#TheOtherTwinsRevenge
CHAPTER 1
JUAN MIGUEL SEVERINO’S POINT OF VIEW...
“Kuya... Halika na at kumain na tayo.”
Napatingin ako sa kakambal ko na nasa hapag-kainan, nakangiti sa akin kaya sinuklian ko rin ng ngiti. Kakauwi ko lamang galing trabaho at alam ko na bakas sa aking mukhang ang pagod.
“Sige... Magbibihis lang ako pagkatapos sabay na tayong kumain.” Sabi ko. Laging maaga ang uwi niya galing eskwelahan kaya naman madalas ay siya ang naghahanda ng magiging hapunan namin.
Napatango siya sa sinabi ko at ipinagpatuloy ang paghahain ng pagkain. Ako naman ay tumuloy na sa kwarto para magbihis.
Nakaharap ako sa parihabang salamin na nasa loob ng kwarto. Tinitingnan ang sariling repleksyon. Tipid akong napangiti, sa kabila ng pagiging busy ko sa trabaho sa fast food, kahit papaano ay hindi ko pa rin napapabayaan ang pangangatawan ko. Maganda pa rin ang hubog at kahit na sinong makakita, siguradong ito’y hahangaan.
Sa totoo lang, parehas kami ni Kambal na maganda ang pangangatawan kahit na hindi naman kami tambay sa gym. Siguro nasa lahi na rin namin dahil ang aming ama ay maganda rin ang pangangatawan nung ito’y nabubuhay. Sana nga ay magkaiba kami ng pangangatawan ng kakambal ko para naman kahit ‘yun lang ay masabi naming may pagkakaiba kami sa pisikal na itsura.
Same built, same height, same fair complexion, same face – parehas na gwapo. Magkaparehas na magkaparehas talaga kami pagdating sa pisikal at wala talagang pagkakaiba liban lamang sa aming mga pangalan at pag-uugali na rin.
Oo nga pala, ako si Juan Miguel Severino at si Kambal, siya si John Miguel Severino, parehas kaming 18 years old.
Kung magkaparehas na magkaparehas kami sa pisikal na aspeto, masasabi ko naman na sa pag-uugali naming dalawa ay hindi. Mahiyain siya, makapal ang mukha ko,madali siyang sumunod, ako naman ay matigas ang ulo, mahilig siyang mag-aral, ako hindi masyado, emosyonal siya, ako matigas, malakas ang loob ko pero siya, kailangan ko pang palakasin ang loob niya, matyaga siya, ako naman... matyaga rin naman pero kung siya, hangga’t kaya niya kahit ayaw na niya ay gagawin pa rin niya pero ako hindi, kapag ayaw ko na, ayoko na.
Siya ang anghel at masasabi kong ako ang demonyo... kahit na may pagkamaangas ang mukha naming dalawa.
Simula pagkabata ay magkasama na kaming dalawa, sa kalokohan pero madalas, sa mga pagsubok. Masasabi kong masarap din ang may kakambal na lagi mong kasangga sa lahat ng oras, laging pwedeng tumulong sayo sa tuwing ako’y nahihirapan na.
Matapos kong tumingin sa salamin ay nagsuot na lamang ako ng short. Wala kasi akong suot kanina habang nakatingin sa salamin kundi brief lamang. Hindi na ako nag-abala pang magsuot ng t-shirt o sando dahil ang init ng panahon. Nang maisuot ko na ang short ko ay lumabas na ako sa kwarto.
Naabutan kong nakaupo na si John at hinihintay ako. Kaagad na akong lumapit.
“Mukhang masarap ang luto mo a.” Sabi ko. Kaya HRM ang kinuha nitong kurso sa kolehiyo ay dahil sa mahilig din itong magluto. 2nd year pa lang siya. Kung may pagkakataon din ako para mag-aral, HRM din ang kukunin ko dahil parehas kami ni Kambal, mahilig at masarap magluto.
Napangiti siya sa sinabi ko.
“Mana kaya ako sayo... Masarap magluto.” Sabi niya.
Napatango saka ngumiti ako.
Sabay na kaming kumain. Isang putahe lang naman ang ulam namin saka kanin.
“Hindi talaga nagbabago itong luto mo sa adobo... ang sarap.” Sabi ko habang kumakain.
Napangiti siya sa sinabi ko.
“Oo nga pala... Kumusta sa bago mong school? Maayos ba ang unang linggo mo doon?” tanong ko sa kanya. Ang bilis ng panahon, naka-isang linggo na siya sa bagong eskwelahan niya.
“Medyo nangangapa pa Kambal pero masasabi kong ayos naman.” Sabi niya.
“Mabuti naman kung ganun... Basta Kambal a... pagbutihin mo ang pag-aaral mo... igagapang ko para lang makatapos ka at maging successful ka sa buhay sa hinaharap.” Sabi ko.
Napatango siya sa sinabi ko. Kahit hindi ko naman siya pangaralan, alam kong pinagbubutihan niya ang pag-aaral.
Sa totoo lang, minsan lang din kami magkausap ng ganito. Ngayon na nga lang ulit pagkatapos ng ilang buwan. Masyado rin kasi akong busy sa trabaho kaya aminado akong hindi ko siya natututukan pero malaki ang tiwala ko sa kanya at hindi pa naman niya ako binibigo. Aminado rin akong napapabayaan ko rin siya pero alam ko, matured na rin mag-isip ang kakambal ko kaya naiintindihan na niya ang lahat at natututo na rin siyang tumayo sa sarili niyang mga paa.
“Oo nga pala... Bukas ko na ibibigay ‘yung allowance mo a... hindi pa kasi ako nakakapag-withdraw.” Sabi ko. Sweldo din kasi ngayon pero dahil mas inuna kong umuwi, hindi na ako nakadaan pa sa ATM machine.
“May pera pa naman ako Kambal kaya ok lang.” Sabi niya.
Napatango ako.
Namayani ang katahimikan sa pagitan namin. Tanging tunog ng mga kubyertos ang nag-iingay sa paligid dahil nagpatuloy lang kami sa pagkain.
Hanggang sa matapos na kami sa pagkain.
“Ako na ang maghuhugas... Matulog ka na at maaga pa ang pasok mo bukas.” Sabi ko. Mas maaga ang pasok niya kaya maaga rin ang uwi niya kumpara sa akin.
“Ok... Sige Kambal.” Sabi niya.
Iniwan na niya akong mag-isa sa hapag-kainan. Napabuntong-hininga ako.
Siya na lamang ang pamilyang meron ako at hinding-hindi ko hahayaan na pati siya ay mawala sa akin kaya hangga’t kaya ko, hindi ko siya pinababayaan.
Tumayo na ako mula sa inuupuan ko at niligpit na ang mga pinagkainan at hinugasan ito.
Matapos kong gawin iyon ay lumabas na muna ako ng apartment. Kinuha sa bulsa ng suot kong short ang isang kaha ng sigarilyo na may dalawa pang stick ang laman. Kinuha ko ang isa at gamit ang lighter, sinindihan ko iyon saka hinithit. Ito lang ang bisyo ko dahil minsan lang naman ako uminom, pinagbabawalan nga ako ni Kambal pero matigas nga ang ulo ko kaya pinababayaan na lamang niya ako.
Nakatayo lamang ako sa gilid ng pinto sa labas. Nakatingin sa kalangitang sobrang dilim na kaya nakalitaw ang buwan na pinalilibutan ng mga nagkikislapang bituin. Tipid akong napangiti. Naalala ko kasi ang mga magulang namin.
Naisip ko... nakatingin kaya sila sa amin ngayon? Binabantayan kaya nila kami? Napabuntong-hininga ako. Siguro masasabi kong oo dahil kahit papaano ay um-okay naman ang buhay namin, hindi man naging masyadong magaan pero masasabi kong maswerte pa rin kami dahil ako, may regular na trabaho habang si Kambal, nakakapag-aral.
Tinapon ko ang upos ng sigarilyo ng maubos ko na ang kahabaan nun saka inapakan para mamatay. Binuga ang natitira pang usok sa bibig ko.
Nanatili pa ako sandali sa labas bago nagpasyang pumasok muli sa loob at dumiretso sa kwarto. Naabutan kong tulog na si Kambal at may hawak pang libro. Tipid akong napangiti.
Bago nahiga ay inayos ko na muna ang pagkakahiga ni Kambal sa kama, tinanggal ang librong nakatulugan na niyang basahin at inilagay sa katabing mesa pagkatapos ay kinumutan na siya.
Nahiga na ako sa tabi niya. Pinikit ko ang aking mga mata para piliting matulog pero mailap ang tulog sa akin kaya muli ko na lamang dinilat ang aking mga mata saka tumitig sa kisame. Natulala.
Pagkatapos kong matulala ay tiningnan ko naman si Kambal na tulog na tulog na. Napangiti ako. Para talaga akong nananalamin. Hindi ko rin naiwasang isipin na ang swerte ko dahil may kakambal ako, hindi ako pinabayaan nila Mama at Papa at pati na rin ng nasa Itaas na nag-iisa ako. May mga pagkukulang man ako bilang kapatid pero nandyan pa rin siya para sa akin.
Sa posisyong iyon... dinalaw ako nan antok hanggang sa ako’y makatulog na.
#TheOtherTwinsRevenge
CHAPTER 2
JUAN MIGUEL SEVERINO’S POINT OF VIEW...
Twins instinct.
Alam kong hindi lang kami ang kambal sa mundo kaya sa mga kambal rin diyan... alam niyo ang ibig kong sabihin.
Ewan ko ba pero may mga kutob akong nararamdaman sa kakambal ko na hindi ko ma-distiguish kung ano. Kutob na sa totoo lang, hindi maganda.
Ngayon ay naniniwala na ako sa kasabihang ang mga nararamdaman ng kambal ay magkadugtong. Kung ano ang nararamdaman ng isa, ganun rin ang mararamdaman mo. Ibig sabihin, ganito rin ang nararamdaman ni Kambal?
Napakibit-balikat tuloy ako. Ewan ko, naniniwala naman ako sa kasabihan pero hindi lubusan kasi hindi ko nga alam kung nararamdaman ba niya kung anong nararamdaman ko kahit wala akong sinasabi.
Napabuntong-hininga ako. Ang gulo ko no? Wala e, magulo talaga ako.
“The number you have dialled is either unattended or out of coverage area... The number you hava dialled...”
Binaba ko ang tawag at muling nag-dial pero ganun pa rin ang sagot sa akin. Kanina ko pa tinatawagan si Kambal pero hindi sumasagot. Hays!
Binaba ko na lamang ang tawag. Itinago sa bulsa ang cellphone ko pagkatapos ay napatingin ako sa wrist watch na suot ko. Matatapos na ang break ko. Inihanda ko na lamang ang sarili ko sa muling pagtatrabaho. Inalis ang hindi magandang kutob.
- - -- - - - - - - - - - - - - - - - -
“Bukas midshift ka a.” Sabi ni Boss sa akin. Napatango na lamang ako sa sinabi niya.
Pumunta ako sa locker room para kunin ang gamit ko at magbihis na rin. Uwian ko na kasi kaya uuwi na ako.
“Sige boss... uwi na ako.” Pagpapaalam ko. Napatango lamang ito sa akin at tuluyan na akong lumabas sa fast food chain na pinagtatrabahuhan ko.
Pumunta muna ako sa likod ng establisyimento, doon kasi ay may nagtitindang sigarilyo kaya nanigarilyo muna ako.
Nakaramdam ako ng inis, hanggang ngayon ay out of coverage si Kambal na muli kong tinatawagan.
Hindi ko pa ubos ang sigarilyo ng itapon ko na ito. Nagpasya na akong maglakad papunta sa sakayan para makauwi na. Baka nasa bahay na si Kambal at naka-charge ang cellphone dahil na-lowbat.
- - - - -- - - - - - - - - - - - - - - -
“Kambal!” pagtawag ko sa kakambal kong si John ng makapasok ako sa bahay namin. Wala kasi akong naabutan sa pagpasok ko kaya naisip kong baka nasa kwarto ito.
Napansin kong wala pang nakahandang pagkain para sa hapunan. Nakakapagtaka dahil sa tuwing uuwi naman ako, inihanda na ito ni John.
Napabuntong-hininga ako. Ayokong mag-isip ng kung ano-ano pero hindi ko maiwasan.
Ibinaba ko na muna ang bag ko sa sofa saka nagpasyang pumunta sa kwarto.
Sa pagkabukas ko ng pintuan ng kwarto... Tila nanigas ako sa aking kinatatayuan dahil sa nakita. Kasabay ng kabang nararamdaman ko ay ang luhang biglang kumawala sa aking mga mata.
Si Kambal... may nakataling lubid sa leeg at... nakabitin ang katawan sa kisame. Sa ilalim niya, ang nakatumbang upuan na sa tingin ko, pinagpatungan niya.
“KAMBAAAAAAAAAAAALLLLLLLLLLLLLLLLLL!” malakas na sigaw ko at nagmamadaling tumakbo palapit sa kanya. Kaagad akong pumatong sa itinayo kong upuan para ialis siya sa pagkakabigti.
Ramdam ko ang lamig at katigasan ng katawan niya pero nananalig akong maililigtas ko pa rin siya sa kamatayan.
Naialis ko siya sa pagkakabigti. Inihiga ko ang katawan niya sa kama.
“Kambal! John! Gumising ka!” pagtapik ko ng sunod-sunod sa mukha niya. Halos sampalin ko na nga para gumising.
Namumutla na ang kanyang mukha, nakapikit ang kanyang mga matang may bakas ng luha. Tuloy-tuloy lamang ako sa pag-iyak. Hindi ako makapaniwala sa nangyayari. Gusto kong maging panaginip na lamang ito.
