WULFRIC
Hustong pagpasok ni Nanay ay narinig n'ya ang sinabi ni Roselle. Nalaglag ang dala n'yang tinapay at pati ang bote ng soft drinks ay nabasag. Bakas ang gulat sa mukha ni Nanay pati na ang sakit na dulot ng balita ni Roselle.
Alam ko ang sinasabi ng lahat na blessing ang pagkakaroon ng anak pero hindi pa ako handang maging ama. Ang sabi niya ay gumagamit s’ya ng pills at naniwala ako sa kanya. Sa dami ng mga naka-s*x ko ay alam ko kung kailan ako magwiwithdrawal at wala pa akong nabuntis ni isa sa mga babaeng 'yon.
"Huwag kang aalis," sabi ko sa kanya at tinungo ang kinaroroonan ni Nanay.
"Ako na po ang maglilinis nito. Pumasok na kayo sa loob."
Kaagad na pumasok si Nanay at hinayaan akong linisin ang nabasag na bote. Maging ang tinapay ay hindi na rin n'ya pinulot at napansin ko rin ang panginginig ng kanyang kamay.
Lumapit s’ya kay Roselle.
"Anong pangalan mo at anong relasyon mo sa anak ko?"
"Roselle Fernandez ang pangalan ko. Nagkakilala kami ni Wulf sa bar," sagot n'ya kay Nanay. Napansin ko rin na hindi s'ya gumagamit ng po at opo.
"Sa bar? Sa tinutugtugan n'ya?"
Ang boses ni Nanay ay maikukumpara sa bloke ng yelo. Napakalamig at halata ang pagkadisgusto sa kausap.
Tumango si Roselle. "Pwede n'yong ikumpirma sa anak n'yo kung hindi kayo naniniwala sa akin."
"Tama ba ang narinig kong buntis ka? Alam ba 'yan ng mga magulang mo?"
"Wala na akong ama at hindi ko pa nasasabi sa aking ina at sa asawa n'ya. Si Wulf ang ama ng baby ko at dapat lang na s'ya ang unang makaalam. Aksidente lang ang pagkakarinig n'yo kanina."
Nakita ko nang pasadahan ng tingin ni Nanay si Roselle. Hapit ang pantalon na maong at spaghetti strapped na pink ang suot n'ya. Alam kong hindi ganito ang tipo ng aking ina para sa akin. Sa Aplaya man kami nakatira, disenteng babae pa rin ang pinapangarap n'ya para sa akin.
"Ayaw kong maging bastos sa iyo, pero sigurado ka bang sa anak ko ang ipinagbubuntis mo?" diretsong tanong ni Nanay sa kanya. "Dahil alam mo, Roselle— sa panahon ngayon na walang halaga ang puri sa karamihan ng babae, talamak din ang pagpapaako ng bata kahit hindi 'yon ang ama ng ipinagbubuntis. May hitsura ka at mukhang may pera ang pamilya mo. Bakit ang anak ko ang pipiliin mo?"
Nakita ko ang paglunok ni Roselle. "K-Kay Wulf ang batang dinadala ko."
"Pero wala kayong relasyon? Kilala ko ang anak ko, Roselle. Hindi tatanggi 'yan kapag gusto n'ya ang babae. Pero kung hindi palay ang lumalapit sa manok ay wala rin mangyayari. Ngayon lang kita nakilala at kahit kailan ay hindi ka binanggit ng anak ko sa barong-barong na ito.” Hindi inalis ni Nanay ang tingin niya sa kausap. “Mukhang nag-aaral ka pa rin katulad ng anak ko. At kung anak n'ya ang dinadala mo, saan sa tingin mo kayo maninirahan? Maliit ang bahay na ito at kung uupa kayo sa labas ay walang pera ang anak ko."
"M-May savings ako."
"Savings? Hanggang saan ang savings kung wala kang trabaho? At isa pa, lalaki ang anak ko. At kapag nalaman ng iyong ina ang tungkol dito, siguradong magagalit 'yon lalo na kung ikaw ang gagastos sa inyong dalawa."
"Pwede naman akong magtrabaho habang hindi pa malaki ang t'yan ko," katwiran n'ya.
Umiling si Nanay. "Hindi ka nag-iisip katulad ng anak ko. Magtatrabaho ka habang hindi pa malaki ang t'yan mo pero paano ang pag-aaral mo?”
Hindi nakasagot si Rosell at sumulyap sa akin.
“Wulf, ayusin mo ang gusot na pinasok mo. Maiwan ko na kayo."
Natapos kong ligpitin ang kalat kanina at ngayon ay kailangan na naming mag-usap ni Roselle.
"Dala mo ba ang kotse mo?" tanong ko sa kanya.
Tumango s'ya. "Nakaparada sa gilid ng karsada."
"Doon tayo mag-usap. Huwag dito. Marami akong itatanong sa iyo."
***
Nang marating namin ang kanyang kotse ay sinabi ko sa kanya na magdrive at doon kami mag-usap sa may stadium. Bakante 'yon ngayon at tahimik dahil walang naglalaro.
"Anong nangyari at nabuntis ka?" tanong ko sa kanya.
"Ilang beses ba tayong nag-s*x?" angil n'ya sa akin. "Kung makapagtanong ka ay parang ako lang ang nasarapan sa ginawa natin ah."
"Roselle, hindi 'yon ang pinupunto ko at alam mo 'yan. Ang sabi mo sa akin, naka-pills ka. Paanong nangyari na nabuntis ka?"
Naroong kagat-kagatin n'ya ang kanyang kuko at siguro ay ninenerb'yos. "Hindi ko alam. Palagi naman akong umiinom ng pills pero baka nakaligtaan ko rin uminom noong minsan na nagsex tayo sa bahay namin. Naka-ilang rounds ba tayo noon?"
Sa daming beses na may nangyari sa amin sa bahay nila ay hindi ko matandaan at lahat naman ay hindi iisang beses. Sa nakalipas na tatlong buwan ay nakilala ko kahit kaunti si Roselle. Wild s'ya at mahilig sa s*x. Kahit nga sa bahay nila, kung saan s'ya abutan kapag ginusto ay basta na lamang akong hahalikan at mamalay na lang akong naipasok na ang kamay n'ya sa loob ng pantalon ko.
Napasuklay ako sa buhok ko. "Ilang buwan na 'yan?"
Hindi ko alam ang mararamdaman ko dahil hindi pa ako handang maging ama pero ayaw ko rin abandonahin ang anak ko. Mahirap man kami pero hindi ako pinalaki ni Nanay na tumatakbo sa responsibilidad.
"Ang sabi ng doktor ay six weeks."
Mabilis akong nagbilang sa isip ko at kahit anong pilit kong bilang ay pumapatak sa araw na walang nangyari sa amin. Naisip ko na lang na estimate rin lang siguro ng doktor ang sinabing bilang. Ayaw ko naman itanong kung may iba pa s'yang idine-date dahil baka iba ang maging dating.
"Anong gagawin natin?"
Hindi ko alam ang gagawin sa oras na ito at alam kong pareho kaming shock sa pangyayari kahit na alam namin na kapag nagsex ay maaaring makabuo ng bata. Ito na 'yong sinasabi ni Nanay na pagdadalos-dalos ko.
"Panagutan mo ang dinadala ko. Pakasalan mo ako."