WULFRIC
“Ano? No way! There is no way I’m staying at your house. Ano ‘ko, bale? Kapapanganak ko lang, pero gusto mo akong matulog na nakatayo? Diyos ko naman, Wulf?! Ang linaw ng usapan natin, ‘di ba?”
Nasa labas kami ng hospital ngayon at walang magamit na sasakyan dahil ayaw ipahiram ng kanyang ina ang sasakyan nila. Bago raw ‘yon at baka magasgasan lang kung ipagagamit sa amin. Hindi man lang naisip na malaking tulong ‘yon sa amin kahit para sa apo na lang niya.
Kasama ko ngayon si Yasmin para tulungan kami sa pagbitbit ng gamit at naririnig niya lahat ng sinasabi ng Ate Roselle niya.
“Binigyan tayo ni Mommy ng pangrenta. Huwag mong sabihin na ginastos mo—”
“Hindi ko ginastos. Naibigay ko na sa kasera ang first and last month’s rent. Ang problema, hindi pa tuyo ang pintura kaya hindi pa tayo pwedeng lumipat ngayon. Masama ‘yon sa baby.”
“E bakit siya magpapaupa kung hindi pa pala ready ‘yong apartment?!”
“Nakiusap nga lang ako kung pwede na bukas dahil ang sabi niya sa a-kinse pa ang move in date. Makisama ka naman, Roselle. Kahit ngayon lang.”
Punuan ang jeep pabalik sa bayan kaya nakatayo kami sa initan. Iisa lang ang payong at priority si Kian. Mabuti na lang at himbing ang tulog niya kahit maingay ang paligid.
“Uuwi na lang ako sa amin kung gan’yan. Kapitan mo si Kian at tatawag ako kay Mommy.”
“Ikaw ang bahala.”
Naubusan na ako ng pasens’ya sa kanya at nang magtama ang tingin naming magkapatid ay napailing na lang si Yas. Alam kong nagpipigil din si Yasmin na huwag sagutin ang asawa ko dahil bagong panganak.
“Ma,” tawag niya sa ina nang sumagot ito. Malakas ang boses ng biyenan ko kaya naririnig ko ang sinasabi niya kahit hindi naka-speaker.
“Ano? Nakalabas na ba kayo ng hospital?”
“Naghihintay pa rin ng jeep.” Umismid si Roselle. “Pwede n’yo ba kaming sunduin? Hindi raw kami pwedeng lumipat sa apartment ngayon dahil basa pa ang pintura.”
“Aba’y nasa Tagaytay kami ngayon! Hindi ka namin masusundo. Saka hindi kayo pwede sa bahay at wala kayong tutulugan. Napakagulo ng dati mong kwarto at inalwas na namin lahat ng gamit mo. ‘Yong kama mo ay hiningi na ng pinsan mo pati ‘yong bed frame. Hindi ko ibinigay ‘yong dresser mo at baka gusto mong dalhin.”
“Ibinigay n’yo ‘yong kama ko? E akin ‘yon!” Halos mapatid ang litid ni Roselle sa galit.
“Ako ang bumili ng kama kaya sa akin ‘yon. Kung gusto kong ibigay sa pinsan mo ay pwede at wala kang magagawa! Bumili na lang kayong mag-asawa ng bago. Napakamura lang ng foam kung hindi n’yo ma-afford ang mattress. Kung hindi n’yo pa rin afford ang foam, e ‘di bumili na lang kayo ng banig at maglatag ng karton sa ilalim. Hay naku, Roselle!”
“Okay, fine. Pero Ma, ayaw kong matulog kina Wulf. Ang sikip doon at wala silang kama. Siguradong matigas ang papag–“
“Roselle, pinili mo ang buhay na ‘yan. Panindigan mo. I need to go. Bye.”
Mukhang talunan si Roselle pagkatapos niyang kausapin ang ina at laglag ang balikat.
***
Wala s’yang pagpipilian kung ‘di ang sumama sa amin. Katulad ng inaasahan, diring diri siya sa paligid habang naglalakad kami papasok sa makitid na eskinita.
“Ahh!” Napahiyaw pa siya nang biglang may magtapon ng maruming tubig sa gilid at natilamsikan s’ya.
Napatawa si Aling Femy. “Pasens’ya na. Hindi ko kayo nakita kaagad. Nakapanganak na pala ang asawa mo, Wulf. Dito na ba kayo titira?”
“Naku, hindi ho. Ang dumi-dumi ho rito at—”
Sinundan ng tingin ni Roselle ang mga paslit na naghahabulan. Puro sila walang suot na tsinelas at marurusing ang damit pati mukha at kamay.
“Ew.” Dumikit siya sa akin. “Let’s go na.”
Lalong napatawa si Aling Femy. “Hindi mo naman nabanggit na prinsesa pala ‘yang napangasawa mo. Aba’y dapat naihanda namin ang red carpet!”
Ngumuso si Roselle habang karga si Kian. Halatang halata ang pandidiri sa lugar at pati na sa mga nakatira rito.
“Teka at kukunin ko ang korona,” dagdag pa ni Aling Toning na malapad ang ngiti. Kadarating lang niya at ugali na ng mga tao rito ang mag-umpukan.
“Sige po, mauna na kami,” paalam ko sa kanila.
Narinig ko ang bulungan nila at hindi nila gusto si Roselle. Hindi naman daw kagandahan pero kung makaasta ay parang artista at nagpapa-importante. Hindi ko na lang pinansin dahil totoo naman. Kahit ako ay hindi ko gusto ang asal ng asawa ko. Mahirap mapaaway sa lugar namin dahil mas marami ang halang ang kaluluwa kaysa matino. Ganoon pa man, sa tagal namin dito ay wala kaming kinasangkutan na gulo at maraming kaibigan ang mga magulang ko.
“O, nariyan na pala kayo. Tuloy ka, Roselle. Ito na ba ang apo ko?” Lumapit si Tatay kay Roselle pero hindi ibinigay si Kian. “Pasens’ya na apo, at hindi nakadalaw si Lolo, ha? May trabaho ako maghapon at tapos na ang oras ng pagbisita sa hospital.” Bumaling siya kay Roselle. “Kumusta ang pakiramdam mo, Roselle?”
“Okay lang ho. Pero mas okay ho sana kung nakalipat kami sa apartment ngayon. Nakakahiya ho kasi na sisiksik pa kami rito sa inyo.”
“Roselle—" Ibinaba ko sa gilid ang mga gamit. Ganoon din ang ginawa ni Yasmin saka nagtuloy sa mesa para magsalin ng tubig sa baso.
Ngumiti si Tatay at sumenyas sa akin. “Isang gabi lang naman kayo matutulog dito kaya kaunting tiis lang sa munti naming tahanan. Mas maige na rito kaysa makalanghap ng pintura si Kian. ‘Di ba, apo?” Nang umiyak si Kian ay biglang humarap sa akin si Roselle.
“Ang init kasi rito. Wala ba kayong electric fan?” yamot na tanong ni Roselle sa akin. “Wala rin kayong kisame? Kaya naman pala ang init dito,” dagdag niya nang tumingala at makita ang yero.
“Wala kaming electric fan. Heto ang pamaypay.” Ibinigay ni Nanay ang nahagip na karton.
Cover yata ‘yon ng lumang notebook ni Yasmin.
“Paypayan mo ‘yang anak mo habang naghahain kami ng kakainin natin. At oo, wala kaming kisame at yero lang ang bubong namin dahil ‘yan lang ang nakayanan namin. Mahirap lang kami, Roselle at alam mo ‘yan. Huwag kang maghanap ng wala.”