CHAPTER THREE
SHEENA POV
SA LOOB ng limang araw na palagi kong nadadatnan sa bahay ang mga kaibigan ni Kuya Simon, pinilit kong palihim na idistansiya ang sarili ko sa kanila. Lalo na kay Lance ngunit kung kailan naman nagpasya na akong mag-lie low sa nararamdaman ko sa kaniya ay saka naman ito dikit nang dikit sa akin.
Makailang beses niya akong inihatid sa trabaho ko kahit anong tanggi ko sa kaniya. Minsan, may araw na gusto ko na lang magdamdam sa kaniya dahil paano ako makakaahon sa pagmamahal ko sa kaniya kung dikit siya nang dikit sa akin. Kaso iyon nga, wala naman siyang alam na mahal ko siya at wala akong balak na sabihin 'yon kahit kailan.
At ngayon nga ay sinadya kong gumising nang maaga para tulog pa sila bago ako umalis. Ayon kasi kay Kuya Simon, dalawang linggo ang bakasyon ng mga kaibigan nito at susulitin yata 'yon dito sa bahay. Mapepera lang sila pero mga kuripot, mas gustong dito sa bahay mag-stay kaysa mag-rent ng place para sa kanilang lima.
Ingat na ingat ang ginawa kong pagbaba ng hagdan para hindi ako makalikha ng ano mang ingay. Tuwang-tuwang ako nang tuluyang makalabas ng bahay.
Kaagad akong nag-abang ng masasakyan papunta sa hospital na pinagtatrabahuhan ko. Lumipas ang araw na 'yon na magaan ang loob ko, at nagpasya akong huwag umuwi sa bahay.
"Nagpaalam ka ba sa Mama mo?" tanong ng kaibigan kong si Rachel.
Sa bahay nila ako makikitulog ngayong gabi para makaiwas kay Lance, desidido na kasi talaga ako.
"Siyempre naman," sagot ko.
"Mabuti na 'yong sigurado, baka mamaya hanapin ka nila, eh."
"Nagpaalam ako kay Mama at Papa. Kahit naman nasa tamang edad na ako, takot pa rin ako sa kanila."
"Apir!" natatawang sabi nito at nakipag-apir sa akin.
Pareho kasi kaming dalawa na hindi pa pinapayagang magsarili ng aming mga magulang. Kagaya ko kasi ay mag-isa ring babae sa pamilya si Rachel. Tatlo silang magkakapatid habang kami naman ay dalawa lang ni Kuya Simon.
"Paano kaya tayo magkaka-boyfriend nito, bes?" pagbibiro nito. "Kung strikto si Papa, mas doble naman sina Kuya Richard at Kuya Richmond, peste," tukoy nito sa mga kapatid na lalaki.
"Sinabi mo pa, ganiyan din si Kuya Simon sa akin. Twenty-three na ako pero baby pa rin ang tingin sa akin."
"Hindi nila alam, puwede na tayong gumawa ng baby." Sabay kaming napahagikhik sa kalokohan nito at nag-apir.
"Isa na lang ang problema natin, Bes, 'yong makakatuwang nating gumawa," dagdag pa nito.
"Iyan talaga ang napakalaking problema natin sa ngayon."
Hindi ito umimik at tila may naisip na kalokohan dahil bigla na lang may naglarong ngisi sa mukha.
"Hindi ko gusto 'yang ngisi mo, ah."
"Unwind tayo sa weekend, bes."
Tiningnan ko ito ng makahulugan. "Anong klaseng unwind 'yan, aber?"
"Beach tayo, o kaya mall mall ganern. Magpaganda tayo, bes. Kailangan din nating mag-relax-relax paminsan-minsan, ah. Kailan pa ba tayo huling nagpa-spa?"
"Last year?"
"See? Ang tagal na, kaya sa weekend mag-relax tayo. Call?"
Napangiti ako. Why not? Maige na rin 'yon para may dahilan ako kung bakit wala sa bahay sa weekend.
"Call?"
"Sure."
"Yown! Excited na ako sa weekend, bes. Ngayon pa lang magpaalam na tayo."
