Chapter 16

1165 Words
WULFRIC Para akong sinisilihan sa narinig ko. Mismong sa bibig ng kanyang ina namutawi ang hinala ko at sinasabi ni Ryan sa akin noon bago kami ikasal. "Ang sabi ng anak ko ay magkaibigan lang sila." Nagkibit balikat ang biyenan ko. "Sige na, umuwi ka na at lumalalim ang gabi ay mahihirapan kang makasakay." Nasa isip ko pa rin ang sinabi ng biyenan ko hanggang ngayon. Ayaw kong pag-isipan ng masama si Roselle dahil mag-asawa na kami. Marami rin akong naging babae, pero kung ipinaako niya sa akin ang bata na hindi akin– hindi naman siguro siya ganoon kasama. Hindi ako kaagad nakasakay. Naghintay ako ng kalahating oras dahil palaging punuan at madalang ang jeep na dumaraan. Nang makarating ako sa bahay ay umiinom ng tsa ang mga magulang ko. Ang kapatid ko ay may ginagawang assignment at naghihikab na. "O, nariyan ka na pala. Kumain ka na ba?" Tumango ako kay Nanay. "Bakit matamlay ka? May problema kay Roselle? Sa pag-aaral mo?" "Pagod lang po, ‘Nay. Magpapalit muna po ako ng damit." Gusto ko mang sabihin sa kanila ay dadagdag lang ako sa kanilang isipin. Wala rin naman silang magagawa sa sitwasyon ko. *** Mabilis na lumipas ang mga araw at check up ngayon ni Roselle. Malalaman namin kung ano ang gender ng bata. Nagtalo pa kami kanina dahil ang gusto niya ay magpa-3D ultrasound pero masyadong mahal iyon at wala kaming budget. Pareho rin naman ang resulta. Nakasimangot siya ngayon habang naghihintay sa pasilyo. Hindi ko na lang s’ya pinansin at hinayaang magsintir. "Three thousand five hundred lang naman ang 3D. Alaala natin sa first baby." Patuloy pa rin s’ya sa pagmamaktol. Naiintindihan ko ang gusto niya. Sino ba ang ayaw na magkaroon ng mas malinaw na litrato ng bata habang nasa sinapupunan pa lang? Pero wala nga kaming pera. At noong huling usapan namin ng ina ni Roselle ay tinapat niya akong magreretiro na ang asawa niya sa pagbabarko. Magnenegosyo sila kaya ang pera nila ay gagamitin na capital. Isa lang ang ipinahihiwatig niya– gastusin. Ang lahat ng gastusin kay Roselle at sa anak namin ay nasa balikat ko na. Sa kanila pa rin sila titira sa ngayon, pero nararamdaman kong hindi magtatagal ay ipakukuha niya si Roselle at ang anak namin kaya mapipilitan kaming magrenta. "Walang may ayaw na magpa-3D ultrasound ka. Pero wala tayong pera.” Hindi ko na alam kung paano pa ipapaunawa iyon. "I can ask my Mom. Hindi niya ako tatanggihan. Apo naman niya ito," giit niya. "Hindi ka pwedeng hihingi na lang ng hihingi sa nanay mo kung kailan mo gusto o kapag may naibigan ka. Magiging ina ka na, matuto kang magtipid. At saka tambak na ang mga damit na pinamili mo sa kwarto. Hindi mo naman siguro ginagalaw iyong binibigay ko sa iyong pera para sa panganganak mo?" Mabilis siyang nag-iwas ng tingin sa akin. "Bakit ko naman gagalawin iyon? May pera naman ako." "Mabuti naman kung ganoon. Lahat ng kinikita ko sa tugtugan at sa part time job ko ay naibigay ko na sa iyo. May limang buwan pa tayo bago ka makapanganak," paalala ko sa kanya. Ang totoo ay hindi na ako kumakain sa school para makapagtipid. Literal na pamasahe lang at mga gastusin sa project ang ginagastusan ko at madalas ay mga ka-grupo ko pa ang nagbabayad ng kulang.. Malaki rin ang inihulog ng katawan ko. Sa pagod o sa kunsumisyon ay hindi ko na alam kung alin doon. Siguro pareho. "Magreretiro na nga pala ang stepfather