WULFRIC
Katulad ng inaasahan ko ay hindi sumama ang aking ina sa pagbalik kina Roselle. Tandisan n'yang sinabi sa akin na isang pagkakamali kung magpapakasal ako. Bukod sa hindi madali ang pag-aasawa at hindi pa ako handa, wala rin s'yang tiwala dito.
Mothers know best. Iyon ang sinabi n'ya sa akin. At siguro nga kalimitan ay tama ang instinct ng ating mga ina, pero paano kung sa pagkakataon na ito ay mali?
Kaya nang muli kaming makipagharap sa ina ni Roselle ay si Tatay ang nakipag-usap sa kanya at sinabi na ang lugar namin ay hindi para kay Roselle dahil hindi ito sanay sa squatter's area.
"Pwede naman silang umupa," katwiran ng ina ni Roselle.
"Pwede silang umupa, pero anong ibabayad nila? Misis, hindi kami mayaman. At nasisigurado ko rin naman na hindi ka willing maglabas ng pera para magbayad ng kanilang renta," sagot ni Tatay sa kanya.
"Responsibilidad ng anak mo ang anak ko," giit n'ya. Matigas ang tono nito at nagmamalaki pa.
"Hindi tinatakasan ng anak ko ang bata. Pero anak mo si Roselle, at kahit pa mag-asawa 'yan ay may responsibilidad ka sa kanya bilang ina. Bilang magulang n'ya. Hindi ako nakikipagpataasan ng ihi sa iyo. Alam mo naman ang katayuan namin sa buhay, pero heto kami at muling nakipagharap sa iyo. Iwasan natin ang magtalo dahil walang patutunguhan ang pag-uusap na ganoon." Hanga ako sa lamig ng ulo ni Tatay, kahit na ganito ang pananalita ng kaharap. Mas matanda si Tatay sa kanya, pero hindi lang edad ang sukatan — karakter din ng tao.
Saglit na natigilan ang ina ni Roselle at nag-isip. "Papayag lang akong dumito ang anak ko kung magpapakasal sila ni Wulf. Kapag nakapanganak s'ya ay nakatapos naman na siguro 'yan at maaari ng makahanap ng mas maayos na trabaho. Wala namang napapala sa pagbabanda na 'yan. Masaya lang dahil pinapalakpakan, pero hindi naman 'yon naipapakain sa pamilya."
"Hindi namin kaya ang kasal na hinihingi ni Roselle."
Doon na tinapos ni Roselle ang pananahimik n'ya. Kung kanina ay hinahayaan namin na mag-usap ang dalawang nakatatanda, ngayon ay handa na s'yang magsalita.
"Okay lang po sa akin kahit sa huwes. Basta huwag akong iwan ni Wulf."
Desperasyon ba 'yong narinig ko sa boses n'ya?
"Pwede naman kayong magpakasal pagkapanganak mo. Pwede pa rin namang dalhin ng bata ang apelyido namin kahit hindi kayo kasal. Nasa iyo 'yon," giit ni Tatay.
"Gusto ko pong makasal kami ni Wulf para hindi ako pinag-uusapan ng mga tao. Pinagpip'yestahan na nila ako sa campus. Kung malalaman nilang kasal na kami, titigil na ang chismis." Tumulo ang luha n'ya at pinunasan. "Nakakahiya po kasi. Kung ano-ano ang masasamang pananalita na pinupukol nila sa akin. Okay lang po 'yon, pero kapag pinag-uusapan nila ang bata ay nakakagalit. Putok daw po ito sa buho dahil ayaw akong pakasalan ng boyfriend ko."
Panay-panay ang agos ng luha n'ya at hindi ko maiwasan na makaramdam ng habag sa kanya. Alam kong hindi madali ang pinagdadaanan naming dalawa, pero ang ganitong problema ay hindi naman mareresolba ng isang kasal lalo na at may pagdududa tungkol sa bata.
"Kahit para na lang po sa bata. Huwag n'yo na po akong isipin. Ayaw ko pong lumaking walang ama ang anak ko. At kung sa pagsasama po namin ni Wulf ay hindi talaga kami magkakasundo, pag-uusapan po namin ng maayos ang paghihiwalay."
Bahagya akong nagulat sa sinabi ni Roselle. Sa maikling panahon na nakilala ko s'ya ay may tendency s'yang maging possessive. Pero heto at handa s'yang makipaghiwalay sa akin kung hindi kami magkasundo.
Ang kasal na hinihingi n'ya ay para sa bata lang. Kung gaano 'yon ka-totoo ay s'ya lang nakakaalam.
"Nakikiusap po ako," dagdag pa n'ya habang nakatungo at patuloy ang agos ng luha. Ang kanyang ina ay walang imik at hinayaan s'yang magsalita.
Mahabang katahimikan ang sumunod doon at walang gustong magsalita. Bukod sa tunog ng bentilador sa salas, at ang harurot ng tricycle mula sa labas dahil nakabukas ang pinto ay 'yon lamang ang maririnig.
Madaling magsabi ng I do, ang mahirap ay panindigan ito. Noon, sinabi ko sa sarili ko na kapag nagpakasal ako ay panghabambuhay. Nangarap ako na magpapakasal balang araw sa isang babaeng mahal ko. Iyong babae na tatanggapin ako bilang ako at kung anong kaya kong ibigay kapalit ng katapatan at pagmamahal ko. Pero dahil kay Roselle, hindi ko alam kung may katuparan pa 'yon.
Hindi ko ni minsan naisip na mapipikot ako.
"Ine-expect ko na kapag nakasal kayo at dito nakatira ang anak ko ay pupuntahan mo s'ya araw-araw." Ang ina ni Roselle ang naglakas loob na nagsalita. "Hindi madali ang magbuntis at s'ya ang may dala ng anak n'yo. Iwasan mo sanang sumama ang loob n'ya."
Hindi pa man ako nakakasagot kung pumapayag ako ay may demand na kaagad ang kanyang ina. Sa totoo lang ay hindi ko na nga alam kung paano ko pagsasabay-sabayin ang lahat. Hindi malapit ang tirahan nila sa amin at kung galing ako sa unibersidad ay gagabihin ako ng uwi at wala ng oras para mag-aral.
Wala rin akong sasakyan, at kung mayroon man ay ma-traffic pa rin.
Tumayo si Roselle at lumapit sa akin saka naupo sa tabi ko. Ginagap n'ya ang kamay ko at pinisil. Nang magtama ang mga mata namin ay puno 'yon ng pakikiusap. Nagmistula s'yang ibang tao sa paningin ko.
Para sa bata.
"Sige po, mag-aayos po kami ng mga kailangan para sa kasal. Wala po kaming panghanda kaya huwag na po nating ipilit at ayaw ko rin na gumastos kayo para rito. Ang kasal po ay para sa bata at sa ikatatahimik ng mga taong nanggugulo kay Roselle. Hindi ko po maipapangako na araw-araw akong dadalaw dito dahil may dalawa akong trabah bukod sa kailangan ko rin mag-aral. Huwag n'yo po sanang masamain. Pero kailangan kong kumita para makaipon sa pagdating ng bata. Sana ay maunawaan po ninyo."
Mas mabuti na 'yong magsalita na ako ngayon, dahil mahirap na umasa sila na masusunod ang kanilang gusto. Salita lang ang mayroon ako at ayaw kong pati 'yon ay mawala sa akin.
"Sinasabi mo bang magpapakasal na kayo?" ulit ng kanyang ina. Parang naninigurado na tama ang kanyang narinig.
Kahit may bikig sa aking lalamunan ay pinilit kong sumagot.
"Opo."