#TheOtherTwinsRevenge
CHAPTER 7
THIRD PERSON’S POINT OF VIEW...
“Halos isang oras na tayo nandito pero hanggang ngayon ay wala pa sila.” Sabi ni Ricardo, ang ama nila j**s at Jass. Ang haligi ng pamilya Alcantara.
“Paano kaya Pa kung umuwi na tayo... Mukha namang hindi na sila darating.” Sabi naman ni j**s. Hindi talaga siya sang-ayon sa mga nangyayari ngayon.
“Maghintay pa tayo ng konti... Baka na-traffic lang sila sa daan kaya nahuli sila ngayon.” Sabi naman ni Ina Alcantara, ang kanilang butihing ina.
Bakas naman ang lungkot sa mukha ni Jass na nakaupo sa isang upuan. Pumayag na nga siya sa gustong mangyari ng mga magulang niya at ng mga Del Mundo ngunit mukhang mauunsyami pa.
Nasa isang fine dining restaurant na ngayon ang pamilya Alcantara at nakapwesto sa bandang dulo. Dito napagpasyahan ng dalawang pamilya na magkita para magkakilala na ang dalawang ikakasal at mapag-usapan na rin ang kasal.
Halatang pang-mayaman ang nasabing resto dahil na rin sa ganda at pang-mayamang ambiance nito. Halata rin naman sa mga taong pumapasok at kumakain dito na pang sosyal nga ang resto.
“Maghintay pa tayo ng 30 minutes... Kapag wala pa sila, umalis na tayo... Ang ayoko sa lahat ay pinaghihintay tayo.” Sabi ni Ricardo. Mainipin talaga ito noon pa man, ito ang ugaling minana rin ni j**s sa kanyang ama.
Naghintay pa nga ang pamilya sa pagdating ng mga Del Mundo.
Samantala...
“Hindi pa ba tayo papasok sa loob? Sa tingin ko ay kanina pa sila naghihintay doon.” Sabi ni Craig kay Juan Miguel. Nasa loob sila ngayon ng kotse nila na kanina pa nakaparada sa parking lot ng resto. Oo, kanina pa sila nandito pero hindi sila kaagad pumasok.
Napatingin si Juan Miguel sa papa niya. Napangisi ito.
“Hayaan niyo silang maghintay pa... Dapat lang iyon sa kanila tutal, sila ang may kailangan sa atin di ba?” sabi nito.
“Pero baka umalis na sila kapag nagpa-late pa tayo ng todo.” Sabi ni Craig.
“Hindi ‘yan aalis.” Sabi niya. Si Juan Miguel ang nag-drive ng kotse kaya ito ang nasa driver’s seat at si Craig ang nakaupo sa passenger seat. Isa sa mga natutunan nito ang mag-drive na sobrang inenjoy niya dahil na rin sa ang dami nilang sasakyan.
Napabuntong-hininga na lamang si Craig sa sinabi ng anak-anakan.
Namayani ang katahimikan sa pagitan ng dalawa.
Hanggang sa...
“Mauna na kayo Pa pumasok sa loob ng resto... Susunod ako.” Sabi ni Juan Miguel.
“Bakit hindi pa tayo magsabay?” tanong ni Craig.
Napangisi si Juan Miguel. Sa pagngisi niyang iyon, naintindihan ni Craig, may plano ito.
“Oh sige... Basta sumunod ka kaagad a.” Sabi nito. Napatango naman si Juan Miguel.
Bumaba na ng sasakyan si Craig at naglakad na papasok ng resto. Naiwan si Juan Miguel sa loob.
“I’m sorry we’re late.” Ang sabi ni Craig. Nakapasok na siya sa resto at kaagad na nilapitan ang pamilya Alcantara.
“Sa wakas naman at dumating na kayo.” Sabi ni Ricardo.
“Heavy traffic kasi kaya pasensya na kung nahuli kami.” Sabi nito.
“Oo nga pala... Nasaan ang anak mo?” tanong ni Ricardo.
“A... May inayos lang sandali sa sasakyan pero susunod na rin siya agad.” Sagot ni Craig.
Nakatingin naman sila j**s, Jass at Ina kay Craig.
“Siya pala ang pakakasalan ng anak ko... Kay gandang bata.” Sabi ni Craig na nakatingin ngayon kay Jass na nakaramdam naman ng hiya sa sinabi niya.
“Siyempre... Mana sa amin ni Ina.” Pagmamayabang ni Ricardo. Hindi naman iyon maikakaila dahil magandang lalaki si Ricardo at maganda si Ina na mas pinagmanahan ni Jass pagdating sa kagandahan.
“Oo nga pala... Umorder na ba kayo ng mga pagkain?” tanong ni Craig.
“Oo kanina pa... Hindi ko pa lang pinapa-serve kasi hinihintay rin namin kayo.” Sabi ni Ricardo.
Naupo na si Craig sa isang bakanteng upuan. Nakaupo na rin kasi ang pamilya. Sa tabi niya, may bakante pang upuan kung saan doon uupo si Juan Miguel.
“Ipa-serve mo na ang mga pagkain para makakain na muna tayo bago mag-usap sa mga dapat pag-usapan.” Sabi ni Craig.
Napatango naman sila Ricardo kaya tumawag na ito ng waiter at pina-serve ang mga inorder nilang pagkain.
Habang naghihintay sa pagkain, nag-usap usap muna sila tungkol sa mga bagay-bagay pero naputol rin kaagad iyon dahil dumating na si Juan Miguel.
“I’m sorry for being late.” Sabi nito ng makalapit.
Nanlalaki ang mga mata ni Jass na nakatingin kay Juan Miguel. Hindi niya inaasahan na muli itong makikita ngayon pagkalipas ng maraming tao at mas lalong hindi niya akalain na... ito ang pakakasalan niya.
Kahit si j**s ay nanlalaki ang mga mata na nakatingin kay Juan Miguel. Hindi niya ito inaasahan at akalain at mukhang magkakaroon ng isang malaking gulo.
Tumayo si Craig.
“Anak...” sabi nito. “Ladies and gentlemen... Meet my son, John Miguel Del Mundo.” Pagpapakilala nito kay Juan Miguel. Hindi ang totoong pangalan nito ang gamit dahil kasama sa pagpapanggap niya ang maging kakambal niya.
Napangiti naman si Juan Miguel.
“Ikinagagalak kong makilala kayong lahat.” Sabi nito. Napatingin ito kay Jass. “Hi... my future wife.” Sabi nito na mas lalong napangiti. Nanlalaki pa rin ang mga mata ni Jass na nakatingin kay Juan Miguel. Napansin nila iyon.
“Anak... Gulat na gulat ka yata... Kilala mo ba siya?” tanong ni Ina na napansin ang kakaibang reaksyon ng anak.
Napatingin si Jass sa kanyang ina. Tipid itong napangiti.
“Actually... Ilang taon na ang nakakalipas... nagkatagpo na ang mga landas namin... siya ang tumulong sa akin nung mga panahong nangangailangan ako ng tulong.” Pag-amin ni Jass.
Napangiti naman sila Ricardo at Ina. Si j**s, umayos ng upo at inayos ang reaksyon. Kailangang hindi nila malaman na kilala niya ang lalaking pakakasalan ng kapatid.
“Wow! What a coincidence... Akalain mo nga naman at ngayon ay magiging mag-asawa na kayo.” Sabi ni Ina. “By the way John... Pormal kong ipinapakilala sayo ang future wife mo, si Jasmine Alcantara.” Sabi pa nito. Napangiti si Juan Miguel.
Napatingin naman si Craig kay Juan Miguel. Makahulugan. Napatango lamang ang huli. Sa totoo lang, nagulat si Juan Miguel nang malaman niya na kapatid ito ni j**s. Talaga kasing inalam nito ang lahat simula sa pamilya nito hanggang sa mga dapat pang malaman. Ayaw man niya pero masasama ang inosenteng si Jass sa mga plano niya.
Napatingin si Juan Miguel sa pamilya ni Jass at j**s. Napangiti ito.
“Siguro ho itinadhana kami.” Sagot nito. Nagkatawanan naman sila.
“O siya... umupo ka na muna at pamaya-maya ay ihahanda na ang pagkain. Kumain na muna tayo bago pag-usapan ang kasal at ang mga dapat gawin.” Sabi ni Ricardo.
Naupo na nga si Juan Miguel sa tabi ni Craig. Habang hinihintay ang pagkain ay nagkwentuhan sila. Tahimik lamang si j**s na panaka-nakang napapatingin kay Juan Miguel at napapakuyom ang magkabilang kamao na nakatago sa ilalim ng mesa. Napapatingin rin sa kanya si Juan Miguel at napapangisi ito.
Ilang sandali lamang ay dumating na ang mga pagkain. Pinagsaluhan nila iyon.
Sa kanan ni Juan Miguel nakaupo si Craig at sa kaliwa naman niya si Jass kaya malaya rin sila nakakapag-usap.
“Nice to see you again... John Miguel.” Bulong ni Jass kay Juan Miguel. Sa totoo lang, kung dati ay may pag-ayaw siya sa pagpapakasal, ngayon, gustong-gusto na niya dahil si John Miguel naman ang pakakasalan niya, ang lalaking matagal na niyang pinananabikang makita... ang lalaking kahit na hindi niya lubusang kilala at hindi nakita ng ilang taon, minahal niya. Ewan ba niya kung bakit ganun basta ang alam lang niya, sa araw-araw ay iniisip niya ito at hindi niya namalayan na nahulog na ang loob niya at minahal na niya ito.
Napangiti naman si Juan Miguel.
“Mas lalo kang gumanda kumpara nung una at huli kitang makita.” Bulong na sabi nito. Kailangan niyang bolahin ito para mas lalong mahulog sa kanya.
Kinilig naman si Jass sa sinabi ni Juan Miguel.
“Ikaw rin naman... mas lalo kang gumwapo.” Nahihiyang sabi ni Jass. Kinikilig pa rin kasi siya.
“Kailangan e.” Makahulugang wika nito.
Nakatingin naman sa kanila si j**s, walang ekspresyon ang mukha. Nasa tapat kasi nila ito kaya malayang-malaya na makita sila at sa totoo lang, nandidiri siya sa ginagawa ng dalawa pero aminado siyang humanga sa laki ng pagbabago sa itsura ni John Miguel, gwapo na ito noon pero mas ngayon. Napailing tuloy siya, bakit niya ba pinupuri ang itsura nito? Napa-Tsk! tuloy siya.
‘Sige lang... tingnan mo lang kami... Kailangan mong makita kung paano mahulog ng todo ang kapatid mo sa akin at sa huli... lumuhod siya ng todo sa sakit ng dahil rin sa akin.’ Sabi ni Juan Miguel sa isipan. Hindi siya nakatingin kay j**s pero sa sulok ng mga mata niya, nakikita niyang nakatingin ito.
Nagpatuloy lang sila sa pag-uusap hanggang sa matapos silang kumain.
“O ngayon... Kailangan na nating pag-usapan ang kasal.” Sabi ni Ricardo.
Sumang-ayon naman ang lahat liban kay j**s na kanina pa tahimik at walang say.
Pinag-usapan kung kailan, saan, anong motif at kung ano-ano pa na may kinalaman sa kasal.
“Excuse me... punta lang ako ng restroom.” Sabi ni j**s. Napatango na lamang ang lahat sa sinabi niya at pinagpatuloy ang usapan.
Umalis si j**s at pumunta sa cr. Nakasunod naman ang tingin sa kanya ni Juan Miguel na napapangisi. Nakatingin naman si Craig sa kanya na lihim na napapailing.
“Ahm... Excuse me... Pupunta lang ako ng restroom, medyo sumama kasi ang tiyan ko at mukhang kailangan kong magbawas.” Kunwari ay nahihiyang sabi ni Juan Miguel.
“Ok ka lang ba?” tanong ni Jass. Napatango naman si Juan Miguel.
“Sure go ahead... Bumalik ka lang agad para hindi mo ma-miss ang iba pang detalye tungkol sa kasal ninyo ni Jass.” Sabi ni Ricardo.
Napatango naman si Juan Miguel. Napatingin ito sa Papa niya.
“Punta lang ako sa restroom.” Sabi nito. Napatango na lamang si Craig.
Tumayo na si Juan Miguel at nagpunta na sa restroom.
Sa pagpasok niya, naabutan niya si j**s na naghuhugas ng kamay sa lababo. Napangisi siya. Pumunta siya sa kabilang sink at kunwari ay doon siya naghugas ng kamay pero ang totoo, tinabihan niya ito.
Napatingin sa kanya si j**s, masamang tingin.
“Anong pinaplano mo?” tanong nito. May himig ng galit ang boses.
“Plano? Hindi mo ba narinig kanina ang usapan? Plano kong pakasalan ang kapatid mo...”
