WULFRIC
Walang kinahinatnan ang pag-uusap namin ni Roselle kanina. Hindi ko na alam kung saan pa huhugot ng pasens'ya.
Heto nga at nag-aaway na naman ang kapitbahay namin. Ang alam ko ay wala pang limang taon na mag-asawa ang mga ito at may dalawang maliit na anak, pero sa araw-araw na lang na ginawa ng Diyos ay sigawan silang sigawan. Noong minsan nga, sa inis ni Aling Dora ay tumawag na ng tanod para patigilin sila.
Kung hindi na sila masaya sa isa't isa ay bakit hindi pa maghiwalay? Moderno na naman ang panahon ngayon at kung mas magiging masaya silang dalawa na hindi magkasama ay magkanya-kanya na lang sila.
Madaling sabihin para sa akin dahil wala ko sa tayo nila pero kahit man lang para sa mga anak nila ay gawin nila ang tama.
Buo nga ang pamilya at magkakasama, pero kung puro sigawan at pagkabasag ng mga pinggan naman ang maririnig ng mga bata ay hindi bale na lang. Broken family na kung broken family.
Walang nagtanong sa akin sa naging pag-uusap namin ni Roselle nang makabalik ako sa loob. Bagkus ay masaya ang aking pamilya na naglalaro ng pusoy dos sa maliit naming sala.
"Kuya, balasa ka," biro sa akin ng kapatid ko at pinaunlakan ko naman.
"Ako kaagad?" Ginulo ko ang buhok niya.
Ang bilis ng panahon. Dati ay hinahatid ko pa s'ya sa classroom n'ya. Ngayon ay dalaga na.
"Kuya! Huwag mong guluhin ang buhok ko. Naman e!" reklamo n'ya sa akin. Nagtawanan si Tatay at Nanay sa inasal n'ya.
"Wala pa namang nanliligaw sa iyo. Ano naman kung magulo ang buhok mo?"
Sumimangot kaagad s'ya kaya si Nanay ay sumabat. "Naku, Wulf. Iyong anak ni Ka Oca mo ay nagsasabi sa Tatay mo noong isang araw kung pwede raw umakyat ng ligaw."
Napabunghalit ako ng tawa. "Nay, sabihin n'yo riyan kay Johnny na magpatuli muna bago umakyat ng— aray ko!" Hinampas ako ng malakas ni Yas at mukhang maiiyak na. "Crush mo ba 'yon? E sipunin pa 'yong si Johnny."
"Hindi. Kaibigan ko lang 'yon." Pero nang mag-iwas s'ya ng mata, alam kong may lihim s'yang pagtingin sa kababata n'ya.
"O s'ya. Kung okay kay Tatay ay okay na rin sa akin. Basta magbait ka. At huwag kang papaloko roon, kung hindi ay magpapalutang-lutang na lang 'yong katawan n'ya sa pier."
"Wulfric!" hilakbot na sambit ni Nanay habang si Tatay ay tumawa nang mahina.
Napakamot ako sa gilid ng aking kilay. "Biro lang, ‘Nay. Kayo naman, masyadong serious. Bawasan ang panonoood ng teleserye kina Aling Osang."
***
Isang linggo ang matuling lumipas at naikasal na kami ni Roselle. Si Tatay lang ang kasama ko sa araw ng kasal, habang si Roselle ay kasama ang kanyang ina at kapatid. Tinotoo ni Nanay ang sinabi n'yang wala s'ya sa araw ng kasal ko at daig pa n'ya ang nag-hunger strike.
Pero nauunawaan ko naman ang dahilan n'ya. Ang kasal ay simbolo ng bagong simula sa pagitan ng dalawang taong nag-iibigan. At dahil naniniwala si Nanay na hindi kami nagmamahalan at napilitan lang na magpakasal para sa bata ay pinili n'yang huwag dumalo.
Bukod sa araw na nalaman n'yang nakabuntis ako ay itong araw ng kasal ko ang pinakamalungkot n'yang mukha. At masakit sa akin na ako ang sanhi ng kalungkutan niya. Sabi nga ni Nanay, maiintindihan ko lang daw s'ya kapag magulang na rin ako.
Katulad ng pinag-usapan ay magkahiwalay kami ng bahay ni Roselle. Hindi ako araw-araw na pumupunta sa kanila, pero napansin ko na hindi na s'ya gaanong sumasama sa mga kaibigan n'ya. Minsan ay doon ako naghahapunan sa kanila. Okay naman ang pagtanggap ng kanyang ina sa akin. Pero minsan ay nahuhuli ko s'yang nakatingin sa akin na para bang disappointed na ako ang naging asawa ng anak n'ya.
Nitong nakaraang araw ay mabilis antukin si Roselle kaya ako ang nagmamaneho para sa kanya pauwi. Katulad ngayon, tulog na si Roselle at uuwi na ako sa amin. Pasado alas otso pa lang pero mahimbing na s'ya.
"O, uuwi ka na ba?" tanong sa akin ng aking b'yenan. Narito s'ya sa terrace at umiinom ng tsa.
Tumango ako. "Tulog na po s'ya. May ex—" exam sana ang sasabihin ko pero pinutol na n'ya kaagad at nagsalita na.
"Alam mo, I don't mean to offend you but I never expected that my daughter would marry someone like you."
Hindi ko mabasa ang kanyang mukha at dahil hindi kami madalas mag-usap ay hindi ko malaman kung iniinsulto ba n'ya ako o plain conversation lang ang nagaganap ngayon. Pinili kong hindi sumagot sa kanya at sa halip ay nakinig.
"I thought she would marry someone from a rich family. Or kahit hindi mayaman, basta maayos ang pamilya at pamumuhay. Hindi isang kahig, isang tuka. I never wanted that life for my daughter. Kaya hanggang ngayon ay mahirap para sa akin na tanggapin ka. And I meant no offense dahil hindi mo kasalanan kung ipinanganak kang mahirap ang mga magulang mo."
Kinagat ko ang aking dila para hindi sumagot sa kanya. Ina pa rin s'ya ni Roselle at nasa loob ako ng pamamahay nila.
"Kung wala na po kayong sasabihin ay tutuloy na po ako at baka wala akong masakyan," paalam ko sa kanya.
"Katulad n'yan. Dapat ay may sasakyan ka at hindi ka nagcocommute ng ganitong oras. Kung may kotse ka ay kahit abutin ka ng alas dose rito. Noon nga, inaabot ng alas dose si Landon."
Landon?
"Landon Del Ocampo. Kilala mo s'ya? May hardware ang mga magulang n'ya sa bayan. Boyfriend s’ya ni Roselle noong high school. Pero noong nagkolehiyo si Landon sa Maynila ay naghiwalay sila.”
Maliit lang ang Batangas at alam kong hindi mayaman ang mga Del Ocampo. Pero kumpara sa amin— angat sila. Hindi ko alam na naging boyfriend s’ya ni Roselle. Ngayong kasal na kami ay saka lumalabas ang mga bagay tungkol sa kanya na dapat ay noon ko pa itinanong. Ano nga ba ang alam namin sa isa't isa? Halos wala.
"Kaya nga nagulat ako na ikaw na ang boyfriend n'ya. Ang akala ko ay hindi kayo seryoso sa isa't isa. Noong minsan nga ay nadalaw pa rito 'yong— Erik ba 'yon? Ang sabi ni Roselle ay magkaibigan lang sila, pero inumaga rin 'yon dito."