WULFRIC
Tagaktak ang pawis ko bago nakarating sa tindahan sa tapat. Mabuti na lang at hindi masyadong mahaba ang pila pagdating ko. Naghintay rin ako ng sampung minuto at saka ako nagmadaling bumalik sa kinaroroonan ni Roselle.
Nang makabalik ako nakaupo pa rin si Roselle at hawak ang numero.
"Ito ang inumin mo. Natawag ka na ba?" tanong ko sa kanya.
"Thank you." Inabot n'ya 'yon sa akin at kaagad na sumimsim. Maganda na ang mood n'ya at kahit naiinitan ay hindi nagrereklamo. "Ang sarap."
Ngumiti ako sa kanya at kahit paano ay nakaramdam ako ng saya na worth it naman ang pagbili ko kahit malayo ang inikutan ko kanina. Pero ang saya na 'yon ay kaagad napalitan ng pagkadismaya nang makita kong dalawang numero na ang lumampas sa amin.
Pambihira! Paano nangyari 'yon?
"Siguro ka bang hindi natawag ang number natin? Nalampasan na tayo ng dalawang tao," wika ko sa kanya. Pilit kong pinapakalma ang sarili ko dahil buntis s'ya. Pero sa totoo lang ay nagngingitngit ako.
Nagkibit-balikat s'ya. "Hindi ko narinig."
Iyon lang ang masasabi n'ya? Napahilos ako sa aking mukha at kinuha ang maliit na papel mula sa kanya saka lumapit sa isang empleyado sa harap.
"Ma'am, pasens'ya na po sa abala. Masama po kasi ang pakiramdam ng asawa ko kaya hindi n'ya narinig ang number namin. May binili lang po ako sa labas kanina."
"Ano po ang problema, Sir?"
"Nalampasan po kasi itong number namin. Magpapatulong po sana ako," masuyong pakiusap ko sa kanya. Sana naman ay matulungan n'ya ako dahil sobrang tagal na naming naghihintay dito at kung hindi namin ito makukuha ngayon ay babalik na naman bukas.
"Ganoon po ba? Sandali po at ipapakiusap ko na po sa loob. Balikan ko po kayo, ha?" nakangiting wika n'ya sa akin. Nakahinga ako ng maluwag.
Makaraan ang limang minuto ay naibigay n'ya rin sa akin ang dokumento. Pinapirma lang ako na na-receive ko na at binalikan ko si Roselle. Nagtaka pa ako nang balikan ko s'ya at nakabusangot na ito.
"Anong nangyari? May problema ba?" tanong ko sa kanya. Padarag s'yang tumayo pagkakita sa akin.
"Ikaw ang problema. Nagawa mo pa talagang makipag-landian doon sa babae? Ikakasal pa lang tayo ay gan'yan ka na. Hindi ka na nahiya? Kasama mo pa ako." Bagamat hindi s'ya nakasigaw ay may kasamang gigil ang tinig n'ya.
"Anong landian? Nakiusap lang ako doon sa staff kung pwede n'ya akong tulungan para hindi na tayo bumalik bukas." Kahit gigil na ako sa kanya ay sinagot ko pa rin s'ya ng maayos. Pero sa totoo lang, natutukso na akong iwan s'ya rito at magbab'yahe na lang ako pabalik sa bayan.
Hindi s'ya umimik hanggang makarating kami sa sasakyan. Ang buong akala ko ay tapos na s'yang mag-inarte pero hindi pa pala. Pina-start ko ang kotse at kaagad n'yang ini-on ang aircon.
"Ang sinasabi ko lang, nagpapapungay s'ya sa iyo ng mata!" Ngayon ay malakas na ang boses n'ya dahil nasa loob na kami ng kotse at sarado na ang pinto. Wala ng makakarinig sa aming dalawa.
Sa layo namin ay nakita pa n'ya ang pagpapapungay na sinasabi n'ya? Wala namang nangyari na ganoon kanina.
"Roselle, malapit na tayong ikasal. Masaya naman tayo kanina. Pwede bang palampasin mo na lang 'yang ikinagagalit mo? Ni hindi ko nga s'ya binigyan ng pansin. Hindi rin s'ya nagpapungay sa akin."
"Nakakainis pa rin! Ang landi n'ya!" Inis n'yang inilagay ang plastic cup ng inumin n'ya sa holder. Mabuti na lang at naubos na n'ya, kung hindi ay siguradong natapon 'yon kanina.
"Isipin mo ang baby natin. Hindi maganda 'yan sa kanya. Iyang galit mo at inis mo ay nararamdaman ng bata." Hindi s'ya umimik sa akin. Pinaurong ko na ang sasakyan at dinala s'ya sa mall. Alam kong gusto n'yang maningin ng susuutin sa kasal kaya kahit wala akong gana ay nagpatianod na lang ako. Baka sakaling lumamig ang ulo n'ya.
Nang maiparada ko ang sasakyan sa mall ay ipinagbukas ko s'ya ng pinto pero nakasimangot pa rin. Inilahad ko ang kamay ko para alalayan s'ya sa paglabas kahit hindi pa naman malaki ang t'yan n'ya, pero umingos at mukhang nagpapapilit pa. Halos mapatid na ang pasens'ya ko kay Roselle pero alang-alang sa anak ko ay tiniis ko.
Nag-squat ako sa harap n'ya at sinubukan s'yang suyuin. "Mainit dito, tara na sa loob." Nilaro-laro ko ang kamay n'ya at hinalikan ang kanyang t'yan. "Baka gutom na rin si baby. Gusto mong magmeryenda?" May kaunti akong naitabing pera. Iniipon ko 'yon para sa paglabas ni baby pero mukhang mababawasan na naman ito.
Nakita ko ang paglabi n'ya at saka palihim na ngiti. "Nagugutom na nga kami ni baby. Gusto ko ng pansit."
"O s'ya, halika na sa loob at para makakain na tayo ng pansit." Sa wakas ay lumabas rin s'ya ng sasakyan at saka kami magkahawak-kamay na naglakad papasok sa loob. "Gusto mo bang kumain muna bago tayo maningin ng damit?" Tumango si Roselle kaya sa restaurant muna kami dumaan.
Mura lang naman dito sa pinuntahan naming kainan. Pero s'yempre, mas mura pa rin sa karinderya. Pareho lang ang lasa. Wala nga lang aircon pero basta may makakain ay okay lang sa akin.
Umupo kami at nag-order. Ang pansit na gusto n'ya ay nadagdagan ng lumpia at leche flan. Ang hirap palang kumain sa labas na limited lang ang dala mong pera. Dahil panay ang kwenta ko sa aking isip kung kasya ba 'yon ay halos hindi ko malasahan ang pagkain.
Pa-konswelo ko na lang na masarap ang kain ni Roselle. Ibig sabihin ay nabubusog din ang anak ko. Masaya kaming nagmeryenda at tila nakalimutan na n'ya ang pagseselos n'ya sa babae. At nang dumating ang bill ay muntik pa akong kulangin ng sampung piso. Mabuti na lang at half price ang lumpia. Parang ang katumbas n'ya ay happy hour sa alak.
"Nabusog ka ba?" tanong ko sa kanya habang naglalakad kami papunta sa boutique na sinasabi n'ya.
"Oo. Masarap ang pansit doon. Nakakain ka ba ng maayos? Halos ako lang ang kumain ng lumpia. Ayaw mo naman akong saluhan sa leche flan." Humilig s'ya sa aking braso.
"Hindi ako mahilig sa matamis. At isa pa ay dalawa kayong kumakain. Mas mabuti 'yong marami kang makain kaysa sa akin."
"Salamat sa libre. Nabusog talaga ako." Biglang humigpit ang kapit n'ya sa braso ko noong ituro ang salamin na bubog.
Sinundan ko 'yon ng tingin at puting bestida 'yon na nakasuot sa mannequin. May malalaking ruffles at medyo hapit ang tela.
"Gusto ko 'yon! Bagay 'yon sa akin sa kasal natin. Bilhin natin, please."
Bago pa ako nakasagot ay nakapasok na s'ya sa loob at hila ang kamay ko. Nang makita ko ang presyo ng bestida ay hindi ko alam kung iiwan ko ba s'ya doon o susubok pagbaguhin ang isip n'ya.
Tatlong libo ang damit na iisang beses lang naman n'yang susuutin!