"MAMANG, aalis lang ho ako sandali. Pupunta ho ako sa university."
"Bakit? Akala ko ba ay wala kang pasok ngayon? Anong gagawin mo sa school n'yo?"
"May... may kailangan akong libro para sa assignment namin, 'Mang. Kailangan kong pumunta sa library. Uuwi rin naman ako agad. Hindi ho ako magpapagabi."
"O, sige, basta mag-iingat ka."
"Oho." At pagkasukbit ko ng bag ay dumiretso na ako palabas at tinunton ang daan pababa ng bundok.
Araw iyon ng Martes. Kahapon, Lunes, ay nag-anunsiyo sa aming departmernt na mawawalan ng pasok ngayong araw. Nasabi ko iyon kay Mamang pagkarating ko kahapon kaya naman nagtaka siya nang nagpaalam akong aalis ngayon.
Si Juan Lucas ang sadya ko at hindi ang kahit anong libro sa library. Wala rin kaming assignment. Pupunta akong university para kay Lucas dahil kahapon, ang araw na pinag-usapan namin na magkikita ay walang nangyari. Nagkita naman kami, oo. Pero hindi kami nakapag-usap kahit saglit. Ni hindi ko siya nalapitan dahil mukhang nagmamadali siya. May ilan siyang kasama na mga kapwa niya senior. At nang makita niya ako ay hindi ako nagawang batiin ni ngitian man lang. Dinaanan lang ako ng mga mata niya. Nanlumo ako sa inasal niya kahapon. Ang saya at excitement na baon ko nang pumasok sa university ay naglahong bigla. Para akong lalagnatin nang umuwi dahil sobrang tamlay ko. Hindi rin ako halos nakatulog nang nagdaang gabi. Inisip ko nang inisip kung anong problema at ni hindi ako binati ni Lucas.
May nagawa ba ako? Nagalit ba siya dahil ako mismo ang sumadya sa kaniya sa building nila? Iyon kaya ang dahilan?
Maaari. Baka nanabang siya na ako pa ang excited na magkita kami. Masama ba ang ginawa ko? Ipinapakita ko lang naman na tumupad ako sa usapan namin. Ipinapakita ko lang na mahal ko talaga siya kaya sabik akong magkita kami.
Kung na-turn off siya sa ginawa ko, hindi na iyon mauulit. Pero malalaman ko kung iyon nga ang rason kapag nagkita kami ngayon. Hindi na ako makapaghintay na makausap si Lucas. Kaya naman minadali ko na ang paglakad at nang makarating na ako agad sa universidad.
"Lucas..."
Hindi ko napigilan ang aking ngiti. Malayo-layo pa ay natanaw ko na si Lucas at sakto namang magkatagpo ang nilalakaran naming dalawa. Hindi siya mag-isa dahil may mga kasama siya. Kabilang doon si Bryan at si Zion na isa sa mga nambu-bully sa akin noon.
Okay lang. Si Lucas naman ang sadya ko.
"Lucas!"
"Ooohh! Jessie, right?" Si Bryan.
Hindi ko siya pinansin. Itinuon ko ang tingin kay Lucas na diretso sa paglalakad at parang hindi ako nakita. Hindi ako sumuko.
"Lucas!"
Nilingon niya ako. Kaya hindi ako nagsayang ng oras at nilapitan siya. Hindi ko inalintana ang mga tawanan ng mga kasama niya. May isa pang nagkomento na nagbago ang taste ni Lucas. Hindi ko kilala kung sino.
"Yes? May sasabihin ka ba?"
Natigilan ako sa malamig na reception ni Lucas nang harapin ako. Nanlamig bigla ang pakiramdam ko.
"H-hindi ba..." Nahirapan akong ituloy ang sasabihin dahil nakita ko ang pagligid ng mga kasama niya sa amin. Bigla akong nahiya. Nagkabuhol-buhol tuloy ang mga salitang inihanda ko sa aking isip. "S-sorry pala kahapon... Ah... Lucas, kasi..."
"I have to go, Jessie. Nagmamadali ako. Saka na tayo mag-usap."
Nalito ako sa isasagot. Nakita kong tinalikuran niya ako. Nakailang hakbang na siya nang naisip kong humabol. "Lucas!"
