PROLOGUE
PART ONE: THE TRAGIC LIFE OF JEMINA CASTILLO
PROLOGUE
Kanina niya pa hindi malaman kung ano ang dapat ba niyang maramdaman.
Dapat ba siyang matuwa? Ma-excite? O malungkot?
Ano nga ba dapat?
Bumuntong hininga siya. Inayos na lamang niya suot niyang puting bestida. Hindi man ganito ang pinangarap niyang kasal, ang mahalaga ay ang pinapangarap niyang tao ay makakasama na niya habangbuhay.
“Jemina, wala pa ba siya? Halos trenta minutos na tayo naghihintay. Mary Sol, tawagan mo na ang anak natin.” Napatingin siya kay Sir Miguel. Ngumiti siya ng alanganin. Tiningnan niya si Mayor Roque at mukhang inip na inip na din ito.
“Na-traffic lang po siguro,” sagot niya. Kitang kita niya ang pag-irap ni Madam Sol.
“Mukhang hindi na darating ang anak ko. Baka napagisip-isip niya na matatali siya sa isang hampaslupa na katulad mo.” At saka ito namaypay.
“Hija, I don't have all day.” Napatingin siya kay Mayor Roque.
“Ganoon po ba? Sir Miguel baka puwedeng sa ibang—” hindi na niya natapos ang kanyang sinasabi nang biglang bumukas ang pinto at pumasok ang isang lalaki.
“Roman...” bulong niya. Magulo ang buhok nito at animo'y bagong gising. Gusot ang suot nitong puting long sleeves at basta lang nakasabit ang itim na necktie nito sa leeg.
“Roman! Bakit ganyan ang ayos mo? Alam mong kasal mo ngayon tapos late ka dadating. Ni hindi ka man lang nag-ayos ng sarili mo,” sabi ng ama nito na si Sir Miguel. Parang nairita pa ito at hindi na pinansin ang kanyang ama.
“Let’s get over this," sabi ni Roman. Bumaling naman ang lalaki kay Mayor Roque.
“Okay. Let’s start.” Nagsimula nang magsalita ang mayor. Makikita ang pagka-inip ni Roman habang sinisimulan ni Mayor Roque ang opening speech para sa seremonyas na ito.
“Mayor, can we just jump to the last part? Nang matapos na ang kasal na ito,” sabi ni Roman na siyang ikinabigla ng mayor. Tumingin pa ito sa kanya at alam niyang naaawa ito sa kanya. Ngumiti na lamang siya at tumango kay Mayor Roque. Humugot ito ng malalim na hininga at muling nagpatuloy.
Alam naman niya kung bakit ganito ang asal ni Roman. Alam niyang napipilitan lang ang lalaki sa kanya. Pero pangarap na niyang matagal ito—ang makasama si Roman habang buhay. Titiisin niya ang lahat, makasama lang niya ang lalaking ito.
“Now, by the authority vested in me by the laws of the state and the office of Mayor, I now pronounce you husband and wife and extend to you my best wishes for a successful and happy married life together.”
Nakita ni Mayor Roque ang pag-ismid ng lalaki ng marinig ang mga katagang happy married life.
“Ladies and gentlemen, may I present Mr. and Mrs. Silverio.”
Humarap si Roman sa kanya. Ngumiti ito ng tila may binabalak na masama. Lumapit ang mukha nito at hinalikan siya. Hindi sa labi niya dumampi ang malambot nitong labi kung hind isa kanyang pisngi. Nang halikan siya ay bumulong ito sa kanya na siyang ikinalamig ng kanyang katawan.
“Welcome to hell, my dear wife.”