“Kambal naman! Gumising ka! Hindi mo ako pwedeng iwan!” sabi ko habang pilit pa rin siyang ginigising kahit na alam kong hindi na siya magigising dahil huli na ang lahat. Kumbaga, indenial pa rin ako.
“John! Please!” sabi ko. Hinalikan ko pa ang labi niya para i mouth to mouth siya, binibigyan ko siya ng hangin.
Pero walang nangyari... Nahuli ako...
Hindi ko maintindihan kung bakit niya ito ginawa... Ok naman siya e... masaya naman siya pero bakit ganito? Iniwan niya ako?
Niyakap ko ang matigas niyang katawan. Iyak lamang ako ng iyak. Hindi ako makapaniwala na darating ang araw na ito.
“Bakit mo ito ginawa? Di ba may mga pangarap pa tayo na sabay nating tutuparin? Ang daya mo naman e... iniwan mo akong mag-isa... Akala ko masaya ka? Akala ko wala kang problema... dapat sinabi mo sa akin hindi ‘yung ganito.” Kinakausap ko siya habang umiiyak. Sobrang sakit... sobrang sakit para sa akin na nangyayari ito ngayon.
Pakiramdam ko, kasalanan ko ang nangyari... Kung hindi lamang ako naging busy sa trabaho... Kung natututukan ko lamang siya... malamang hindi ito mangyayari.
Sa panahong ito, gusto ko na rin kitilin ang sarili kong buhay... i failed... nabigo ako bilang kapatid at lalo na bilang tao.
Sinisisi ko ang sarili ko dahil sa totoo lang, wala akong masisi.
Tinanggal ko ang pagkakayakap sa kanya. Tumayo mula sa kama, tiningnan ang buong kwarto hanggang dumako ang tingin ko sa mesa. May nakapatong na papel doon.Nagmamadali akong kunin iyon. Sa ibabaw, nakasulat ang Kambal. Mas lalo akong napaiyak dahil sigurado akong sulat niya ito.
“I’m sorry Kambal... Binigo kita... Paalam.”
Iyon lamang ang nakalagay sa sulat pero sobrang tindi ng epekto sa akin. Sobrang sakit.
Napaupo ako sa sahig. Patuloy na lumuluha.
Hindi ko na alam tuloy kung saan ako magsisimula.
- - - - - - - - - - - - - - - - -
Nasa sementeryo ako, nakatingin sa libingan ni Kambal. Kakatapos lamang ng kanyang libing at ako na lamang ang naiwan dito.
Hindi ko na siya pinaburol pa dahil sa totoo lang, sobrang sakit ng mga nangyari para sa akin, biglaan na sa totoo lang hanggang ngayon, hindi pa naabsorb ng utak at damdamin ko ang lahat.
Ang masakit pa, hindi siya nadaan sa simbahan dahil ayon sa imbestigasyon ng mga pulis, nagpakamatay nga ang kakambal ko. Wala kasing senyales na nanlaban ito kung sakaling pinagtangkaan nga itong patayin. Isa pa, nalaman nilang may suicide note ito at sariling kamay niya ang may gawa nun. Magkaparehas man kasi kami ng sulat pero ayon sa mga imbestigador na pulis, may pagkakaiba pa rin iyon na hindi nakikita ng simpleng mga mata lang.
“Kambal... Ang daya mo talaga... Paano na ako ngayon? Mag-isa na lang ako.” Naiiyak na naman ako. Ang sakit e. “Pero wala... nangyari na ang lahat... hindi kita nakikita pero alam ko, nakikita mo ako... ikaw na ang bahala sa akin a... gabayan mo ako... Gusto sana kitang sundan sa kung nasaan ka ngayon pero alam kong ayaw mong gawin ko iyon. Sana maging masaya ka na... I’m sorry din sa mga pagkukulang ko bilang kakambal mo... siguro nga kasalan ko rin kung bakit mo nagawa ang kitilin ang sarili mong buhay.” Sabi ko pa. Pinunasan ko ang luhang kumawala sa mga mata ko.
Sa totoo lang... Bukod sa iniisip kong kasalanan ko ang nangyari sa kanya dahil sa pagkukulang ko bilang kakambal niya... Nag-iisip pa ako ng mas malalim na dahilan kung bakit niya ito ginawa. Hindi ko naman sinasabing mababaw lang na dahilan ang pagkukulang ko kaya niya ito ginawa pero pakiramdam ko, mas may malalim pang dahilan na naging sanhi kung bakit nangyari ang biglaang pangyayaring ito.
Napabuntong-hininga ako.
Susundin ko ang sinasabi ng utak at damdamin ko... Kailangan kong malaman kung ano ang mas malalim na dahilan kung bakit ninais ni John na mawala at iwan ako. Hindi ako titigil na malaman ang malalim na dahilang iyon.