"Sige-sige!" Maging ako ay excited na rin sa pagre-relax na gagawin namin sa darating na weekend.
At dala-dala ko ang excitement na 'yon hanggang sa dumating ang araw na iyon.
Bitbit ang bag na naglalaman ng ilang pirasong damit ko ay lumabas na ako ng aking kuwarto. Alas sais pa lang iyon ng umaga pero paalis na ako dahil maaga ang usapan namin ng kaibigan kong si Rachel.
"Paalis ka?" Napatda ako sa gagawing paglabas nang marinig ko ang boses ni Lance mula sa aking likuran.
"Yes." Hindi nag-abalang lumingon na sagot ko.
"Hindi ka magpapaalam sa kuya mo?" usisa pa rin nito.
"Nagpaalam na ako kay Mama at Papa."
"Pero sa akin hindi?" Mabilis akong napalingon nang marinig ang boses ni Kuya Simon. Salubong na salubong ang mga kilay nito. "Aalis ka nang hindi nagpapaalam sa akin, baby girl?"
Napasimangot ako sa itinawag nito sa akin. "Kaya walang nagtatangkang manligaw sa akin, eh, dalaga na ako pero baby girl pa rin."
"So?"
"Eh, aalis na ako, Kuya."
"At sinong kasama mo?"
Napairap ako. As usual, umiral na naman ang pagiging tatay-tatayan nito sa akin.
"Sinong kasama mo, Sheena?"
"Si Rachel."
"Si Rachel lang?" Naninigurong tanong pa nito.
"Oo nga."
"Walang lalaki?"
"Tss. Wala."
"Ilang araw?"
"Two days lang kami, Kuya. Sige na, aalis na ako—"
"Walang lalaki, Sheena, ha?"
"Wala nga, kulit."
"Okay."
Lihim akong napangiti nang sa wakas ay nag-okay na ito. Kaagad na akong nagpaalam dito ngunit hindi pa man ako tuluyang nakakalabas nang tawagin na naman nito ang pangalan ko.
"Kuya, late na ako!"
"Saan ang punta n'yo?"
"Kuya!"
"Saan?"
"Tss. Diyan lang sa tabi-tabi. Bye na!" Minsan ko pang tinapunan ng tingin si Lance bago nagmamadaling tumakbo palabas ng bahay.
Nang tawagin ni Kuya Simon ang pangalan ko ay hindi na ako nag-abalang lumingon dahil maaantala na naman ang pag-alis ko.
________
NASA isang beach resort kami ni Rachel dito sa Lian Batangas. Dito namin napiling magpalipas ng weekend at mukhang tama ang desisyon naming dito pumunta dahil napakaganda ng lugar na napili namin. Kung maganda iyon sa picture ay 'di-hamak na mas maganda sa personal.
Sa isang site lang namin nakita ang beach resort na ito habang nagsi-search kami ng magandang puntahan.
"Ang ganda dito, 'no?" nakangiting saad ko habang nasa puting buhanginan ang mga mata.
"Sinabi mo pa, bes. Sulit na sulit ang bayad natin dito. Sobrang ganda."
"True."
"Balikan natin 'to, ah," anito na abala sa pamumulot ng mga makikinis na kabibe.
At dahil nakatungo, hindi ko napansin ang taong papasalubong sa akin kaya't muntik na akong matumba sa buhanginan kung wala ang maagap na brasong pumupulot sa aking beywang.
At kulang na lang ay malaglag ang panga ko nang makita kung sino ang may-ari ng mga brasong iyon.
"Lance!" Gulat na bulalas ko at saka bumitaw mula sa pagkakayakap nito. "Anong ginagawa mo rito?"
Alanganin itong ngumiti. "Hi, Sheena."
"H-Hi. Ah, anong ginagawa mo rito?" muling tanong ko kahit may hinala na ako kung bakit narito ito. At napatunayan kong tama ang kutob ko nang mayamaya ay nakita kong naglalakad papalapit sa amin ang grupo ni Kuya Simon.
Ngiting-ngiti kumaway sa akin ang mga ito.
"Baby girl! Dito rin pala kayo pupunta? What a coincidence, huh?" nakangiting sabi nito o mas lamang ang ngisi.
