Chapter 7

2540 Words
SHEENA POV PINAGMAMASDAN ko si Lance mula sa puwesto ko. Nasa kubo silang lima ng mga kaibigan niya. Paalis na siya bukas at ngayon ang padespedida party niya. Sina Kuya Simon at Kuya Joven ang naghanda niyon para sa kaniya dahil tulad ng sabi ni Lance sa akin, matatagalan pa ang pagbalik niya. Hindi pa man pero ramdam ko na ang bigat sa dibdib ko dahil hindi ko na siya makikita araw-araw. Kanina pa nila ako niyayaya na maki-join sa kanila pero sabi ko magpapahinga muna ako. Kahit ang totoo ay wala akong ginawa kun'di ang palihim na pagmasdan si Lance na masayang-masaya habang kasama ang mga kaibigan niya. Hindi ko magawang alisin ang mga mata kay Lance. At palagay ko, hindi ako magsasawang pagmasdan ang guwapong mukhang 'yon habang-buhay. Ang sabi ko, magmo-move on na pero ayaw talagang makisama ng puso ko. Mas gusto niyang masaktan kaysa ang tumigil na sa pagmamahal. Naramdaman yata ni Lance na may nakatingin sa kaniya kaya nagawi sa direksyon ko ang mga mata niya. Huli na para mag-iwas ako ng tingin kaya ngumiti na lamang ako sa kaniya nang magtama ang mga mata namin. Nag-alburoto ang puso ko sa kilig nang gumanti ng ngiti sa akin si Lance. Nakakainis pero ngiti pa lang niya, buo na ang araw ko. Naramdaman kong may tumabi sa akin. Hindi ako nag-abalang lumingon dahil nakatutok kay Lance ang mga mata ko. Hanggang sa ibinalik na niya ang atensyon sa nagkakasiyahang mga kaibigan. "You should tell him what you feel." Napalingon ako nang magsalita si Mama na siyang tumabi sa akin. "Ma." "If you like someone, you should tell them. Hindi masarap sa pakiramdam 'yong naghihintay ka. Seize every moment, Anak. Mas magiging masaya ka kapag nagawa mong magtapat ng nararamdaman mo sa kaniya." Nginitian ko si Mama. "Hindi ko na po itatanong kung paano at kailan niyo nalaman ang tungkol sa nararamdaman ko dahil alam kong ang isasagot niyo sa akin ay dahil nanay kita kaya alam ninyo." Tumawa si Mama at ginulo ang buhok ko. "Mismo." "Sabi na, eh." Muli kong tiningnan si Lance. "Bakit hindi mo aminin sa kaniya?" Malungkot akong umiling kay Mama. "Hindi po matutuwa si Papa at si Kuya Simon kapag ginawa ko 'yon." "Why? Dahil babae ka?" "Yes, Ma. Alam niyo naman kung gaano ka-conservative type of person si Papa at si Kuya. Hindi nila ikakatuwa kung gagawin ko po 'yon." "Eh paano malalaman ni Lance ang nararamdaman mo?" "Wala naman po akong planong ipaalam sa kaniya, Ma. Masaya na po akong nakikita siya." Nakangiting tumango-tango si Mama. "Anak, alam ninyo ng kuya mo ang naging takbo ng relasyon namin noon ng papa ninyo bago kami nauwi sa kasalan, hindi ba? Hindi naging madali lalo na sa parte ko na unang umibig sa papa ninyo. Kagaya mo kay Lance." "Magkaiba naman po tayo, Ma. Ikaw po mahal din ni Papa, eh ako?" "Hindi rin naman ako agad minahal ng papa mo, trinabaho ko pa 'yon." Natawa ako sa "trinabaho" na word ni Mama. At halatang proud na proud pa siya. "Kaya kapag hindi mo sinabi 'yan, mahihirapan ka talaga, Anak. Kaya kung ako sa 'yo, seize every moment, confess your feelings. Maniwala ka, gagaan ang pakiramdam mo kapag nagawa mo 'yon. Well, it'll be liberating but who cares, ang importante ay ikaw at wala kang masasagasaan." May punto naman ang lahat ng sinabi niya pero natatakot ako sa maraming bagay. "Paano kung i-reject niya ako, Ma?" May pag-aalangang sabi ko. "Natatakot po ako lalo na't kapatid lang ang trato niya sa akin. Baka pagtawanan niya ako or worst, baka magbago siya ng pakikitungo sa akin, Ma. At isa pa, baka po masira ang friendship nila ni Kuya Simon at hindi ko po kayang gawin 'yon." Nakakaunawang tumango si Mama. "Naiintindihan ko naman ang mga inaalala mo, Anak. Pero kung palagi kang maduduwag, hindi mo malalaman. Hindi ka magkakaroon ng peace of mind kasi puro ka what if's. Huwag mo ring alalahanin ang papa at kapatid mo kung sakali dahil maiintindihan ka rin nila. Pamilya mo kami kaya mauunawaan ka namin." Napangiti ako. "Pag-iisipan ko po, Ma." "Do it. Baka pagbalik ni Lance taken na siya, eh 'di mas lalong hindi mo masasabi sa kaniya." May punto talaga lahat ng sinabi ni Mama. Kaya naman buong gabi na pinag-isipan ko ang mga sinabi niya. At tama siya, malamang na hindi ko na masasabi kapag taken na si Lance dahil ayokong makasira ng relasyon nang may relasyon. Kaya kung aaminin ko bago siya umalis bukas, wala akong masasagasaan. Paggising ko kinabukasan, hindi birong determinasyon kinailangan ko para magawang sabihin kay Lance ang nararamdaman ko. Mukhang pinapanigan ako ng pagkakataon dahil si Kuya Simon na mismo ang nagyaya sa akin na sumama para ihatid sa airport si Lance. Hindi na ako nag-isip, agad na akong pumayag na ihatid si Lance. Pagkaraan ng ilang sandali ay naka-ready na kami sa pag-alis. Kaming tatlo lamang nila Kuya Joven ang maghahatid dahil may lakad daw si Ate Madeline at Ate Kristine kaya hindi makakasama sa airport. "Mag-iingat kayo, mga anak." Bilin ni Mama nang ihatid kami sa labas ng gate. "Lalo ka na, Lance, mag-iingat ka." "Opo, Tita Elena. Maraming salamat po sa inyo ni Tito Victor sa palaging pag-ampon sa akin dito sa bahay ninyo." Ani Lance na humalik kay Mama at nagmano naman kay Papa. "Sana po welcome pa rin ako kapag nakabalik na ako," dagdag pa niya. Sabay namang sumagot ng oo ang mga magulang ko at muling nagpaalala na mag-ingat si Lance. Pagkatapos ng paalaman ay sumakay na silang tatlo sa sasakyan habang ako nama'y naiwan pa sa labas dahil nilapitan ako ni Mama. "Ma, sasabihin ko na po." Mahina kong sabi. "Talaga?" "Opo, Ma." Pasimple niyang tinapik ang braso ko. "Good luck, Anak." "Thanks, Ma." Humalik ako sa pisngi niya at kay Papa bago ako tuluyang sumakay sa sasakyan. Kaming dalawa ni Lance ang nasa backseat habang si Kuya Simon ang nasa driver's seat at katabi niya sa unahan si Kuya Joven. Napuno ng tawanan at biruan nilang magkakaibigan ang loob ng sasakyan habang ako nama'y tahimik lamang sa kinauupuan ko. Alumpihit na ako dahil iniisip ko kung paano ako makakahanap ng tiyempo na aminin ang lahat gayong hindi nauubusan ng kuwentuhan ang tatlo. May pagkakataon na isinasali nila ako sa kuwentuhan pero madalas hindi dahil tungkol sa mga babae ang pinag-uusapan nila. Hindi ko rin mabilang kung ilang beses nasali si Ate Madeline sa usapan nilang tatlo. Habang palapit nang palapit sa airport ay nawawalan na ako ng pag-asa na masabi ko pa ang gusto kong sabihin. Pero mukhang iniaadya ng pagkakataon na masabi ko dahil pagdating sa airport ay nagpaalam sandali si Kuya Simon at Kuya Joven na may bibilhan lang para ipadala kay Lance. Naiwan kaming dalawa ni Lance. Alumpihit na naman ako dahil kung kailang kami na lamang dalawa ay saka naman ako biglang naduwag. Come on, Sheena. Buo na ang loob mo 'di ba? Sabihin mo na para matapos na 'tong kabaliwan mo. Udyok ng isang bahagi ng isip ko. "Something wrong?" pabulong na tanong ni Lance. Gusto kong tumango at sabihin na ang lahat ng nararamdaman ko, pero awtomatikong umiling ang ulo ko. Hindi ko maibuka ang bibig ko kahit napakarami kong gustong sabihin. "Hey, are you okay? Bakit parang tense na tense ka?" May pag-aalalang tanong ni Lance. "Ah, Lance kasi–ahm may gusto ako–" Nag-ring ang cell phone niya kaya naudlot ang pagsasalita ko. "Excuse me, Sheena, tumatawag si Madeline. Sagutin ko lang, ah, baka may nakalimutang sabihin." "S-Sige lang." Binigyan ko siya ng pilit na ngiti bago ako tinalikuran. Medyo dumistansya kasi siya sa akin nang sagutin ang tawag ni Ate Madeline. Habang masaya siyang nakikipag-usap sa kaibigan ay nakatingin lamang ako sa kaniya. Hinintay ko siyang matapos sa pakikipag-usap. Pagkalipas ng ilang sandali, sa wakas ay natapos din ang tawag ni Ate Madeline. Bumalik siya sa tabi ko. "Sorry, ha. Umiral na naman ang kadaldalan ng babaeng 'yon." Tatawa-tawa niyang sabi. Nasa mga mata niya ang kasiyahan. "Okay lang." "Anyway, ano nga 'yong sinasabi mo kanina? Nasaan na ba tayo?" Nagdalawang-isip ako kung sasabihin ko pero sa huli, nagdesisyon akong aminin na talaga. Humugot muna ako ng malalim na buntong-hininga bago nagsalita. "Lance, bago ka umalis gusto ko sanang sabihin sa 'yo na–na g-gusto kit–" "We're here!" Sabay kaming napalingon ni Lance nang marinig ang boses ni Kuya Joven. May bitbit siyang dalawang paper bag habang si Kuya Simon naman ay isang paper bag ang bitbit. "Para sa akin ba 'yang lahat?" Tuwang usal ni Lance at kinuha ang mga paper bag sa mga kaibigan. "Thank you sa inyong dalawa, alam na alam ninyo ang gusto ko." "Naman. Basta pagbalik mo, pasalubong namin, ha?" Si Kuya Joven. "Of course. Kailan ba ako umuwi na walang pasalubong sa inyong lahat?" "Never." Nagtawanan ang dalawa, maliban kay Kuya na biglang naging seryoso ang mukha. "Oh, wait," binalingan ako ni Lance. "Sorry, Sheena. Ano nga 'yong sinasabi mo? Gusto mong sabihin na gusto mo ang alin?" "Ah… 'yon ba. Ahm… ano, ah wala 'yon." Lihim akong kinakabahan dahil sa akin nakatingin si Kuya. "Hindi, mukhang importante 'yong sasabihin mo, eh. Come on, Shee, spill it now." "Naku, w-wala talaga 'yon." "Oh, come on. Sige na, ano 'yon?" "Wala nga–" "Wait, may gusto kang ipasalubong ko sa 'yo pagbalik ko 'no? Tama?" Puno ng kaplastikan akong tumawa. "Ah, oo! Sana, kaso 'wag na lang, nakakahiya kasi." Inakbayan niya ako. "Sus, ikaw talaga. Hindi mo kailangang mahiya sa akin, Shee. Ano ba 'yong gusto mo para hindi ko makalimutan?" Napilitan akong mag-isip ng puwede kong ipabili sa kaniya kuno at thank God dahil naniwala naman silang tatlo. "'Yon lang pala, eh. Don't worry, hindi ko kakalimutan ang gusto mong pasalubong." "Thank you, Lance." "You're welcome." Mariin akong napapikit nang hagkan ni Lance ang noo ko at mahigpit akong yakapin. "Mag-iingat ka palagi, ha? I will miss you, Shee." Pigil-pigil ko ang pag-alpas ng mga luha ko. Pero hindi ko napigilang yakapin siya pabalik nang mas mahigpit. Mahal na mahal kita, Lance! Gusto ko sanang isigaw. "Mami-miss kita, Shee…" bulong ni Lance. Mariin akong napapikit nang maramdaman kong hinalikan niya ang ulo ko. "M-Mami-miss din kita." Pasimple kong pinunasan ang pamamasa ng mga mata ko bago lumayo sa kaniya. Nang mga sumunod na sandali ay sa dalawang kaibigan naman nagpaalam si Lance hanggang sa tawagin na ang mga pasahero ng eroplanong sasakyan niya. "Good bye for now, guys!" Malakas na sabi ni Lance habang paatras na naglalakad papasok. Mabigat ang pakiramdam na kumaway ako sa kaniya maging ang mga kaibigan nito. "Ingat sa serena, p're!" Pahabol na pagbibiro ni Kuya Joven. "I will. Bye, guys! Bye, Sheena!" Kumaway ito nang kumaway hanggang sa tuluyan nang mawala sa paningin namin. Sobrang bigat ng pakiramdam ko at gusto ko ng umiyak ng mga sandaling 'yon pero pinigilan ko dahil kasama ko si Kuya. Nang hindi ko na kinaya ay nagpaalam ako sa dalawa na mag-restroom muna. At pagkapasok na pagkapasok ko pa lamang sa loob ng cubicle ay agad nang tumulo ang mga luha ko. Tila may sariling isip ang mga 'yon na kusang tumutulo kahit pigilan ko. Impit akong napahikbi. Hindi ko man lang nasabi na mahal ko siya. Pagkatapos kong pakawalan ang mga luha ko ay agad akong naghilamos para mawala ang pamumula ng mga mata ko. Nag-retouch na rin ako nang kaunti para mas hindi halata. Nang masigurong