Chapter 6

1119 Words
WULFRIC Hindi madali ang mga sumunod na araw para sa akin at sa aking pamilya. Ang dating masaya naming tahanan ay napuno ng katahimikan. Tense ang lahat at pakiramdam ko ay balat ng itlog ang niyayakapan ko na kay daling magkaroon ng lamat. Alam ko ang pagkakamali ko pero ang tanong ay kung para sa akin ba talaga ang pagkakamali na 'yon. Hanggang ngayon ay gulong gulo ang isip ko. Kasalukuyan akong nasa unibersidad nagtuturo ang prof pero wala akong maintindihan sa sinasabi n'ya. Kailangan kong puspusan na magreview kung gusto kong makapasa at makagraduate kasabay ng mga kaklase ko. "Pre, ayos ka lang? Parang wala ka sa sarili mo ngayon," komento ni Ryan. "Madami lang akong iniisip. Wala ito." "Ipa-xerox mo na lang itong notes ko at para may mareview ka mamaya." Tumango ako sa kanya at nagpasalamat. Kahit hindi scholar si Ryan ay may itinatago rin s'yang galing sa klase at hindi madamot magbahagi ng kaalaman n'ya. Hindi katulad ng iba kong mga kaklase na akala mo ay palaging nasa contest at gusto ay sila lagi ang makakuha ng perfect score. Magkasabay kaming lumabas ng klase ni Ryan nang makatanggap ako ng text message mula kay Roselle. [Sa Sabado, gusto daw makausap ni Mommy ang parents mo.] Ang totoo ay ayaw ni Nanay na makasal ako. Tutol na tutol s'ya sa gustong mangyari ni Roselle dahil pakawala daw itong babae at wala s'yang tiwala dito. Kilala ko ang aking ina at hindi n'ya ugali ang pagiging judgmental pero ewan ko ba kung bakit ganoon na lang ang disgusto n'ya kay Roselle. Gusto kong isipin na dahil hadlang si Roselle sa katuparan ng mga pangarap ko kaya ayaw ni Nanay sa kanya. Pero ang katwiran ni Nanay ay walang matinong babae ang makikipagsiping na lang sa isang lalake na kotse sa unang pagkikita at magsisinungaling na naka-pills kahit hindi naman. At isa pang binanggit n'ya ay wala ng ligawan na naganap pero kung makapagdemand ng kasal ay daig pa ang dalawang taong matagal ng magkarelasyon. Pero kahit sa akin ay masama ang loob ng aking ina. Ramdam ko ang disappointment n'ya sa akin. Bakit nga naman ay ako ang palagi n'yang sinasabi na mag-set ng example sa kapatid ko pero heto at ako pa ang mag-aasawa sa batang edad at hindi pa nakakatapos ng kolehiyo. "Si Roselle 'yan ano? Balita na sa campus na buntis s'ya. Alam mo ba?" tanong ni Ryan sa akin. "Ha?" "Oo. Alam mo naman ang mga estudyante dito, laging kadaldalan ang mga estudyante d'yan sa tapat. Nahalata din nila na sakal ang dibdib at medyo tumaba kaya ang usap-usapan ay buntis. Totoo ba? Hindi naman siguro sa 'yo iyon at noong minsan ay nakita ko s'yang may kasamang ibang lalake." "Ha?" Tumigil sa paglalakad si Ryan. "Kanina ka pa ha ng ha d'yan. May sakit ka ba at tuluyan ng nabingi 'yang taenga mo?" biro n'ya sa akin. Halika doon sa may bilyaran at maglomi tayo. Libre ko na tutal ay isang oras pa naman bago ang sunod nating klase." Kahit mainit ang panahon ay naglakad kami papunta sa bilyaran sa kanto. Kilala na kami doon at nang lumapit si Temyong ay alam na n'ya ng order namin. Hindi kami naghintay ng matagal at dumating rin ang order. Habang gumagawa ako ng sawsawan ay nagsalita si Ryan. "Hindi na ako babanggit ng pangalan pero