"Hindi mo ba siya naintindihan? Nagmamadali siya." Sinundan ni Zion ng tawa ang sinabi. Tiningnan ko siya nang masama. Tawang-tawa pa rin siya na akala mo nakakaaliw talaga ang kaniyang sinabi. Isip-bata!
"But if you need someone to talk to, nandito naman ako. I've free time."
"Hindi ikaw si Lucas," mariing sabi ko sabay alis para sundan si Lucas na nakalayo na agad.
Hindi ko na siya nakausap. Nakasakay na kasi siya sa kotse niya nang maabutan ko. Mukhang nagmamadali nga siya, pero bakit iba ang pakiramdam ko? Iniiwasan ba ako ni Lucas? Bakit? Samantalang matiim ang pagkakasabi niya sa akin na h'wag akong aabsent dahil hahanapin niya ako. Magkikita kami. Lalabas kami at liligawan niya ako. Ano ang nangyayari?
"Jessie!"
Nagulantang ako nang paluin ni Ate Cora. Napahawak ako sa aking balikat. Nasa labas ako ng aming kubo at nakatanaw sa kawalan. Sabado ng hapon iyon. Kaninang umaga ay nag-deliver ulit ako ng mga order na kakanin sa bayan. Mula pagbaba ko kanina hanggang sa pagbabalik ay umasa akong hihintuan ulit ng kotse ni Lucas sa daan gaya noong nakaraang Sabado. Hindi naman iyon nangyari.
Sabado na naman. Isang linggo na mula nang may namagitan sa amin ni Lucas, pero mula noong inihatid niya ako pauwi ay hindi pa ulit kami nakapag-usap nang matino maliban noong matiyempuhan ko siya, pero nagmamadali naman siya.
"Bakit ka ba namamalo?" Hindi ko napigilan ang bahagyang pagsimangot. May kabigatan kasi ang kamay ni Ate Cora kaya nasaktan ako. O baka sensitive lang ako ngayon dahil sa pinagdadaanan?
"Bakit hindi kita papaluin, eh, kanina pa kita tinatawag parang wala kang naririnig! Bingi ka ba?"
Hindi ko siya sinagot. Napansin kong bihis siya kaya malamang na magpapaalam ito na aalis. Umalis din kasi si Mamang kaninang pagdating ko kaya sa akin siguro magsasabi.
"Umalis ka na kung aalis ka. Ako na ang magsasabi kay Mamang."
Itinuloy ko ang pagtitig sa kawalan at binalikan sa isip ang issue ko kay Lucas. Isang linggo na nga ang lumipas. Sa nakaraang ilang araw ay pahirapan na matagpuan ko siya sa campus. Kung matatanaw ko man siya ay parati siyang pinaliligiran ng mga tao kaya wala akong nakuhang pagkakataon para makalapit man lang. Hindi rin niya ako nakikita. Hindi ko alam kung sinasadya niyang hindi tumingin o hindi niya talaga alam na naroon lang ako. Nagkaka-anxiety na tuloy ako at hindi mapagkatulog. Salamat na lang na kahit may iniinda ako sa puso ay hindi ko napapabayaan ang aking pag-aaral. Sinisikap kong isantabi ang tungkol kay Lucas dahil importante talaga sa akin na mapanatili ang magagandang grades.
"Ikaw, Jessie, ha! May iniisip ka ba?"
Bahagya kong ginusot ang noo at tiningnan si Ate Cora. "Marami akong iniisip. Ikaw ba, wala?"
"'Sabagay. So anong iniisip mo? May problema ka siguro sa school."
"Wala akong problema sa university. Maayos ang pag-aaral ko. Iniingatan ko ang scholarship na bigay sa'kin dahil 'yon lang ang pag-asa ko sa ngayon."
"Eh, bakit ka nga ganiyan? Halos isang linggo ka nang parang wala sa sarili mo."
"Wala, Ate. Pagod lang ako."
"Pagod? Nakakapagod bang mag-aral? Nag-aaral ka nga lang, eh!"
Hindi makapaniwalang tingin ang ibinigay ko kay Ate Cora. Hindi gaya ko, pinili niyang huminto na sa pag-aaral noong nakatapos siya ng high school. Sa ngayon, pahagi-hagilap siya ng mapapagkakitaan. Sumasama siya sa mga kakilala niya sa ibaba para kumuha ng panandaliang trabaho. Madali rin kasing magsawa si Ate Cora kaya ayaw niyang humanap ng trabahong permanente.
"Nakakapagod din ang mag-aral, Ate. Araw-araw ako naglalakad pababa ng bundok at bumibiyahe papuntang bayan."
"Bakit kasi hindi ka ulit makitira doon sa teacher mo noong elementary? 'Yong mabait sa'yo."
"Wala na kasi siya sa San Miguel. Hindi ko alam kung kailan siya babalik o kung babalik pa ba siya para rito magturo."
"So wala kang problema sa school? Eh, bakit lagi kang tulala?"
Hindi ko sinagot si Ate Cora. Kunwari na lang ay hindi ko siya narinig.
"May itinatago ka sa amin ni Mamang, ano?"
Doon niya nakuha ang buong pansin ko. Kabadong nilingon ko siya at sinimangutan. "A-ano namang itatago ko? Lahat naman... ng ginagawa ko... sinasabi ko kay Mamang." Nanlalaki ang lalamunan ko nang sabihin iyon. Guilty sa pagsisinungaling, pero hindi pa kasi panahon para sabihin ko kay Mamang ang tungkol kay Lucas. May inaayos pa nga ako sa aming dalawa.
"Sinabi mo 'yan, ha! Okay!" sambit ni Ate Cora sabay tawa at iniwan ako. Pinanood ko na lang ang paglakad niya palayo pababa ng bundok.
Isang buwan ang lumipas. Hindi ko tuloy masabi kung nababagalan o nabibilisan ako sa pagdaan ng mga araw. Wala kasing nagaganap na maganda. Hanggang sa mga sandaling iyon ay naghihintay pa rin ako at umaasang makakausap ulit si Lucas.
Nami-miss ko na siya. Nami-miss ko ang mga tingin niya sa akin na parang walang ibang tao sa mundo kundi kami lamang dalawa. Hinahanap-hanap ko ang mga payo niya sa akin para makatapos ng pag-aaral. Naaalala ko rin kung paano niya ako hinalikan at niyakap. Naaalala ko ang lahat-lahat. Gusto ko na ulit siyang makasama. pero wari ko ay imposible pa sa ngayon. Malabo pa ang nangyayari. Ilang gabi na nga akong nag-iiyak nang tahimik at pigil na pigil dahil sa iisang kwarto lang kami natutulog nina Mamang at Ate Cora. Ayaw kong malaman nila na may dinaramdam ako. Gusto kong tulungan ang sarili ko, pero wala naman akong magawa. Na kay Lucas ang gamot.
"Lucas..."
Alerto akong tumayo mula sa kinauupuang pasimano. May kaba sa dibdib ko. Natanaw ko ang pagparada ng kotse ni Lucas. Biyernes at inagahan ko talaga ang pagpasok. Madilim pa nga ay bumababa na ako ng bundok. Kaya wala pa halos sasakyan ay nasa parking lot na ako ng university at nag-aantabay sa pagdating ni Lucas. Alam kong may klase siya sa umagang iyon. Mabuti na lang na sa pagkukwentuhan namin noon sa farmhouse ay nabanggit niya ang schedule niya at nakabisado ko naman ang ilan. Ako man ay may klase din sa umagang iyon, pero bahala na kung ma-late. Magdadahilan na lang ako. Mabait naman ang instructor sa minor subject ko na iyon kaya ayos lang kung mahuli ako o kaya ay hindi makapasok.
Dali-dali akong lumapit sa gawi ng driver seat. Hinintay kong bumukas iyon at lumabas si Lucas, pero nakuha ang pansin ko nang bumukas ang kabilang pinto at bumaba mula roon ang isang matangkad at magandang babae na sa tingin ko ay kaedad lang ni Lucas. Parang may malamig na gumuhit sa tiyan ko nang tumingin ito sa akin.
Maya-maya ay bumukas na rin ang isa pang pinto at lumabas si Lucas. Sigurado akong nakita na niya akong lumapit sa kotse niya. At parang gusto kong mangurong nang makitang nakakunot ang kaniyang mga kilay sa akin.