ayos na ang hitsura ko ay saka pa lang ako lumabas at binalikan sina Kuya. Hindi na rin naman kami nagtagal. Una naming inihatid si Kuya Joven bago kami umuwi ni Kuya sa bahay. "May gusto ka ba kay Lance?" Walang paligoy-ligoy na tanong ni Kuya nang mapagsolo na kami sa loob ng sasakyan. "K-Kuya…" "May gusto ka ba kay Lance?" Ulit niyang tanong. "K-Kuya—" "I want an honest answer, Sheena." Sunod-sunod akong napalunok-laway dahil sa nakikitang kaseryosohan ng mukha niya. Wala na akong choice kun'di magsabi ng totoo. "O-Oo, Kuya." Napasinghap siya sabay iling. "Kailan pa?" "T-Teenager pa lang ako." Hindi agad nakakibo si Kuya at pagkuwa'y pagak na tumawa nang makabawi. Pailing-iling siyang tumingin sa akin. "Seriously?" "Kuya, pinigilan ko. Sinubukan kong kalimutan 'yong nararamdaman ko para sa kaniya pero hindi ko nagawa. Gabi-gabi sinasabi ko sa sarili ko na kakalimutan ko na siya pero sa tuwing gigising ako sa umaga, siya pa rin ang laman nito." Naiiyak na sabi ko sabay turo sa tapat ng puso ko. Pumalatak ito at frustrated na napahilamos sa sariling mukha. "I'm sorry, Kuya." Tumingin siya sa akin. "Bakit ka nagso-sorry?" "K-Kasi minahal ko ang best friend mo." Nagtaka ako nang ngumiti si Kuya. Eksaktong napatapat kami sa stop light kaya huminto muna kami. Binalingan niya ako. "I told him and to Joven not to mess with you dahil takot ako na baka masaktan ka. Mahal ko sila bilang mga kaibigan ko at mahal kita dahil kapatid kita. I don't want them to mess with you dahil alam kong sa huli, nasa iyo pa rin ang loyalty ko. Pero anong magagawa ko kung ikaw ang na-in love kay Lance? Kaya ko bang saklawan ang damdamin ng nag-iisang kapatid ko?" Hindi ako makapaniwala na ganito ang magiging reaksyon niya. Buong akala ko magagalit siya sa akin. "Thank you, Kuya. Akala ko magagalit ka sa akin kapag nalaman mo kaya ginawa ko ang lahat para 'wag mong malaman." Gigil niyang pinisil ang pisngi ko na ikinangiwi ko. "Hindi ako galit. Well, medyo nagulat, oo. Na-realize ko na hindi ka na pala talaga little girl na baby namin ni Papa. Dalaga ka na pala talaga, bunso, at in love na." Napasimangot ako. "Matagal na akong ganap na dalaga, Kuya, five years ago na." "Sabi ko nga. Pero ipapaalala ko lang sa 'yo na hindi ako mangingiming basagin ang pagmumukha ni Lance kapag sinaktan ka niya." "Hindi niya alam na mahal ko siya, Kuya. At kung nasasaktan man ako sa pag-alis niya ngayon, hindi niya kasalanan 'yon." Bumuntong-hininga ito saka muling nagmaneho nang umabante na ang sasakyan sa unahan namin. "Sasabihin mo ba kay Lance?" Malungkot akong napangiti. "Dapat sasabihin ko na kanina pero hindi natuloy. Mabuti na rin 'yon kasi hindi ko pa yata kayang ma-reject." Bumuntong-hininga na naman ito bago sumulyap sa akin. "Dalaga ka na talaga. Hindi ko sasaklawan ang damdamin mo, pero sana lang alam mo kung hanggang saan puwedeng lumaban. Masarap ma-in love pero mahirap lalo na kung komplikado." "Natatandaan ko 'yan, Kuya." "Good. Isa lang ang gusto ko, maging responsable ka sa sarili mo. Magtira ng pagmamahal sa sarili, bunso." "Noted, Kuya. Salamat, ha." Pagkasabi ko niyon ay naglalambing na humilig ako sa balikat niya. Katakot-takot na paalala pa ang ibinigay sa akin ni Kuya Simon hanggang sa makarating kami sa bahay. At lahat ng iyon ay isinapuso ko dahil alam kong para sa akin 'yon. Laking pasalamat ko na lang na hindi ako nagkaproblema kay Kuya. Hindi siya nagalit sa akin o maski ang utusan ako na kalimutan ko na ang kaibigan niya. Hindi ko man nasabi kay Lance, at least napatunayan ko na susuportahan ako ng pamilya ko sa bawat desisyong gagawin ko sa buhay ko. Hindi nila sasaklawan ang damdamin ko at 'yon ang mahalaga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD