Chapter 6

1685 Words
SHEENA POV PABAGSAK akong dumapa sa kama ko at sumubsob sa unan. Aaminin ko na medyo sumama ang loob ko kay Lance dahil sa sinabi niya. "Argh! Kung alam mo lang…" impit akong tumili para mailabas ang sama ng loob ko. Makailang ulit kong ginawa 'yon habang nakasubsob sa unan ko para walang makarinig sa akin. Tumigil lamang ako nang tumunog ang cell phone ko. Walang ganang kinuha ko 'yon sa bag ko. Binasa ko ang message mula sa kaibigan ko at sinabing nakauwi na raw ito sa kanila. "Okay, good night, Chel." Reply ko sa kaniya. Ilalagay ko na sana sa bedside table ang cell phone ko nang muling tumunog 'yon. Dali-dali kong tiningnan sa pag-aakalang galing pa rin kay Rachel ang message pero natigilan ako nang mabasa kung kanino galing ang message. Kay Lance. Nanginginig ang mga kamay na binasa ko ang laman niyon. "I know your mad at me. I'm sorry, Sheena." Nag-isip ako ng puwede kong i-reply. Nakailang type na ako pero palagi ko lang binubura at sa huli ay pinili kong huwag na lang mag-reply. Inilagay ko na sa bedside table ang cell phone ko at muling sumubsob sa unan. Hindi ko alam kung gaano na ako katagal sa ganoong puwesto nang may kumatok sa pinto ng kuwarto ko. "Sheena!" Agad akong napabalikwas ng bangon nang marinig ang boses ni Kuya Simon. Sa takot na baka nagsumbong sa kaniya si Lance ay hindi ako sumagot, sa halip ay nagtulog-tulogan ako. "Sheena!" Pero muling kumatok si Kuya kasabay ng pagtawag sa pangalan ko. Napilitan akong tumayo at binuksan ang pinto. "Yes, Kuya?" tanong ko nang mabungaran ang kapatid ko. "Sabi ni Mama late ka na raw umuwi. Saan ka galing?" Patay. "Sa work, Kuya." Nang-aarok niya akong tiningnan. "Sa work? 8 to 5 lang ang trabaho mo 'di ba? At kahit magkabuhol-buhol ang traffic sa daan, hindi kakain ng tatlong oras ang papauwi dito sa bahay." Patay kang bata ka. Wala akong maisip na idahilan dahil tiyak na malalaman din ni Kuya kung saan ako pumunta. Handa na akong aminin na makikipag-blind date sana ako nang biglang sumulpot si Lance sa likuran ni Kuya. Tumikhim ito para kunin ang atensyon ni Kuya Simon. "Anong ginagawa mo rito?" tanong ni Kuya. "Huwag mo nang gisahin 'yang kapatid mo dahil magkasama kami kanina kaya late na siyang nakauwi." Tumingin pa ito sa akin matapos sabihin 'yon sa kapatid ko. "Saan mo dinala si Sheena? At teka nga muna, bakit kayo magkasama?" Salubong ang mga kilay na nagpalipat-lipat ang tingin ni Kuya sa amin ni Lance. Kinakabahan ako sa nakikitang kaseryosohan sa mukha ni Kuya pero si Lance ay nakuha pang ngumiti sabay akbay sa kapatid ko. "Niyaya ko siyang kumain sa labas–" Hindi natapos ni Lance ang sasabihin dahil binaklas ni Kuya ang braso nitong nakaakbay sa kapatid ko. "P're." "Kayong dalawa lang?" Seryoso ang tono na tanong ni Kuya Simon. "No. Kasama namin si Joven at Rachel. Kaming apat kay–" "Double date?" Sana nga date 'yon pero hindi, Kuy– Naputol ang pag-iisip ko nang tumawa si Lance. Namamangha akong napatingin sa kaniya maging si Kuya Simon. "Anong nakakatawa? Lance, seryoso ako rito at alam mo ang number 1 rule ko, hindi ba?" Doon tumigil sa pagtawa si Lance at sumeryoso na rin kapagkuwan. Bigla akong nakaramdam ng tensyon. "May rules ako, Lance, at ipapaalala ko sa 'yo na hindi nagbabago–" "Of course. At wala akong nilalabag sa rules mo, P're. And it's not a date or whatsoever. Kumain lang kami at isa pa, alam mo namang parang kapatid ko na rin si Sheena kaya relax ka lang, okay?" Tila nakahinga naman ng maluwag si Kuya habang ako'y tila nagkapira-piraso na naman ang puso. "Mabuti na 'yong malinaw, Lance." "Yeah. Huwag kang mag-alala dahil hindi ko tataluhin ang kapatid mo, P're. Baby sister natin 'yan." Mahinang sabi ni Lance pero narinig ko pa rin naman. Sumama yata ang pakiramdam ko. Ang sakit naman kasi sa dibdib na 'yong lalaking pinapantasya mo, kapatid lang ang tingin sa 'yo. Nang makita kong okay na silang magkaibigan ay walang ingay na isinara ko ang pinto ng kuwarto ko, saka bumalik sa kama. Ipinasya kong itulog na lamang ang sama ng loob ko pero hating gabi na't lahat ay dilat na dilat pa rin ang mga mata ko at gising na gising pa rin ang diwa ko. Inis na inis na ako sa sarili ko, ilang beses ko nang sinabi na magmo-move on na ako pero wala. Hanggang ngayon mahal ko pa rin si Lance at hirap na hirap na ako kung paano itago ang nararamdaman ko para sa kaniya. Siguro kailangan ko nang tanggapin na hindi niya ako mamahalin bilang babae. Na hanggang pagmamahal-kapatid lamang talaga ang kaya niyang ibigay sa akin. Tanggapin mo na kasi, Sheena… tanggapin mo na… Hanggang sa nakatulugan ko na ang pangungumbinsi sa sarili ko na nakalimutan na si Lance. __________ KINABUKASAN, kasalukuyan akong nag-aalmusal nang lapitan ako ni Lance. "Good morning." Bati niya sabay upo sa tapat ko. "Good morning." Ganting bati ko na hindi na nag-abalang tumingin sa kaniya. "Galit ka pa ba sa akin?" Doon ako napatingin sa kaniya na gusto kong pagsisisihan agad dahil nagtama ang mga mata namin. "Hindi ako galit." "Pero sumama ang loob mo sa akin." "Medyo." Pag-amin ko. "Then I'm sorry. Hindi ko dapat sinabi 'yon, nadala lang ako." Ramdam ko naman ang senseridad sa paghingi niya ng sorry kaya nginitian ko siya. "Okay, apology accepted." Umaliwalas ang mukha niya. "Thank you, Sheena. Thank you!" "Welcome. Salamat din pala sa pagsalo mo sa akin kagabi kay Kuya." "Wala 'yon. Ayoko rin namang magalit sa 'yo ang kapatid mo. At saka, hindi naman makakadagdag sa kaguwapuhan ko kung ibubuko kita sa kapatid mo, 'di ba?" Natawa ako. "Yes. Ang lakas makabakla kung magsusumbong ka." "Sinabi mo pa." Mayamaya'y sabay na kaming tumatawa ni Lance at natapos ko ang pagkain ko nang hindi ko namamalayan. "Ihahatid na kita sa work mo." Natigilan ako sa paghuhugas ng kamay nang marinig ang sinabi ni Lance. "Pambawi ko 'yon dahil sa sinabi ko kagabi." Hinarap ko siya at nginitian. "Tinanggap ko na 'yong sorry mo 'di ba? Okay na tayo, hindi mo na kailangang bumawi." "Pero gusto kitang ihatid, Sheena. Pumayag ka na para hindi ka na mahirapan at saka samantalahin mo na habang hindi pa ako umaalis. Matagal na ulit bago ako bumalik, for sure mami-miss mo ako." Kung puwede nga lang 'wag ka na munang bumalik para makalimutan na kita. "Ihahatid kita, ah. Mami-miss kita kapag nakaalis na ako, Shee." "Bahala ka na nga. Mas matatagalan ako sa pakikipagtalo sa 'yo." Ang sabihin mo, mas'yado kang marupok, Sheena. "Hindi kaya!" "Ha? Anong hindi kaya?" Huli na nang ma-realize ko na nasabi ko pala ang pakikipagtalo ko sa sarili ko. "Ah, I mean, hindi na ako makikipagtalo sa 'yo." Palusot ko na mukhang bumenta naman. "Good. So tara na?" "Wait lang, papaalam lang ako kay Mama." Pinuntahan ko si Mama sa kuwarto nila ni Papa. Gising na sila at mukhang may pinag-uusapan. "Anak, paalis ka na?" Si Mama. "Yes, Ma, aalis na po ako." Lumapit ako sa kanila ni Papa at binigyan ng halik sa pisngi. "Alis na po ako, ah." "Ingat ka, Sheena." Si Papa. "Opo, thanks, Pa." "Nasa likod ng pinto ang susi ng kotse para hindi ka na mag-commute." "Ah, Pa, kasi ihahatid daw po ako ni Lance papasok." Nagkatinginan ang mga magulang ko at pagkuwa'y sabay na tumango-tango. "Sige po, Pa, Ma, mauna na po ako." Muling paalam ko bago tuluyang lumabas ng kuwarto. May kinuha lang ako sandali sa kuwarto ko at bumaba na rin agad. Nadatnan ko sa sala si Lance na agad tumayo nang makita ako. "Shall we?" Aniya. Tumango ako bilang sagot at sumunod na sa kaniya palabas ng bahay. Pinagbukas niya ako ng pinto ng sasakyan niya bago siya umikot sa kabilang side. Mayamaya pa'y tinatahak na namin ang daan patungo sa hospital na pinagtatrabahuhan ko. Makalipas ang ilang sandali, nasa tapat na kami ng hospital. Bago bumaba ay kinuha ko muna ang bagay na gusto kong ibigay kay Lance. "O, para sa 'yo." "Ano 'to?" tanong niya habang tinatanggap ang nakatuping papel na inaabot ko sa kaniya. "Love letter ba 'to?" "Sira, hindi!" Natatawa kong sagot. "Eh, ano 'to?" "Buksan mo para makita mo." Ingos ko sabay baba. "Thank you sa paghatid, Lance." Pasalamat ko bago isinara ang pinto ng sasakyan niya at naglakad papasok sa hospital. Hindi pa man ako nakakalayo nang may humawak sa braso ko. "Lance." Siya ang pumigil sa akin. "Bakit?" Ngumiti siya na halos ikalaglag ng puso ko. "Thanks sa tips, ha." "Wala 'yon. Sana lang makatulong sa 'yo ang mga pinaglalagay ko ro'n." "I think so, Sheena. Thank you, ah." Muli niyang pasalamat sabay halik sa pisngi ko. "I have to go." Ginulo pa niya ang buhok ko na parang bata bago tuluyang bumalik sa sasakyan niya. Ako nama'y hindi na nakagalaw sa kinatatayuan ko. Magkahalong tuwa at lungkot ang nararamdaman ko ng mga sandaling 'yon habang habol ng tanaw ang papalayong sasakyan ni Lance. Tuwa dahil nararanasan kong mahalikan ng lalaking lihim kong minamahal, kahit walang malisya sa kaniya ang halik na 'yon. Lungkot dahil mukhang may gusto na siyang ligawan nang totohanan at sa akin pa mismo galing ang tips kung paano niya pakikiligin ang babaeng gusto niya. Ginawa ko 'yon pagkagising ko kaninang umaga. 'Yon 'yong way ko ng pasasalamat sa kaniya dahil sa pagsalo niya sa akin kagabi kay Kuya Simon. At isa pa, naisip ko na dapat hayaan ko siya kung saan siya masaya at kung sino ang magpapasaya sa kaniya. Mabuting tao si Lance at deserve niyang maging masaya. Ang swerte ng babaeng mamahalin niya. At alam mong hindi ikaw 'yon, Sheena, kaya tama na. Malungkot akong napangiti at bahagyang tumingala para supilin ang mga luhang kanina pa nagbabadyang tumulo. 'Yong pakiramdam na hindi ko pa nararanasang magkanobyo pero broken-hearted na agad ako. Ang saklap, mga besh! Life was so unfair. Patuloy na pagmamaktol ng puso ko habang binabagtas ang mahabang pasilyo patungo sa working place ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD