#TheOtherTwinsRevenge
CHAPTER 3
JUAN MIGUEL SEVERINO’S POINT OF VIEW...
Alam niyo ba ‘yung pakiramdam na ayaw mo ng magsimula kasi wala ng dahilan pero kailangan?
‘Yan ang nararamdaman ko ngayon.
Sa panahong ito... ramdam na ramdam ko ang kawalan. Kawalan ng nais na lumaban at kawalan ng gana para mabuhay pa.
Si Kambal na lamang ang nag-iisang pamilya ko. Akala ko, magtatagal pa siyang kasama ko ngunit hindi pala. Hindi ko tuloy maiwasang sisihin ang Diyos kung bakit ninais niya na mangyari ang lahat ng ito pero alam ko rin na may dahilan kung bakit at hindi ko maintindihan ang dahilan na iyon.
Ngunit sa kabila ng lahat... kailangan kong magsimula muli... dahil iyon ang nararapat. Mag-isa man ako ngayon pero dahil ako ang natira sa mundong ito, kailangan kong harapin ang lahat.
Nasa kwarto ako ngayon namin ni Kambal. Nakalatag sa kama ang lahat ng gamit niya mula sa kasuotan hanggang sa gamit niya sa pagpasok sa school. Sa bawat pagtingin ko roon, dumadaloy ang mga alaala naming dalawa, masaya man o malungkot.
Aminado akong miss na miss ko na siya. Sobra. Hindi na ako nakakapasok sa trabaho ngayon dahil sa nangyari. Sino ba naman kasing gaganahan magtrabaho pa kung ang dahilan kung bakit mo ginagawa iyon ay wala na sa piling mo? Wala na iyong taong dahilan para handa mong gawin at ibigay ang lahat para sa kanya?
Napabuntong-hininga ako. Ang hirap at lungkot ng nag-iisa. Hindi ko matanggap.
Kinuha ko ang notebook niya. Binuklat-buklat ko. Napapangiti ako nang mapait dahil ang sipag talaga ng kakambal ko. Ang dami kasing nakasulat na notes. Nakakapanghinayang lang na... wala nang mangangailangan pa ng mga sinulat niyang ito.
Sa kabubuklat ko ng notebook niya ay hindi sinasadya ay may nahulog. Napatingin ako sa nahulog. Sa tingin ko, isang litrato.
Pinulot ko iyon sa sahig kung saan siya nahulog. Tiningnan. Isang litrato nga.
Litrato ni John, ang kakambal ko kasama ang isang hindi pamilyar na lalaki para sa akin.
Gwapo si John, kamukha ko nga pero hindi ko maikakailang gwapo rin ang katabi niya at nakaakbay sa kanya sa litrato lalo na at nakangiti pa. Mukhang anghel ang mukha hindi gaya ni John na anghel ang ugali pero maangas ang mukha kagaya ng akin.
“Kaibigan niya kaya ito?” tanong ko sa aking sarili. “O di kaya...” napahinto ako sa sasabihin ko pa.
Ayokong isipin ang huling naisip ko pero pwedeng maging posible.
Sa totoo lang... alam ko na may iba sa pagkatao ni John. Silahis siya. Naalala ko nung nagtapat siya sa akin nung kami’y labing pitong taong gulang pa lang. Nung una, nahirapan akong tanggapin, ilang araw ko rin siyang hindi kinausap nun pero kinalaunan, natanggap ko rin kasi wala namang ibang tatanggap sa tunay na ikaw kundi ang pamilya mo. Maluwag kong tinanggap iyon dahil kakambal ko siya. Isa pa, nakikita ko naman na mabuti siyang tao at hindi ako binibigyan ng sakit ng ulo, sinong hindi mahihirapan na siya’y tanggapin.
