SHEENA POV
NAPAIKTAD ako nang maamoy ang pamilyar na amoy ni Lance. Alam kong siya ang umupo sa tabi ko kahit hindi ako lumingon dahil bukod sa alam ko na ang tunog ng mga yabag ng mga paa niya ay kabisado ko na rin ultimo amoy niya. Well, gano'n naman talaga kapag gustong-gusto mo ang isang tao. Lahat ay kinakabisa, inaalam ang mga bagay na gusto at ayaw. Ultimo kaliit-liitang detalye tungkol sa taong 'yon ay alam mo.
Pero mukhang may nakaligtaan akong mahalagang bagay tungkol kay Lance. Hindi pa man ako sigurado sa kutob ko pero ngayon pa lang nagdadasal na ako nang palihim na sana'y sa pagkakataong ito ay mali ako. Na sana'y hindi totoo.
"Hi!" Parang tumalon ang puso ko nang marinig ang baritonong tinig ni Lance.
Umusod pa siya palapit sa akin dahilan para mapadikit ang braso niya sa braso ko. At ayon na naman ang kakaibang kiliting hatid ng pagkakadaiti ng aming mga balat.
Pagkatapos ng island hoping namin kanina ay humiwalay na kami ni Rachel sa mga ito.
Ha?" Napapitlag ako nang dunggulin niya ang braso ko.
"Sabi ko hi." Nakangiting ulit niya.
"Oh, eh 'di hello," sagot ko na ikinatawa niya.
"Wala kang kasama?"
"May nakikita ka ba?" Balik-tanong ko sa kaniya. Gigil niyang pinisil ang braso ko. Gustong-gusto ko siyang singhalan dahil hindi siya aware na apektado ako sa ginagawa niya. 'Yong wala lang sa kaniya habang ako ay tila kakapusin na ng paghinga dahil sa lihim na kilig.
"Manang-mana ka talaga sa kuya mo, pilosopo."
"Hindi ako pilosopo, kita mo ng mag-isa ako tapos itatanong mo pa kung may kasama ako."
Namilog ang mga mata ko nang walang paalam na inakbayan niya ako. Oh my God! Piping usal ko.
Naging triple ang kabog ng dibdib ko dahil sa pag-akbay niya sa akin. Ito ang unang beses na ginawa niya 'yon sa akin. At kung hindi ko napigilan ang sarili ko, malamang sumandig na ako sa dibdib niya.
Sa kabila ng kilig na nadarama ko ay umiral pa rin ang pagiging dalagang Filipina ko. Pasimple kong inalis ang braso niya sa balikat ko at medyo umusod palayo sa kaniya. Lihim akong nagpasalamat nang hindi umalma si Lance.
Walang kaming imikan. Pareho kaming nakatanaw sa papalubog na araw.
"Sheena." Tawag niya sa pangalan ko kapagkuwan. Hindi ako lumingon kahit naramdaman kong nakatingin siya sa akin.
Palagi akong natatakot na baka mabasa niya sa mga mata ko kung ano ang tunay na damdamin ko para sa kaniya.
"Hmm?" Nanatili sa papalubog na araw ang atensyon ko.
"Nagka-boyfriend ka na ba?"
Hindi ko napigilang hindi siya lingunin. "No."
"Really?" Saglit niya akong pinagmasdan at pagkuwa'y tumango-tango. "Totoo pala 'yong sinabi ni Simon sa amin na wala ka pang nobyo."
Paano ako magkakaroon ng nobyo kung 'yong lalaking gusto ko, eh hindi ako makita bilang babae. Malungkot akong tumanaw sa kulay orange na kalangitan. Useless ang bakasyon ko kung 'yong taong iiwasan ko ay nandito rin naman sa tabi ko. Hay...
"Bakit?"
"Anong bakit?"
"Bakit wala kang nobyo. Imposible naman na walang nanliligaw sa 'yo sa ganda mong 'yan."
Boys...
"Single by choice." Simpleng sagot ko.
"Oh, so paano pala ako magtatanong sa 'yo about courting kung wala ka pang experience."
Dahan-dahan akong lumingon sa kaniya. At kinunutan siya ng noo. "Are you kidding me? Nakailang girlfriend ka na tapos hindi mo pa alam kung paano manligaw ng babae? Are you serious?" Eksaheradang sabi ko.
Nagtaka ako kung bakit kakaiba ang tingin niya sa akin at pagkuwa'y sumilay ang pilyong ngiti.
"Paano mo nalaman ang tungkol sa mga past relationships ko? Hmm?"
Gusto kong tuktukan ang sarili ko dahil sa lumalabas sa bibig ko. Namahimik ka na lang Sheena. Ikakapahamak mo 'yang kadaldalan mo.
"Hindi ko alam na updated ka pala sa love life ko, Sheena, ha," tudyo niya.
Inirapan ko siya. "Feeling mo naman. Best friend ka kaya ng kuya ko, natural nagkukuwento siya sa amin about his friends," depensa ko. "Hindi lang naman tungkol sa 'yo ang alam ko."
"Bakit parang ang depensive naman ng sagot mo."
Patay! "Hindi, ah! Mas'yado lang talaga kayong bida pagdating kay Kuya. Kaya marami akong alam tungkol sa inyo."
Lord, sana maniwala siya.
Tumango-tango si Lance at ilang sandaling natahimik bago muling nagsalita.
"Ilang taon ko nang kaibigan si Simon pero ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataon na makalapit sa 'yo nang ganito kalapit," nakangiting sabi niya.
"Kasi sa inyong magbabarkada ikaw 'yong pinakatahimik noon pero mukhang hindi na ngayon."
"Well,.." Tila nag-isip siya saglit bago sumagot. "Bukod sa tahimik ako, hindi mo rin naman kami kinakausap at parang balewala sa 'yo ang presensya namin kapag nasa bahay ninyo ang tropa."
Kung alam mo lang, Lance.
"Honestly, akala ko ayaw mo sa amin na barkada ng kuya mo. Akala ko rin naiirita ka sa tuwing nasa inyo kami kasi hindi mo naman kami pinapansin, lalo na ako. Ni hindi mo nga ako tinitingnan, eh."
Biglang bumilis ang t***k ng puso ko nang magtama ang mga mata namin. Kung alam lang niya na ang tanging dahilan kung bakit hindi ko siya matingnan noon ay dahil gustong-gusto ko siya. At hanggang ngayon, takot na takot pa rin akong tumingin sa mga mata niya. Kaya mula noon hanggang ngayon, tanging nakaw na sulyap at tingin lang ang kaya kong gawin sa takot na mabuko niya ako.
"Ganyan pala ang pagkakakilala mo sa akin?"
"No." Dumiretso siya ng upo. "Sorry na-offend ba kita?"
"Hindi naman. Ayos lang 'yon.
"You sure? Baka mamaya hindi mo na naman ako kausapin kapag magagawi ako sa inyo, ha?" pagbibiro niya.
"Hindi," natatawang sabi ko. At nang mga sumunod na sandali ay unti-unti nang nawala ang pagkailang ko kay Lance hanggang nasanay na ako sa presensya niya.
Ilang sandali pa kaming nag-usap ni Lance. At kung saan-saan na napunta ang pag-uusap namin. Nagtanong siya tungkol sa trabaho ko at sinagot ko naman 'yon ayon sa kagustuhan ng puso ko. Marami rin akong nalaman tungkol sa kaniya dahil kusa siyang nagkwento sa akin na labis na ikinagalak ng puso ko. Naging masaya ang bawat sandali na kausap ko siya. Hindi boring kausap si Lance.
Sa dami ng pinag-usapan namin, hinintay ko talaga na mabanggit niya ang tungkol sa courting na sinasabi niya kanina na hihingin niya sa akin. Pero lumalalim na ang gabi ay hindi na niya na nabanggit ang tungkol doon.
"Bro!"
Napalingon ako nang makita si Kuya Simon na nakatayo sa di-kalayuan. Gusto ko siyang singhalan dahil sa pang-iistorbo sa aming pag-heart to heart talk.
"What?" tanong ni Lance sa kapatid ko.
"Anong what? Bakit nandito ka?" may pagtatakang tanong din ni Kuya kay Lance.
"Nagpapahangin," nakangising sagot niya.
"Bumalik ka na sa cottage natin. Hinahanap ka na ng barkada dahil nawala ka na lang bigla," aniya sa kaibigan at lumingon sa akin. "At ikaw, Sheena, bumalik ka na sa cottage ninyo ni Rachel. Malamig na rito at huwag kang magpapaniwala sa sinasabi ng ungas na 'yan."
"Tado, wala akong masamang sinasabi sa kapatid mo," reklamo ni Lance sabay tayo.
"Dapat lang, kapatid ko 'yan. Huwag mong tataluhin dahil magkakasaulian tayo ng kandila, bro."
Lihim akong nasaktan nang tumawa nang malakas si Lance na para bang diring-diri sa sinabi ni Kuya Simon.
"Don't worry, bro. Hindi ko kakataluhin ang kapatid mong 'to." Ngali-ngali ko siyang sikuhin nang lumapit pa sa akin at guluhin ang buhok ko. "Bukod sa hindi ako nagkakagusto sa mas'yadong bata, hindi ko rin ma-imagine na magiging nobya ko ang babaeng parang kapatid ko na rin. Sheena is our little sister, bro."
"Mabuti na 'yong malinaw, bro." Nagtapikan pa sa balikat ang mga ito.
"Halika na, Sheena. Ihahatid ka namin ni Lance sa cottage mo baka may kumursunada pa sa 'yo, eh. Mahirap na."
Wala na akong nagawa nang akbayan ako ni Kuya Simon at igaya pabalik sa cottage namin ni Rachel.
"Huwag ng lalabas, ha." Bilin ni Kuya nang makarating kami sa tapat ng cottage.
"Okay."
"Sige na, pasok ka na sa loob at aalis na kami." Asar na asar na pumasok ako sa loob. "Good night, baby girl." Pahabol ni Kuya at hinalikan ako sa noo.
"Good night."
"Aalis na kami."
"Ge." Isasara ko na sana ang pinto nang maagap na pigilan ni Lance. "Bakit?" Literal na nanlaki ang mga mata ko nang halikan niya ako sa pisngi.
"Good night," aniya sa may tainga ko.
"Hoy, tarantado! Bakit mo hinalikan ang kapatid ko?" Ani Kuya sabay hila kay Lance palayo sa akin.
"Brotherly kiss lang 'yon. Halika na nga." At muling tumingin sa akin. "Good night, Sheena."
Hindi pa man ako nakakatugon nang hilahin na siya ni Kuya palayo sa cottage ko. Ngunit bago sila tuluyang makalayo, isang lingon pa ang ginawa ni Lance at isang simpatikong ngiti ang pinakawalan bago ako kinawayan. Tuluyan nang nalaglag ang sumisirkong puso ko dahil sa halik na ginawa niya.
Oh! Lance! Bakit mo ba ako pinaparusahan nang ganito? Pa-move on na dapat ako, eh!
Hays.... Tila nangangarap na kinapa ko ang pisnging hinalikan ni Lance at pakiwari ko'y nakadikit pa rin ang kaniyang labi sa aking pisngi.
"Hoy!"
"Hoy ka rin!" Napatalon ako sa gulat nang tapikin ni Rachel ang balikat ko. "Bakit ka ba nanggugulat, ha?" Yamot na sita ko. "Bigla-bigla ka na lang sumusulpot, kainis!"
Pabiro niyang hinila ang buhok ko. "Gaga! Anong bigla na lang sumusulpot, for your information kanina pa ako nakatayo sa likuran mo. Hindi mo lang napansin dahil abala ka sa pagngisi habang hawak 'yang pisngi mong hinalikan ni Lance, 'no?"
Kung gano'n, nakita niya pala ang ginawang paghalik sa akin ni Lance.
Walang imik na tinungo ko ang kuwarto namin. Sumunod naman siya at tumayo sa harapan ko habang matamang nakatingin sa akin. Nakakrus pa ang mga braso niya sa tapat ng dibdib.
"What?" tanong ko.
"Ingat ka sa nararamdaman mo, Sheena. Alam kong nakita mo rin 'yong nakita ko kanina habang nag-I-Island hoping tayo." Tukoy niya sa ginawang pagsagip ni Lance kay Ate Madeline at ang pag-aalalang rumehistro sa mukha ni Lance.
Hindi ako umimik. Umupo ako sa kama. Tinabihan niya ako.
"Kaya pala hindi ka pa nagbo-boy friend, eh may hinihintay ka palang manligaw sa 'yo."
"Hindi, ah." Kaila ko.
"Sus, ako pa ba? Huwag kang ipokrita, girl. Halatang-halata ka."
Napabuntong-hininga ako at napatulala na lamang. Bakit kasi ang hirap turuan ng puso ko na magmahal na lang ng iba. Bakit kailangang sa lalaking ang tingin lang sa akin ay kapatid ang minahal ng puso ko?
Napalingon ako kay Rachel nang tapikin ang hita ko. "Huwag na huwag mong hahayaan na maging alipin ka ng sarili mong damdamin, girl. Hindi masamang ma-in love pero dapat alam mo kung kailan ka dapat huminto."
"Sana nga madaling turuan ang puso, dahil kung oo noon ko pa nagawa." Sa wakas ay inamin ko sa kaibigan ko ang tunay kong nararamdaman para kay Lance.
Nakikisimpatyang inakbayan niya ako. "Magagawa mo 'yan kung desidido kang gawin pero kung hindi mahirap talaga."
Napabuntong-hininga na lamang ako.
"Hamo kung talagang bokya ka kay Lance, irereto kita sa mga pinsan ko. Gusto mong makipag-blind date?" Mayamaya ay tanong niya na ikinatawa ko. "Huwag kang tumawa, seryoso ako. Marami akong pinsan na hindi naman nalalayo ng kaguwapuhan kay Lance, 'no? May mas pogi pa nga kasya sa kaniya, eh." Pagbibida niya.
"Loka, hindi naman hitsura ang basehan ko. Nagustuhan ko siya kasi si Lance 'yon. Ewan ko ba, may kung ano sa kaniya na hindi ko makita sa ibang lalaki. Kahit alam kong may mga naging girlfriend na siya, hindi tumitigil itong puso ko na mahalin siya." Pag-amin ko dahilan para pumalatak ang kaibigan ko.
"Patay tayo diyan. Mukhang tinamaan ka ngang talaga sa lalaking 'yon."
Magkasabay kaming humiga sa kama at sabay ding nagpakawala ng malalim na buntong-hininga.
At nang gabing 'yon ay naging mailap sa akin ang antok. Gusto kong kutusan ang sarili ko dahil buong gabi na laman ng isip ko si Lance.