“Huwag mong idamay ang kapatid ko sa mga kagaguhang plano mo.” Sabi kaagad ni j**s na hinarap na si Juan Miguel. Hinarap na rin siya ng huli.
“Hindi ko siya idinadamay... pakakasalan ko ang kapatid mo para mailigtas ang naghihingalo niyong kumpanya... kung tutuusin, dapat pinakikitunguhan mo ako ng maayos ngayon hindi ‘yung ganito, inaakusahan mo ako sa mga bagay na hindi ko naman ginagawa.” Sabi ni Juan Miguel.
“Talaga ba? ‘Yun ba talaga ang dahilan mo o baka gusto mo lang akong gantihan sa pamamagitan ng kapatid ko dahil hanggang ngayon... hindi ka pa rin maka-move on sa akin... Hoy! Gumising ka nga, 3 years na ang nakalipas pero hanggang ngayon, nananatili ka pa rin sa nakaraan...”
“Baka ikaw ang nananatili sa nakaraan kaya mo ‘yan nabanggit.” Sabi kaagad ni Juan Miguel. “Pakakasalan ko ang kapatid mo hindi dahil sayo kundi dahil sa negosyo... Huwag ka ngang asyumero saka isa pa, matagal na akong naka-move on sayo.” Sabi pa nito. “O baka naman ikaw talaga ang hindi pa nakakamove on at ngayon ay nagseselos ka dahil magiging asawa na ako ng kapatid mo.” Sabi niya pa. Dahan-dahang lumapit kay j**s na napapaatras naman sa ginagawa niya.
“Sabihin mo lang sa akin kung ayaw mong pakasalan ko ang kapatid mo para maging tayo ulit... gagawin ko, gusto kitang pagbigyan.” Sabi ni Juan Miguel na patuloy sa paglapit kay j**s. “Ayoko kasi na nakikita kang nasasaktan.” Sabi pa nito.
Naramdaman na lamang ni j**s na wala na siyang aatrasan dahil napasandal na ang likod niya sa pader na gawa sa tiles. Napangisi naman si Juan Miguel. Mas lalong itong lumapit at nilapat pa sa pader, sa magkabilang gilid ni j**s ang magkabilang kamay nito at nakulong ang huli sa mga braso niya.
“T-Tigilan mo na ako... tigilan mo ang pamilya ko.” Nautal na sabi ni j**s. Sa totoo lang, kinakabahan siya sa ginagawa ngayon ni John Miguel.
Napangisi naman si Juan Miguel.
“Paano kung hindi ako tumigil? Ipapaalam mo ba sa kanila ang lahat? Kaya mo ba?” bulong na tanong nito. Magkalapit na ang kanilang mga mukha kaya nagkakadikit na ang tungki ng matatangos nilang ilong at naamoy ang mabangong hininga. “Kunsabagay, wala ka naman pala nang itatago dahil alam ng lahat kung ano ka... liban na lang kung gusto mo ring ipaalam sa kanila na isa ako sa mga taong ginago mo noon... maaatim mo bang malaman nila iyon? Lalo na ng kapatid mo na mukhang patay na patay sa akin? Tiyak na masasaktan siya kapag nalaman niyang ang kapatid niya at ang mapapangasawa niya... naging magkasintahan noon.” Sabi pa nito saka ngumisi. Nag-eenjoy siya sa pang-aasar dito.
Hindi nakapagsalita si j**s. Kabadong-kabado siya at ngayon lamang niya naramdaman ito sa buong buhay niya.
“Kaya kung ako sayo... Huwag ka nang tumutol pa sa mga mangyayari dahil ikaw lang din ang mahihirapan at ang buong pamilya mo... Kailangan niyo kaming mga Del Mundo, Alcantara.” Sabi pa ni Juan Miguel.
Kinagat niya ang tenga ni j**s. May diin iyon pero hindi nasaktan ang huli bagkus, nasarapan ito.
Si Juan Miguel naman ay nakaramdam ng pandidiri sa inaakto niya. Alam niya sa sariling panlalandi na ang ginagawa niyang ito kay j**s at sa totoo lang, nandidiri siya dahil hindi naman ito gawain ng tunay na lalaki pero kailangan niyang gawin. Don’t get him wrong, nandidiri siya sa inaakto niya, lalo na sa lalaking nilalandi niya at hindi sa mga taong nasa Ikatlong kasarian na gumagawa rin nito kabilang na roon ang kakambal niya.
“L-Lumayo ka na sa akin... Baka kung ano pang magawa ko sayo.” Sabi ni j**s.
“Bakit? Ano bang gusto mong gawin sa akin? Gawin mo, papayag naman ako e.” Mapanuksong sabi ni Juan Miguel.
Buong lakas na tinulak ni j**s si Juan Miguel kaya napalayo ang huli sa kanya.
“Umayos ka John Miguel... Kapag hindi ako nakapagtimpi... Hindi mo magugustuhan kung anong pwede kong gawin sayo.” Sabi ni j**s.
Napangisi na lamang si Juan Miguel.
Sinamaan pa siya nang tingin ni j**s bago naunang lumabas ng banyo.
Naiwan si Juan Miguel na tumingin muna sa salamin at inayos ang sarili bago tuluyang lumabas na rin ng banyo at bumalik.
#TheOtherTwinsRevenge
CHAPTER 8
JUAN MIGUEL SEVERINO’S POINT OF VIEW...
Nakatayo ako malapit sa malaking bintana, humihithit ng sigarilyo. Nasa library kami ngayon at kasama ko si Papa na nakatingin lamang sa akin.
Napatingin ako sa kanya.
“Gusto mo Pa?” tanong ko sa kanya. Inaaya ko siya manigarilyo.
Napailing siya. Sa totoo lang, wala siyang bisyo na kahit ano. Umiinom naman siya ng alak pero sa tuwing may okasyon lang.
Napatango na lamang ako saka muling hinithit ang sigarilyo ko. Minsan na niya akong pinigilan sa bisyo kong ito pero dahil matigas nga ang ulo ko, hindi ako nagpapigil kaya wala na rin siyang nagawa. Inampon niya ako na may bisyo ako kaya dapat lamang na tanggapin niya iyon.
“Magkakilala na pala kayo ni Jass nung una pa lang?” narinig kong tanong niya.
Napatango ako.
“Ang totoo... Nung gabing nagkatagpo ang mga landas natin... ‘yun ang gabi na nagkatagpo rin kaming dalawa. Kailangan kasi niya ng tulong sa mga dala niya kaya tinulungan ko siya. Nung mga panahong iyon, hindi ko pa alam kung sino talaga siya, tanging sa pangalan ko lamang siya nakilala ngunit sa aking pagre-research sa buhay ni j**s, nalaman kong kapatid pala siya nito.” Sabi ko.
Napatango-tango siya.
“Mukhang mabait siya Juan... talaga bang idadamay mo siya sa mga plano mo laban kay j**s?” sabi at tanong ni Papa.
Umiwas ako nang tingin kay Papa. Napabuntong-hininga.
“Nag-umpisa nang gumulong ang mga plano ko at papunta iyon sa maganda... hindi naman pwedeng itigil ko na lamang iyon bigla ng dahil lang sa kanya.” Sabi ko. “Ayoko mang madamay siya pero malas siya at kapatid siya ni Japs.” Sabi ko pa.
“Hindi niya deserve na lokohin mo Juan...”
“Bakit si Kambal? Deserve rin ba niya ang maloko at mamatay ng biglaan dahil sa panloloko sa kanya?” tanong ko bigla. “Sige, sabihin na nating nagpakamatay ang kapatid ko at hindi nila pinatay pero ang maging dahilan ng kamatayan niya, iyon ang hindi ko mapapalagpas.” Sabi ko pa. Hinithit ko ng todo ang sigarilyo hanggang sa maubos iyon, sinubsub ko sa ashtray na nakapatong sa katabi kong mesa ang natirang upos ng sigarilyo para mamatay ang baga.
“Tuluyan ka nang binalot ng galit mo Juan.” Sabi ni Papa. Napatingin ako sa kanya. Napangisi ako.
“Siguro nga Pa... At hahayaan ko na lamang itong galit ko sa damdamin ko dahil alam ko, kapag nagawa ko na ang mga plano ko at nagtagumpay ako, tiyak na mawawala rin ito.” Sabi ko.
Napabuntong-hininga na lamang siya sa sinabi ko.
- - - - - - - - - - - - - - - - -
Kasama ko ngayon si Jass. Nasa parke kaming dalawa at magkatabing nakaupo sa isang bench. Nalalapit na ang kasal naming dalawa kaya naisipan ng bawat isa sa amin na mamasyal para na rin kahit papaano ay magkakilala kami.
Aminado ako, nagagandahan ako sa kanya. Hindi lamang nagagandahan kundi humahanga rin ako sa iba pa niyang katangian na bihira lamang makita sa isang babae, kumbaga, siya ang tipo ko.
Pero kapatid siya ni j**s, malas siya. Kung hindi lang siya kapatid nito, malamang ay nahulog rin ako sa kanya at niligawan ko pa siya hanggang sa maging kami. Napangisi na lamang ako.
“Hindi ko inaasahan na muli kitang makikita... alam mo bang matagal ko ng nais mangyari iyon? At natupad na at hindi lang basta natupad kundi sobra-sobra pa ang katuparan dahil hindi ko akalain na ikaw rin pala ang mapapangasawa ko.” Sabi niya.
Napatingin ako sa kanya. Napangiti.
“Masaya ka ba na magiging asawa mo ako?” tanong ko sa kanya.
Hindi siya sumagot. Umiwas nang tingin sa akin.
“Sa totoo lang... nung nalaman kong balak akong ipakasal sa isang taong hindi ko kilala dahil sa negosyo, nung una ay umayaw ako, may pag-aalangan akong nararamdaman, sa madaling salita, pumayag ako kasi ‘yun ang nais at kailangan nila at hindi ‘yun ang totoong gusto ko... pero nung makita kita muli at malaman kong ikaw ang magiging asawa ko... lahat ng pagkaayaw at pag-aalinlangan na nararamdaman ay nawala.” Sabi niya.
Napatango ako.
“Masayang-masaya ako na makita kitang muli... mas lalo akong naging masaya dahil hindi magtatagal, tuluyan ka ng magiging akin.” Sabi niya. “Kasi... ang totoo... nung mga panahong hindi kita nakikita, lagi kitang naiisip... napapangiti ako na parang tanga sa tuwing sasagi ka sa aking isipan... nakakagawa ako ng mga bagay na hindi normal sa paningin ng iba... Kung alam mo lang, muli pa akong bumalik sa lugar kung saan tayo muli nagkita at nagbakasakaling makikita kitang muli pero sad to say, hindi na kita nakita pa simula nun. Muntikan na akong sumuko pero sadyang nais ng nasa Itaas na magkita tayong muli at muling magkasama. Sobrang saya ko dahil sa paglipas ng maraming taon, nagkita tayong muli, sa wakas, mabibigyan na ako ng pakakataon para masabi ko sayo na mahal kita. Sulit ang paghihintay.” Sabi niya na ikinagulat ko. Literal na nanlaki ang mga mata ko. Hindi ko kasi iyon inaasahan at wala sa plano na mahalin niya ako.
“M-Mahal mo ako?” tanong ko.
Napatango siya. Napabuntong-hininga.
“Ewan ko ba... isang beses pa lamang kitang nakita... naramdaman kong parang nahulog na ako... Sa tuwing naiisip kita... pakiramdam ko, mas lalo akong nahuhulog... Hindi man kita nakikita at tanging ang t-shirt mo lamang na ipinahiram sa akin ang nakikita ko pero nararamdaman kong tuluyan na akong nahulog sayo... tuluyan na kitang minahal kahit na walang kasiguraduhan kung may patutunguhan ba ito.” Sabi niya. “Hindi kapani-paniwala no? Pero iyon talaga ang nararamdaman ko e hanggang ngayon. Mahal kita.” Sabi niya pa.
Hindi ako nakapagsalita kaagad. Nalintikan na.
“Inamin ko lamang ito sayo tutal ikakasal na rin naman tayo... Hindi ko naman sinasabi ito sayo para piliting mahalin mo rin ako gaya ng pagmamahal ko sayo dahil alam ko pa rin naman na dahil sa negosyo kaya tayo ay mag-iisang dibdib... pero gagawin ko ang lahat para maging parehas din ang nararamdaman natin para sa isa’t-isa ngayong nabigyan ako ng pagkakataon. Hindi ko na sasayangin ang panahon.” Sabi niya.
Napatango na lamang ako sa sinabi niya. Nakakaawa siya. Hindi niya alam na mali ang taong minahal niya.
“Ikaw ba? Masaya ka ba na makita akong muli?” tanong niya sa akin.
“Oo naman.” Sagot ko.
“E sa napipintong pagpapakasal sa akin? Masaya ka rin ba? Wala ka bang pag-aalinlangan?” tanong niya pa.
