Chapter 13

1054 Words
WULFRIC Bakas ang kasiyahan sa mukha n'ya at hindi ko mawari kung paano ko sasabihin sa kanya na wala akong pera para bilhin ‘yon. May ilang customers dito sa boutique at mukhang galing din sila sa mayamang pamilya. Huwag naman sanang dito mag-inarte si Roselle kapag hindi nabili ang gusto. "Huy! Bakit gan'yan ang mukha mo? Ayaw mo ba nito? Pangit ba?" Umiling ako. "Hindi. Bagay nga sa 'yo ang damit pero wala na bang iba na hindi gan'yan kamahal? Marami na tayong mabibili na gamit ng baby sa tatlong libo." "Pero gusto ko 'to. May pambili naman ako.” Panay ang sipat n'ya sa damit at kulang na lang ay suotin na ngayon. "Roselle." Mariin ang pagbigkas ko sa pangalan n'ya pero sumiring lang sa akin at nagdiretso sa counter para magbayad. Bumilang ako hanggang sampu sa isip ko at lumabas ng boutique. Doon ko na s'ya hihintayin sa may pintuan. Iniisip ko pa lang ang magiging buhay namin kapag mag-asawa na kami ay hindi na yata ako aabot sa panganganak niya dahil mamamatay na ako sa kunsomisyon. Doon na nga s'ya titira sa kanila dahil wala kaming pang-upa sa apartment. Doon din s'ya kukuha ng panggastos sa kanila bukod sa kung anong makayanan kong i-ambag sa kanilang mag-ina. Hindi madali ang lahat ng ito para sa akin pero pilit kong kinakaya dahil magiging ama na ako. At malapit na rin kaming ikasal. Magiging asawa ko na s'ya. "Tara na," aya n'ya sa akin. Bitbit n'ya ang paperbag na naglalaman ng lilibuhin n'yang damit pangkasal. Hindi ko maintindihan kung anong tumatakbo sa isip n'ya. Akala ba n'ya ay madaling kumita ng pera? Ni hindi nga yata s'ya nakaranas maghugas ng plato sa bahay nila dahil palaging may gumagawa para sa kanya. Kung anong maisipan ay binibili. Paano kung may gustong gusto s'yang bilhin at ang natitirang pera ay pambili na lang ng gatas o diaper? Mauuna pa ba n'yang bilhin ang gusto n'ya? Sumasakit ang batok ko sa kanya. Walang imik akong sumunod sa kanya. Dumaan din s'ya sa tindahan ng sapatos at pumili ng napakataas na takong. "Hindi ka na dapat magsuot ng gan'yan. Baka mapaano kayo ni baby," paalala ko sa kanya. Nasa three inches yata ang takong ng pinili niya. "Gusto ko 'to. Bagay ito sa damit ko.” S’ya rin ang nagbayad ng sapatos. Cash lahat. Wala kaming pera para sa reception, pero heto s'ya at gumagastos sa damit at sapatos na pwedeng magpakain ng sampung katao sa isang disenteng restaurant. Sa wakas ay napagod din s'ya at nagbalik kami sa sasakyan. Nabili n'ya ang mga gusto n'ya— hindi ang mga kailangan n'ya. At hindi sa naghahanap ako, pero kahit isang beses kanina ay hindi n'ya ako tinanong kung may isusuot na ba ako. Hindi ko rin naman s'ya papayagan na bilhan ako ng kahit ano. Baka mamaya ay bauyin pa niya o ng kanyang ina kapag nagalit. Sa estilo ng pamilya nila noong una kaming nagpunta nina Nanay ay hindi malayong mangyari iyon sa hinaharap lalo na kapag kapos na kapos na kami. Inilagay n'ya sa backseat ang dalawang paperbag at saka naupo sa unahan. Masaya s'ya at walang pakialam sa paligid n'ya. Wala rin akong ganang magsalita kaya tahimik akong nagdrive pauwi sa kanila. "Galit ka ba?" "May dapat ba akong ikatuwa?" sagot ko sa kanya. May kalakip na angil ang tinig ko dahil sa inasal n'ya. Tama ako nang sabihin kong hindi lang s'ya basta maniningin doon. "Nagagalit ka na bumili ako ng damit at sapatos para sa kasal natin? Pera ko naman 'yon ah. Hindi ko hiningi sa 'yo.” Nakita ko sa gilid ng aking mga mata kung paano s'ya ngumuso at pinagsalikop ang kanyang mga braso. Halatang galit na. "Wala akong sinabi na pera ko 'yon. Ang sa akin lang—" "Bakit ba palagi na lang big deal sa iyo kung bumili ako? Hindi naman ako humihingi sa iyo. Magalit ka kung binibigyan mo ako ng pera at ibinibili ko ng mga walang kwentang bagay. Ang hirap sa 'yo, dahil wala kang pera at wala kang pambili ay gusto mong pati ako ay gumaya sa 'yo. Nasaan ang hustisya roon? Kasalanan ko ba kung may pera sina Mommy??" May kalakip na panglalait ang mga katagang binibigkas n'ya. Gusto kong sabihin na hindi naman magkakaroon ng pera ang kanyang ina kung hindi nag-asawa ng isang seaman. Kung magsalita s'ya ay para bang nuknukan sila ng yaman at hindi kailanman maghihirap. "Ayaw kong makipagtalo sa iyo. Tumigil ka na.” "D'yan ka naman magaling. Kapag nasusukol ka at natapakan ang pride mo ay ayaw mong makipag-usap. Tapos ako pa ang masama. Ang galing mo rin." Napamura ako sa aking isip. Ito ba ang magiging buhay ko araw-araw sa piling n'ya? Hindi ko na s'ya pinatulan at kung ano man ang sabihin n'ya ay pasok sa isa kong tainga, at labas sa kaliwa. Mapapagod din s'ya sa kasasalita mag-isa. "Ano ba? Bingi ka ba? Baka naman iniisip mo 'yong isang babae mo? S'ya ba ang gusto mong pakasalan? Si Miriam ba?" Kung paano napasok si Miriam sa usapan ay hindi ko alam. Kaklase ko s'ya ngayong semestre at minsan ay nakasama ko sa isang group project. Bukod doon ay wala kaming naging relasyon. "Bakit hindi ka makasagot? Gusto mo s'ya? Sagot!" hiyaw n'ya sa akin. Natatakot ako na may mangyaring masama sa anak ko dahil namumula na s'ya sa galit sa akin. "Huminahon ka nga. Huwag mong pagselosan ang isang taong walang ginagawang masama sa iyo. Wala kaming relasyon at kahit kailan ay hindi nagging kami. Tigilan mo na ang pag-iisip ng kung ano-ano.” Magbibintang na lang ay mali pa. "Nakita ko kayo sa library na magkatabi at magkalapat ang ulo. Anong gusto mong isipin ko?" angil n'ya sa akin. Magkalapat ang ulo?? Iyon 'yong araw na nagmamadali kami sa pag-gawa ng project at nagkauntugan. Anong akala n'ya? Naghahalikan kami?? "Nagkauntugan kami.” "Bulag lang? Hindi mo s'ya nakita e ang laki-laki ng ulo ng babaeng 'yon?! Wulfric, sinasabi ko sa iyo. Kapag niloko mo ako, hindi ako mangingiming gumanti." Para s'yang sumisingasing na toro at mistulang baliw sa mga pinagsasasabi. "Bahala ka na kung anong gusto mo. Ayaw mong makinig, kaya paniwalaan mo na lang ang gusto mo." Iyon ang huli kong sinabi sa kanya hanggang makarating kami sa bahay nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD