"WHAT are you doing here?"
Hindi ko agad nasagot ang tanong ni Lucas. Sinulyapan ko ang kasama niyang babae na bahagyang nakangiti habang naghihintay sa kasama.
"Gusto sana kitang makausap, Lucas."
"I'm busy. Next time, okay?"
Umahon ang pagtutol sa dibdib ko. "Bakit next time pa kung nandito ka naman na?"
"Lucas," kalmadong tawag ng babaeng kasama niya. Kapwa kami napatingin dito. "I better go ahead. Hintayin na lang siguro kita sa cafeteria." Kumaway pa ito at maya-maya nga ay umalis na. Naiwan kami ni Lucas.
"Jessie, nagmamadali talaga ako. Mabuti pa pumasok ka na."
"Hindi ako aalis hangga't hindi malinaw sa akin ang lahat. Lucas... pasensiya na, pero hindi na nga kita matiyempuhan nitong nakaraang isang buwan. Lagi kang nagmamadali. Lagi kang maraming kausap. Ano... ano ba talagang nangyayari?"
Hindi siya sumagot. Parang hindi ako nagtanong. Gusto kong mainis, pero pinilit kong intindihin na baka nga may ibang dahilan kaya siya ganito.
"Lucas... ano bang meron? Hindi ba ang sabi mo sa'kin noon sa farmhouse, magkikita ulit tayo? Sabi mo, lalabas tayo, at... at..." Ewan, pero nag-alangan akong sabihin ang huli na liligawan niya ako.
"What do you really want to hear, huh, Jessie? Say it."
"'Yong totoo, Lucas. Ano ba talaga? Umiiwas ka ba? Pinaglaruan mo lang ba ako? Totoo ba ang mga kwento na isang linggo lang ang babae sa'yo at pinapalitan mo na agad? 'Yong kasama mo kanina. Siya ba ang bago mo?"
"Oh, come on!" Natatawang napailing si Lucas. "Ang problema kasi sa lugar n'yo, walang gustong gawin ang mga tao kundi pag-usapan ang buhay ng iba. You're wasting your time talking about other people. Akala n'yo hindi ko alam na paborito n'yong pag-usapan ang tungkol sa pamilya ko? Kaya hindi kayo umuunlad dahil na rin sa inyo."
"S-sobra ka namang magsalita..." Totoo man ang sinabi ni Lucas, hindi ako kabilang doon. Sa kaniya lang ako interesado at hindi sa ibang tao.
"Am I? Tingnan mo nga ang sarili mo. Imbes na pumapasok ka sa klase, nandito ka ngayon at nagsasayang ng oras sa'kin. Alalahanin mong may iniingatan kang scholarship."
"Alam ko 'yon. Hindi naman ako nagpapabaya sa pag-aaral. Gusto kitang makausap kaya nandito ako. Hindi ako nagsasayang lang ng oras sa'yo."
Umiling si Lucas. Nakatingin ako sa kaniya, pero halatang iniiwasan niya ang mga mata ko.
"Iyon ba ang ikinagagalit mo? Lucas, hindi gano'n ang pamilya ko. Maniwala ka."
"You know what, I don't care. Hindi ko naman para alalahanin pa ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin at sa pamilya ko. It's their choice, anyway."
Akma siyang aalis, pero hinawakan ko siya sa braso. Bumaba ang tingin niya sa kamay ko. Sa takot na baka lalo siyang magalit ay mabilis ko siyang binitiwan. Nagkatinginan kami.
"Lucas... gusto kong malaman kung ano na ba tayo? Nalimutan mo na ba ang pinagsamahan natin? Ang mga pinag-usapan natin? Kasi ako, hindi nawawala sa isip ko kung gaano ka kabait at kaalaga noon sa akin. Pinagtatanggol mo ako sa mga bully. Lucas-"
"Nonsense."
Nahinto ako sa pagsasalita. Isang kataga lang iyon mula sa bibig niya, pero wari ko ay sinaksak ako sa dibdib. Pinigilan ko ang damdamin ko at pilit ikinalma ang sarili. Hinanap ko ang tingin ni Lucas, pero nang dumapo iyon sa akin ay para akong gininaw. Ibang-iba na ang tingin niya sa akin.
Nagbuga siya ng hangin at muling umiling. "I must be going. Hinihintay na ako ng kasama ko. Sige na, Jessie."
Wala na akong nagawa nang talikuran at iwan ako ni Lucas. Para akong namamanhid na hindi ko mawari. Nakasunod ang tingin ko sa kaniya hanggang sa tuluyan na siyang nawala sa aking tanaw. Hindi ko alam kung ilang minuto pa akong tumayo roon na parang patay na tuod, pero namalayan ko na lang na tumutulo na pala ang luha ko.
