Chapter Six
Tahimik na bumabiyahe sila ni Roman patungong Tagaytay. Doon kasi gaganapin ang kasal nina Tanya at Neptune.
“’Wag mo akong lalapitan pagdating natin doon. Ayokong may makakita na kasama kita. Ayoko sa basura,” sabi ni Roman sa kanya.
Tumango na lamang siya at pumikit. Tinitiis ang sakit na nararamdaman. Hindi na siya nasanay, lagi pa rin suyang nasasaktan sa bawat salitang lumalabas kay Roman. Bawat salita nito sa kanya ay tumatagos sa kanyang puso na siyang bumabasag dito.
Pagdating nila sa isang hotel ay agad siyang iniwanan ni Roman. Bumaba na lamang ito bigla ng sasakyan at walang lingon na iniwan siya. Hindi niya alam ang gagawin o saan pupunta. Ngayon lamang siya nakarating sa lugar na ito. Nagpalinga-linga siya, pinagmamasdan ang paligid. Pumasok siya sa loob ng hotel at nakita ang ilang babae na nakasuot ng dress. Sa palagay niya ay imbitado ito sa kasal nina Tanya at Neptune.
Kilala niya ang dalawa, dating kasamahan niya si Tanya sa trabaho bilang katulong sa mansyon ni Sir Miguel noon at si Neptune naman ay anak ng isa sa investors ni Sir Miguel.
Napangiti siya ng mapait. Hindi niya maiwasang maiinggit siya Tanya. Dahil alam niyang mahal ni Neptune si Tanya. Hindi ito napipilitan, hindi katulad ni Roman. Sabagay hindi naman talaga siya gusto ni Roman sa simula pa lamang.
“Jemina!” Napatingin siya sa tumawag sa kanya. Nakita niya si Tanya na nakasuot pa lang ng kulay puting roba at halatang inaayusan na ito. May curlers na nakapulupot sa buhok nito. Napangiti siya dahil sa ayos ng kanyang kaibigan.
“Kanina pa kita hinihintay. Halika ka na at aayusan ka pa,” sabi nito sa kanya. Kumunot naman ang noo niya dahil sa sinabi. Hindi niya kasi alam ang galawan sa isang kasalan. Ito ang unang beses na nakadalo siya sa ganitong okasyon.
“Ha?” takang tanong niya. Napatingin siya sa suot na puting bestida, ito ang damit na sinuot niya noong kinasal siya.
“Hindi ba sinabi sayo ni Roman na isa ka sa mga abay ko? Halika ka na.” At hinatak na siya papasok sa isang kwarto.
Pagpasok doon ay agad niyang nakita ang isang green na infinity dress. Halatang mamahalin. Emerald green ang kulay nito na pinalamutian ng mga maliliit na kristal sa bandang baywang.
“Sis Lar, ito ‘yung friend ko na si Jemina. Pagandahin mo ng husto ang kaibigan ko nang maglaway ang asawa niya,” sabi ni Tanya sa isang lalaki o mas magandang sabihing binabae.
“Sure ateng. Hindi kita bibiguin diyan,” sagot nito sa kaibigan . Pinaupo na siya sa isang high chair at tinitigan siya ng binabae. Ngumiti ito sa kanya.
“Ganda ng face mo! Natural beauty ang datingan! Mas lalo pa kitang pagagandahin!” sabi nito sa kanya. Sinimulan na siyang ayusan. Kinulot ang kanyang mahaba at itim na buhok. May mga ipinahid sa kanyang mukha na ngayon lang niya naranasan. Noong ikinasal siya kay Roman ay pulbo at lipgloss na halagang bente pesos ang ginamit niya. Hindi niya alam kung papaano gamitin ang mga produktong pampaganda.
Madaming ginawa sa kanya at nang matapos ay halos hindi niya nakilala ang sarili. Napahawak pa siya sa mukha niya. May kulay berde sa kanyang mata, nilagyan din siya ng false eyelashes. Nude color naman ang ipinahid na lipstick sa kanya.
Ibang-iba ang Jemina ngayon, sa Jemina na lagi niyang nakikita. Maya-maya'y pumasok ulit si Tanya, nakasuot na ito ng wedding gown.
“OMG Jemina! Dyosang-dyosa ang ganda mo!” Napangiti siya. Hindi niya akalaing may ikagaganda pa pala siya.
“Salamat Tanya.”
“Halika na dali, mag-start na tayo.” Hinatak na siya ni Tanya palabas ng hotel suite. Sumakay sila ng elevator at pagbukas ay pumunta na sila sa garden. Garden wedding ang tema ng kasal nina Neptune at Tanya. Namangha pa siya dahil may mga paruparong nagliliparan sa paligid.
Nakita niyang nakaayos na ang nga kapwa niya abay at may mga kapartner nito. Nakita niya si Roman na may kasamang babae na abay din, nakaabre siyete na ito sa lalaki. Napakagat siya sa kanyang labi. Hindi niya maintindihan kung bakit hindi siya ang partner nito gayong siya ang asawa.
Nagtagpo ang kanilang paningin at nakita niya na napanganga ang asawa. Hindi siguro nito akalaing makakasama siya sa entourage.
Sa hulihan siya pumwesto. Si Tanya ay nakapwesto na din sa pinakahuling linya, dahil nga siya ang grand entrance. Tahimik lang siyang nakapila at mahigpit ang hawak sa maliit na boquet na ibinigay sa kanya kanina ng organizer. Nagulat siya nang may biglang tumabi sa kanya at hingal na hingal ito.
“Buti na lang at nakaabot ako,: sabi ng lalaki at napatingin ito sa kanya. Parehong nanlaki ang nga mata nila nang makilala ang isa't isa. Pareho nilang hindi inaasahan na magkikita sila sa okasyong ito.
“Clem?”
“Jemina?”
Hindi nagtagal ay sumilay ang ngiti sa bawat isa at natawa sila pareho. Napapailing pa si Clem.
“Grabe, it’s a small world talaga. ‘Di ko akalaing nandito ka din.” Sasagot pa sana siya kaso sumenyas na ang wedding organizer na magsisimula na ang kasal.
Ilang sandali lang ay nagsimula ang entourage. Ngumiti si Clem sa kanya at inalok ang braso nito. Kahit nahihiya ay umabre syete na rin siya at sabay silang pumasok na parehong may ngiti sa mga labi.
Sa buong seremonya ay nakangiti siya. May naramdaman siyang konting inggit kay Tanya. Kahit na nagmula din sa mahirap si Tanya ay tinanggap ng buo ni Neptune ang kaibigan. Masuwerte si Tanya dahil maging ang pamilya ni Neptune ay tanggap siya. Hindi niya mapigilang mapaluha nang mapanuod ang kiss the bride scene ng dalawa. Naalala na hindi man lang niya naranasan ang ganoong tagpo.
Pagkatapos ng ceremony ay nagtungo sila sa reception. Nasa iisang table lang sila ni Clem. Si Clem pa mismo ang kumuha ng pagkain niya at agad naman siyang nagpasalamat. Nang matapos ang kanilang pagkain ay tumayo si Clem at ang ilang lalaki at nagtungo sa isang mini stage sa tabi ng bagong mag-asawa.
“Ladies and gentlemen, may I request the newlyweds to do their first dance. Kami nga po pala ang The Benedicts. I hope you will all like our song,” sabi ni Clem at nagsimula na silang tumugtog.
Nakita niyang tumayo na sina Tanya at Neptune at pumunta sa gitna at nagsimulang gumalaw sa saliw ng musika nila Clem.
Spending my days with you
Is like living in a world of fancy
With all the beautiful people I know
Makin' love in a world of vivid colours
How often have I been there…
Kahit hindi niya naiintindihan ang kanta ay hindi niya mapigilang ngumiti. Napakaganda ng boses ni Clem. Tila tumatagos sa puso niya ang tinig nito. Para bang hinahaplos ng boses nito ang sugatan niyang puso at kahit papaano ay napapawi nito ang hapdi na nararamdaman niya.
Ilang sandali pa ay halos lahat ay nagsasayawan na. May kanya-kanya silang kapareha. Nakita niya si Roman na may isinasayaw na babae. Iyon ang babae na kasama ni Roman sa entorouge.
Masakit talaga ipamukha na ayaw niya sa kanya ng asawa.
Napatingin siya kay Tanya at mukhang nagtataka dahil sa nakita. Sinisenyasan siya nito gamit nag nguso, marahil ay nagtatanong kung ano ang nangyayari. Ngumiti na lamang siya at umiling. Kita niya ang pagsimangot ni Tanya nang makitang hindi siya ang kasama ni Roman. Halos lahat ng tao ay nasa gitna ay sinasabayan ang saliw ng musika. Siya na nga lang ang natitirang nakaupo.
Pinanunuod ang mga nagsasayawan. Bumuntong hininga siya. Nagulat siya nang biglang lumapit si Clem sa kanya habang kumakanta. Ngumiti ito at inilahad ang kamay, niyayaya na siya na sumayaw.
Nahihiya man ay tinanggap niya at giniya siya sa dancefloor. Inilagay ni Clem ang mga kamay niya sa balikat nito at naramdaman naman niya ang isang kamay nito kanyang baywang habang ang isang kamay ay hawak ang mic at patuloy pa ring kumakanta.
Sumayaw sila sa saliw ng napakagandang boses ni Clem at hindi niya mapigilang maluha. Pakiramdam niya ay inililigtas siya ni Clem sa sakit na nararamdaman.
Seasons come and seasons go
Stars will shine and lose their glow
But every time I try to look back, I know
You and me in love with each other
There will be no problems that will bother
Just the two of us painting a world of our own
Everything is perfect
Just like a splendid love song…