WULFRIC
Sumapit ang Sabado at after lunch kami nagpunta ni Nanay at Tatay. Ang kapatid ko ay nasa bahay ng isang kaklase para gumawa ng project kaya hindi ko na isinama.
Tumambad sa akin ang pamilyar na hitsura ng bahay nina Roselle at sarado ang front door nila. Nagtricycle lang kami at kailangan namin maglakad palabas mamaya dahil bihira pa ang bahay dito sa lugar nila. Hindi naman ito kalayuan sa main road.
Seryoso ang mukha ni Nanay pero halata ang disgusto sa pagpunta dito. Si Tatay naman ay kalmado at sabi n’ya sa akin kagabi, kung anong maging desisyon ko ay igagalang n’ya.
Pinindot ko ang doorbell at naghintay na pagbuksan kami. Mayamaya ay lumabas ang isang dalagita at binuksan n’ya ang gate.
“Ikaw si Kuya Wulf?” tanong n’ya sa akin. Tumango ak oat bahagyang ngumiti. “Pasok po kayo.”
Nagpasalamat ako at ang aking mga magulang. Kamukha ng dalagita si Roselle kaya ito siguro ang isa sa nakababata n’yang kapatid. Nang makarating kami sa loob ay pinaupo n’ya kami saglit at binigyan ng maiinom. Tahimik ang buong kabahayan. Para bang nagbabadya ng isang surpresa.
“Narito na pala kayo, salamat sa pagpunta," walang emosyon n'yang sabi sa amin. Alam kong hindi s'ya natutuwa na buntis ang anak n'ya pero s'ya ang nag-imbita sa amin dito para mapag-usapan ang gagawin. Ngayon ko lang s'ya nakita at nakaharap dahil sa ilang beses na pagpunta ko dito sa kanila ay lagi s'yang wala pati ang ibang anak. Sa litrato ko lang s'ya nakita pero sa personal pala ay parang kapatid lang ni Roselle.
"Carmela, tawagin mo nga ang ate mo at sabihin na narito na ang bisita n'ya." Wala na s'yang ibang sinabi hanggang hindi nakakarating si Roselle sa sala.
Hindi nagtagal at lumabas na s'ya ng silid. Hindi s'ya nagmano sa mga magulang ko pero tumabi s'ya sa akin. Nakita ko pa ang dumaan na inis sa mga mata ni Nanay. Palagi n'yang sinasabi na magiging imp'yerno ang buhay ko kapag si Roselle ang naging asawa ko. Kapag ganoon ang kanyang sinasabi ay tumatahimik na lang ako. Hindi ko rin ipinaalam sa kanya ang nalaman ko mula kay Ryan dahil lalo lang s'yang magagalit ng husto.
"Buntis ang anak, anong plano mong gawin? Anong pangalan mo pala? Ni hindi kita nakitang umakyat ng ligaw dito sa bahay. Gan'yan na ba ang ang mga kabataan ngayon? Sa kalye na lang," patutsada ng kanyang ina.
Umismid si Nanay. "Wulfric ang pangalan ng anak ko at hindi ko s'ya tinuruan na manligaw sa kalye. Pero kung ang palay ang lumalapit sa manok, mahirap tanggihan." Sinulyapan n'ya si Roselle at saka ibinalik ang tingin sa kausap. Misis, alam n'yo naman siguro na pumupunta sa bar ang anak n'yo?"
"Oo. Alam ko. Normal 'yon sa mga babaeng ka-edad n'ya. Mas ma-edad ka sa akin kaya siguro noong araw ay iba ang nakamulatan n'yo. Moderno na ang panahon ngayon."
"Hindi mahalaga kung noon o ngayon ang nakasanayan. Ang mahalaga, may respeto sa sarili ang isang babae."
"Sinasabi mo bang walang respeto sa sarili ang anak ko?" Tumalim ang mga mata ng ina ni Roselle at nakita ko ang namumuong galit sa mga mata n'ya.
"Wala akong sinabi. Sa iyo nanggaling 'yan." Bahagyang napa-ismid si Nanay.
"Ngayong buntis na ang anak ko, ano ang plano n'yo?" Tumingin s'ya sa akin pagkatapos ay sa mga magulang ko at bumalik sa akin.
Tumikhim ako. "Pananagutan ko ang bata. Hindi ko tatakbuhan ang responsibilidad ko."
"At ang anak ko? Hindi mo pakakasalan?" Halos magdikit ang kilay n'ya nang marinig ang sagot ko.
"Hindi po."
"Ano? Nagbibiro ka ba? I don't appreciate this even if you are joking," galit na wika n'ya sa akin.
"Hindi kailangang magpakasal ng dalawa dahil wala silang relasyon. At isa pa, ayaw kong insultuhin ka pero paano namin alam na sa anak ko ang ipinagbubuntis n'ya?" Matapang si Nanay pero namimili ng laban. Ginagawa n'ya ito para sa akin... para hindi ako magkamali sa mga desisyon ko at magpadalos-dalos.
"Walang relasyon? E paano nabuntis ang anak ko?"
"Malay ko. Itanong mo sa kanya. Tutal, s'ya naman ang habol ng habol sa anak ko." Kinapitan ko ang kamay ni Nanay para kalmahin s'ya. "Kaya kami nagpunta rito dahil pinapatawag mo ang anak ko at kaming mga magulang n'ya. Wala kaming pinag-usapan na kailangan kong ipakasal ang anak ko sa anak mo dahil buntis s'ya. Nag-aaral pa ang anak ko katulad ng anak mo. Ano sa tingin mo ang magiging buhay nila na magkasama?"
"Problema na nila 'yon. Ang mahalaga ay hindi maging dalagang ina ang anak ko at lumaking bastardo ang apo ko." Nakipagtagisan ng tingin si Nanay sa kanya.
"Ina ka din. Alam mo kung gaano kahirap ang pagdadaanan nila. Hindi sila magkakilala tapos ikukulong mo sa kasal dahil lang sa bata? Ikaw na rin ang nagsabi na moderno na ang panahon ngayon. At sa panahon ngayon ay hindi na kailangang magpakasal dahil lang nabuntis. Ikinalulungkot ko pero hindi ako makakapayag na ikasal sila."
"Kung ayaw n'yong makasal ang dalawa ay wala akong magagawa. Hindi ko ipipilit ang anak ko. Makakaalis na kayo kung ganoon," taboy n'ya sa amin. Tumayo s'ya at itinuro ang pinto kaya tumindig na rin kami nina Nanay. Ayaw ko ng manatili dito ng kahit ilang minuto pa.
Pero si Roselle ay biglang humagulhol nang magsimula kaming humakbang.
"Please, Wulf. Stay. Let's talk about it. Huwag mo naman akong iwan ng ganito." Garalgal ang boses n'ya at halos hindi ko maintindihan ang sinasabi. Kahit paano ay nakadama ako ng awa sa kanya sa kabila ng aking mga pagdududa.
Nagkatinginan kami ni Nanay at sa pagkakataon na ito ay hindi ko alam kung tama bang umalis na kami at saka na lang pag-usapan ang gagawin sa bata. Naisip ko rin na baka hindi ito ang tamang oras para mag-usap. Mas mabuti kung malamig pare-pareho ang ulo para mas makapag-isip ng maayos na solusyon.
"Sa ibang araw na lang tayo mag-usap, Roselle. Hindi ko naman pababayaan ang bata," sabi ko sa kanya.
Nagpahid s'ya ng luha at saka tumitig sa mga mata ko. "Kapag hindi tayo nagpakasal, magpapakamatay ako."