"Coincidence o sinadya mo talagang sundan ako, Kuya?" Mukhang nasukol ko ito pero kaagad ding nakabawi at ngumisi sa akin.
"Coincidence, siyempre. Small world, isn't it? Dito lang din pala kayo pupunta, eh, sana sumabay na lang kayo sa amin."
"Oo nga, Sheena. Ang luwag-luwag ng van ni Lance, eh." Singit ni Kuya Joven na kay Rachel nakatutok ang mga mata. Nagtatanong ang mga mata nito nang tumingin sa akin bago muling sinulyapan ang kaibigan ko.
"Si Rachel, kaibigan ko. Rachel, si Kuya Joven, isa sa kaibigan ni Kuya Simon." Pakilala ko sa kanila sa isa't isa.
Ipinakilala ko rin si Rachel sa iba pang kaibigan ni Kuya.
"Nice to meet you, guys," ani Rachel.
Natawa ako nang mahuli ko itong inirapan si Kuya Joven.
"Anong plano niyo today?" ani Ate Kristine.
"Mag-ikot-ikot lang, Ate tapos mamaya mag-Island hoping kami."
"Great! 'Yan din ang plano namin. Sumama na lang kayo sa amin, bunso," alok ni Ate Made.
Natigilan ako. Anong silbi ng unwind na gagawin ko kung kasama ko pa rin pala ang lalaking gusto ko nang alisin sa sistema ko?
"Baby girl, ano?" untag ni Kuya Simon at inakbayan ako. "Sama na lang kayo sa amin para masaya."
"Para masaya o para mabantayan mo ako?"
"Para mabantayan ka–este para masaya tayong lahat. Kaya tara na, baby girl."
Napasimangot na lang ako nang hilahin ako ni Kuya at sapilitang isinama sa grupo nito. Sa isang restaurant kami pumunta, kakain daw muna.
Natatawa na lang ako habang pinapanuod sila na nagkakagulo na parang mga batang paslit. Nagkakatinginan kami ni Rachel at mayamaya ay mapapailing. Tila balewala kasi sa mga ito na nakakakuha na sila ng atensyon mula sa ibang mga guest ng resort na 'yon. Bukod kasi sa makukulit ay hindi maikakaila na ang lalakas ng karisma ng grupo ni Kuya.
May kung anong kurot akong naramdaman nang mapatingin kay Lance at Ate Made. Nakaakbay kasi si Lance sa babae habang ngiting-ngiti. Alam kong walang malisya 'yon pero hindi ko maiwasang magselos at lihim na masaktan.
"Sheena, anong gusto mo?" Sunod-sunod na kurap ang ginawa ko nang magtanong si Ate Made sa akin.
"K-Kahit ano, Ate." Inalis nito ang braso ni Lance at lumapit sa akin.
"Pili ka na rito sa menu nila. Don't worry, si Lance ang magbabayad niyan. 'Di ba, Lance?"
"Sure. No problem," nakangiting sagot ni Lance. "Si Sheena pa ba? Malakas sa akin 'yan, eh. 'Di ba, bunso?"
Ouch! Bunso talaga? Lihim na pagmamaktol ng puso ko.
"Thank you." Nag-iwas ako ng tingin dahil nagwawala na ang puso ko habang nakatingin sa guwapong mukha nito.
Pumili na ako ng gusto kong kainin at maging ang kaibigan ko. Ibinigay ko kaagad kay Ate Made ang order namin ni Rachel at kaagad lumapit sa counter.
Muling sinalakay ng selos ang puso ko nang magkasamang umuorder si Ate Made at Lance. Nakaakbay na naman si Lance sa huli.
Nag-iwas na lang ako ng tingin dahil mas'yado nang masakit sa mata ang nakikita kong sweetness nilang dalawa.
Tumikhim si Rachel at hindi ko napaghandaan ang nang-aarok nitong tingin nang lingunin ko siya.
"What?"
Tinaasan ako nito ng kilay. "May gusto ka kay Lance, 'no?" bulong nito.
Nanlaki ang mga mata ko. "What?!"
"Tss. Halatang-halata ka, bes."
"Hindi ko alam ang sinasabi mo—"
"Sus, sa akin ka pa ba magkakaila?"
"Hindi nga kasi—"
Pabiro nitong hinila ang buhok ko sabay ngisi. "Ipapaputol ko ang ulo ko kapag mali ako."
Hindi ko maiwasang matawa sa sinabi nito. "Ulo talaga? Hindi ba puwedeng kamay muna?"
"Ulo talaga. Dahil sure ako na tama ang kutob ko. Kitang-kita sa mga mata mo, gaga."
Napailing na lamang ako at kunwaring nagkalikot ng cellphone ko na animo'y may hinahanap na kung ano. Natigil lang ako sa ginagawa ko nang makita kong pabalik na sa table namin ang dalawa. Umupo sa tabi ni Ate Kristine si Lance, sa tapat ko.
Bigla akong nagtaka sa sarili ko dahil nang akbayan at harutin ni Lance si Ate Kristine sa mismong harapan ko ay wala akong selos na naramdaman na kagaya nang nararamdaman ko sa tuwing kay Ate Made siya malambing.
Weird. Kay Ate Made nagseselos ako pero kay Ate Kristine hindi?
Gusto kong lumubog sa kinauupuan ko nang mahuli ako ni Lance na nakatitig sa kaniya. Hindi ko alam kung saan ibabaling ang tingin ko kaya't tumungo na lang ako.
Tahimik kaming kumain at kapagkuwa'y sama-sama ring lumabas para maglakad-lakad.
PAGSAPIT ng alas tres ng hapon, natuloy ang Island hoping namin. Sa iisang bangka lang kami sakay dahil pang siyaman daw ang capacity niyon at pito lang naman kami.
Nag-enjoy kaming lahat habang naglalayag sa malawak na karagatan. Tuwang-tuwang ang mga kaibigan ni Kuya habang kami naman ni Rachel ay enjoy na enjoy sa pagmamasid sa paligid at madalas na sabay napapa-wow sa mga nakikita namin. Mas lalo naming na-enjoy ang island hoping dahil hindi malakas ang alon.
May mga pagkakataong tumatayo ako at idinidipa ang mga braso sa sobrang saya ng pakiramdam ko. Hindi ko kasi alam kung kailan ako huling nag-unwind nang ganito. Sabi nga lang ng ibang kasamahan ko sa trabaho. Ako 'yong tipo ng babae na boring kasi bahay at trabaho lang daw ang alam ko.
Well, totoo namang wala akong hilig gumala dahil kapag off ko, inilalaan ko sa pagpapahinga ang araw na 'yon. But I'm not boring.
Talaga ba?
"Ay! Oh my God…!" Malakas na tili kasabay ang malakas na pagbagsak ng kung ano sa tubig.
"Made!"
"Made!" Magkasabay na sigaw ni Kuya Simon at Lance sa pangalan ni Ate Made at kapagkuwa'y sabay na tumalon sa dagat.
Napadungaw kaming lahat sa ibaba at nakita kong nag-uunahan sa paglapit kay Ate Made si Kuya Simon at Lance.
"Ang likot-likot kasi!" natatawang sabi ni Ate Kristine.
Si Kuya Simon ang unang nakalapit at mahigpit nitong niyakap si Ate Made. Yumakap din si Ate sa leeg ni Kuya at hindi ko alam kung ako lang ang nakapansin na bahagyang natigilan si Lance bago lumapit sa mga kaibigan nito. Pinagtulungan nilang iakyat si Ate Made, maging ang life guard na kasama namin ay tumulong na rin.
Basang-basa ang mga ito nang makaakyat sa bangka. Nakayakap pa rin si Ate Made sa kuya ko habang si Lance ay pasulyap-sulyap sa dalawa.
Hindi ko alam kung guni-guni ko lang ba ang rumehistrong sakit sa mukha nito nang halikan ni Kuya Simon sa noo si Ate Made.
Palihim kong tiningnan ang mga ito at may kung anong ideyang pumasok sa isip ko.
Wala sa loob na napahawak ako sa dibdib ko at bahagyang hinimas 'yon. Tama ba ang kutob ko?