Pinahid ko nang mabilis ang nabasang pisngi. Naghihinanakit akong umalis ng parking lot at imbes na pasukan pa ang subject ko sa araw na iyon ay naglakad-lakad na muna ako habang nag-iisip.
Sa sumunod na mga araw at linggo sa umiversity ay tuloy pa rin ako sa paghagilap kay Lucas. Hindi ko alam kung ang ulo ko ba ang mas matigas o ang aking mukha. Kapag may bakanteng oras ay inaabangan ko talaga siya sa mga lugar na madalas niyang puntahan.
Hanggang sa natapos ang midterms namin ay ganoon pa rin. Maswerteng hindi pa naaapketuhan ang pag-aaral ko, pero sa tuwing wala akong ginagawa ay si Lucas lang ang laman ng aking isip. In-denial pa ako kahit malinaw naman na umiiwas na sa akin si Lucas. Nagmumukha na akong tanga at desperada sa pagsunod sa kaniya. Hindi naman niya ako papansinin bagkus ay tatapunan lang ng malamig at dismayadong tingin. Gagatong pa sa sama ng loob ko ang mga nanunuyang tawa at tingin sa akin ng mga kaibigan niya.
"Saan ka pupunta?"
Sabado at nagpaalam ulit ako kay Mamang na aalis. "May... group project lang ho kami na gagawin sa bahay ng isa kong kaklase. Malapit na ho kasi ang deadline, Mamang, kaya kailangang asikasuhin na."
"O, sige. Mag-iingat ka at h'wag masyadong magpapagabi."
Puno ng takot sa dibdib ko nang tumungo sa bayan. May kailangan akong alamin sa aking sarili. Nitong nakaraang mga araw kasi ay hindi ko maunawaan ang bigat ng pakiramdam ko sa tuwing gigising sa umaga. Dalawang beses din akong nahilo sa university na ipinagpasalamat kong hindi naman malala kaya pupunta lang ako sa clinic at magpapahinga ay okay na ulit ako. Kilala ako ng nurse bilang isa sa mga scholars at alam nitong taga-itaas ako o sa bundok nakatira. Ang sabi niya ay baka nakukulangan na ako ng tulog at pahinga dahil nga malayo ang ibinibiyahe ko araw-araw.
Iyon din ang hinala ko noong una, pero nitong mga huling araw ay iba na ang aking kaba. Lalo na't na-realize kong hindi ako dinatnan noong isang buwan. Minsan na rin akong naduwal nitong nakaraang linggpo at napansin iyon ni Ate Cora. Ang sabi ko na lang ay nakakain ako ng panis na ulam.
Malaki kumpara sa mga katabing bayan nito ang bayan ng San Miguel. Mukha lang itong maliit dahil maliit ang populasyon at halos magkakakilala ang mga tao. Pero sa botikang binilhan ko ng pregnancy test kit ay wala akong kakilala. Gayunman ay halos itago ko na ang aking mukha nang magbayad at pagkabili ng dalawang kit ay umalis na agad ako para humanap naman ng kantina.
May nakita naman agad ako. Pahirapan lang sa akin ang pagpili ng kakainin dahil parang hindi ko gusto ang kahit ano ngayon. Umaayaw ang sikmura ko sa tingin pa lang sa pagkain. Ayaw ko naman na makikigamit lang ako ng comfort room tapos ay hindi man lang bibili kahit softdrinks kaya bumili na lang ako ng pineapple juice na nasa lata dahil parang gusto ko ng maasim. Habang binabayaran ko iyon ay nagsabi ako sa tindera na babalikan ko na lang dahil naiihi pa ako. Tumango naman ito.
Kabado ako nang pumasok sa banyo. Inilabas ko sa aking bag ang dalawang kit. Ilang segundo akong pumikit at nanalangin na sana ay negatibo. Pagkatapos noon ay hindi ko na pinatagal at sinunod ko ang instruction sa lalagyan.
May ilang minuto rin ako sa loob ng comfort room. Buti na lang at wala pang ibang tao dahil nag-iisa ang banyo sa canteen na iyon. Gusto kong umiyak. Nanginginig ang buong katawan ko. Nagkahugis ang hinala ko at halos tuliro ako habang nakatitig sa dalawang guhit ng kit sa harapan ko.
"Oh. I think someone has lost her way. Anong ginagawa mo rito?"
Mataray ang boses at halatang hindi nagustuhan ni Cindy na makita ako sa kanilang building. Mas madalas kasi ay sila ang dumadayo sa building namin para maghanap ng mga freshman gaya ko na gagawin utusan o alila.
Matabang ko siyang tiningnan bago sinagot sa matabang din na tono. "Hinahanap ko si Lucas. May kailangan akong sabihin sa kaniya."
"Woah, really?!" bulalas niya na sinundan ng malakas na tawanan nilang magkakabarkada. Inaasahan ko na 'yon. "And how important is your thing that you think Lucas would be interested?"
"Sa amin na lang dalawa 'yon. So kung pwede, paraanin n'yo na ak-"
"Ooops! Hindi pwede!" Hinarangan ako ng isa sa mga kasama niya.
"Nangangarap ka ba, girl?" nanunuyang tanong ni Cindy. "O baka naman kulang ka lang sa tulog kaya medyo nahihibang. Know what? Just go home and take a rest. Sige na, hija! Bye!"
Hindi ko siya pinakinggan. Sanay na ako sa ugali niya kaya naman imbes na magpadala sa sinasabi niya ay dumiretso na ako ng lakad para sana lampasan siya, pero humarang naman ang isa pa niyang kasama. Magkakabalahibo talaga ang mga ito.
"You can't see Lucas kung gusto mo lang makasilay sa kaniya. Wala siya rito."
Natigilan ako saglit bago nilingon si Cindy. "A-anong wala? Hindi ba siya pumasok?"
Tumawa muna ito. "Hindi mo ba alam?" tanong nito at pagkatapos ay eksaheradong pinalungkot ang mukha. "Umalis na si Lucas sa university. How sad! Ang balita pa namin, pupunta na siya sa States at doon magpapatuloy ng pag-aaral."
Animo nayanig sa kinatatayuan ko dahil sa sinabi ni Cindy. Napalunok ako at hindi magawang magsalita.
"Sa totoo lang, malungkot talaga ang half population ng girls sa uni dahil sa balita. Ako rin. Sobrang lungkot ko ngayon! Aww!"
Sabado. Walang pasok at wala ring order na kailangan i-deliver sa bayan kaya nagpaalam ako kay Mamang na aalis sandali. Pinayagan niya ako dahil alam naman niyang hindi talaga ako palaalis kung hindi rin lang importante. At lubhang importante ng rason ko.
Ipapaalam ko kay Lucas na buntis ako. Hindi niya ito pwedeng takasan. Hindi ako papayag na igaya niya ako sa ibang babaeng nabuntis niya at ipinalaglag ang sanggol. Hindi ako magpapasilaw sa pera ng mga Urbano. Oras na pilitin nila ako ay magkakademandahan kami. Kung nagawa nilang takutin ang iba ay hindi ako. Ipaglalaban ko ang karapatan ko kahit kanino.
"Saan ka pupunta?"
Nagulat ako nang may humatak sa aking braso. Bago ko pa siya makita ay alam ko na ang boses ni Ate Cora. Natigilan ako nang masalubong ang matalim na tingin niya. Sinundan ba niya ako?
"S-sa... sa kaklase ko..." Muntik na akong mautal sa pagsagot. "Nagpaalam naman ako kay Mamang."
"Sinungaling! Sabihin mo ang totoo sa akin, Jessie! Buntis ka, ano?!"
Napaawang ang bibig ko. Hindi ko iyon inaasahan. Hindi ko malaman ang isasagot kay Ate Cora.
"Ito!" galit na sabi niya sabay pakita sa akin ng isa sa mga test kits na ginamit ko para matukoy kung buntis nga ako. Hawak niya iyon at halos iduldol sa mukha ko. "Akala mo makakapagsinungaling sa akin! Sabihin mo ngayon, Jessie! Sino ang nakabuntis sa'yo?"
"A-A... Ate..." Ramdam ko ang pagtakas ng dugo sa mukha ko. Gusto ko na lang magpakatisod sa kinatatayuan ko at magpagulong-gulong pababa para tapos na ang problema. Isang linggo pa lang mula nang nakumpirma ko ang aking hinala. Itinago kong mabuti ang kit sa taguan ko. Paano iyon nahalungkat ni Ate Cora?
"Papatayin mo si Mamang, Jessie!" Halos bumaon sa braso ko ang kamay niya. "Wala kang awa sa pamilya mo! Ano na lang ang mangyayari kapag nalaman ni Mamang?! Akala ko ba matalino ka?! Sino ang lalake mo?! Sabihin mo ngayon din o kakaladkarin kita pabalik kay Mamang para sa kaniya mo sabihin?! Anong gusto mo?!"