WULFRIC
We are having a boy.
Masaya akong malaman na lalaki ang magiging anak namin pero si Roselle ay hindi man lang umabot ang ngiti sa mga mata.
“Ano ang problema? May masakit ba sa ‘yo?”
“Wala,” paangil niyang sagot sa akin.
“Kung tungkol pa rin ito sa ultrasound, pasens’ya ka na kung hindi ko kaya ang 3D na gusto mo. Mas marami pang ibang bagay na dapat unahin kaysa roon.”
Imbes na umuwi ay nagpunta kami sa McDonald’s para magmeryenda. French fries na lang ang inorder ko para sa akin at full meal para sa kanya para pasok sa budget. Mas mahalaga naman ang pagkain kaysa sa 3D na gusto niya kanina,. Malalaman din namin kung lalaki o babae ang gender ng baby.
“Wala naman na akong magagawa roon. Tapos na ang ultrasound. Alangan naman ulitin natin?” mataray niyang tanong.
Hindi ko siya pinansin at bumilang na lang ako sa isip ko para hindi siya patulan. “Kailan nga pala ang lipat natin sa apartment?”
“Sinabi ko na sa ‘yo. Kulang pa ang pangdown ko sa apartment. First and last month’s rent ang hinihingi.”
“Nakakainis!” Yamot niyang dinampot ang fries at isinawsaw sa ketchup. “Sabi ni Mommy, dapat daw ay may sarili na tayong bahay para ikaw ang sumasagot ng pangangailangan ko.”
“Malinaw naman ang pinag-usapan nating lahat bago tayo nagpakasal, Roselle. Ano ngayon at nagmamadali ka? Hindi pa nga ako tapos sa pag-aaral.”
“Basta! Dapat bago ako manganak ay nakahanap ka na. Pag-uwi namin ni baby ay dapat diretso na tayo sa sarili nating pamamahay. Natutulili na ang tainga ko kay Mommy. Panay ang reklamo niya tungkol sa pera. Bakit daw siya ang sumasagot ng mga pangangailangan ko sa bahay e may asawa na ako? Ipinaliwanag ko naman na mahirap ‘yong buhay n’yo. Sabihin ba naman na magpapabuntis lang din ako ay hindi pa sa mapera?!”
Dapat ba akong ma-offend? Alam ko namang mahirap lang kami. Walang kaso sa akin kahit ano ang sabihin nila, basta huwag nilang idadamay ang pamilya ko.
“Sabi ni Mommy ay lumipat na raw ako sa inyo at magtiis sa pinili kong buhay. Ayaw ko nga tumira sa squatter. Delikado roon saka sobrang dumi pa. Mabaho. Napakaingay pa at siksikan ang mga tao.”
“Alam ko na lahat ‘yan. At alam ko rin na ayaw mong tumira sa amin. Hindi rin naman pwede at maliit lang ang bahay namin. Hindi tayo kakasya. Ang kailangan mong gawin ay tulungan akong magtipid para mabilis tayong makaipon para sa apartment.”
Ngumuso si Roselle at bubulong-bulong pero hindi ko na muling pinansin. Nawalan na rin ako ng ganang kainin ang French fries.
***
Dumating ang araw ng panganganak ni Roselle at sa awa ng Diyos ay normal delivery. Mabait pa rin ang Diyos sa akin dahil kung caesarian section ay hindi ko na alam ang gagawin ko. Wala naman akong pwedeng isangla at kung mangungutang sa lending ay wala akong pwedeng i-collateral. Bukod sa donasyon ay wala na akong ibang binayaran. Bukas ay lalabas na ang mag-ina ko. Pabalik na ako sa ward nang marinig ko ang pag-uusap ng biyenan ko at ni Roselle.
“Nakapanganak ka na at lahat, sa bahay ka pa rin titira? Aba, Roselle. Napaka-inutil naman ng asawa mo kung hindi ka kayang i-renta ng apartment. Doon ka na lang tumira sa kanila. Hindi na kayo pwede sa bahay. Alam mo ‘yan at sinabi ko na sa ‘yo ang plano.”
“Ma, ayaw ko roon. Maawa naman kayo sa amin ni Kian. Kung gusto n’yo talaga kaming umalis ay tulungan n’yo kami sa first and last month’s rent. Tutal naman ay ikaw ang mapilit na paalisin kami. Tulong mo na lang sa apo mo.”
“Kung makapagdemand ka, akala mo naman may patabi kang pera! Diyos ko, Roselle! Hindi naman kita pinipigilang makipagrelasyon, pero sana talaga– hindi naghihikahos ang pinili mo.”
Nakita ko ang biyenan ko na umismid nang bahagyang tingnan ang paligid. Ang ward ay may dalawa pang pasyente bukod sa asawa ko. Ang ibang kama ay bakante.
“Tingnan mo nga ang sitwasyon mo. Kahit semi-private ay hindi man lang n’yo napag-ipunan? Alam kong mahal ang private room, pero ward talaga?” Pinandilatan niya si Roselle.
“Wala nga kaming pera, ‘di ba? Kulang ang ipon ni Wulf. Sinabi ko naman sa inyo na manganganak ako. Inuna n’yo pa ang pagbili ng bagong sasakyan.”
“Hindi kita responsibilidad. Si Wulfric ang asawa mo at s’yang may sagot sa ‘yo. Kung nakinig ka lang sa akin na hintayin si Landon at hindi ka lumandi ng walang proteks’yon e ‘di sana hindi ganito ang sinapit mo.” Hindi umimik si Roselle nang kunin ng kanyang ina ang wallet mula sa Nine West nitong bag. “Heto ang pang-unang buwan na renta n’yo. Siguro naman ay may naipon na ‘yang asawa mo para sa last month’s rent. Hindi ko na sasagutin ‘yon, ha?! Ano s’ya, sinusuwerte? Naku, Roselle. Mag-isip ka at hindi ito ang buhay na pinangarap ko para sa ‘yo. Nasaan na ba ‘yong asawa mo at–“
Saka lang ako tumuloy sa pagpasok sa silid nang banggitin niya ako. Nagkunwari akong walang narinig at kararating lang.
Nakita ko ang tingin ng ibang tao sa ward. Ang iba ay umiwas ng tingin, habang ang iba ay may halong awa. Nakakahiya man pero hindi ko na sila makikita at tibay na lang ng dibdib ang magagawa ko.
“Pasens’ya na ho at natagalan. Marami ho kasing tao sa admin office. Paalis na ho kayo?”
Tinaasan niya ako ng kilay. “Oo. S’ya nga pala, kailan ang lipat n’yo sa apartment? May nakita ka na, ‘di ba? Siguro naman ay may pangrenta ka na. Na kay Roselle na ‘yong kalahati kaya dapat ay makalipat na kayo bukas.”
Tango na lang ang isinagot ko para hindi na humaba pa. Nang umalis siya ay saka lang ako nakahinga.
“Naiihi na ako.” Umingit si Kian nang mawala sa bisig ni Roselle. “Kapitan mo muna ‘yan at ayaw niya kapag hindi buhat.”
Kinuha ko ang baby namin at inalo. Kamukhang kamukha siya ni Roselle.
“Narinig mo si Mommy. Lilipat na tayo bukas. Heto ‘yong bigay niyang pera. Kung kailangan mong umalis ngayon para ayusin ang apartment ay on the way na si Glenda kaya may kasama ako.”