WULFRIC
Late dumating si Roselle sa gate pero nang huminto ang sasakyan n'ya ay nagdalawang isip ako kung sasakay ba ako o hindi. Gusto ko sanang iparada na lang n'ya 'yon at mag-usap kami sa isang kainan kahit wala akong ganang magmeryenda kasama s'ya.
"Hop in," aya n'ya sa akin. Nakangiti s'ya at para bang walang problema.
Tama, dahil simula nang malaman ng kanyang ina ay wala na s'yang ibang bukambibig kapag tumatawag o nagtetext kung hindi ang kasal.
Gusto ko ng gown na Vera Wang. Mayroon sa MOA.
Gusto ko sa Tagaytay ikasal. Maganda ang venue doon sa Sonia's.
Pink ang gusto kong motif, okay lang ba?
Tulips ang gusto kong bouquet, may makukuhanan kaya tayo ngayon?
Juan Carlo ang gusto kong caterer.
Dapat may pre-nup photos rin tayo.
Ilan lang sa mga naaalala kong mga requests n'ya kahit wala pa kaming napagkakasunduan. Alam kong pangarap ito ng bawat babae pero bakit mag-aambisyon kung wala namang budget? At higit sa lahat, wala pang groom?
Napilitan na akong sumakay pero nang makakita ako ng parking lot at pinaparada ko s'ya doon.
"Hindi ba tayo kakain?"
"Hindi ako nagugutom," sagot ko sa kanya.
"Pero gutom na ang baby natin," katwiran n'ya sa akin. "May pera naman ako kung wala kang pambayad."
Nagpanting ang taenga ko pero hindi ako nagsalita. "Iwan mo ang sasakyan mo dito at magpunta tayo d'yan sa karinderya sa tapat."
"But I don't want karin---"
"Kung ayaw mong kumain d'yan ay saka na lang tayo mag-usap at pumunta ka na sa restaurant na gusto mong kainan pero hindi ako sasama."
Napasimangot s'ya. "Gusto ko lang naman ng chicken joy ay ang sungit-sungit mo."
Siguro nga ay harsh ako, pero kung sa ngayon pa lang ay hindi na s'ya makakain ng lutong karinderya, ano pa kung sakaling makasal kaming dalawa? Ano, laging sa Jollibee at kung ano-anong take out sa mamahaling restaurant at fast food ang kakainin n'ya? Bukod sa hindi healthy ang fast food ay mahal din at wala akong pera.
"Kaya kita inayang makipagkita sa akin ngayon ay gusto kong mag-usap tayo dahil may itatanong ako."
Bumungtong hininga s'ya. "Mag-drive thru na lang tayo para hindi na bumaba ng sasakyan at para makapag-usap tayo dito sa loob ng walang nakakarinig." Salamat naman sa Diyos at may sense rin s'yang kausap. Nagmaneho si Roselle at nang pumila sa drive-thru ay nagtanong. "Anong gusto mo?"
"Wala. Ikaw na lang ang kumain. Busog ako." Pero ang totoo ay kumakalam ang sikmura ko dahil halos hindi ko maubos ang lomi na libre ni Ryan kanina. Matabang ang panlasa ko at napansin ko rin ang pagkahulog ng aking katawan kasabay ang pangingitim ng palibot ng mga mata ko sa kawalan ng tulog.
"Okay." Nag-order s'ya para sa kanyang sarili at nang makuha ang pagkain ay nagdrive papunta sa park. Pumarada s'ya doon at nagsimulang kumain. Buntis nga s'ya dahil dati ay hindi naman ganito ang kanyang appetite. "Anong gusto mong pag-usapan?"
"Sinong kasama mo noong hindi ka nakikipagkita sa akin?" Wala na akong panahon na magpaligoy ligoy pa.
"Wala. Sino naman ang kikitain ko?" Ipinagpatuloy n'ya ang pagkain at parang nagtanong lang ako sa hangin. Walang nakuhang matinong sagot.
