Chapter 5

2430 Words
SHEENA POV "GOOD MORNING!" Napatda ako sa pagbaba ng hagdan nang marinig ko ang boses ni Lance. Hindi agad ako nakahuma dahil hindi ko alam na hindi pa pala siya nakakaalis. Pagkatapos kasi ng kaganapan sa beach ay pinanindigan ko na ang pag-iwas sa kaniya. At ang alam ko kahapon pa dapat siya nakaalis pasakay ng barko. "Hey, sabi ko good morning." Untag niya sabay harang sa puno ng hagdan para siguro hindi ako makadaan. Tila namamalignong napatitig ako kay Lance. "Good morning. Nandito ka pa pala?" Pagkuwa'y sabi ko. "Yeah, I'm still here." Nakangiti niyang sagot na agad ding nabura nang makitang seryoso ang mukha ko. "Wait, nasasawa ka na ba sa mukha ko? It seems like you don't like that I'm still here in your house–" "No." Maagap na sansala ko. "Hindi naman ako ganiyang tao. Nagulat lang ako na nandito ka pa pala. Well, nabanggit kasi ni Kuya Simon sa akin na kahapon ang alis mo, so ang ini-expect ko nasa barko ka na. 'Yon lang 'yon at wala nang iba." Muling sumilay ang matamis niyang ngiti sabay lapit sa akin at inakbayan ako na ikinatigil ng paghinga ko. Alam kong akbay-kapatid lamang 'yon pero hindi ko maiwasang hindi lagyan ng malisya dahil gustong-gusto ko siya. Matagal na. At ang hirap sa part ko. "Thank you, Sheena. Akala ko talaga ayaw mo na ako rito, eh." Pasimple akong lumayo sa kaniya at nginitian pagkuwan. "Bakit pala hindi ka natuloy sa pag-alis mo?" "Change of mind." "Oh? Akala ko ikaw 'yong tipo ng lalaki na naka-set na lahat, eh." "I am." "Parang hindi naman kasi nga dapat paalis ka na kahapon, 'di ba?" "I have my reason, Sheena." Nagkibit-balikat ako. "Sabi mo, eh. Anyway, excuse me, may lakad ako." Nilampasan ko na siya at bumaba ng hagdan pero sumunod siya sa akin hanggang sa labas. "What? May kailangan ka ba?" Natatawa kong tanong dahil sunod siya nang sunod. Tila batang nagkamot ito sa ulo. "Ano? Puwede bang sabihin mo na, aalis na kasi ako." "'Yong sinabi ko sa 'yo sa beach last time." Kumunot ang noo ko. Hindi ko alam kung alin doon dahil marami siyang sinabi sa akin. "'Yong tips about c-courting, well baka lang may—you know, may mai-suggest ka kung paano mag-first move." Napatanga ako sa kaniya ng ilang sandali at pagkuwa'y tumawa. "Seryoso ka ba talaga diyan?" "Yes." "Why me? I-I mean, nandiyan ang mga tropa mo, si Kuya Simon, si Kuya—" "Pagtatawanan lang nila ako kung sa kanila ako hihingi ng tips, Sheena. You know them, lalo na ang Kuya Simon mo, right?" Napatango na lamang ako nang maalala na number 1 alaskador nga pala si Kuya Simon sa grupo ng mga ito. "Tips lang, Shee, kung paano magpakilig ng babae." Tila nagkapira-piraso ang puso ko dahil sa hiling nito. Ni wala siyang idea na nasasaktan niya ako kaso wala, eh. Hindi ko naman puwedeng ipagsigawan ang letseng nadarama ko para sa kaniya dahil hindi 'yon magugustuhan ni Papa at Kuya Simon. Wala akong choice kun'di ang taimtim na manalangin na sana ako na lang ang gusto niyang pakiligin kaso alam ko namang imposible 'yong mangyari. Haist… "Shee, please?" Nakikiusap na ang tono nito. "Mag-search ka na lang sa gogolo, mas matutulungan ka niya, Lance." Pagkasabi ko niyon ay tinalikuran ko na siya pero maagap siyang humabol at pinigilan ang isang braso ko. Awtomatikong nag-alburoto ang puso ko dahil sa pagkakadaiti ng mga balat namin. "Lance, wala akong alam sa pagpapakilig na 'yan. Ano namang puwede kong ibigay na tips sa 'yo, eh hindi ko pa naman naranasang kiligin dahil sa isang lalaki." Liar! Sigaw ng isang bahagi ng isip ko. "So, hindi mo talaga ako bibigyan ng tips?" Umiling