Pero siyempre, pinaulanan ko rin siya ng mga pangaral noon. Alam ko kasi ang pakiramdam at hirap ng nasa ganung sitwasyon, hindi sa ganun din ako kundi dahil sa may mga kakilala akong nakikita ko ang hirap at lungkot nila sa tuwing sila’y kukutyain, lalaitin at higit sa lahat, babastusin. ‘Yung parang napakalaking kasalanan ang nagawa nila para matanggap ang ganung klaseng pagtrato na hindi naman dapat. Alam ko naman na sa isang sulok ng damdamin ni Kambal, hindi niya ginusto ang kung maging ano siya pero tinanggap na lamang niya dahil wala na rin naman siyang magagawa. Ganun na siya e, alangan namang pigilan pa niya, siya lang rin ang mahihirapan at hanga ako sa kanya dahil doon. Naging handa siya na magpakatotoo.
Bilang kakambal niya ako, sinuportahan ko na lamang siya. Mabuti na nga lang at hindi siya ‘yung kagaya ng iba na nagbibihis pambabae, kung ano siya manamit, ganun pa rin siya. Damdamin lamang niya ang nagbago ngunit hindi ang kung anong nakikita sa kanya.
“Ayokong isipin na kasintahan niya ito pero pwedeng posible... ibig sabihin... naglihim siya sa akin?” tanong ko sa aking sarili. Hindi siya pwedeng maglihim sa akin dahil alam niyang magagalit ako pero alam ko naman na hindi ko hawak ang utak at damdamin niya kaya kahit na alam kong ayaw niya maglihim, nagawa niya.
Hangga’t maaari kasi ay pinagsasabihan ko siya na pag-aaral muna ang kanyang pagkaabalahan bago na ang ibang bagay kabilang na roon ang pag-ibig at pagkakaroon ng karelasyon, sa madaling salita, pinagbabawalan ko siya kahit na hindi ko diretsahang sinasabi iyon sa kanya. Hindi naman sa tutol ako sa pakikipagrelasyon niya at sa buhay pag-ibig niya pero pwede naman niyang gawin ang mga iyon kapag nakatapos na siya nang pag-aaral.
Napabuntong-hininga ako. Hindi ko alam pero may nag-uudyok sa akin na kilalanin kung sino ang lalaking ito at ano ang parte niya sa buhay ni Kambal.
Baka dito ko makuha ang sagot sa kung bakit ginawa iyon ni Kambal.
- - - - - - - - - - - - - - - - -
Nasa tapat ako ngayon ng bagong eskwelahan ni Kambal. Nakasuot ako ng uniform niya at dala ko rin ang ID niya. Balak ko kasing pumasok dito bilang siya para malaya akong makapagtanong-tanong. Bukod kasi sa iilang kapitbahay na siya ring nakiramay at nakipaglibing, wala nang nakakaalam pa sa pagkamatay ng kakambal ko dahil ninais ko rin na maging lihim ito sa lahat.
Malaya akong nakapasok sa eskwelahan bilang siya. Malaki naman ang eskwelahang ito at sa totoo lang, kung hindi ko lang alam na pampubliko ito ay aakalain kong pribado ito dahil na rin sa maganda naman.
Nagsimula akong magtanong-tanong sa iba’t-ibang estudyante na pwede kong mapagtanungan. Dala ko ang litrato ay ipinapakita ko sa kanila at tinatanong kung kilala nila ang lalaking katabi ko kunwari sa litrato. Ang iba nga ay pinipilosopo pa ako dahil bakit hindi ko kilala ang lalaki e katabi ko nga sa litrato, kung wala lang akong kailangan sa kanila, malamang ay inumbagan ko na sila.
Nagpunta rin ako sa mga klaseng pinapasukan ng kakambal ko. Kunwari nga ay ako siya. Nagtanong-tanong din ako sa mga naging kaklase niya pero wala... lahat ng napagtanungan ko, hindi kilala kung sino ang lalaki ito.
Lumabas ako nang eskwelahan nang bigo. Napabuntong-hininga. Sa isang araw, babalik muli ako rito para na rin ipaalam sa mga namamahala ng eskwelahan, partikular na sa presidente ng school na wala na ang kakambal ko kaya hindi na ito makakapasok pa. Sa ngayon, panatilihin na munang lihim ang lahat.
Pamaya-maya ay naisip kong pumunta sa dating eskwelahan ni Kambal. Baka doon, kilala nila kung sino ang lalaking ito.
Kaagad akong bumalik sa bahay para magbihis ng uniform, ‘yung ginamit niyang uniform sa dating eskwelahan niya ang isusuot ko. Kinuha ko rin ang dati niyang ID.
- - - - - - - - - - - - - - - - - - -- -
Nasa tapat na ako ng dating eskwelahan ni Kambal. Kumpara sa bago nitong school, mas maliit ito pero sa pagkakaalam ko, kasya rito ang isang libong mag-aaral na nahahati sa limang kurso na inooffer ng eskwelahan kabilang na roon ang HRM.
Malaya akong nakapasok sa eskwelahan dahil may ID ako. Ewan ko ba kung sadyang hindi lang talaga ginagawa ng gwardya ang trabaho nila o tanga lang din talaga. Hindi ba nila alam na hindi na estudyante ng eskwelahang ito ang kakambal ko? O baka hindi lang napaalam sa kanila.
“JM! Uy! JM!”
Napahinto ako sa paglalakad. May tumatawag kasing JM, nickname iyon ng kakambal ko kung minsan. Hindi ko lang sigurado kung siya nga ang tinatawag kaya hindi ako tumitingin sa kanila, marami rin naman kasing may pangalang JM sa mundo.
Hanggang sa pumunta sila sa harapan ko. Dalawang lalaking mas maliit pa sa akin. May mga itsura naman pero kung ikukumpara sa akin, milya ang lamang ko. Hay! Sa panahong ito nagagawa ko pang magbiro, ano?
“JM... Bakit ka nandito? Di ba lumipat ka na ng school?” tanong nung isa.
“Oo nga... O baka naman may binabalikan ka? Oy move on na... wala na kayo di ba?” sabi pa nung isa.
Hindi ako sumasagot sa sinasabi nila. Hindi ko naman kasi maintindihan kung ano ang ibig nilang sabihin.
“Ay? Napipe na yata Patrick.” Sabi nung una. So Patrick ang pangalan nung pangalawa.
“Baka nga David.” Sabi nung Patrick. David ang pangalan nung una. “JM... Ok ka lang ba talaga? Hanggang ngayon ba ay hindi ka pa rin nakakapag move on sa paghihiwalay ninyo ni j**s?” tanong pa nito.
“j**s?” tanong ko.
“Oo... ‘Yung Ex boyfriend mo... Hala! Huwag mo sabihing nakalimutan mo na ang pangalan niya? May amnesia ka ba?” tanong ni David.
Napailing ako bilang sagot sa kanya. Ngayon, napagdudugtong-dugtong ko na ang lahat.
“Kung makatanong ka naman diyan David... So... ano ngang ginagawa mo dito at nagbalik ka? Sa ibang school ka na pinag-aral ng kakambal mo di ba? Alam niya bang nandito ka?” tanong ni Patrick. Sa tingin ko,mga kaibigan ito ni Kambal na walang kaalam-alam na wala na ang kaibigan nila.
Tipid akong napangiti. Kailangan kong magpanggap na ako si Kambal para hindi rin sila makahalata.
“Dinalaw ko lang kayo... Si Kambal... nadestino sa malayong lugar at doon muna siya nagtatrabaho... Alam niya rin na nagpunta ako dito dahil ipinaalam ko sa kanya.” Sabi ko.
“Ay ganun ba... pero bakit kailangan mo pang magsuot ng uniform namin e hindi ka na nga nag-aaral dito? Pwede ka namang pumasok dito sa school bilang bisita.” Tanong ni David.
“Para lang makasigurado na makakapasok pa rin ako.” Sabi ko.
Natawa ang dalawa.
“Wow! Bago ‘yan a... Nagiging sutil ka na rin.” Sabi ni Patrick.
“Tara na muna at doon tayo sa canteen... Libre ka namin.” Sabi ni David.
Napatango na lamang ako saka sumunod sa kanila.
Sa bandang dulo ng canteen, doon kaming tatlo naupo. Tinupad nila ang pangako na ililibre nga nila ako dahil ang daming pagkain na binili nila.
“Oy! Ayun si j**s o!” sabi ni David sabay turo sa kung saan.
Napatingin ako sa tinuro niya. Nakita kong papasok ngayon ang isang matangkad na lalaki. Kasing puti ko, mas malaki ang katawan at masasabi kong gwapo. Kung ano ang itsura sa picture, ganun din sa personal. May kaakbay itong babae na mas maliit sa kanya ng ilang pulgad at maganda, sexy pa.
“Ang dali talagang magpalit ng karelasyon niyang si Japs... last week, yung freshman na gwapo dun sa education department ang kasama niya tapos ngayon... ‘yung babae namang ‘yan. Parang damit lang kung magpalit kaagad” Sabi ni David.
“Ganun talaga kapag mayamang silahis... Kahit sa anong kasarian... matinik.” Sabi naman ni Patrick.
Nakatingin lamang ako doon sa j**s. Sa ilalim ng mesa, napapakuyom ang magkabilang kamao ko. Hindi ko maiwasang isipin na ganyan din ang naging kapalaran ng kakambal ko sa mga kamay niya. Ngayon, alam ko na ang dahilan kung bakit kaagad kong napapayag si Kambal na lumipat ng school... dahil may tinakasan siya, ngayon alam ko na kung ano pa ang maaaring malalim na dahilan kung bakit siya nagpakamatay, maaaring sobra siyang nasaktan ng lalaking ito.
“JM... Ok ka lang ba?” tanong sa akin ni David. Napatingin ako sa kanya. Napatango ako.
“Huwag mo nang ilihim... alam naming hindi ka pa ok knowing the fact na minahal mo talaga ng lubos ang lalaking ‘yan kahit hindi naman siya worth it... Palibahasa kasi mayaman kaya kung makapaglaro sa damdamin ng mga taong nagiging bahagi ng buhay niya, ang dali-dali lang para sa kanya.” Sabi naman ni Patrick.
Napangiti ako.
“Ok lang ako.” Sabi ko. “A... Pwede bang lapitan ko siya?” tanong ko na nagpagulat sa kanila.
“Ha? Bakit mo pa siya lalapitan?” tanong ni David.
“Gusto ko lang siya makausap.” Sabi ko.
“Pero...”
“Sandali lang ako.” Sabi ko kaagad at tumayo na ako at iniwan sila.
Lumapit ako sa kinaroroonan nila j**s at nung babae niya.
Nang makalapit ay napatingin silang dalawa sa akin. Mukhang nagulat pa ‘yung j**s.
“O... JM... May kailangan ka? Sa pagkakaalam ko... Hiwalay na tayo at naging maayos ang usapan natin... O baka naman hindi mo pa rin matanggap hanggang ngayon.” Natatawang sabi nito, pati rin ‘yung babaeng kasama niya, natawa sa sinabi niya.
Napangiti ako.
“Siguro nga hindi ko pa rin matanggap... pero darating din ako dun dahil ‘yung mga taong katulad mo... hindi dapat pinapanatili sa puso nang matagal.” Sabi ko. Huminto siya sa pagtawa at nawala ang ngiti niya. Mukhang anghel pero demonyo pala ang nasa loob.
Sa totoo lang, gusto ko na siyang bugbugin, patayin pa nga dahil sa ginawa niya sa kakambal ko pero nasa eskwelahan ako.
Tinalikuran ko na siya bago pa magdilim lalo ang paningin ko. Maglalakad na sana ako pabalik kay David at Patrick pero napahinto ako sa sinabi niya.
“Tingnan natin kung mawala nga ako sa puso mo. Sa huling pagkakaalam ko kasi... baliw na baliw ka sa akin e.” Sabi nito sabay tawa pa nang malakas.
Napapikit ako at napakuyom ang magkabilang kamao ko sa sobrang inis at galit. Mabuti na lang at napigilan ko ang sarili ko. Muli na lamang akong naglakad pabalik sa mga kaibigan ni Kambal.
Ngayon... Kilala ko na kung sino ang dapat kong pagbayarin.
#TheOtherTwinsRevenge
CHAPTER 4
JUAN MIGUEL SEVERINO’S POINT OF VIEW...
Malakas na suntok ang ibinigay ko sa pader ng kwarto ko dahil sa sobrang inis at galit. Pakiramdam ko, namanhid na sa sakit ang aking kamao dahil sa totoo lang, wala akong naramdamang sakit kahit na sobrang lakas ng suntok ng kamao ko. Mas masakit pa rin para sa akin ang mga nangyari.
Sa mga nalaman ko, maihahalintulad ko siya sa pader na sinuntok ko, kahit anong suntok ko ng malakas, kahit na sipain ko pa, hindi siya ang matutumba at mawawasak kundi ako dahil sa sakit at bali-baling buto kung patuloy ko pa itong susuntukin at sisipain.
Paano ako lalaban kung sa una pa lang, alam ko ng talo ako? Para akong kumuha ng bato na ipupukpok sa ulo ko na magiging dahilan ng pagkalaho ko sa mundo.
Bumalik ako sa dating eskwelahan ni Kambal, tinanong ang mga estudyanteng nakakakilala kay j**s kung sino ba talaga siya. Hindi ko tinanong ang dalawang kaibigan ni Kambal dahil siguradong magtataka ang mga iyon dahil ang alam nila, ako si Kambal at dapat kilala ko ang taong iyon.
Nalaman kong isa siya sa mga anak ng mga Villamerte, isang mayaman at maimpluwensyang pamilya. Maraming koneksyon sa gobyerno man o sa negosyo. Nalaman ko rin na maraming negosyo ang pamilya nito. Nakakapagtaka lamang kung bakit sa isang public school nag-aaral ang isang mayamang gaya niya? A... Baka ito rin ang gusto ng gagong iyon para may mapaglaruan dahil kung sa private school siya mag-aaral kung saan mayayamang gaya niya ang estudyante, tiyak na mahihirapan siyang makauto.
‘Yun na nga... paano ko siya babanggain kung pader siya at ako’y di hamak na mahirap na tao lang? Tiyak na mahihirapan ako.
Pero hindi dapat ako sumuko... ngayong alam ko na kung sino ang dapat pagbayarin sa mga nangyari sa kakambal ko, wala ng lugar ang pagsuko sa akin, sa kahit anong paraan, pagbabayarin ko siya. Titiyakin kong mabibigyan ng hustisya ang kakambal ko, hindi man batas ang magbigay nun kundi ako. Ilalagay ko sa aking kamay ang hustisyang nararapat para sa kakambal ko.
- - - - - - - - - - -- - - - - -
Patingin-tingin ako sa paligid. Ewan ko ba kung paano ako napadpad sa kahabaan ng kalye na ito kung saan, ayon sa mga naririnig kong usap-usapan, kalye ito na kung saan, may mga nangyayaring bentahan ng laman at ipinagbabawal na gamot. Hay! Bahala na... nandito na lang din edi tumambay na muna ako.
May kadiliman ang lugar pero sapat na ang sinag na galing sa buwan at mga ilaw na galing sa mga establisyimento para makita ko pa rin ang paligid.
Napangiti ako ng may makita akong babae na naglalakad mag-isa. Sa tingin ko ay isa siyang estudyante dahil na rin sa ang dami niyang dalang libro at mga kung ano-ano pang gamit. Hindi kasi nagdala ng bag ayan, nahihirapan magdala dahil kamay ang ang gamit. Pero sa totoo lang, kahit na nahihirapan siya ay maganda pa rin siya.
Hanggang sa mawala ang ngiti ko at awtomatikong lumapit ako sa babae dahil biglang nagsibagsakan ang mga gamit niya sa sementadong daan. Kaagad ko siyang tinulungan pumulot sa mga iyon.
Napatingin siya sa akin.
“Salamat a.” Sabi niya. Ang hinhin ng boses.
Napatingin ako sa kanya. Kung sa malayo ay maganda na siya, mas lalo na sa malapitan. Ang liit ng mukha kagaya ng katawan niya na may korte naman. Singkit ang mga mata, matangos ang ilong at manipis ang labi na nilagyan ng pulang lipstick. Mahaba din ang kanyang buhok na sa tingin ko, ang lambot kung hahawakan. May pagkamorena din ang kanyang balat. Sa tingin ko nga, may lahi itong banyaga, hindi ko lamang sigurado kung ano, o baka wala naman.
“Wala iyon... Wala ka bang dalang bag?” tanong ko sa kanya.
Napailing siya.
“Wala e... Biglaan lang rin kasi itong pamimili ko kaya hindi ako nakapagdala ng bag.” Sabi niya.
Napatango ako.
Nagulat na lamang siya ng bigla akong tumayo saka hinubad ang suot kong t-shirt. Nakita na niya tuloy ang maganda kong katawan.
“S-Sir... Anong ginagawa niyo?” tanong niya. Sino ba naman kasing hindi magugulat sa ginawa ko?
Tinali ko ang manggas ng aking t-shirt para maging lalagyanan ito. Wala na akong pakiealam kung makita akong nakahubad ng ibang tao o niya, anong dapat kong ikahiya? E maganda naman ang katawan ko saka isa pa, sa mga oras na ito, alam kong wala nang nanghuhuling pulis sa mga nakahubad sa kalsada.
Muli akong naupo para magpantay kaming dalawa. Nilagay ko isa-isa ang mga dala-dala niya sa t-shirt kong ginawa kong bag.
Matapos kong ilagay lahat ay iniabot ko na sa kanya. Nakita ko pa rin ang gulat sa mukha niya. Ang cute niya sa totoo lang.
“Kunin mo na bago pa magbago ang isip ko at kunin ko muli sayo itong t-shirt ko.” Sabi ko sa kanya.
Nag-aalangan pa siya pero kinuha rin niya mula sa akin ang mga gamit niyang nakalagay sa t-shirt kong ginawang bag. Muli kaming tumayong dalawa.
“Paano ka... wala kang suot na t-shirt...”
“Ok lang... Sanay na akong nakahubad.” Sabi ko kaagad sa kanya. “Sa susunod, magdala ka na ng malaking bag para kung sakaling may biglaan kang bibilhin at ganyan pa karami, at least may nakahanda ka ng lalagyan... isa pa, magsama ka rin ng kaibigan mo o pamilya mo... gabing-gabi na at nasa labas ka pa rin.” Sabi ko pa. Nakatingala siyang nakatingin sa akin, ang liit niya kasi, hanggang balikat ko lang. Sa tingin ko rin, isang taon lamang ang tanda ko sa kanya.
Napangiti siya. Mas maganda pala siya kapag nakangiti.
“Salamat a.” Sabi niya. Napatango na lamang ako. “Kung gusto mo, sumama ka sa bahay para mabayaran ko ang pagtulong mo sa akin at mapalitan ko ang t-shirt mo...”
“Huwag mo kong insultuhin.” Sabi ko kaagad. Nawala ang ngiti ko dahil nakaramdam ako ng inis sa sinabi niya. “Hindi lahat ng tumutulong, kailangan ng kabayaran.” Sabi ko pa.