"May nakakita sa iyo."
"O? Para namang wala kang ibang babaeng inilabas? Pareho lang tayo."
Si Marjorie siguro ang nakita n'yang ka-date ko. Pero hindi gaya ni Roselle, walang nangyari sa amin ni Marjorie at kumain lang kami sa labas.
"Ang sabi mo sa akin wala kang kinita. Bakit ngayon ay pareho na tayo?" Pinamulahan ng mukha si Roselle ay halata ang tinitimping galit.
"Kung anong kaya mong gawin, kaya ko rin. Wulf, hindi ako katulad ng ibang mga babae mo na tutunganga na lang at maghihintay kung kailan mo gustong puntahan."
"Kaya ka naghanap ng iba? Dahil busy ako sa school at paghahanap-buhay?" sarkastiko kong tanong sa kanya. Sa inaasta at sinasabi ni Roselle ay malayong malayo s'ya sa babaeng pinangarap ko.
"Bakit? May iba ka rin naman, hindi ba? Iba't iba pa nga e, at hindi lang iisa," katwiran n'ya sa akin. Uminom s'ya ng soft drinks at ang chicken joy na kinakain n'ya kanina ay tuluyan ng ibinalik sa box at hindi na binalikan.
"Kung ang sinasabi mo sa akin ay kaya mong gawin lahat ng ginagawa ko, paano ko alam na sa akin ang dinadala mo?" Natahimik s'ya. Siguro ay hindi naisip ang mga consequences ng mga lumabas sa kanyang bibig.
"Sa iyo ang batang ito, bakit lagi mong pinagdududahan?"
"Dahil hindi lang ako ang nakasiping mo simula nang may mangyari sa atin. Tama ba ako?" Bumakas ang galit sa kanyang mukha. "Tama ako, hindi ba? Roselle, kung hindi ka sigurado na ako ang ama ng batang 'yan ay huwag mong ipilit sa akin para lang hindi ka magpalaking mag-isa ng anak mo. Mali 'yon."
"Sa iyo ang batang ito."
Napailing ako. "Hindi ako nakakasigurado hanggang hindi natin naipapa-DNA ang bata."
Binalikan n'ya ako doon. "Payag akong ipa-DNA mo ang bata pero ikaw ang gagastos," nakangisi n'yang sabi sa akin. May halo 'yong panglalait.
"Galingan mo pa at oras na malaman kong niloloko mo lang ako ay hindi ko alam ang magagawa ko sa iyo."
Siguro ay nakaramdam s'ya ng takot kaya napaiyak. Sa pagitan ng paghagulhol n'ya ay sinabing nakipag-date s'ya sa iba pero naniniwala s'yang sa akin ang ipinagbubuntis n'ya. Hindi na n'ya kailangang sabihin sa akin na may nangyari din sa kanila ng ka-date n'ya. Sa kalibre ni Roselle, hindi na ako magtataka.
"Sino ang lalakeng 'yon?"
"Hindi mo s'ya kilala at wala ng point para pag-usapan pa natin ang tungkol dito. Ang focus natin ay ang pagbubuntis ko. Magkakaanak na tayo, Wulf. At ayaw kong manganak na hindi kasal sa iyo. Please, let's get married. Kahit sa huwes lang muna sa ngayon at kapag nakaipon ka na ay pwede naman tayong magpakasal uli."
Hindi ako umimik hanggang sa nagpilit s'yang ihatid ako sa kanto malapit sa eskinita papuntang bahay namin. "Sasabihin ko sa mga magulang ko na gustong makipag-usap ng Mommy mo. Pero Roselle, hindi ko maiipangako sa iyo na magpapakasal tayo. Katulad ng sinabi ko sa iyo noon --- hindi ko tatalikuran ang responsibilidad ko sa bata kung akin talaga s'ya. Hindi natin kailangang magpakasal para roon."