Napatingin ako sa kanya. Tipid na ngumiti.
“Basta para sa negosyo... gagawin ko ang lahat... kahit na mawala pa ang kalayaan ko.” Sabi ko.
Tipid siyang napangiti pero nakita kong may gumuhit na sakit sa kanyang mga mata. Sige, ngayon pa lamang ay masaktan ka na ng dahil sa akin para mawala na rin ‘yang pagmamahal mo para sa akin.
Umiwas siya nang tingin sa akin.
“Isosoli ko na rin pala ang t-shirt mo... huwag kang mag-alala, nilabhan ko na iyon at mabangong-mabango dahil binabad ko iyon sa fabric conditioner.” Sabi niya.
“Huwag mo ng isoli... Marami pa naman akong t-shirt.” Sabi ko.
Hindi na siya nagsalita pa.
Namayani ang katahimikan sa pagitan naming dalawa.
“Wala ka bang kasintahan ngayon?” tanong ko. Baka kasi mamaya, niloloko lang ako ng babaeng ito sa mga pinagsasasabi niya na mahal niya ako.
“Hindi pa ako nagkakaroon nun... asawa pa lang ang magkakaroon ako at ikaw iyon... Simula nang makita kita noon... minahal na kita at kasabay nun, hindi na ako nagmahal pa ng ibang lalaki kaya hindi ko rin ninais na magkaroon ng kasintahan dahil hindi ko lamang siya lolokohin kundi pati na rin ang sarili ko.” Sabi niya.
Napatango ako.
“Alam mo naman na dahil lang sa negosyo kaya tayo magpapakasal di ba?” tanong ko sa kanya.
Napatingin siya sa akin. Tipid itong napangiti.
“Alam ko... hinding-hindi ko iyon makakalimutan. Ang kasal natin at pagiging mag-asawa ay magiging money-making business... pero ok lang dahil pagkakataon na rin ito para makasama ka at magawa kong paibigan ka.” Sabi niya.
“Jass... Huwag kang masyadong umasa sa akin kasi ang totoo... dahil lang talaga sa negosyo kaya ako magpapakasal sayo... iyon lang. Wala sa plano ko ang umibig...”
“Gagawin kong nasa plano mo ang umibig... sa akin.” Sabi niya kaagad.
“Paano kung hindi mo ako mapaibig?” tanong ko sa kanya.
Napangiti siya saka bumuntong-hininga.
“Ang pag-ibig ay parang isang sugal... mamumuhunan ka ng damdamin at effort kahit na hindi mo alam kung mananalo o matatalo ka... pero kung iisipin mong mananalo ka, mananalo ka. Sumusugal ako sayo John Miguel, isinusugal ko ang puso at damdamin ko na sasamahan ko pa ng matinding effort para mapaibig ka... mas maganda kung mapapanalunan ko ang puso mo sa huli pero bahala na sa mga mangyayari... at least sa huli, alam kong wala akong pagsisisihan dahil ginawa ko ang lahat.” Sabi niya.
Napatango-tango ako. Bahagyang nagulat na lamang ako nang hawakan niya ang kanang kamay ko at bahagya pa iyong pinisil.
“Hayaan mo lamang ako na mahalin ka sa kabila ng lahat... hindi ko naman inoobliga na maging mabait o mahalin mo rin ako kaagad. Hayaan mo lamang ako na iparamdam sayo na mahal kita.” Sabi niya. Napangiti. “Hay! Naturingan akong babae pero ako ang gumagawa ng mga moves... ganito yata talaga kapag nagmamahal, wala ng gender equality.” Pabiro niya pang sabi.
Tipid akong napangiti sa sinabi niya. Tanong ko tuloy sa sarili ko, maaari din kayang mahulog din ako sa kanya kahit na ang puso ko ay punong-puno ng galit?
Umiwas ako nang tingin sa kanya. Ang kamay niya ay nanatiling nakahawak sa kamay ko. Sa totoo lang, ang gaan ng pakiramdam ko ngayong hawak niya ito.
Naramdaman ko na lamang na mas lalo siyang tumabi sa akin pagkatapos, isinandal niya ang ulo niya sa gilid ng braso ko dahil hindi abot ang balikat ko. Tipid na lamang akong napangiti sa ginawa niya.
Kung nagkakilala lang kami sa tamang panahon at sitwasyon... malamang, masasabi kong siya na ang babaeng para sa akin.