Nawala ang ngiti niya.
“I’m sorry... Hindi ko lang kasi alam kung paano masusuklian ang kabutihan mo...”
“Hindi ko kailangan ng sukli mo.” Sabi ko kaagad.
Napayuko siya.
“I’m sorry.” Sabi niya.
“Sige na umuwi ka na.” Sabi ko.
Napatango siya. Muli siyang napatingin sa akin.
“Salamat ulit... Ako nga pala si Jass. Jassmine for short.” Pagpapakilala niya.
Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko sa kanya. Magpapakilala ba ako? Hay!
“John Miguel.” Pagpapakilala ko sa sarili ko. Sorry kambal pero ginamit ko ang pangalan mo.
Napangiti siya.
“Sige... salamat... Sa susunod nating pagkikita, isosoli ko itong t-shirt mo.” Sabi niya.
Napatango na lamang ako.
Nakasunod ang tingin ko sa kanya habang naglalakad na siya palayo. Tipid akong napangiti.
Hoo... Nakaramdam ako ng lamig. Nakahubad kasi ako e.
“Iho...”
Napatingin ako sa tumawag sa akin ng Iho. Nakita ko na mula sa hindi kalayuan, nakatayo ang isang lalaking sa tingin ko, nasa late forties na ang edad at nakatingin sa akin. Halata man ang edad sa kanya pero kakikitaan pa rin ito ng kakisigan at kagandahang lalaki, lalo na siguro nung bata pa ito.
Nakatingin lamang kami sa isa’t-isa. Hanggang sa dahan-dahan siyang lumapit sa akin.
“Bakit ka nakahubad?” tanong niya. Ang lalim ng boses. Naalala ko ‘yung pari sa simbahan dahil halos parehas sila ng timbre ng boses pero mukhang hindi naman siya pari.
Tipid akong napangiti.
“May tinulungan lang.” Sagot ko sa kanya.
“Tinulungan saan?” tanong niya. Ang dami naman niyang tanong.
Hindi ko siya sinagot, hindi ko naman siya kilala kaya hindi ako obligadong sagutin siya sa mga tanong niya.
“Isa ka ba sa mga callboy dito sa lugar na ito? Hindi naman siguro lingid sa iyong kaalaman kung anong klaseng lugar ito di ba?” magkasunod na tanong niya.
Oh... Nagulat ako sa mga tanong niya... Kung alam niya kung anong klaseng lugar ito... ibig sabihin...
“Isa ka ba sa mga parokyano dito?” tanong ko sa kanya.
Hindi siya sumagot. Umiwas ito nang tingin sa akin.
Nagulat na lamang ako ng biglang may ipatong sa katawan ko, napatingin ako sa kanya, hindi na niya suot ang men’s coat na kanina’y suot niya, nakasuot na ito sa akin.
“Masyadong malamig ang panahon, mahirap na at nakahubad ka pa.” Sabi niya.
Gusto ko sanang alisin sa katawan ko ang damit niyang pinahiram sa akin pero hindi ko na lamang ginawa. Sa totoo lang, iba ang pakiramdam ko sa lalaking ito, magaan at sa tingin ko, mabait naman siyang tao. Madaling mapagkatiwalaan.
“Pwede ka bang sumama sa akin?” narinig kong tanong niya kaya kaagad akong napatingin sa kanya.
“Saan?” tanong ko.
Napatingin siya sa akin. Nagkatitigan na naman kami.
“Basta... sumama ka na lang sa akin. Huwag kang mag-alala... Hindi kita ipapahamak.” Sabi niya.
Hindi ko maintindihan pero kaagad akong napatango, nagtiwala sa kanya kahit na sa tingin ko ay hindi maganda ang pakay niya sa akin.
Ang hindi ko alam... sa aking pagsama sa kanya... malaking pagbabago ang magaganap sa buhay ko.