#TheOtherTwinsRevenge
CHAPTER 5
THIRD PERSON’S POINT OF VIEW...
Napapangiti na parang tanga si Jass habang nakatingin sa t-shirt na nakasampay sa bintana ng kanyang kwarto. Nalabhan na niya ito lahat-lahat pero hanggang ngayon ay hindi pa rin maalis sa kanyang isipan ang lalaking nagmamay-ari nito.
Ewan ba niya... hindi niya maintindihan ang nangyayari sa sarili, sa totoo lang, ngayon lamang siya nakaramdam ng paghanga pagdating sa isang lalaki. Sa edad niyang disi-siyete, ngayon lamang siya nakaramdam ng kilig na hindi niya mawari kung saang parte ng katawan niya nanggaling at bigla-bigla na lamang niya naramdaman simula nang tulungan siya.
Hindi niya tuloy alam kung may maganda ba itong dulot sa kanya o wala... nagtatalo ang kanyang puso’t-isipan. Sinasabi ng kanyang isipan na wala itong maidudulot na maganda dahil na rin sa hindi naman niya kilala ang lalaki, bukod sa ang alam lang niya ang pangalan nito ay wala na siyang ibang pagkakakilanlan pa kaya walang patutunguhan ang biglaang naramdaman niya para rito.
Sinasabi naman ng kanyang puso na ok lang ang nararamdaman niya, at least nalaman niyang babae talaga siya at hindi siya manhid. Sa totoo lang kasi, may pagka-boyish siya kung kumilos, mahinhin man siya magsalita pero barabal naman siya kung kumilos kaya nga pati ang mga magulang niya, kinikwestiyon ang kanyang kasarian. Hindi rin niya maikakaila na nalilito rin siya sa kanyang sarili pero simula ng makita niya ang lalaki, napatunayan niyang babae pa rin siya, babaeng-babae.
Napabuntong-hininga siya. Ngayon ay umaasa siya na sana, makita niya muli ito, bagay na pinananabikan niyang mangyari.
JUAN MIGUEL SEVERINO’S POINT OF VIEW...
Manghang-mangha ako sa nakikita ng mga mata ko. Habang naglalakad kami, patingin-tingin ako sa malawak na bukana ng bahay... bahay pa nga bang matatawag ito kung maihahalintulad ko ito sa laki ng isang mall? Pero masasabi ko ngang sobrang laki ng lugar na pinuntahan namin ngayon.
Ang bukana ng bahay... o mansyon sa tamang pagsasalarawan ay natatamnan ng tinatawag na bernuda grass. Nagkalat rin sa paligid ang mga puno, halaman at mga bulaklak na nagbibigay ng luntian at preskong paligid. Sa bandang dulo naman, doon na makikita ang mansyon na sa tingin ko ay tinitirhan ng taong nagdala sa akin ngayon dito.
“Bilisan mo maglakad para makapasok na tayo sa bahay.” Sabi niya. Napatingin ako sa kanya. Tipid na napangiti. Hindi ko akalain na pumupunta ang isang mayamang gaya niya sa isang lugar na gaya ng pinagtambayan ko kanina kung saan doon kami nagkatagpo.
Hanggang ngayon ay hindi ko pa alam ang pangalan niya at hindi pa rin niya alam ang pangalan ko, sa madaling salita, hindi pa kami nagpapakilala sa isa’t-isa pero ang laki na ng tiwala namin sa bawat isa.
Nagmadali na kaming maglakad hanggang sa makapasok na kami sa mansyon. Kung namangha ako sa nakita ko sa labas, mas namangha ako sa nakikita ko dito sa loob. Sobrang lawak, masasabi kong 100x ang laki nito kaysa sa tinitirhan kong apartment. Hiwa-hiwalay ang bawat bahagi ng bahay na kumpleto sa mamahaling kagamitan.
Hindi ako maalam sa mga bahay o mansyon kaya hindi ko masasabi kung anong tawag sa ganitong klaseng mansyon basta ang masasabi ko lang, sobrang ganda.
Huminto siya sa paglalakad at tumingin sa akin. Huminto rin ako.
“Welcome to my house.” Sabi niya saka ngumiti.
Napangiti rin ako. Sa pagpasok ko dito, tila pumasok ako sa isang paraiso na kung saan, kahit sandali ay nakalimutan ko ang mga problemang pinagdaraanan ko. Masasabi kong malaki talaga ang epekto ng mga nakikita mong lugar para magbago kahit papaano ang emosyon.
“Mansyon mo ba talaga ito?” tanong ko sa kanya.
“Hindi tayo makakapasok dito kung hindi sa akin.” Sabi niya.
“E bakit nag-commute tayo nung pumunta tayo dito? Hindi ko tuloy akalain na mayaman ka pala at wala kang kotse.” Sabi ko.
“Mas gusto ko kasing mag-commute kapag nagpupunta ako don.” Sabi niya.
“Wala kang kotse?” tanong ko.
“Lagpas trenta ang kotse ko, nakaparada lahat sa garahe. Makikita mo din ‘yun.” Sabi niya.
Nagulat naman ako sa sinabi niya. Lagpas trenta ang kotse niya? Ang dami.
Naputol ang usapan naming dalawa ng may lumapit sa amin na isang babae na may katandaan na ang edad. Sa tingin ko, isa siyang katulong dahil na rin sa suot nitong uniporme.
“Nakauwi na ho pala kayo Sir.” Sabi nito.
Napatango siya.
“Manang Esther... Ipaghanda mo kami ng hapunan, ‘yung madaling lutuin para makakain na rin kami kaagad.” Utos niya.
Napatango naman ang katulong na ang pangalan ay Manang Esther. Napatingin ito sa akin.
“Magandang gabi ho Senorito.” Pagbati naman niya sa akin saka ngumiti.
Napatango na lamang ako saka tipid na napangiti.
Umalis na ang katulong para maghanda nang makakain namin.
“Ikaw... Maghintay ka na muna sa living room... ikukuha lang kita ng t-shirt... mukhang nagtataka kasi si Manang sa ayos mo saka suot mo pa ang coat ko.” Sabi niya.
Napatingin ako sa sarili ko. Oo nga. Nakabukas pa ang coat na suot ko kaya kahit papaano ay nakikita ang katawan ko. Napakamot tuloy ako ng ulo saka tumango.
“Sige... diyan ka na muna.” Sabi niya.
Umalis na siya para umakyat sa taas at kumuha ng t-shirt na isusuot ko. Naiwan naman ako dito at tumingin-tingin sa paligid.
Sobrang ganda talaga... kung mansyon man itong matatawag o palasyo... ewan ko kung paano ko ba talaga ito isasalarawan. Sa buong buhay ko, ngayon lamang ako nakakita at nakapasok sa ganitong klaseng tirahan.
Naglakad-lakad ako hanggang sa makarating ako sa tinatawag na living room. Doon ko nakita ang kasing laki ng sa sinehan na telebisyon, sa ilalim nun, nakapatong sa mababang cabinet ang mga dvd at kung ano-ano pang appliances. Kumpleto sa gamit talaga. May mga game consoles pa nga ako nakita. Sarap siguro maglaro ng mga games dito lalo na at sobrang laki ng tv.
Sa bandang gilid, doon ko nakita ang mesa na maraming nakapatong na picture frames. Sa bawat pictures, nandun siya at may kasama siyang isang babae at isang batang lalaki. Sa ibabaw naman nun, nakasabit sa pader ang malaking litrato na sila pa ring tatlo ang nakalitrato. Masasabi kong pamilya niya ito dahil na rin sa hawig niya ang batang lalaki at ngiting-ngiti siya habang nakatingin sa babaeng katabi niya na sa tingin ko’y ang asawa niya. Maganda ang babae sa totoo lang, bagay na bagay sa kanya.
“Ito na ‘yung t-shirt mo. Isuot mo na.” Naputol ang pagtingin-tingin ko at napatingin ako sa kanya na nasa tabi ko na pala ng hindi ko namamalayan. Inaabot na nito sa akin ang puting t-shirt na walang tatak. Kinuha ko iyon at hindi na ako nahiya ng tanggalin ko ang coat niya na suot ko at maging topless sa harapan niya, nakita na rin naman niya ito kanina kaya ano pang ikakahiya ko? Sinuot ko ang t-shirt na saktong-sakto ang laki sa akin. Ang ganda nga ng hubog ng katawan ko dito e.
“Pamilya mo ba iyong mga nasa litrato?” tanong ko sa kanya.
Napatango siya.
“Nasaan sila? Kanina pa ako dito pero mukhang ikaw lang at ang mga katulong ang tao dito ngayon.” Sabi ko. Alam kong invasion of privacy na ang mga tanong ko pero gusto ko lang naman malaman.
Umiwas siya nang tingin sa akin. Napatingin sa mga litrato. Napabuntong-hininga.
“Wala na sila.” Sabi niya.
“Anong ibig mong sabihin?” tanong ko.
Muli siyang napatingin sa akin at kaagad ring umiwas. Ewan ko kung namamalikmata ba ako o hindi pero nakita kong may nangilid na luha sa kanyang mga mata.
“Wala na sila sa mundong ito... Namatay sila sa aksidente at kasalanan ko.” Sabi niya na ikinagulat ko.
Magsasalita pa sana ako pero muli siyang nagsalita.
“Matagal ko ng itinatago kung sino talaga ako... Kung ano ang tunay kong pagkatao. Simula pagkabata, nakakulong na ako sa katawang ito na sa totoo lang, hindi ko gusto... pero nung makilala ko siya, nagbago ang lahat, ninais kong maging tao na ipagmamalaki niya... ninais kong maging hindi ang nasa loob ko ang makita niya sa labas... samakatuwid, nagbalat-kayo ako para sa kanya. Sobra ko kasi siyang minahal to the point na pinakasalan ko siya at nagkaroon kami ng anak.”
“Ngunit... kahit anong tago ko... kahit anong hindi ko pagpansin... lalabas at lalabas pa rin ang totoo... Nalaman niya na hindi ako tunay na lalaki na sobra niyang ikinagalit to the point na kinasuklaman niya ako. Doon ko napatunayan sa kanya na hindi niya ako ganun kamahal kasi dapat matanggap niya di ba? Pero at the same time, naiintindihan ko pa rin siya dahil alam ko rin naman na may kasalanan ako kasi naglihim ako. Kumbaga, mas sinisisi ko ang sarili ko kaysa sa kanya kasi mahal ko siya, ayokong makaramdam ng galit sa kanya.”
“Sa nalaman niya... ninais niyang maglayas kasama ang anak naming dalawa. Hindi ko alam iyon, lihim silang umalis gamit ang sasakyan ko... nalaman ko na lang ang lahat nung nabalitaan kong naaksidente sila at dead on arrival.”
Nakita ko ang pagluha niya. Nakaramdam ako ng awa. Hindi lang pala ako ang may matinding pinagdadaanan sa mundo pero pati rin pala siya.
“Sobra kong sinisisi ang sarili ko dahil sa nangyari to the point na gusto ko na ring kitilin ang aking buhay... ilang beses kong sinubukan ngunit lagi akong naililigtas ng mga katulong ko dito sa bahay hanggang sa magsawa na lang ako at lunurin ko ang sarili ko sa alak at kung ano pang mga bisyo.”
“Muntik na akong mahirap noon... Muntik nang mawala ang lahat ng bagay na nakikita mo ngayon sa akin dahil sa kapabayaan ko... pero handa na rin naman ako na mangyari iyon dahil iyong pinakamahalaga sa akin, nawala na rin naman kaya ano pang silbi ng mga bagay na meron ako? Pero may nagparealize sa akin na kailangan ko pa ring ipagpatuloy ang buhay at huwag sisihin ang sarili sa mga nangyari... isang pari na malapit sa akin. Sinabi niya sa akin na ang lahat ng nangyari ay may dahilan at nakaplano na ayon sa plano ng nasa Itaas na minsan ko ring sinisi sa mga nangyari. Sinabi niya sa akin na kung ipagpapatuloy ko ang mga walang kwentang ginagawa ko, hindi magiging masaya ang mag-ina ko na alam kong nakatingin sa akin mula sa kung saan.”
“Sa huli... sinikap kong magbago at bumangon. Pinasa-Diyos ko na lang ang lahat ng nangyari. Sinisisi ko siya pero sa huli, sa kanya pa rin ako lalapit. Ganun nga yata siguro kasi wala ka namang ibang malalapitan na tutupad sa gusto mong mangyari kundi Siya lang. Siya at Siya lang.” Huling mga sinabi niya.
Sa totoo lang, muntik na akong maiyak sa kwento niya. Hindi man kami parehas ng pinagdaanan pero parehas kaming nawalan at sa puntong iyon, alam kong parehas kaming nasaktan at nawalan ng tiwala.
Pinunasan niya ang kanyang mga mata gamit ang kamay niya para mawala ang mga luha.
“Pasensya ka na kung nakapagkwento ako... Hindi ko napigilan e... Salamat at nakinig ka kasi kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ko.” Sabi niya.
“Wala iyon... Mabuti nga at nagkwento ka kahit na hindi mo pa alam ang pangalan ko.” Pabirong sabi ko.
“Ay! Oo nga pala at hindi pa tayo nakakapagpakilala sa isa’t-isa.” Sabi niya na napapalo pa sa noo. “By the way, Im Craig... Craig Del Mundo and you are?” pagpapakilala niya sa sarili. Sa wakas.
Napaisip ako. Sasabihin ko ba sa kanya ang totoo kong pangalan?
“Ako si Juan Miguel Severino.” Sabi ko at nakipagkamay sa kanya. Tinanggap naman niya iyon. Ewan ko ba pero ang gaan ng loob ko sa kanya at pakiramdam ko, mapagkakatiwalaan siya kaya sinabi ko na rin ang totoo kong pangalan.
Naputol ang pag-uusap namin ng inaya na kami ni Manang Esther na kumain. Pumunta na kami sa dining area at doon, pinagsaluhan namin ang simpleng hapunan na inihanda na may halong manaka-nakang kwentuhan.
- - - - - - - - - - - - - - - -
Natapos na kaming kumain, ngayon ay dinala naman niya ako sa malaking kwarto niya na mas malaki pa sa tinitirhan kong apartment. Napansin kong may sariling banyo ito, closet na ang pinto ay nasa kaliwang bahagi, mini-library at higit sa lahat, ang pinakamahalaga sa isang kwarto, may kama na sobrang laki. May tv din dito at entertainment set pero ‘yung tv ay hindi kasing laki nung nasa living room.
Alam ko na kung bakit dinala niya ako sa kwarto at sa totoo lang, kanina ko pa hinanda ang sarili ko. Iisipin ko na lang na kabayaran ito sa pagpapapasok niya sa akin sa bahay niya at pagpapakain na rin.
Lumabas siya mula sa closet, nakabihis na siya ng pambahay. May katandaan man ang edad niya pero tunay na makisig pa rin siya dahil sa maganda pa rin ang hubog ng kanyang pangangatawan sa suot niyang t-shirt at cargo short.
“Nag-eenjoy ka ba sa pagtingin-tingin sa kabuuan ng kwarto ko?” tanong niya.
Napatango ako saka ngumiti.
“Kahit yata hindi ka na magtrabaho ay ok lang kasi hindi ka na maboboring dito dahil sa dami ng pwedeng gawin.” Sabi ko.
“Kung pwede nga lang e... Kaso nag-iisa na lamang ako sa buhay... walang pwedeng pumalit sa akin sa pamamalakad ng mga kumpanya ko.” Sabi niya.
Napatango-tango ako.
“Sobrang yaman mo siguro no... Kahit yata ang tao... pwede mong bilhin.” Sabi ko.
Nawala ang ngiti niya sa labi. Nakatingin lamang siya sa akin. Ewan ko kung na-offend siya sa sinabi ko pero totoo naman kasi di ba? Ang mga kagaya niyang silahis na mayaman, kahit mabait pa ‘yan. May pangangailangan pa rin at hindi maikakaila na bumibili sila ng lalaki para mapunan ang pangangailangan na iyon. Lalo at wala na siyang asawa.
Napabuntong-hininga ako. Siguro kailangan ko nang ibigay ang gusto niya para na rin makaalis na ako.
Isa-isa kong hinubad ang mga suot kong damit hanggang sa ang brief na lang ang matira sa akin kung saan bukol na bukol doon ang p*********i kong nakapaling sa kaliwa. Malambot pa ito pero limang pulgada na ang haba at may katabaan at bilugan ang ulo. Hindi na masamang ipatikim sa kanya.
“Anong ginagawa mo?” tanong niya. Walang emosyong makikita sa kanyang mukha. Wala bang epekto sa kanya ang hubad kong katawan? O baka gusto niya na makita na ang p*********i ko?
“Di ba ito naman ang gusto mo kaya dinala mo ako dito? Ito na, ibibigay ko na sayo bilang kabayaran sa pagpasyal mo sa akin dito at pagpapakain na rin.” Sabi ko. Huhubarin ko na sana ang brief ko nang makita ko siyang tumalikod mula sa akin at naglakad papunta sa malaking bintana. Narinig ko siyang napabuntong-hininga.
“Sa edad kong ito... hindi na kasintahan o parausan ang hanap ko...” sabi niya na ikinagulat ko. “Kundi isang taong mapagkakatiwalaan ko, isang taong pwede kong maging pamilya at makasama habang ako’y nabubuhay. Sawang-sawa na rin kasi akong mag-isa... Oo, may mga katulong at trabahador ako sa mansyong ito na tinuturing ko namang pamilya pero alam kong lahat sila, hindi iyon ang turing sa akin kundi isang boss nila... sinabihan ko man sila na ituring nila akong pamilya pero hindi nila iyon ginawa dahil ang dahilan nila, binabayaran ko sila.” Sabi niya pa. Napatingin na siya sa akin. “Sayo ko nakita ang lahat ng iyon... Nung una kitang nakita... sinabi ko sa sarili ko na ikaw na ang pwedeng pumalit sa nawala kong anak... kung nabubuhay pa siya, kasing edad mo na siya... Hindi man ikaw siya pero ramdam kong mapagkakatiwalaan ka, pwede kitang maging kapamilya at ang tingin ko sayo ay isang anak kahit na sandali pa lamang tayo nagkakakilala.” Sabi pa niya.
“Pero Craig...”
“Gusto kitang ampunin Juan Miguel... Gusto kong maging bahagi ka ng pamilya ko... gusto kitang maging anak... ‘Yun ay kung papayag ka.” Sabi niya kaagad.
“Pero...”
“May pamilya ka ba? O may sariling pamilya? Ibig kong sabihin sa pangalawa, may anak at asawa ka na ba?” tanong kaagad ni Craig.
Napailing ako. Dati, may pamilya pa ako pero nawala na siya.
Napangiti siya.
“Kung ganun... pumayag ka sa gusto ko... Mapapasayo ang lahat ng meron ako na nais ko talagang ibahagi sayo... kahit ‘yung wala, handa kong ibigay sayo basta maging anak lang kita.” Sabi niya.
Napaisip ako. Ang hirap tanggihan ng mga bagay na meron siya pero alam ko sa sarili kong kapag pumayag ako, magbabago ang lahat sa buhay ko... Handa ba ako sa mga pagbabagong iyon?
Napabuntong-hininga siya.
“Naiintindihan ko kung tatanggi ka sa kagustuhan ko... pero sana pag-isipan mo bago ka magpasya.” Sabi niya.
Naisip ko si Kambal at ang mga nangyari sa kanya. Naisip ko rin ‘yung taong puno’t-dulo ng lahat kung bakit nawala sa akin ang kaisa-isa kong pamilya at kung bakit nasa sitwasyong ito ako ngayon. Napakuyom ako ng magkabilang kamao.
Malaki ang maitutulong ni Craig sa akin para maging handa sa labang gusto kong simulan at tapusin na ako ang magwawagi. Kung mahirap lang ako, wala akong magiging laban pero sa tulong niya, magagawa ko ang lahat.
Napatingin ako kay Craig... Isang desisyon ang babago sa buong buhay ko.
“Sige... pumapayag ako... pero sa isang kondisyon.” Sabi ko.
“Kahit anong kondisyon... gagawin ko.” Sabi niya. Napangisi ako.
‘Humanda ka na sa paniningil ko dahil sisiguraduhin kong doble ang magiging kabayaran sa mga kagaguhang ginawa mo.’
#TheOtherTwinsRevenge
CHAPTER 6
THREE YEARS LATER...
JUAN MIGUEL SEVERINO’S POINT OF VIEW...
“Sigurado ka na ba sa kagustuhan mong magpakasal? Kung nagbago na ang isip mo, pwede pa nating bawiin ang proposal at hindi na ito ituloy.”
Tumigil ako sa ginagawa kong push ups. Tumayo ako at tiningnan si Papa. Napahinga ng malalim.
“Pa... Matagal natin ‘tong pinaghandaan at ngayong unti-unti nang naisasakatuparan ang lahat... wala na itong bawian... Itutuloy ko ito kahit na ano pang mangyari.” Sabi ko. Kinuha ko ang bimpo na nakasampay sa isang upuan at ipinunas ito sa pawisan kong katawan na ngayon ay walang suot na damit. Maraming nagbago sa buhay ko, kabilang na roon ang pisikal kong itsura. Mas lumaki ang katawan ko kumpara sa dati dahil na rin sa palagian kong pag-gigym dito sa mansyon. Mas nagmatured rin ang mukha ko pero hindi nawawala ang kagwapuhan na alam kong magagamit ko sa mga plano ko. Kailangan kong panatilihin ang kagandahang lalaki ko.
Napabuntong-hininga si Papa sa sinabi ko. Simula ng ampunin niya ako. Papa na ang naging tawag ko sa kanya at anak na ang tawag niya sa akin. Naging maganda ang pagtanggap ng lahat sa akin bilang kaisa-isa niyang anak. Ang lahat ng kanya, sa akin na rin ngayon.
“Alam mo naman anak na sa simula pa lamang ay tutol na ako sa mga gusto mong gawin pero hinahayaan lamang kita dahil sa tingin ko, ‘yun ang magpapasaya sayo... Pero lagi kitang pinapaalalahanan na walang maidudulot na maganda ang paghihiganti... maaaring sa huli, ito’y iyong pagsisihan” sabi niya. Alam kong nag-aalala lamang siya sa akin pero ito ang dahilan kung bakit ako nandito ngayon sa kanya, siya, gustong magkaroon ng anak sa katauhan ko, ako naman, gusto kong maghiganti sa tulong niya.
“Pa... Huwag kang mag-alala sa akin... Kaya ko ang sarili ko at sisiguraduhin kong wala akong pagsisisihan sa huli sa mga gagawin ko... Kailangan ko itong gawin dahil alam kong hindi maibibigay ng batas ang hustisyang gusto ko para sa kakambal ko... ako lang ang makakapagbigay nun.” Sabi ko.
Napatango-tango siya sa mga sinabi ko. Wala rin naman siyang magagawa. Ilang beses na niya akong pinigilan sa mga gusto kong gawin pero hindi niya ako napigil dahil alam ko na kahit papaano, naiintindihan niya ang mga pinaghuhugutan ko.
Ang pagpapakasal ang naisip kong pinakamadaling paraan para makapasok ako sa pamilya nila para mas madali kong magawa ang mga plano ko.
Tatlong taon na ang nakakalipas. Sapat na itong panahon para ihanda ang sarili ko at ang lahat sa muli kong pagbabalik. Marami mang nagbago, isa lang ang hindi nagbabago, iyon ay ang galit ko at kagustuhan kong magbayad ang taong pumatay sa kakambal ko.
Alam na ni Papa ang lahat, nailahad ko sa kanya ng detalyado at kumpleto ang kwento ng kakambal ko at ang mga nangyari sa kanya. Hindi man buo ang pagsang-ayon niya sa aking kagustuhan pero tinutulungan pa rin niya ako dahil ito ang kondisyong hiningi ko sa kanya, ang tulungan niya ako sa mga gusto kong gawin.
Sa paghahanda ko sa tatlong taon na iyon, inihanda ko hindi lamang ang katawan ko kundi pati na rin ang buong ako. Kailangan kong matutong lumaban ng pisikalan kaya naman nagsanay ako sa boxing, karate at jijitsu dahil baka magamit ko iyon kung sakali. Nag-aral din ako ng kolehiyo, business ad ang kinuha ko bilang kurso. Kahit summer ay nag-aral ako para matapos ko agad ito at nagawa ko naman, ngayon, ako na ang namamahala sa mga kumpanyang meron si Papa Craig.
Pinag-aralan ko rin ang kilos ni Kakambal, hindi man lahat pero masasabi kong sa bawat kilos ko, nagiging kagaya ko na siya. Kailangan ko itong gawin dahil sa labas, ako si John Miguel Severino Del Mundo. Si Papa at ako lamang ang nakakaalam sa tunay na ako at hindi dapat malaman iyon ng iba dahil kasama sa mga plano ko ang magpanggap.
Legal akong inampon ni Papa kaya naman dala ko na ang apelyido niya. Isa na akong Del Mundo ngunit pangalan sa pangalan ni Kambal. Isang mayaman at maimpluwensya. Lahat kayang gawin, lahat kayang pabagsakin kung aking gugustuhin.
Sa pagiging Del Mundo ko, marami na akong nakilala mula sa business world at pati na rin sa personal, mga kakilala ni Papa na dapat ay kilala ko rin. Pormal niya akong pinakilala bilang anak niya kaya dapat ay makilala ko rin ang mga taong bahagi ng mundo niya.
Nakatingin lamang sa akin si Papa. Napabuntong-hininga ako saka inakbayan siya.
