Chapter Three
Masayang masaya si Jemina ngayon. Matapos ang ilang araw na paghihintay ay sa wakas ay tinawagan siya ng agency na pinag-applayan niya noong isang linggo. Walang mapagsidlan ang saya niya dahil natanggap siya sa trabaho bilang isang janitress. Sa isang mall sa Quezon City siya in-asign ng kanyang agency.
Maaga siyang nagising at ipinagluto ng agahan ang asawa. Hindi mabura-bura ang kanyang ngiti. Malaking bagay para sa kanya na magkaroon ng trabaho. Hindi na niya kailangang umasa kay Roman.
“Baliw ka ba?” Napatigil siya sa kanyang ginagawa at nilingon ang pinanggalingan ng boses. Nakita niya si Roman na nakaupo na sa hapag kainan. Umiling naman siya bilang sagot sa tanong nito. Binitawan niya ang hawak na sandok at agad niyang iniayos ang plato at pinagtimpla na niya ito ng kape.
“You’re smilling like a lunatic,” sabi pa nito. Ngumiti na lang siya kahit hindi niya naintindihan ang sinabi ni Roman.
“Kumain ka na,” sabi niya at pinaghain na ang asawa. Pinagluto niya ito ng paborito nitong bacon at fried rice. Hindi nagtagal ay nagsimula nang kumain si Roman. Siya naman ay inayos ang mga ginamit na kasangkapan sa pagluluto. pagkatapos nito ay muli niyang hinarap ang asawa.
“Roman, may trabaho na ako,” sabi niya at napatigil si Roman sa pagsimsim ng kape. Tumingin sa kanya ang asawa at para bang hindi makapaniwala.
“Talaga? Ano naman? Tindera? Or maid?” sunod-sunod na tanong nito at umiling naman siya. Sasagot na sana siya nang bigla ulit magsalita si Roman.
“Nevermind.”
“Ha?” Umiling si Roman. Hindi niya maintindihan kung ano ang sinabi nito sa kanya. Hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin nito. Hindi niya alam kung iniinsulto ba siya o pinupuri.
“Oo nga pala, bobo ka nga pala.” Hindi na lamang siya sumagot at bumuntong hininga na lamang. Sa mata ng kanyang asawa ay napakaliit lamang ng halaga niya. Hindi naman niya kasalanan kung hindi mataas ang kanyang pinag-aralan. Hindi niya ginusto na maging mangmang.
“I got to go. Ayokong masira ang araw ko,” sabi nito sa kanya at tumayo na.
Nang makaalis si Roman ay agad siyang nag-asikaso ng sarili at pumasok na sa trabaho. Sa isang malaking mall siya mag-uumpisa.
Pagdating doon ay sinalubong siya ng kanyang supervisor. Mabait ang kanyang supervisor. Babae ito na may maikling buhok na aabot sa balikat at may kaedaran na din. Nakikita na nga niya ang pag-silip ng mga puting buhok sa ulo nito. Matiyaga siyang tinuruan at sinabi kung anong mga area ang kanyang lilinisin.
Sa buong maghapon ay masaya niyang ginampanan ang kanyang trabaho. Pagdating ng alas otso ng gabi ay nag-out na siya sa kanyang time card at lumabas na para umuwi.
Nakaupo siya sa isang waiting shed malapit sa mall at naghihintay ng jeep pauwi. Karamihan ng jeep na dumadaan sa harapan niya ay halos puno na. Rush hour na din kasi at talagang agawan sa sasakyan. Matiyaga siyang naghihintay ng masasakyan nang maramdaman niyang may umupo sa tabi niya.
Tiningnan niya ito. Isang lalaki na nakasuot ng itim na t-shirt at ripped jeans. May hawak itong gitara sa kabilang kamay. Sa totoo lang, dapat ay mailang siya ngunit hindi iyon ang nararamdaman niya. Sa paningin niya ay mukhang hindi naman ito masamang tao.
“Hey, mind if I sing?” sabi nito sa kanya. Napangiwi siya, hindi niya kasi naintindihan ang sinabi nito.
“Pasensya na, ‘di kasi ako nakakaintindi ng english,” sabi niya at napahawak pa siya sa leeg. Hindi niya maiwasang mahiya dahil sa sinabi niya. Ngumiti naman ang lalaki sa kanya.
“Okay lang ba na kumanta ako?” tanong ulit sa kanya. Nagtaka siya. May mga tanong na bigla na lamang umusbong sa kanyang isipan.
Bakit siya nagpapaalam sa akin? Hindi naman niya ako kilala, at lalong hindi ko siya kilala.
“Sorry ah. Napansin ko kasing malungkot ka. Kaya naisipan kong kantahan ka para kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam mo. Gustong-gusto ko na may kinakantahan lalo na kung may pinagdadaanan sila,” sabi nito. Hindi siya nakaimik. Nagtataka siya kung papaano ang isang estranghero na kagaya nito ay nasabing malungkot siya? Ganoon na ba ka-obvious ang nararamdaman niya?
“So, okay lang ba sa iyo na kantahan kita?” At sa huli ay hindi na din naman siya tumanggi. Malaki ang ngiti ng lalaki at tinanggal na ang guitar cover. Kinalabit na nito ang mga kuwerdas bago sinimulang tumugtog. Naghatid ng kakaibang pakiramdam ang tunog mula sa gitara. Napangiti siya dahil minsan na niyang narinig sa radyo ang tinutugtog nito ngayon. Sa pagkakatanda niya ay Orange and Lemons ang bandang tumugtog ng awiting ito.
Kay sarap pa naman ng gising ko
Kay ganda pa naman ng timpla ko
Heto ka dumarating, namamaalam
Hindi ko alam ang sasabihin o gagawin
Napangiti si Jemina. Ngayon lang siya nakarinig ng boses na katulad ng sa lalaki. Malamig at tila mala-anghel ang tinig nito. Pakiramdam niya nawala ang bigat na nararamdaman niya kahit panandalian lang.
Sa loob-loob ko lang
Kailangan kita
Hindi kumpleto ang buhay ko
Kapag nawalay ka sa piling ko
Pero kung may trip ka nang iba
Okey lang
Kahit paminsan-minsan lamang tayo nagkikita
Maglalasing na lang ako
Sa gitna ng pagkanta ng lalaki ay bigla na lamang tumigil ito sa pagkanta dahil may humintong van sa harapan nila.
“Oy Lazarus! Halika na!” sigaw ng isang lalaki na nasa loob ng van. Tumingin sa kanya ang lalaki at ngumiti ng alanganin.
“I need to go,” sabi nito at tumayo na. Nilingon pa siya ulit bago pumasok sa loob ng van. Mabilis na humarurot paalis ang van at tinanaw na lamang niya ito.
Ilang minuto ang lumipas nang mapansin niya ang isang itim na wallet na nasa tabi niya.
“Hala! Naiwan ng lalaki.” Kinuha niya ito at binuksan ang pitaka. Naglalaman ito ng pera at mga id. Kinuha niya ang isang i.d. at binasa ang nakasulat dito.
Lazarus Tarnate.
Dahil sarado na ang mall ay nagpasya siya na bukas ibibigay sa lost and found ng mall ang wallet.