WULFRIC
Nang makauwi kami ni Tatay ay walang imik ang aking ina. Hindi n'ya nagustuhan ang pagbalik namin sa bahay nina Roselle at muling pakikipag-usap sa mga ito. Mula pagkabata ko ay ganito na si Nanay pagdating sa binitawang salita. At hindi ko alam kung ano ang kahihinatnan ng nalalapit kong pagpapakasal kay Roselle, pero alam kong hindi magiging madali ito para sa aming lahat.
"May meryenda riyan kung gusto n'yong kumain," sabi n'ya sa amin. Si Tatay ay humalik sa pisngi n'ya habang ako naman ay kasunod n'yang nagmano.
Katulad ng inaasahan ko ay pinagmano n'ya ako pero hindi umimik. Hindi ko alam kung paano ako magsasabi kay Nanay na magpapakasal na ako. Malaking disappointment ‘yon sa kaniya dahil sinuway ko s’ya.
Pakiramdam ko ay nasa isang bangka ako na walang sagwan. Wala sa hinagap ko na magiging ama ako sa edad kong ito. Natatakot ako, pero sa isang sulok ng puso ko ay nasasabik din akong makita ang anak ko.
Tinapik ni Tatay ang aking balikat at sinabing lalabas muna s'ya. Nang lumingon ako ay nakita ko si Mang Berting. Kumaway s'ya sa akin at sinabing isasama n'ya muna si Tatay sa labasan.
Mahirap ipaliwanag pero kay ingay sa labas habang sobrang tahimik dito sa loob ng bahay namin. Kasalukuyang ginagayat ni Nanay ang ampalaya na ulam namin mamaya. Bukod sa kamatis, bawang at sibuyas saka dalawang itlog ay wala na 'yong ibang lahok. Mahal ang bilihin ngayon at kahit gusto naming lagyan ng kaunting giniling ay walang budget.
"Nanay.”
Hindi n'ya ako sinagot pero sumubok pa rin ako.
"Pwede po ba tayong mag-usap?"
"Kung ang sasabihin mo sa akin ay pakakasalan mo na ang babaeng 'yon, ay hindi na kailangan. Buhay mo 'yan. Karapatan mong magdesisyon para sa sarili mo at hindi ka na menor de edad. Nakagawa ka na nga ng bata, ‘di ba?"
Wala akong maisagot sa kanya dahil tama s'ya. Buhay ko ito. At kung ano man ang maging desisyon ko— tama o mali ay sa akin ang sisi.
Narinig ko ang pagbuntong hininga n'ya at kasunod nito ay mahinang paghikbi. Dahil ba sibuyas na ang ginagayat n'ya o nasasaktan lang s'ya sa sitwasyon ko ngayon? Sino ba namang ina ang gustong mapakasal ang anak n'ya ng maaga at magkaroon ng mabigat na responsibilidad?
"Anak, alam mong walang hanggan ang pagmamahal ko sa 'yo. Hangad ko ang kaligayahan mo. Pero kapag nagpakasal ka sa babaeng 'yon, wala ako sa tabi mo sa araw ng iyong kasal."
Puno ng emosyon ang kanyang boses at kasabay nito ay tahimik na pagtangis n'ya.
Tumayo ako at niyakap ang aking ina mula sa likod . Hindi ko na rin napigilan ang mapaluha. Ito ang mga pagkakataon na kahit hindi ako magsalita ay maiintindihan ako ni Nanay.
Isang yakap na puno ng pagmamahal, kasabay ng paghingi ng tawad sa kanya.
***
Kinabukasan ay wala kaming gagawin ni Roselle sa unibersidad kaya magkasama naming inayos ang mga dokumento para sa aming kasal. Mahaba ang pila para sa pagkuha ng no record of marriage. Bukod doon ay kailangan na naming kumuha ng bagong birth certificate dahil iyong luma pa ang kopya namin.
Habang nakaupo kami sa isang sulok at naghihintay na matawag ang numero ay nakita ko ang inis sa kanyang mukha.
"Ang init dito. Matagal pa ba?" tanong n'ya sa akin. Halos magdikit ang kilay n'ya at panay ang paypay sa sarili. Naiintindihan ko na buntis s'ya at pabago-bago ang mood. Pero wala naman akong magagawa sa panahon, at pareho lang kaming naiinitan.
"Pareho lang tayong naghihintay. Gusto mo bang bumili ako ng malamig na inumin? May palamig doon. Masarap 'yong melon," alo ko sa kanya. Kinuha ko ang pamaypay n'ya at ako ang nagpaypay sa kanya. Ngalay na siguro ang braso.
Kaagad na nalukot ang kanyang mukha. "Ayaw ko ng palamig. Gusto ko 'yong milkshake roon sa tapat."
"Malinis naman 'yong palamig at isa pa ay hindi na ako tatawid. Hayan lang ang bibilhan. Pero mamaya kapag nakatapos tayo rito ay bibili tayo ng milkshake mo. Okay lang ba?"
Ang sabi ni Tatay ay pagpasens'yahan ko s'ya dahil buntis. May mga demands daw ang buntis na walang sense pero kung kaya ko namang pagbigyan ay gawin ko na lang at iwasan na makipagtalo.
Ang tindahan ng milkshake ay nasa tapat at kailangan ko pang tumawid. Okay lang sana kung tatawid lang sa harapan, ang problema ay may barandilya 'yon at malayo ang tinalagang tawiran. May construction kasi kaya ganito. Tinatanaw ko pa lang ay napapagod na ako.
"Ayaw ko nga. Wala na bang iba? Iyong hindi tinitinda sa gilid ng daan?"
Paano ba 'to? Tiningnan ko ang numero sa screen, pang-sampu pa kami. Kung tatakbuhin ko 'yon at idadagdag ang oras sa paggawa ng shake, mga sampu hanggang kinse minutos din 'yon kasama na ang pabalik. Bukod pa kung may pila ng bibili!
"Kapitan mo itong number. Huwag mong iwawala. Bibili lang ako ng milkshake mo, ha?" bilin ko sa kanya.
Kinuha n'ya ang maliit na papel sa akin at tumango. Maaliwalas na ang kanyang mukha kumpara kanina na nakasambakol.
"Kapag tinawag ang number ay puntahan mo, para makauwi na tayo kaagad at makapagpahinga ka," paalala ko uli sa kanya.
Baka kasi malibang sa pag-cellphone at malampasan ang numero namin.
"Oo, alam ko na ang gagawin. Hindi pa tayo pwedeng umuwi pagkatapos nito. Nandito na rin lang tayo sa Lipa ay magtingin na rin tayo ng susuutin sa kasal."
Hindi ko alam kung anong isasagot ko sa kanya kaya nanahimik na lang ako. Magtingin ay banyagang salita para sa kanya. Si Roselle ang tipo ng babaeng kapag gusto ang damit ay binibili.
At wala akong pera para roon. Mas importante sa akin ngayon ang mag-ipon para sa panganganak n'ya at mga gamit ng bata. Ang inaalala ko lang ay baka mainis na naman s'ya tapos sasama ang loob na hindi magawa ang gusto.