“Huwag kang mag-alala sa akin Pa... Kaya ko ang sarili ko at alam kong magtatagumpay ako sa mga balak ko.” Sabi ko sa kanya.
“Hindi ko lang naman maiwasang hindi mag-alala sayo... Anak kita at ayokong mapahamak ka na pwedeng magresulta sa pagkawala mo sa akin... Hindi ko na kakayanin kung pati ikaw ay mawawala pa.” Sabi niya.
Tipid akong napangiti. Napakaswerte ko dahil nagkaroon ako ng Papa na gaya niya. Hindi ko alam kung ano bang nagawa kong mabuti sa nakaraang buhay ko at binigay Niya sa akin ang isang kagaya ni Papa Craig.
“Hinding-hindi ako mawawala sayo ok.” Sabi ko sa kanya.
Napatango-tango siya.
“Hay! Kumain na nga lang muna tayo Pa... Baka nagugutom ka lang kaya ka nagkakaganyan.” Pabiro kong sabi. Napangiti na lamang siya sa akin saka sumunod sa gusto ko.
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -
THIRD PERSON’S POINT OF VIEW...
“Bakit ka basta ka na lang pumayag sa mga gusto nila Mama at Papa? Pwede ka namang tumanggi di ba? Alam mo na hindi biro ang pagpapakasal lalo na sa taong hindi mo pa naman kilala ng lubusan.” Sabi ni j**s sa kapatid na si Jass. Nasa kwarto sila ngayon ng huli at masinsinang nag-uusap.
Napatingin si Jass sa kanya. Mulungkot ito pero nagawa pang ngumiti.
“Kuya... Wala na rin naman akong magagawa kung umayaw pa ako... Isa pa, ayokong malugi ang kumpanya natin kaya kung ang pagpapakasal ko ang magiging paraan para hindi tuluyang malugi ang kumpanya natin, gagawin ko para sa pamilya natin.” Sabi niya.
Napahilamos ng mukha si j**s gamit ang palad. Sa tatlong taong lumipas, hindi nagbabago ang kagwapuhan nito, mukha pa ring anghel. Mas lumaki lamang at gumanda pa lalo ang hubog ng katawan nito kumpara sa dati.
“Ginagawa naman namin ni Papa ang lahat... Halos isubsob na nga namin ang aming mga sarili sa trabaho para lang makaisip ng iba pang paraan...”
“Pero wala pa rin kayong nagagawa di ba?” tanong kaagad ni Jass. Napahinto sa pagsasalita si j**s. Sa puntong iyon, nakaramdam siya ng hiya sa bunsong kapatid. “Kuya... sila na ang lumalapit sa atin... gusto nilang magsanib-pwersa ang kumpanya nila at kumpanya natin pero sa isang kondisyon... malaki ang maitutulong nila para umangat ang kumpanya natin kaya kahit na may pagtanggi sa akin, gagawin ko na lamang ang kondisyong hinihingi nila.” Sabi ni Jass. Sa edad na bente, mas lalo itong gumanda at sumexy, stress lamang ito ngayon dahil sa mga nangyayari kaya medyo haggard ang itsura nito.
Napailing-iling si j**s. Sa totoo lang, ayaw niyang magamit ang kapatid para lang umangat ang kumpanya. Hindi biro ang gagawin nito dahil parang ibinenta na nito ang sarili para lang umangat ang kumpanya.
“Hayaan mo na lamang ang mga nangyayari Kuya... Kaya ko ang sarili ko.” Sabi ni Jass. Hindi pa nila kilala kung sino ang pakakasalan nito, ang alam lang nila, bahagi ito ng pamilya Del Mundo na may-ari ng Del Mundo Group of Companies. Sa pagkakaalam nila, ampon lamang ang sinasabing anak ng haligi ng Del Mundo dahil namatay sa isang aksidente noon ang totoong pamilya at nabalitaan lang nila ilang taon na ang nakakalipas na nag-ampon ito ng isang binatang lalaki. Naging misteryoso ang pagkakakilanlan nito dahil walang nakalap na mga impormasyon ang mga taga media o kahit sino tungkol dito at hindi rin nagbigay ng pahayag ang may ari ng Del Mundo na siyang nag-ampon. Marahil, ang binatang ampon nito ang siyang pakakasalan niya.
Napabuntong-hininga na lamang si j**s. Wala na siyang magagawa para makumbinsing umatras ang kapatid.