PROLOGUE
NANGINGINIG ang mga kamay ko nang isa-isang pirmahan ang mga dokumento. Ang mga papeles ang katibayan na legal at kusang-loob kong ipinauubaya ang anak ko kay Mrs. Maria Katarina Urbano-Samaniego.
“Thank you for your cooperation, Miss Cabrera. Rest assured na para sa ikabubuti ng lahat ang kasunduang ito.”
Pinigilan ko ang mapaluha. Mabigat sa dibdib ang ginawa kong ito, pero wala akong ibang pagpipilian. Marami rin akong isinaalang-alang bago ako umabot sa ganitong desisyon. Isa pa, hindi papayag si Ate Cora na hindi ko ito gawin. Siya lang ang kakampi ko. Alam niya ang lahat ng lihim ko. Alam niya rin ang lahat ng pagkakamaling nagawa ko sa batang edad kong ito at kapag nagsawa siyang tulungan ako ay wala na akong ibang mapupuntahan.
"I’ll go ahead. I have other important things to do in the office. Get well soon."
“A-Attorney…" marahang tawag ko. "H-hindi ko man lang ba pwedeng makita kahit sandali ang anak ko.”
Magalang na umiling ang lalake. “I apologize, Miss Cabrera. Hindi iyon maaari dahil nasa agreement ninyo iyon ni Mrs. Samaniego.”
“Gusto ko lang pong malaman, babae ba siya o lalake? Malusog ba siya?”
“The baby is fine,” mahinahong sagot ng abogado. “And just a piece of advice, Miss Cabrera. Start forgetting what happened to you these past several months. You may take this as an opportunity for you to begin a new life. You're young. Marami pang mangyayari sa buhay mo. Marami ka pang pwedeng pagdaanan kaya mas makakabuti kung hindi mo na iisipin pa ang tungkol sa sanggol. Magpagaling ka na lang at magpalakas para makalabas ka agad. Nasa bank account na ng kapatid mo ang perang pinag-usapan ninyo ni Mrs. Samaniego. Bayad na rin ang hospital bills mo.”
Hindi ako nakakibo. Iniwan ako ng abogado ng isang matipid na ngiti bago muling nagpaalam at lumabas ng hospital room. Napatulala na lang ako sa pinto ng silid.
"H'wag mo nang alalahanin ang baby, Jessie. Mayaman at makapangyarihan si Ma'am Katarina. Mabibigyan niya ng mas magandang buhay ang bata. Kalimutan mo na ang tungkol doon. Oras na para ang buhay naman natin ang atupagin mo."
Napatingin ako kay Ate Cora. "Ate, hindi pwedeng kalimutan ko lang basta ang anak ko. Habangbuhay kong dadalhin sa konsensiya ko ang pamimigay ko sa kaniya. Hindi mo maaalis sa akin na malungkot at makaramdam ng pagsisisi sa ginawa ko," wika ko na nagpasalubong ng mga kilay ng kapatid ko.
"Ano ka ba, Jessie? Pinag-usapan na natin ito, hindi ba?"
Natahimik ako. Hindi dahil wala na akong maikatwiran kundi dahil alam kong kokontrahin lang ulit ni Ate Cora ang sasabihin ko.
"Kung may dapat ka mang pagsisihan ay ang pagpapaloko mo d'yan kay Juan Lucas! Ipinagmamalaki pa ni Mamang na matalino ka, pero isa't kalahating tanga rin na nagpauto sa lalake. Anong mas gusto mo? Na ipaalam sa lahat ng tao ang tungkol sa anak n'yo ni Lucas? Kung nalaman ng mga Urbano na nabuntis ka ng bunso nila siguradong nakabilang ka na rin sa mga babaeng iyon na sapilitang ipinaglalag ang dinadalang sanggol. Isipin mong iniligtas mo lang ang anak mo sa maagang pagkamatay. Mas pinili mong buhayin ang bata sa pamamagitan ng pagpapaubaya rito sa nakakatandang kapatid ni Lucas. At least, kadugo pa rin ni baby ang magigisnan niyang magulang."
Lalo akong nawalan ng isasagot. Parang balewala lang kasi kay Ate Cora ang lahat samantalang pakiramdam ko ay buong pagkatao ko ang nawala dahil ipinamigay ko ang anak ko sa iba. Naiintindihan ko naman ang punto niya, pero h'wag naman sana nilang alisin sa akin ang karapatang masaktan bilang ina. Kahit ano pang nagawa ko, nanay pa rin ako at hindi magbabago ang katotohanan na sarili kong anak ang nawala sa akin.
"Tigilan mo na ang pag-iisip ng kung ano-ano. Hindi lang naman ang bata ang makikinabang sa ginawa mo kundi pati na ikaw mismo. Makakapag-aral ka na ulit pagbalik natin sa San Miguel. May pag-asa ka na sa isang magandang kinabukasan. Matutupad mo pa rin ang pangako mo kay Mamang," dagdag pa ni Ate Cora.
Kahit paano ay gumaan ang dibdib ko. Isa nga sa mga rason kung bakit ako nagpasyang ipamigay ang anak ko ay para magawa ko pa rin ang inaasahan sa akin ni Mamang. Nakokonsensiya ako nang sobra. Walang kaalam-alam ang sarili kong ina na nagbuntis ako at ngayon ay nanganak na. Ang alam lang niya ay kailangan kong lumipat ng eskwelahan dahil sa ilang kadahilanan na inimbento lang ni Ate Cora at nang sa gayon ay h'wag daw mawala ang aking scholarship. Naniwala naman si Mamang. Ang hindi niya alam, itinago ako ni Ate Cora sa tulong ni Ma'am Katarina at makakabalik lang ako sa San Miguel oras na makapagsilang na.
Tumayo siya at isinukbit ang bag. "Hayan ang pagkain mo. Kumain ka at magpahinga pagkatapos dahil aalis ako. Magkikita kami ni Pablo. Ibibilin na lang kita sa nurse bago ako umalis."
Nahulog ako sa pag-iisip pagkaalis ni Ate Cora. Halo-halo ang nararamdaman ko. Nagtatalo ang aking kalooban. Inaamin ko naman na noong una ay gusto kong maglaho na lang ang baby sa tiyan ko. Takot na takot kasi ako noon. Takot akong malaman ni Mamang dahil nag-aalala ako na baka kung anong mangyari sa kanya. Matatanggap ko ang anumang galit ni Mamang, pero hindi ko yata kakayanin na may mangyaring masama sa kanya kapag nalamang nagbuntis ako sa ganitong edad at walang asawa.
Kaya naman gumawa ako ng paraan na makausap si Lucas. Sa isip ko, kapag nalaman niya ang kalagayan ko ay babalik ang lahat sa dati. At siguro ay nabaliw na talaga ako sa paniniwalang may nararamdaman din siya para sa akin at nabuyo lang siya ng mga taong nakapaligid sa kaniya kaya niya ako iniwasan pagkatapos na may nangyari sa aming dalawa. Akala ko tuloy ay magiging madali sa akin ang makalapit at makausap ulit si Lucas, pero hindi. Kung hindi niya ako sadyang iniiwasan ay naroon naman at nakaharang sa daan ko ang ilan sa kaniyang mga kaibigan na noon pa ay ako na ang paboritong gawing katatawanan.
Gayunman ay hindi pa rin ako sumuko. Kailangan ko ng tulong at si Lucas ang unang dapat na makaalam ng problema ko. Hanggang sa kaiimbento ko nga ng mga rason para makaalis ng bahay at puntahan si Lucas ay nalaman ni Ate Cora ang totoong kalagayan ko. May hinala na rin pala siya kaya naman hindi na ako nakatanggi nang tanungin niya ako ng isang beses.
Pagkatapos kong umamin kay Ate Cora tungkol sa kalagayan ko ay nangako naman siyang tutulungan ako sa aking problema. Nagkaroon ako ng kaunting pag-asa dahil doon, pero hindi ko akalain na may ibang plano si Ate. Imbes na si Lucas ay ang kapatid nitong si Ma'am Katarina ang nilapitan at kinausap niya upang makipagkasundo at masolusyonan ang aking problema.
Nag-away kami dahil doon, pero dahil ako itong may nagawang kasalanan at may inililihim kay Mamang ay mas nanaig ang mga katwiran ni Ate Cora. Ipinaalala ulit niya sa akin ang dati nang mga bali-balita tungkol sa mga naging girlfriends ni Lucas na nabuntis at ipinalaglag ang sanggol pagkatapos ay binayaran ang babae upang manahimik. Bukod doon, nanaig din ang takot ko na isusumbong niya ako kay Mamang kapag hindi ako umayon sa kaniyang plano. Tuliro pa ako sa tindi ng dalahin kaya wala na akong nagawa kundi ang umayon sa gusto niyang mangyari.
Nakipagkasundo ako kay Ma'am Katarina. Bukod sa iiwan ko sa kaniya ang sanggol na aking ipapanganak ay hindi pwedeng malaman ng ibang tao maliban kay Ate Cora at sa kaniyang abogado ang tungkol sa kasunduan.
Pagkatapos noon ay madalang ko nang makita si Ma'am Katarina. Gayunman ay alam kong kinukumusta niya ako parati kay Ate Cora. Gumaan ang dibdib ko kahit paano. Habang lumalaki ang tiyan ko ay unting-unti ring tumibay ang desisyon ko na ipamigay na nga ang bata. Buo na ang pasya ko na kalimutan siya dahil para sa akin ay hindi pa ako handang maging ina. Inisip ko nga na baka kinasangkapan lamang ako ng Itaas para magkaroon ng anak si Ma'am Katarina. Gusto ko pang isipin na biyaya ang pagdating nito sa buhay ko.
Subalit nitong mga huling araw bago ako magsilang sa sanggol na hindi ko man lang nabatid kung babae ba o lalaki ay saka ako nakaramdam ng pananabik at kakaibang saya sa dibdib. Gustong-gusto ko siyang makita. Gustong-gusto ko siyang mahawakan at makarga. Gayunman ay hindi maaari kaya wala akong magagawa ngayon kundi ang umiyak, magsisi at magdamdam at magalit nang sobra sa kanyang ama.
Si Juan Lucas.