ko. Sabi ni Mommy icoconvert na nila ang kwarto na opisina. Kailangan ko na raw umalis. May asawa na raw ako kaya dapat lang na magsarili na tayo." Heto na ang iniisip ko kanina. Nagkatotoo na. "Saan tayo titira? May mga bahay na pinauupahan doon malapit sa amin," dagdag niya. "Maganda ang mga bahay doon. May tatlong kwarto at dalawang banyo." Kung kanina, 3D ultrasound lang ang sinasabi niya, ngayon ay three bedroom house na. "Kanina ka pa hindi umiimik diyan. Ano? Wala kang ibang sasabihin?" gigil na sabi niya sa akin. Mahina ang boses pero madiin. Napabuntong hininga ako. "One at a time, Roselle. Ang usapan namin noon bago tayo ikasal ay kapag nakatapos na ako ng pag-aaral saka tayo bubukod." "E gagawin na ngang opisina ang kwarto ko? May magagawa ba ako roon e bahay nila iyon??" May iba pa siyang sinabi na halos pabulong pero hindi ko inintindi. Bukod sa umismid siya ay sumiring din sa akin. "O baka naman may babae ka kaya ayaw mo kaming kunin ng anak mo? Mabibisto ka sa pagloloko mo?" Nagpanting ang tainga ko pero kinagat ko ang aking dila para hindi siya mapagsalitaan ng masasakit. Paulit-ulit kong sinasabi sa sarili ko na buntis s’ya at ‘di dapat patulan. "Wala akong panahon na makipagtalo sa iyo. Ang sa akin lang, malaki ang gastusin sa panganganak mo. Paano kung ma-caesarian ka? Kulang pa nga ang ipon natin para sa normal delivery mo dahil gusto mong private room ang tigilan at naiintindihan ko iyon. Sinusubukan kong gawan ng paraan para maging komportable ka. Pero kung kailangan nating lumipat ng bahay ngayon, kailangan natin maghanap ng apartment. Alam mo ang kailangan natin? First and last month's rent. Hindi ko kayang umupa ng three bedroom house na sinasabi mo na may dalawang banyo. Hindi ko nga alam kung kaya natin ang one bedroom apartment." "So gusto mong sa karsada na kami manirahan ng anak mo? Ganoon ba iyon?!" Bahagyang tumaas ang tinig niya na naging dahilan para pagtinginan kami ng ibang tao sa paligid. "Hinaan mo ang boses mo." "Bakit? Nahihiya ka na wala kang pera para buhayin kami ng anak mo?" Tumayo siya at akmang aalis nang marinig kong tawagin siya ng nurse. "Miss Roselle Fernandez? Narito pa po ba ang pasyente?" tawag uli ng nurse. Hindi pa siya nagpapalit ng apelyido kaya Fernandez pa rin ang gamit niya. Sa akin naman, kung ayaw niyang ituloy ang ultrasound ay hindi ko siya pipilitin. Siya ang may katawan. Desisyon niya kung kailan niya gusto. "I'm here!" inis na sagot niya sa nurse. Lukot ang kanyang mukha nang lampasan ako. Kung hindi niya ako isasama sa loob ay hindi ko rin siya pipilitin. Makikita ko rin naman ang anak ko kapag isinilang na siya. Noong unang panahon nga ay wala naman ultrasound. Ngayon na lang nauso itong mga 3D na sa totoo lang ay dagdag gastos lang. Papasok na siya sa loob nang lumingon sa akin. "Ano? Uupo ka na lang diyan? Hindi ka sasama sa loob?" Nakataas ang isang kilay niya at nakita ko kung paano napangiwi ang nurse sa gilid. Sino nga ba naman ang matutuwa na maging asawa ang isang tulad ni Roselle kung sa publiko ay ganito ang asal? "Susunod ako," maiksing sagot ko sa kanya at saka tumayo. Inayos ko ang aking t-shirt at saka naglakad patungo sa kanya. Ang excitement na nararamdaman ko kanina ay napalitan ng pag-aalala. Ang daming kailangang gawin at hindi ko alam kung alin ang uunahin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD