ang kabubukas lang na bote ng beer. "Hilo na ako." "Ang hina mo pala sa inuman. Akala ko pa naman kapag taga-Maynila ay malakas lumaklak," biro sa kaniya ni Anding. Pinsan ito ni Kuya Alex sa side ni Papa Dante. "Oo nga naman, Jheann," sang-ayon ng isa pang pinsan nito na si Nancy. "Mas tatagal pa pala ako sa'yo." Puro babae lang sila sa kanilang lamesa.