WULFRIC
"Umalis na tayo, anak," yakag sa akin ni Nanay. Nauna na silang lumabas ng aking ama habang ako ay napako na sa aking kinatatayuan.
Hindi ko alam ang gagawin ko kay Roselle. Ang daming senyales na hindi kami para sa isa't isa. At ano itong sinasabi n'ya ngayon na magpapakamatay kung hindi pakakasalan? Buntis s'ya, at kung kikitilin n'ya ang sariling buhay ay idadamay pa n'ya inosenteng bata sa sinapupunan n'ya. At ano ang dulo nito? Ako ang may kasalanan sa pagkawala nila kung magtagumpay s'ya dahil hindi ako pumayag magpatali sa kanya.
"Roselle, mag-usap na lang tayo sa ibang araw. Iwasan mong mag-isip ng masama. Hindi maganda 'yan sa iyo at sa bata."
Kumapit s'ya sa braso ko. "Kailan tayo mag-uusap?" Nagpahid s'ya ng luha. Sa oras na ito, mistulan s'yang isang bata na hindi pinayagang makipaglaro sa labas. Iyong kapit n'ya sa akin ay parang ayaw ng bumitaw.
"Magpalamig muna tayo. Kakausapin ko rin ang mga magulang ko. Huwag ngayon na mainit ang lahat. Sikapin mong pumasok sa school at magconcentrate ka para mairaos mo ang sem na ito," bilin ko sa kanya.
"Iyon sana ang sasabihin ko sa 'yo. Titigil na ako sa pag-aaral. At ang sabi ni Mommy, kapag tumigil na ako sa pag-aaral ay hindi na daw ako pwedeng tumira dito sa amin." Hindi na s'ya umiiyak ngayon pero lalong sumakit ang aking ulo sa sinabi n'ya.
Saan naman n'ya balak tumira? Kung may savings man s'ya ay hindi naman 'yon tatagal sa halaga ng upahan ngayon. Iyong kwarto nga lang ay mahal na, at alam kong hindi s'ya papayag na hindi buong bahay.
"Huwag kang tumigil ng pagpasok. Tapusin mo ang semestre at sayang 'yon. Naumpisahan mo na. Isa pa ay wala ka pang matitirhan," pahapyaw kong paalala sa kanya.
"Pwede naman tayong umupa." Tumingin s'ya sa akin ng pailalim.
Malalagot na yata ang pagtitimpi ko sa kanya. Para namang ganoon kadali ang mangupahan. Buti sana kung sa Aplaya lang. Hindi naman s'ya titira doon. Bukod sa maselan s'ya ay hindi n'ya kakayanin ang ingay at dumi ng paligid.
"Hindi pa regular ang gig ko. Pumapasok tayong dalawa. At kahit 'yong part-time job ko ay hindi kasya. Hindi ka naman makakapagtrabaho ng buntis ka."
"Basta gusto ko ng umalis dito! Gusto kong sumama sa 'yo!" Bahagyang tumaas ang boses n'ya kasabay ng paghawak n'ya sa kanyang t'yan.
Ito na nga ba ang sinasabi ko. "Kumalma ka muna. Makakasama sa 'yo ang pagsigaw mo. Nararamdaman 'yan ng bata. Basta 'yong pinag-usapan natin ay sundin mo. Babalik ako at mag-uusap tayong dalawa." Hanggat pumapasok s'ya ay hindi s'ya paaalisin ng kanyang ina dito sa bahay. Iyon ang oras na kailangan ko para mapag-isipan kung ano ang dapat gawin.
Yumakap s'ya sa akin at bahagya ko s'yang tinapik-tapik sa likod bilang pag-alo, saka ako mabilis na lumabas ng bahay nila. Sina Nanay ay naghihintay pa rin sa labas ng gate at makulimlim ang mga mukha.
Tahimik kaming naglakad palabas ng subdivision at sa malas ay wala pang dumaan na tricycle. Nagt'yaga kaming maglakad hanggang marating ang kanto kung saan naroon ang sakayan ng jeep. Mula dito ay isang sakay pa.
Naaawa ako kina Nanay dahil mainit ang panahon pero walang kinahitnan ang pagpunta namin kina Roselle.
***
Nang makarating kami sa bahay namin ay nagdiretso si Nanay sa maliit naming kusina ay kumuha ng 3 baso at isang pitsel ng tubig. Hindi 'yon malamig pero sa sobrang init ay walang pagpipilian.
"Wulf, anong desisyon mo?" Ang boses ni Nanay ay seryoso at walang lambing. Alam kong ayaw n'ya akong makasal sa batang edad. Vocal naman s'ya roon at hindi n'ya itinatanggi. Harapan pa nga kanina sa harap ng ina ni Roselle.
"Hindi ko pa alam, Nay. Magulo ang isip ko."
"Anong hindi mo alam? Wulfric, huwag mong sabihin na magpapadala ka sa sinasabing pagpapakamatay ng lintek na babaeng 'yon? Sinasabi 'yon ng mga babaeng desperada para hindi isila iwan!" Inis na sinuklay ni Nanay ang buhok n'ya gamit ang kamay. "Hindi ikaw ang unang lalakeng hindi magpapakasal sa nabuntis n'ya. At alam mo anak, kung hindi ka sigurado na sa iyo ang dinadala n'ya, madalas ay tama ang hinala mo. Kung mayaman lang tayo ay ipapa-NDA ko 'yang —"
"DNA 'yon Nay," pagtatama ko sa kanya.
"DNA o NDA pareho na rin 'yon! Basta ipapasuri ko 'yong bata kung talagang anak mo nga o hindi. Mahirap na matali ka sa isang pagsasamang hindi mo gusto lalo na kung hindi naman pala sa iyo ang bata. Aba ay sa panahon ngayon, mas mahal pa ang annulment kaysa kasal! Iyong anak nga ni Choleng ay naghanap ng lawyer noong isang araw. Gustong magpakasal sa Hapon eh kasal s'ya dito sa Pilipinas. Limang daang libo ang magagastos at isang taon pa daw ang hihintayin! Gusto mo ba 'yon?"
Umiling ako. "Alam ko naman ang sinasabi n'yo, Nay. Pero paano kung mali ako at anak ko pala ang bata?"
"Paano kung tama ako?" giit n'ya.
Sandaling katahimikan ang namagitan sa aming dalawa. At sinamantala 'yon ni Tatay para magsalita. Kanina pa s'ya walang imik at alam kong naninimbang s'ya sa sitwasyon.
"Mahal, ibili mo muna kami ng tig-isang beer sa tindahan at mag-uusap kami ng anak mo." Inabutan n'ya ng pera si Nanay at walang imik itong lumabas ng bahay.
"Wala tayong pruweba na hindi iyo ang bata. Wala rin tayong katunayan na sa iyo nga. Walang patutunguhan ang pag-uusap n'yo ng iyong ina sa ngayon. Ang magagawa lang natin ay ang maghintay na makapanganak si Roselle. Pero mahal ang pagpapasuri at kailangan rin ng consent ng ina. Wulf, ikaw lang ang tanging makakapagdesisyon kung pakakasalan mo s'ya o hindi. Alam kong hindi mo pababayaan ang bata pero nariyan na 'yan. Ang sa akin, mas makabubuti kung hindi ka muna magpakasal. Tapusin mo ang pag-aaral mo para makahanap ka ng mas maayos na trabaho. Huwag mo na kaming alalahanin dito."
"Tay." Para akong pinangangapusan ng hininga sa sinabi n'ya dahil pakiramdam ko ay tinatanggalan n'ya ako ng responsibilidad sa pamilya namin.
Lumapit s'ya sa akin at tinapik ako sa balikat. "Anak, hindi mo kami responsibilidad. Kung kaya mo na at may sobra, tumulong ka. Pero huwag mong isipin na kailangan mong gawin 'yon. Magkakaanak ka na. S'ya na ang dapat mong unahin. Sa tirahan, sa tingin ko ay dapat muna s'yang manatili sa kanila hanggang makapanganak. Magulo at madumi dito sa lugar natin at base sa kinalakihan n'ya ay hindi s'ya papayag na dito tumira. Kung gusto mong bumalik doon sa isang araw ay sasama ako at ipapaliwanag ko 'yan. Para rin naman ito kay Roselle."