ako bilang sagot na ikinalaglag ng balikat nito. "Grabe ka sa akin, Shee." Pagdadrama nito. Ikaw ang grabe sa akin! Nasasaktan na ako sa mga pinaggagagawa mong hinayupak ka. "Shee–" "Excuse me, Lance. Ba-bye na talaga." Pagkasabi ko niyon ay nagmamadali na akong umalis. Eksakto namang may dumaan agad na dyip at nakasakay ako kaagad patungo sa hospital na pinagtatrabahuhan ko. Pagdating sa hospital ay kaagad na akong sumabak sa trabaho ko. Sa sobrang busy namin ng araw na iyon hindi na namin namalayan ang pagdaan ng mga oras. Bandang ala una na nang hapon nang matapos ang mga dugong kailangan kong i-check isa-isa. Doon pa lamang ako nag-take ng break. Pumunta ako sa canteen at doon nag-lunch kasama ang ibang nurse at empleyado ng hospital. Ewan ko, habang kumakain ay naisipan kung mag-isip ng mga tips para kiligin ang isang babaeng kagaya ko. At natagpuan ko na lamang ang sarili ko na nagta-type sa notes ng cell phone ko. "Magpadala ng sweet notes sa umaga?" Nagitla ako sa biglang pagsulpot ni Rachel sa likuran ko at binasa ang itina-type ko. "Ano 'yan? At anong sweet notes ang pinagsasasabi mo riyan?" Ani Rachel sabay upo sa tapat ko at may makahulugang tingin sa akin. Dali-dali kong itinigil ang ginagawa ko at itinago ang cell phone ko. "Wala lang 'yon." Inismiran niya ako. "Ano nga?" "Wala nga lang 'yon." Patuloy na tanggi ko at ipinagpatuloy ang pagkain. "Kumain ka na rin." Hindi ko na pinansin ang presensya ni Rachel hanggang sa matapos akong kumain. Nang tumayo na ako ay sumabay siya sa akin pabalik sa puwesto ko. Habang daan ay wala siyang ginawa kun'di ang kulitin ako tungkol sa nabasa niya sa cell phone ko pero nanatiling tikom ang bibig ko. At bago kami maghiwalay para bumalik sa kaniya-kaniyang trabaho ay mahigpit niyang ibinilin na hintayin ko siya mamaya at sabay kaming uuwi. Umoo na lang din ako para matapos na ang pangungulit niya s akin. Alas singko ng hapon natapos ang ship ko. Alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon ang oras ng pasok ko buong linggo. Last week kasi ay panggabi ang ship ko at alternate kami ng isang MedTech na kasamahan ko. "Tara?" Bungad ni Rachel sa akin nang madatnan ko sa labas ng hospital. "Pauwi?" Balik-tanong ko. Umabresyete siya sa akin. "Nope. May date tayo ngayon." "What?" Eksaheradang sambit ko sabay kalas dito. "Anong date?" Ngumisi lang ang kaibigan ko. "'Di ba sabi ko sa 'yo hahanapan kita ng date para maka-move on ka na riyan sa lihim mong pagsinta sa best friend ng kuya mo, remembered?" "Seryoso ka?" Hindi makapaniwalang saad ko. Buong akala ko'y nagbibiro lamang siya nang sabihin 'yon. "Malamang seryoso ako. Best friend tayo at hindi ako masaya na nakikita kitang pinapahirapan ang sarili dahil nagmahal ka ng taong hindi ka naman nakikita as a woman." Deretsang sagot niya. "Mahal kita, Sheena at hindi ako ang tipo ng kaibigan na tatayo lang sa isang tabi at panunuorin kang nasasaktan." Napangiti ako sa pagkakataong iyon. "I'm touch, Chel. Thank you pero hindi mo kailangang totohanin ang blind date na sinasabi mo. Baka mamaya, killer or maniac 'yang makuha mo, kaya ayoko–" "Gagi! Anong tingin mo sa akin, ipapahamak ka? Don't worry dahil okay si Grey." "Gaano ka-okay?" "Isang daang porsyento, Day. Kilala ko si Grey at promise okay na okay ang isang 'yon." Itinaas pa niya ang kanang kamay na tila nanunumpa. "Siguraduhin mo lang, ha?" "Naman! Ako'ng bahala sa 'yo, chillax ka lang." Hindi na ako kumontra nang hilahin niya ako pasakay sa taxi. Pareho kaming commute nang pumasok kanina kaya wala kaming sariling sasakyan ngayon. "Baka nga pala sabihin mo hindi tayo sinundo, pero nag-suggest siyang sunduin tayo ako lang ang tumanggi dahil kako hindi ko pa nasasabi sa 'yo ang tungkol sa kaniya." Paliwanag niya kapagkuwan. "Alam ko namang hindi ka basta-basta mapapasakay sa sasakyan ng mga taong hindi mo kilala kaya kahit nag-insist siya tumanggi talaga ako." Dagdag pa niya na ikinangiti ko. "Kilalang-kilala mo talaga ako, ah." "Naman, ako pa ba?" Nagkatinginan kaming magkaibigan at sabay na natawa. Mahigit bente minutos lamang ang lumipas at pumarada na sa tapat ng isang kilalang restaurant ang taxi na sinasakyan namin ni Rachel. Magkasabay kaming bumaba at pumasok sa loob pagkatapos makabayad sa taxi driver. "Chill lang, Sheena. Double date 'to kaya hindi ako chaperone, okay?" "Oo na. Sana lang 'wag 'tong makarating kay Kuya, malilintikan ako roon." Tinawanan ako ni Rachel. "Sus, kaya single ka pa rin, eh. Mas'yado kang binebeybi ng Kuya mo. Jusko, bente tres ka na, Day, dapat hinahayaan mo nang ma-in love para naman–oh, in love ka na nga pala. Sa maling tao nga lang." Hirit pa niya. "Paano mo naman nalamang maling tao si Lance, aber?" "Ay basta, maling tao siya para sa 'yo, tapos!" Napailing na lamang ako at nagpatinaod sa paghila nito sa akin. Sa isang pang-apatang upuan niya ako dinala at mayroong dalawang lalaking nakaupo. Parehong nakayuko kaya hindi ko pa mabistahan ang mukha nilang dalawa kung guwapo ba o keri lang. Tumikhim si Rachel para kunin ang atensyon ng dalawang lalaki at gano'n na lamang ang pag-awang ng mga labi ko nang makita ang hitsura ng dalawang lalaki. Maging ang kaibigan ko ay natigagal din sa tabi ko habang nakatingin kay Kuya Joven at Lance. "Hi, ladies!" Si Kuya Joven ang unang bumati at nakangiting tumayo. "Sit down, ladies." Itinuro pa nito ang dalawang bakanteng upuan sa tapat nila pero walang kumilos sa amin ni Rachel para umupo. "Hey, upo na kayong dalawa." Si Kuya Joven pa rin. Nagkatinginan kami ni Rachel bago muling bumaling sa dalawa. "Anong ginagawa niyo rito?" Tanong ko matapos makabawi sa gulat. "Oo nga, anong ginagawa ninyong dalawa rito? We're supposed to have a date with Grey and Ashton. Bakit kayong dalawa ang nandito?" Si Rachel at nagpalingon-lingon sa paligid para siguro hanapin ang dalawang lalaki na dapat ay makaka-date namin. "Chel, anyare?" Naguguluhan kong tanong sa kaibigan ko. "Ewan ko, teka baka maling resto ang napuntahan natin. Sandali i-check ko–" "Don't bother, Rachel." Si Kuya Joven nang tatawagan ni Rcahel ang ka-date namin. "Nasa tamang resto kayo." "Kung nasa tamang resto nga kami, paanong nangyari na ikaw ang nandito gayong si Ashton ang ka-meet ko at si Grey naman kay Sheena? Don't tell me, nagpanggap kang si Ashton–" "No, of course not." Maagap na sagot ni Kuya Joven. "Walang pagpapanggap na naganap, okay?" "So bakit kayo nga ang nandito? Kailan ka pa naging si Ashton at si Grey naman 'yang kaibigan mo?" Pigil ang inis na tanong ni Rachel. "Maupo muna kayo at nang makakain–" "Ah, Kuya Joven," sansala ko. "Yes, bunso?" "Ah, ano kasi naguguluhan ako. Puwede bang paki-explain muna kung anong nangyayari?" "Ikaw na lang, P're." Turo nito kay Lance na wala pa ring imik sa kinauupuan nito. 'Yon ang isa ko pang ipinagtataka, ang tahimik niya ngayon na para bang inis na hindi maintindihan. "Bakit ako?" Asik nito sa kaibigan. "Bakit hindi ikaw? Ikaw ang nagpaalis kay Grey at Ashton 'di ba?" "Anong ako? Ikaw ang nagpaalis sa kanila, P're." "Na sinang-ayunan mo rin." "Yeah, dahil tama ka na baka malintikan tayo kay Simon kung hindi natin gagawin. Kung hahayaan nating makipag-blind date si Sheena sa lalaking may malaking atraso sa kaniya." Si Lance. Nagkapatong-patong yata ang gatla sa noo ko habang nakikinig sa pinag-uusapan nilang dalawa. Kung ganoon, personal nilang kilala ang Grey na 'yon at may atraso sa kuya ko? Tumikhim ako para kunin ang atensyon nila. Sabay silang napatingin sa akin. "Sheena." Si Lance na seryoso pa rin ang mukha. "Ginawa lang namin 'yon dahil hindi magugustuhan ng kuya mo kung pababayaan lang naming makipagkita ka sa Grey na 'yon." Paliwanag niya sa seryosong tono. "Hindi mo siya kilala at inisip lang namin ang kaligtasan mo." "That's true kaya sana'y 'wag mong masamain ang ginawa naming pangingialam sa date mo." Segunda naman ni Kuya Joven. "Hindi naman masama ang loob ko pero nagtataka lang ako kung paano ninyo nalaman na may date ako kay Grey at si Rachel kay Ashton. Are you guys stalking us?" "Nope!" Sabay na sagot ng dalawa na may kasama pang iling. Nagkatinginan kami ni Rachel at kagaya ko, mukhang hindi siya kumbinsido. "Maupo na kayong dalawa para hindi masayang ang date na ipinunta niyo rito." Si Kuya Joven na sa kaibigan ko nakatingin. Mukhang may pagnanasa pa yata ito sa kaibigan ko. Nang hindi tumalima ang kaibigan ko ay tumayo si Kuya Joven at pinaghila ng bangko si Rachel. "Have a seat, Rachel." Hindi ko alam kung guni-guni ko lamang pero nahamigan ko ng lambing ang boses ni Kuya Joven nang sabihin 'yon. "Siguraduhin mo lang na worth it ang ipinunta namin dito dahil malilintikan ka sa akin." Asik nito sabay tingin sa akin nang makahulugan. "Ituloy na natin ang double date, Day. Mukhang pabor na pabor naman sa 'yo, eh. Pero medyo kalmahan mo lang, baka mahalata ni Lance na in love na in love ka sa kaniya." "Baliw!" "Sus, totoo naman. Ayusin mo 'yang mga mata mo, mas'yadong halata ang feelings mo for him." Palihim kong sinipa ang paa niya para tumahimik. At mukhang nakuha naman niya ang gusto kong iparating dahil tumahimik na siya at nagsimula na namang makipagtalo kay Kuya Joven. Habang ako nama'y hindi alam kung paano kikilos ng normal sa harap ni Lance na maya't maya kong nahuhuli na nakatingin sa akin. Hindi ko alam kung anong tumatakbo sa isip niya ngayon pero ramdam kong may mali. Gusto ko tuloy umasa na baka nagseselos siya pero masamang maging assuming. Pagkatapos kumain ay nagpresenta si Kuya Joven na ihatid si Rachel at si Lance naman ang kasama ko. Iisang bahay lang naman ang uuwian namin kaya hindi na ako tumutol. Naging napakatahimik ng loob ng sasakyan ni Lance. Walang nagsasalita sa aming dalawa hanggang sa makarating kami sa tapat ng aming bahay. "Sheena." Napahinto ako sa pagbaba nang marinig ang pagtawag ni Lance. Nilingon ko siya. "Bakit?" "Ilang taon ka na?" "Twenty-three." "Too young para magmadali kang makipagrelasyon." "Ha?" "'Wag mong madaliin ang pakikipagrelasyon, may tamang panahon para riyan. Hindi ka mauubusan–" "Excuse me?" "Sheena, I'm sorr–" "Hindi ako nagmamadali at lalong hindi ako takot maubusan ng lalaki, Lance." Inis na sagot ko. Sa tanang buhay ko, ngayon lang ako nainis sa kaniya nang ganito. Para bang ipinapamukha niya sa akin na atat na atat ako sa lalaki. "I'm sorry, Sheena. Mali ang choice of words ko–" "Excuse me." Padabog akong bumaba ng sasakyan niya pero maagap niya akong nahabol. "I'm sorry." "I'm tired, Lance. Gusto ko ng magpahinga. Excuse me." Hindi ko na siya hinintay na makasagot, binawi ko ang kamay ko at iniwan na siya. Ni hindi ko na siya nilingon maski nang tawagan niya ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD