WULFRIC
Hindi n'ya ako inimikan hanggang sa maihatid ko s'ya sa kanila. Nakipagmatigasan s'ya at wala ako sa mood na manuyo. Inubos na n'ya ang pasens'ya ko ngayong araw na ito. Said na said na ako.
Oo nga at buntis s'ya, pero hindi na s'ya paslit para hindi makapag-isip ng tama.
Naghintay ako ng limang minuto para makasakay ng jeep noong makarating ako sa labasan at mula roon ay isa pa uling jeep ang sinakyan ko papunta sa Aplaya.
Amoy ng alak ang unang sumalubong sa akin at kahit pinapa-shot ako ng mga tambay ay nag-pass ako sa kanila. Kilala naman nila ako at si Tatay kaya okay lang. Minsan ay pinagbibigyan ko sila pero ngayong araw na ito ay sobra ang pagod ko at surang sura ako kay Roselle.
Nang makarating ako sa amin ay halos magkapanabay lang kami ni Tatay. Si Nanay ay nasa trabaho at ang kapatid ko ay hindi pa dumarating galing sa school.
"O, kumusta ang lakad n'yo?" tanong ni Tatay sa akin.
"Mano po, ‘Tay. Okay naman po. Muntik na naming hindi makuha ang papeles dahil hindi narinig ni Roselle ang numero. Mabuti at napakiusapan ko 'yong isang staff. Tapos pinagselosan pa n'ya."
"Ganoon talaga ang buntis," natatawang sabi n'ya.
Kung ganitong magbuntis ang isang babae ay una at huling pagbubuntis na ni Roselle ito. Masyado s'yang demanding at selosa. Napakahirap pakibagayan at walang pakundangan sa kasama.
"Pinahirapan ka ba n'ya kanina?"
Nagsalin ng tubig si Tatay sa baso mula sa pitsel. Iniabot n'ya sa akin at saka nagsalin ng isa pa para sa kanya.
Naalala ko noong pinabili n'ya ako ng shake at kinailangan ko pang maglakad ng malayo para makabili.
"Nauhaw po s'ya kanina. Tapos nag-inarte noong sinabi kong 'yong palamig na lang at malapit lang. Shake raw ang gusto.”
"Ibinili mo ba?"
Tumango ako. "Naglakad-takbo na nga ako, ‘Tay. Ang init na tapos sobrang layo pa ng inikutan ko. Tapos pagdating ko ay naligtaan n'ya 'yong numero. Hindi lang po 'yon— pinagselosan pa 'yong staff."
Hindi ko maiwasan na mailing sa nangyari ngayong araw na ito.
Napabuntong hininga ang aking ama. "Pagpasens'yahan mo na lang. Buntis kasi. Masyadong emosyonal. Patibayin mo pa ang dibdib mo at nag-uumpisa pa lang kayo. Marami pa kayong pagdaraanan. S'ya nga pala, may tugtog ka ba mamaya?"
"Naghihintay lang po ako ng text ni Ryan. May bagong bar daw po Riyan malapit sa may Lawas at gusto kaming patugtugin. Sayang din po, iyon. Arimuhan na."
"Tama ka, sayang 'yon. Pero may klase ka bukas at baka hindi mo kayanin ang antok."
"Kaya ko po ‘Tay. Huwag kayong mag-aalala. Iidlip po muna ako."
Kahit mainit sa bahay namin ay nakatulog din ako sa pagod. Naghahain na si Nanay nang magising ako at tinutulungan s'ya ni Yasmin.
"Kuya, gising ka na. Kakain na tayo. Nagluto si Nanay ng adobo. May nilabon na itlog," sabi n'ya sa akin. Paborito namin 'yon ng kapatid ko.
Mumukat mukat akong bumangon at lumapit sa kanila. "Ang sarap nito, ‘Nay."
"S'yempre. Para sa mga anak ko 'yan. Binigyan kasi ako ng tip sa tahian noong isang customer. Nagustuhan n'ya 'yong gawa ko. Aba galante! Binigyan ako ng dalawang daan kaya ibinili ko ng porkchop.”
"Ang galing talaga ni Nanay. Magpapatahi raw ba s'ya uli?" tanong ni Yasmin sa kanya.
"Oo. Nagpatahi pa ng dalawang bestida. Sabi n'ya ay may tip s'ya uli para sa akin. Anong gusto n'yong lutuin ko sa sunod?"
"Giniling!" sagot kaagad ni Yasmin.
"Ikaw, Wulf? Anong gusto mo?" tanong sa akin ni Nanay.
Nagcheck ako ng cellphone ko dahil may nagmessage. Si Ryan, sinabi n'ya na bukas daw ang tugtugan sa bar dahil walang maarkila na gamit ang may-ari. Bigla akong natawa sa hitsura ng telepono ko dahil ngayon ko napansin na batbat na 'yon ng tape. Ilang beses na itong nalaglag sa semento pero buhay pa rin. Pero ayos lang, basta nakakatawag at nakakatext ay pwede pa rin.
"Sinigang na bangus, ‘Nay. Miss ko na 'yon.”
Madalas ay pritong galunggong ang ulam namin at saka ginisang kalabasa.
Simple lang ang buhay namin at walang reklamo. Basta nakakain kami ng tatlong beses isang araw at walang nagkakasakit ay okay lang. Hindi kami sanay magmeryenda dahil pangdagdag na 'yon sa gastusin kinabukasan. Kaya nag-aalala ako sa magiging buhay namin ni Roselle. Hindi ito ang nakasanayan n'ya.
Masaya kaming kumain ngayong gabi at kasalukuyan akong nagliligpit ng pinagkainan namin nang magring ang cellphone ko. Noong sulyapan ko 'yon ay nakita ko ang pangalan ni Roselle. Nagdalawang isip ako kung sasagutin ko ba o hahayaan na lang na magring. Alas otso na ngayon at gusto ko sanang matulog ng maaga. Bukas na lang ako magbabasa ng notes sa school.
Sa huli ay tinalo ako ng pag-aalala sa kanya. Buntis s'ya at baka kailangan n'ya ng tulong ko.
"Hello.”
"Ayaw mo na bang magpakasal?"
Humihikbi s'ya. Napanganga ako. Ano na namang drama 'to?
"Ano?"
"Basta mo na lang ako iniwan kanina sa bahay. Ayaw mo akong kausapin," sabi n'ya sa akin.
Pakiramdam ko ay bumalik ang sakit ng ulo ko kanina sa ginagawa n'ya ngayon.
"Nauna kang pumasok sa bahay n'yo at iniwan mo ako sa kotse. Noong makapasok ako sa loob ay wala ka sa sala at ayaw kong pumasok sa silid mo."
"Nakatulog ka na nga ng ilang beses sa amin. Anong diprens'ya kung pumasok ka?" inis n'yang tanong sa akin.
"Una, naroon ang ina at kapatid mo. Hindi magandang tingnan. Pangalawa, ayaw kong makipag-away sa 'yo."
Hustong pasok ni Nanay at kaagad na kumunot ang noo n'ya kaya lumabas ako ng bahay.
"Hindi naman ako nakikipag-away sa 'yo. Ikaw lang itong masyadong ma-pride at pati pagbili ko ng damit ay pinakikialalaman mo."
"Pinakikialaman ko? Roselle, wala tayong ipon. Ikakasal tayo at ilang buwan mula ngayon ay manganganak ka. Kung may pera kang tatlong libo para sa damit, pwede mo na sanang isubi 'yon para pambili ng gamit ng baby. Pwede ka namang bumili ng damit na hindi gan'yan kamahal. Isang oras mo lang susuotin sa kasal 'yon."
Kapag hindi n'ya naintindihan ang sinasabi ko ay hindi ko na alam kung paano pa ipaliliwanag. Hindi pinupulot ang pera, at pareho kaming estudyante sa ngayon.
"Minsan lang akong ikakasal, gusto kong maganda ang suot ko," giit n'ya.
Wala na akong paghikbi na naririnig mula sa kanya.
"Kung mas mahalaga sa iyo ang isusuot mo kaysa sa maka-ipon tayo para sa panganganak mo, bahala ka. Hindi ko kayang i-sustain ang mga nakasanayan mo. Ang priority ko ngayon ay ang anak natin. Iyon naman talaga dapat ang inuuna ng magulang— hindi ang sarili."