alam mo na kung sino ang pag-uusapan natin. Hindi ba at ilang linggo din 'yon hindi nagpakita sa bar. Alam ko naman na wala kayong pormal na usapan kaya nang makita ko s'ya noong minsan na may kasamang iba ay okay lang sa iyo," kwento n'ya sa akin. "Sinong kasama n'ya?" "Hindi ko kilala 'yong isang lalake pero 'yong isa, parang si Erik." "Erik?" "Hindi ko sure, pero parang kamukha n'ya. Pwede rin na si Nelson." Napakamot s'ya sa ulo n'ya. "Magkamukha kasi 'yong magkapatid kaya hindi ko matukoy kung sino at hindi naman malapitan." "Hindi naman siguro ako tataluhin ni Erik. At kahit pa wala kaming pormal na usapan ni Roselle ay off limits naman sa atin ang i-date ang babae na may hawak na." Nagkibit-balikat si Ryan. At dahil s'ya lang ang mapaghihingahan ko ng problema ay sinabi ko na sa kanya ang gustong mangyari ni Roselle. "Ano? Gusto n'yang pakasalan mo s'ya? Sa iyo ba 'yong bata?" tanong n'ya sa akin. Muntik na n'yang maibuga ang lomi. Kinuha n'ya ang baso at uminom. Sa pagitan ng harurot ng tambutso ng tricycle at jeep pati na ang ingay ng mga naglalaro ng bilyar, kasama na ang kalampagan ng kaldero at plato ay hindi ko matanto kung paano kami nagkakarinigan ni Ryan. "Hindi ko alam kung akin ang batang 'yon at ayaw ko s'yang pakasalan. Ni sa panaginip ko ay hindi ko naisip na s'ya ang magdadala ng apelyido ko. At wala akong pakialam kahit pa sabihin nilang mahirap lang kami at nakatira sa Aplaya." "Paano ngayon 'yan? E nagdedemand nga ng kasal. Doon naman sa bata, pwede mo namang ipa-DNA 'yon kapag nailabas na. Ano kaya kung sabihin mo sa kanya na pagkapanganak na lang n'ya kayo magpakasal?" "Ano namang ipapangpa-DNA ko e wala akong pera?" Napangiwi si Ryan. "Magkano ba 'yon at ipangutang na lang natin." "Kinse mil yata pero hindi ako sigurado. May nabasa ako na twenty thousand ang iba o higit pa. Panggastos nga sa bahay ay hindi ko na alam kung saan kukuha, pang-DNA pa." "Magtago ka na lang kaya. Takbuhan mo na." Ang suhest'yon n'ya ay parang 'yong sa mga pelikula na tinatakasan ang nabuntis at nagpupunta sa ibang probins'ya tapos doon na makakapag-asawa ng iba. Dapat ay scriptwriting ang kinuha nitong si Ryan at hindi Business Management. "Saan naman ako pupunta?" tanong ko sa kanya. Ang mga kamag-anak namin ay mga wala rin pera at sa totoo lang ay hindi ko naman sila masyadong kilala." "E mas mahirap naman kasi 'yong makasal sa isang babaeng hindi mo gusto, tapos hindi mo pa sigurado kung sa iyo 'yong bata. Kung bakit naman kasi hindi ka nagcondom. Ang dami-dami ko sa wallet, hindi ka pa kumuha ng marami. Sa bag ko nga ay isang box," natatawang sabi n'ya. May punto si Ryan pero iyon nga ang pagkakamali ko. Naniwala ako kay Roselle at hindi ko prinotektahan ang sarili ko. Aral ito sa akin at kahit huli na ay hindi na ako papayag na maulit uli ito. May kailangan lang akong linawin kay Roselle sa mga sinabi ni Ryan ngayon sa akin. Sino ang lalakeng kasama n'ya noong mga araw na hindi s'ya nagpapakita sa akin? [Magkita tayo sa gate ng school mamaya. Alas singko.] Imbes na replyan ko ang paanyaya n'ya sa Sabado ay inaya ko s'yang mag-usap ngayong hapon at magtutuos kami.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD